Chapter 31: Kabanata 31

"Tumigil na ho kayo Kamahalan," pagsuway ko kay Haring Esmael at nabitawan na niya ang Reyna. Dali dali namang tumakbo papalabas ng balkonahe ang Reyna at inis na pinapag-pagan ang kanyang kasuotan.

"Kumalma na ho kayo," ani ko sa hinihingal na matanda dahil sa hindi inaasahang kaganapan. Inalalayan ko siyang umupo at pilit na pinapakalma.

"A-anong nangyari?!" Agad na lumapit si Prinsipe Aelino sa amin at tiningnan ang kanyang Lolo. Tiningnan ako ni Prinsipe Aelino at napailing-iling nalang ako dahil hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ko naman maaaring sabihin na nag-away sila ng kanyang Ina, baka kung ano pa ang mangyari at lumala ito.

"Lolo, kalma na ho kayo," ani ni Prinsipe Aelino. Akmang papainumin niya ito ng tubig ngunit pinigilan ko siya upang ako na ang gumawa nito.

"Ako na ho," saad ko at kinuha ito sa kanyang kamay. Napasandal siya sa balkonahe at pinanood niya ako habang pinapainom ang kanyang Lolo.

"Bakit ka nga pala nagbitiw sa iyong tungkulin... Elersa?" Napatigil ako sa aking ginagawa at napabuntong hininga.

"Nasaan ho si Abela?"-napatigil ako saglit-"hindi ba't kailangang nasa paningin ka niya sa lahat ng oras? Kamahalan?" tanong ko at inilabas ang aking pamaypay sa aking palda at binigyan ng hangin ang Hari upang makahinga ito. "Na kay Jobel siya ngayon," sagot ni Prinsipe Aelino at humarap sa balkonahe.

"Ah... Ganun ho ba," iyon na lamang ang aking naisagot.

Laking gulat ko nang may itanong siya sa akin, "Bakit naroroon ang korona ni Ina?" tanong ni Prinsipe Jobel

Dali dali akong tumabi sa kanya. Hawak ng isang hardinero ang korona ng Reyna habang tila linalamon ng makikislap na bato ang mga mata ng hardinero. Nangangamba ako na baka malaman niya ang nangyari kanina.

"Naparito ba sa balkonahe si Ina?" tanong ni Prinsipe Aelino na mas lalong nagpakaba sa akin. "Ah... P-paano niyo naman ho nasabi iyan, Kamaha---" hindi ko na naituloy ang aking sasabihin nang siya'y sumingit.

"Aelino. Tawagin mo nalang akong A-e-li-no," pagpapaliwanag ni Prinsipe Aelino. Hindi ko na naiwasang matawa dahil sa kanyang pagpapakumbaba, ang taong tulad niya ay siyang katangi-tanging tagapagmana ng trono.

"Kung iyong gagamitin ang iyong karunungan,"- napalunok ako sa kanyang sinabi- " malalaman mong nahulog mula sa mataas na lugar ang korona sa kadahilanang malala ang sira nito." Napatango tango ako sa kanyang sagot ngunit hindi iyon sapat na rason upang magpakumbinsi ako.

"Sa ibaba ng balkonahe ay makikita mo ang malambot na lupa na animo'y lumubog at naghugis korona," pagpapatuloy niya. Napatingin ako sa kanyang itinurong lupa at totoo nga. Hindi man umulan ngayong umaga ay basa ang lupa dahil sa hamog. Napatingin ako sa kanya na may pinulot sa sahig at napanganga ako sa kanyang ipinakita.

"Sugurado akong buhok ito ni Ina, sigurado akong may nangyaring di kahali-halina," tila sumabog na ang utak ko sa kanyang mga pruweba. Ipinakita niya sa akin ang itim na buhok na nasa kanyang palad at napalunok nalang ako dahil sa kaba.

"Oo na! Nagpunta ang iyong Ina rito at nagtalo sila ng iyong Lolo," sagot ko na tila komportable na ako sa kanya kahit na di gumamit ng mga titulo (hal; hari, kamahalan) sa kaniya.

"Sabi ko na nga ba," umiiling na sagot ni Prinsipe Aelino. Napatingin ako kay Haring Esmael na ngayo'y pinapanood lamang ang aming bawat galaw at pag-uusap.

"Siya nga po pala, hindi niyo pa ba alam ang tao sa likod ng krimen?" halos pabulong kong tanong sa kanya dahil baka may makarinig sa akin. Napatingin ako kay Haring Esmael na nakikinig sa amin. Wala pa naman ata siya sa matinong pag-iisip kaya't walang problema.

"Wala pa akong ideya, ikaw ba?" tanong ni Prinsipe Aelino at tila may pumasok na bagay sa aking isipan.

"Maaari po bang bantayan mo muna ang iyong Lolo, may kukunin lamang ako," paghingi ko ng pabor sa kanya. Napakunot siya ng noo at nagtataka akong tiningnan.

"Sige," ngiti niya sa akin. Dali dali akong bumaba ng unang palapag kahit pa man may ilan akong nababanggang tagapagsilbi ngunit agad rin akong nagpapaumanhin. Kinuha ko ang gintong payneta sa ilalim ng aking kama at isinilid ito sa aking bulsa.

"Ano iyan?" tanong ni Prinsipe Aelino at nagtatakang tiningnan ang payneta na aking hawak. "Isang payneta?" patanong kong sagot. Napabuntong hininga na lamang siya at napakalukipkip.

"Alam ko," deretso niyang sagot ngunit nginitian ko na lamang siya na animo'y mayroon akong ipinapahiwatig. "Sabihin mo na," dagdag nito na tila naiinip na sa tagal kong sumagot.

"Nakita ko ito kagabi malapit sa balon, kasama ang ilang dugo na dumanak sa damuhan," pagpapaliwanag ko. Kinuha niya sa akin ang gintong payneta at mabuti itong sinuri. Nagtaka naman ako nang ngumiti lang siya at animo'y pinipigilan ang pagtawa.

"Alam mo ba kung sino ang nagmamay-ari niyan?" tanong ko ngunit nananatili parin siyang nakatitig rito.

"Hindi ko alam kung sino, ngunit ang paynetang ito ay nagmula pa sa Hirsea," sagot ni Prinsipe Aelino ngunit nanlaki ang aking mata nang maalala ko kung sino ang mga nakita kong may suot nito.

Naalala ko ang mga mananayaw na lumahok sa parada noong dumating ang dalawang prinsipe sa Kaharian, sila nga! Sa tagal ko rito sa Pinileo ay hindi pa ako nakakita ng paynetang tulad nito, sigurado akong nagmula nga ito sa Hirsea.

"Ilan ang mga mananayaw na lumahok noon sa inyong parada?" tanong ko na nagpakunot nanaman sa kanyang noo.

"Sa tingin mo ba maaalala ko pa ang mga detalyeng iyan? " tanong ni Prinsipe Aelino at napatawa tawa pa. "Ngunit sa tingin ko, mayroong mahigit dalawampu ang lumahok. Mahihirapan tayong tuntunin ang totoong nagmamay-ari niyan bagama't taga Hirsea lahat ng mananayaw. At isa pa, matagal na silang nagsi-uwian," pagpapaliwang niya. Napatango tango ako sa galing niyang sumagot at bakas sa aking mukha ang pagkamangha.

"Ngunit sa tingin mo, may isa kaya sa kanila ang hindi umuwi sa Hirsea?" tanong ko sa kanya. Napahawak siya sa kanyang baba at napaisip ng ilang minuto.

"Maaari nga," Napangiti ako sa kanyang sagot, at sa tingin ko'y malapit na naming mahanap ang kasagutan.

"Ngunit malabong siya ang pumasl*ng, hindi siya ang nasa likod ng krimeng ito," dagdag niya. Napakunot naman ako ng noo at tiningnan siya ng mabuti kung totoo ba ang kanyang winiwika.

"Paano mo naman iyan nasabi? " tanong ko at nginitian niya lang ako nang may halong di maintindihang sagot.

"Sabi mo, may ilang dumanak na dugo sa damuhan. Tama ba ako?" tanong niya at napatango lang ako.

"Ngunit may dugo rin rito sa payneta, sigurado akong ang nagmamay-ari nito ang pumasl*ng," pagsasalungat ko sa kanya ngunit napatawa na lamang siyang muli.

"Maaari mo bang ilarawan ang dugong iyong nakita kagabi?" tanong n Prinsipe Aelino at nginisian ako.

Napabuntong hininga muna ako bago nagsalita, "Ang dugong aking nakita kagabi ay presko pa---- " napatigil ako sa aking pagsasalita nang agad siyang sumingit sa akin.

"Tama! Presko pa ang mga dugong nakita mo kagabi bagama't ang krimen ay naganap na ilang araw bago mo ito nakita! -napahalukipkip siya- "at kung dugo man ito mula sa krimen, matagal na itong nawala dahil sa sunod sunod na buhos ng ulan nitong mga nagdaang araw."

Namangha ako sa kanyang mga sinabi na animo'y nalaglag ang aking panga sa sahig. Hindi ko akalain na magaling siya sa mga maraming bagay, hindi lamang sa musika ngunit pati na rin sa paghahanap ng mga kasagutan.

"Ang lahat ay pawang patibong lamang, hindi mo ba napapansin?" seryosong saad ni Prinsipe Aelino. Kung susuriin nga, talagang walang koneksyon ang aking mga nakita kagabi. Pinuyotan niya ang hawak niyang buhok na mabilis na tinaboy ng hangin.

Narinig ko ang pagbukas ng pinto mula sa ibaba at ang sunod sunod na yapak na gumagawa ng tunog. Mula sa balkonahe ay nakita kong lumabas si Reyna Emilya at agad na sinampal ang hardinerong hawak ang kanyang korona. Agad namang nagpaumanhin ang hardinero at dali daling bumalik sa kanyang ginagawa.

"Mga hampaslupa!" sigaw ni Reyna Emilya at pinandilatan niya ang hardinero na ngayo'y halos mamatay na sa kaba.

"Anong tinitingin-tingin niyo diyan?! Magsibalikan kayo sa inyong mga trabaho!" sigaw ni Reyna Emilya sa ilang mga trabahador na natunganga sa kanilang nakita, agad naman silang nagbigay galang at kasing bilis ng kidlat silang nagsibalikan sa kani-kanilang mga tungkulin.