Chapter 30: Kabanata 30
"At sa iyong kasintahan na ubod ng kagandahan, ikinagagalak kong makilala ka." Itinapat niya ang kanyang sumbrero at yumuko sa aming harapan. Naglakad na siya papalayo nang paika-ika at napaupo sa tabi ng isang lalakeng pormal rin ang pananamit. Nagmumistulang isang abogado ang lalake sa kanyang tindig, sa tingin ko'y kaibigan ito ni Heron at Prinsipe Jobel.
"Ikaw si Elena?" nagtatakang tanong ni Prinsipe Jobel habang nakatingin sa akin, napatawa siya bigla at uminom ng alak.
"Uminom ka rin oh."
Ibinigay niya sa akin ang bote ng alak habang nakangiti. Nanginginig ang kamay kong kinuha iyon.
"Sige, sige!" sumigaw pa ako dahil sa ingay ng paligid. Kinuha ko sa kanya ang alak at tinikman iyon. Parang nasusuka ako sa magkahalong tapang at pait ng alak, napapapikit pa ako dahil rito.
"Ano? Masarap ba?"
"Nakakasuka."
Uminom akong muli ng alak at tila nawawala na ang pait ang tapang nito. Hindi ako makapaniwalang naubos ko agad ang bote, namangha pa si Prinsipe Jobel dahil rito.
"Isa pa?" Iniabot niya sa akin ang kanyang alak, kinuha ko naman ito at dahan-dahang ininom hanggang sa ito'y maubos. Nagsisimula na akong mahilo at napapahawak pa sa aking ulo. Tila naglalaro na ang mga bagay-bagay sa paligid.
Narinig ko ang isang pamilyar na musika kaya't inilapag ko ang bote sa lamesa at
hinila ang kamay ni Prinsipe Jobel. Hinayaan niya akong sumayaw sa gitna habang winawasiwas ang aking palda na minsan ko na ring ginawa sa kanyang harapan.
Nakatitig lang siya sa akin kasabay ang malakas na musika at napakaraming taong nagsasayawan sa paligid. Nginitian ko rin siya habang patuloy ang aking sayaw. May lalakeng lumapit sa akin at sumabay sa aking pagsayaw.
"Ano ulit ang pangalan mo?"
"Elena."
Akmang lalapit na siya sa akin nang makaramdam ako ng hilo dahilan upang matumba ako sa sahig. Hindi ko iyon ininda at tumayo muli, mabilis ring lumapit si Prinsipe Jobel at ako'y tinulungan. Lumayo na ang lalakeng kausap ko kanina dahil sa paglapit ng Prinsipe. Sumabay siya sa aking sayaw kahit pa man hindi niya alam ang mga kilos nito.
"Jobel!" sigaw ko, sapat upang marinig niya. Agad naman siyang lumapit sa akin.
"Bakit, Elersa?!" Napatigil ako sa pagsayaw, gayun rin siya. Napatitig siya sa akin. "Nahihibang ka na ba sa akin?"
"Hindi! Bakit naman ako mahihibang sayo? Ang sungit mo!" Hindi ko na makontrol ang mga pinagsasabi ko. Napatawa pa siya sa aking sagot.
"Baka ikaw? Nahihibang ka na ba sa akin?!"
"Medyo."
Napatawa-tawa ako sa sagot niya. Malapit na akong matumbang muli ngunit agad niya akong naalalayan. Akmang kukunin ko na sana ang alak sa isang lamesa nang pigilan niya ako.
"Umuwi na tayo."
***
KINAUMAGAHAN, laking gulat ko nang magising ako sa malambot na higaan. Natatamaan ng araw ang aking mga mata dahilan upang masilaw ako.
Iba ang amoy ng paligid na animo'y lahat ay nabahiran ng pabango.
"Tagal mo naman magising." Mabilis akong bumangon at kinusot ang aking mga mata. Napatingin ako kay Prinsipe Jobel na umiinom sa tapat ng bintana.
Agad agad akong bumangon at inayos ang sarili.
"Ang sarap," wika niya at humigop sa kanyang iniinom. Nagtako ako sa kanyang sinabi.
"A-anong nangyari?"-napatakip ako aa aking bibig-"bakit ako nandito?" Inilibot ko ang aking paningin sa paligid.
"Aba, eh malay ko!"
Mabilis akong lumabas ng silid at pumunta sa aming silid. Nagmumog ako dahil sa amoy alak na aking naaamoy sa aking bibig at inayos ko ang aking sarili sa tapat ng salamin. Wala akong maalala kagabi.
"Saan ka nanggaling, Elersa?" nagtatakang tanong ni Jaime.
"Hindi ko alam."
"Hindi mo alam?! May gano'n ba?" Napakamot sa ulo si Jaime at umiling iling. Kita ko parin ang sugat sa kanyang noo.
"Mabuti na ba ang iyong karamdaman?" Hindi sa binabago ko ang aming pinag-uusapan, ngunit nais ko siyang kamustahin.
"Sugat lang 'to." Nginitian niya ako at umalis na ng silid. Sumunod naman ako at itinungo ako ng aking mga paa sa balkonahe ng Kastilyo
Abala ang lahat sa araw ng pagbabayad ng buwis. Maraming tao ang nagtipon-tipon at maagang pumila sa Templo, mahaba haba ang pila na aking nakikita mula sa ikalawang palapag ng Kastilyo. Sumikat na ang araw at maaliwalas ang panahon, ang pamilihan ay dinadagsa na rin ng maraming tao.
"Si Adele..." bulong ni Haring Esmael at napangiti-ngiti sa hindi malamang dahilan. Napabuntong hininga nalang ako at tumabi sa kanya.
"Kumain po kayo Kamahalan upang makita niyo na po si Reyna Adele," wika ko at nginitian siya."Totoo ba iyan anak?" tanong ni Haring Esmael at naging malungkot ang kanyang emosyon na kanila lang ay masaya.
"Opo! Makikita niyo siya!" magiliw kong sagot sabay ngiti. Hinalo ko ang gatas na nasa kanyang gilid, hiniwa ang malaking tinapay at inilagay ito sa kanyang plato.
"N-ngunit wala na si Adele," aniya. Napahinto ako sa aking ginagawa dahil sa hindi ko malamang dahilan. Napatingin ako sa Hari na ngayo'y tumitingala sa bughaw na langit.
Ang pag-ibig niya sa kanyang sinisinta ay ang siyang nagdala sa kanya sa kanyang kalagayan ngayon, at batid kong ang makakapagpagaling na lamang sa kanya ay ang pagtanggap sa nangyari. Kinakailangan niya rin ng makakausap at mapagsasabihan ng mga bumabagabag sa kanyang loob.
"Tama po kayo, Kamahalan,"-napatigil ako ng saglit- "wala pong mawawala kung tatanggapin niyo na ang kanyang sinapit."
Napatingin siya sa akin nang may blankong mukha at nagwika, "A-ano ang iyong pangalan?" Napangiti ako sa kanyang tanong na animo'y napapalapit na ako sa kanya.
"Ako po si Elersa," sagot ko at sinubuan siya ng kapirasong tinapay.
"Kay gandang ngalan," sagot ni Haring Esmael habang nginunguya ang tinapay na aking isinubo.
"Ilang taon na ho ba kayo, Kamahalan?" tanong ko. Oo nga pala, sa tingin ko'y 'di niya ito maaalala dahil sa kanyang kalagayan. Laking gulat ko nang sumagot siya.
"Ako'y isang daan at tatlumpu't walong taon na." Napatango tango na lamang ako sa kanyang sagot, ngunit may pagaalinlangan pa ako kung tama ba ang kanyang kasagutan.
"Ako naman ay dalawampu't siyam na taong gulang na ho," magiliw kong saad.
Tila agad na bumilis ang tibok ng aking puso nang sumingit si Reyna Emilya sa aming usapan,"Siya'y isang daan at limampu't isang taon na."
Agad akong napatayo ng tuwid dahil sa takot, at agad na nagbigay galang sa kanya. Dahan dahan siyang naglakad haggang sa harap ng balkonahe at inilibot ang paningin sa paligid habang ako'y nananatili paring nakayuko.
Nagulat nalang ako nang agad na magwala ang hari at dali-daling sinunggaban si Reyna Emilya, "I-ikaw!" sigaw ni Haring Esmael at pilit na itinutulak ang Reyna sa gilid ng balkonahe.
Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan, hindi ko alam kung may karapatan ba akong makialam sa kanilang pagtatalo.
"B-bitawan mo ako!" sigaw ni Reyna Emilya at pilit na kumakawala sa pagtulak at pagsabunot ng matanda. Napatingin ako sa kanilang dalawa, si Haring Esmael ay sinisikap na inaabot ang gintong korona ng Reyna.
"Hindi ka nararapat! Hindi ka nararapat!" sigaw ng matanda at nahulog sa balkonahe ang korona ng Reyna. Hindi na ako nag-alinlangan pang umawat sa kanila dahil sa mas lumalala nilang sitwasyon.