Chapter 32: Kabanata 32

"Nakakairita kayo! Puny*ta!" sigaw nanaman ni Reyna Emily. Napatingin ako kay Prinsipe Aelino na agad binawi ang kanyang tingin sa akin, nasa magkabilang sulok kami ng balkonahe at isang metro ang pagitan namin.

"Ganyan talaga siya," wika ni Prinsipe Aelino at napatawa pa ng mahina. Nagulat nalang ang lahat nang may sumigaw mula sa loob, "Anong nangyayari Emilya?!" Bumukas ang pinto ng Kastilyo at iniluwal si Haring Valenzo na agad na lumapit sa kanyang asawa.

"Anong nangyari Emilya?" matamis na tanong ni Haring Valenzo at napatingin sa hardinerong nanginginig sa takot. Akmang lalapit na ang Hari sa hardinero ngunit agad siyang hinarangan ni Reyna Emilya.

"Ah wala, Mahal. Tinanong ko lamang kung nagpahinga na ba sila. Kay tirik ng araw ngayon, nakakapaso sa balat,"-napatigil siya ng saglit at nginitian ang mga hardinero- " kailangan ba talagang manatiling maganda ang mga bulaklak?"

"Oo, Mahal... Ang iyong paligid ay dapat makitungo sa iyong angking kagandahan," sagot ni Haring Valenzo dahilan upang mapatawa ako ng mahina na agad ring napansin ni Prinsipe Aelino.

Hindi yata alam ni Prinsipe Aelino na halos masuka na ako sa mga nakikita ko ngayon. Hindi naman sa hindi ako sumasang-ayon sa Hari. Oo, maganda si Reyna Emilya ngunit mapagpanggap ring tao.

"Ano ka ba naman Valenzo, kaya iniibig kita," sagot ni Reyna Emilya at nginitian ang Hari na animo'y makatotohanan. Isinuot at inayos niya ang kanyang korona at nginitian muli ang mga kinakalabutang mga hardinero.

"Oh siya, maiiwan na namin kayo," ngiti ni Reyna Emilya sa mga hardinero at

lumapit sa bisig ni Haring Valenzo.

"Matirik ang araw, Mahal. Pumasok na tayo," malambing na saad ng Haring Valenzo at inalalayan siyang maglakad papasok. Agad namang napahinga ng malalim ang mga hardinero, ang iba nama'y napahawak pa sa kanilang mga dibdib.

"Bakit nga pala nandito sa taas si Lolo? Hindi ba't mapanganib na nandito siya sa itaas? Maaari siyang mapahamak," tanong ni Prinsipe Aelino habang nakatingin parin sa baba ng balkonahe.

"Ahh... 'Di ko rin po alam," palusot ko. Sa totoo lang, 'di ko rin naman talaga alam. Ngunit dito ko rin naman siya unang nakita, dito sa balkonahe. At wala man lang reaksyon si Haring Valenzo nang makita nito ang kanyang ama dito mismo sa balkonahe.

Nakakapagtaka lang...

"Ganun ba, Binibini," sagot ni Prinsipe Aelino at napatango tango pa."Maaari po ba akong magtanong?" tanong ko at bakas sa akin ang lungkot, napalingon naman siya sa aking gawi sabay sabi, "Cge."

"Totoo ho bang uuwi na kayo sa Hirsea?" tanong ko na nagpablanko ng kanyang mukha, napabuntong hininga siya at napahalukipkip.

"Oo, tatlong araw na lamang. Nais ko sanang tumanggi, ngunit wala akong magagawa," -napatigil siya at tumingala sa langit- "may nais pa sana akong kilalanin."

"Si Elena ho ba ang iyong tinutukoy?" tanong ko sa kanya. Nakita ko naman siyang napapikit dahil sa aking tanong.

May mali kaya akong nasabi?

"Maaari po ba akong magtanong muli?" tanong ko at tango na lamang ang isinagot niya dahilan upang lumitaw ang umiigting niyang panga at tatagukan (adam's apple).

"Hindi ba't sinimulan niyo pong magsulat ng kwento? Tatapusin mo po ba ito?" tanong ko na nagpangiti sa kanya.

"Paano po ba kayo nagsusulat ng isang kwento?" dagdag ko pa.

"Alam mo, Elersa. Wala namang dapat sundin na paraan upang magsulat ng isang istorya. Sundin mo lang ang mga ideyang inilalabas ng puso't isipan mo, at kusa itong isusulat ng iyong mga kamay. Nagsusulat ako hindi para sa ibang tao, nagsusulat ako para sa aking sarili," - napatigil siya saglit at lumingon sa akin- "at kung gagawa ka ng isang kwento, dapat mo itong tapusin hanggang sa huli. Huwag mong susukuan, huwag mo itong sisimulan kung wala kang balak tapusin. Dapat handa ka sa lahat ng mga gusto at hindi inaasahang mga pangyayari"

"Ang husay naman po. Pati rin sa pananaliksik ay walang kupas ang iyong talino. Hindi ba't nakakamanghang malaman ang mga bagay bagay gamit lamang ang iyong isip?" Natawa siya sa aking sinabi.

"Ni hindi ko nga mahanap ang aking singsing." Natahimik ako sa kanyang sinabi na animo'y naging estatwa ako sa aking kinatatayuan. Para bang agad na bumilis ang tibok ng aking puso.

"Oh? Bakit natahimik ka riyan?"- tanong niya at lumapit sa akin sabay bulong,- "ikaw ba ang kumuha nito? Elersa?" Napaatras ako dahil sa kanyang sinabi.

"A-ah? H-hind-"

"Nagbibiro lang naman ako, batid kong hindi mo iyon magagawa," ngiti niya sa akin. Nakahinga naman ako ng maluwag ngunit halata parin ang pamumutla ng aking mukha.

Laking gulat ko nang inagaw niya ang gintong payneta sa aking kamay at mas lalo akong linapitan dahilan upang mapaatras ako hanggang sa sulok ng balkonahe. Hinawakan niya ang aking talukbong at dahan dahan itong tinanggal upang maaninag niya ang aking buhok.

"Ginto sa ginto," saad niya at isinuot sa aking buhok ang hawak niyang gintong payneta habang nakangiti. Hindi ko na maiwasang mapatitig sa kanyang mga mata habang tinitingala siya dahil sa kanyang tangkad.

Nagkatinginan kami at nagsimula nang dumagundong ang aking dibdib na para bang tumigil ang takbo ng oras kasabay ang simoy ng hangin.

"Ang daldal mo rin pala no?" saad ko upang basagin ang katahimikan sa pagitan namin.

Napatawa siya dahil sa aking sinabi at dumistansya ng kaunti sa akin sabay sabi, "Umiingay lang ang isang tao sa tamang tao."

Laking gulat ko nang makita ko si Abela na nakatayo sa likod ni Haring Esmael na animo'y kanina pa kami pinapanood.

"A-Abela! Kamusta na ang iyong kalagayan?" tanong ko at nginitian siya. Napatingin siya sa akin at kay Prinsipe Aelino na nakatalikod sa kanya na tila may ipinagtataka.

"Ah... Mabuti naman," ngiti niya sa akin at tumingin sa Prinsipe sabay sabi, "Kamahalan? Ano pong maililingkod ko sa inyo?"

Humarap naman si Prinsipe Aelino kay Abela at isang abot langit na ngiti agad ang ibinigay ni Abela ngunit nanatili paring seryoso ang mukha nito. Taas noong naglakad-lakad si Prinsipe Aelino sa balkonahe at lumapit kay Abela.

"Linisin mo ang aking silid, sa bawat sulok, sa bawat kailaliman, at sa bawat kaitaas-tasaan. Ni isang alikabok ay iyong tanggalin." Parehong nanlaki ang aming mga mata ni Abela dahil sa utos ng Prinsipe.

Kay bilis nga ng oras...

"S-sigurado ho ba kayo?" tanong ni Abela na napahawak pa sa kanyang noo.

"Kalilipat ko lamang roon, kaya't linisin mo. At wag mong gagalawin ang aking mga personal na gamit," sagot ni Prinsipe Aelino at nginitian si Abela, sinuklian niya rin ito ng pilit na ngiti. Nagbigay galang si Abela at kamot ulong naglakad papalayo. Sabay kaming nagkatinginan ni Prinsipe Aelino nang marinig namin ang hiyaw ni Abela na animo'y naiinis.