Chapter 29: Kabanata 29

"Saan ba tayo tutungo, Kamahalan?" Madamo ang aming dinaraanan, iisang lampara lang ang nagbibigay ng liwanag sa amin. Hinawi niya ang matayog na damo at nakita ko ang isang kalesa sa di kalayuan. Napatingin ang kutsero na pamilyar sa akin, tila nakilala ko na siya.

Si Mng. Redjo! Tama!

Dali-dali siyang bumaba sa kalesa at itinapat ang sumbrero sa kanyang dibdib habang nakayuko.

"Sundan mo ako." Hinawakan niya ang aking kamay na aking ikinagulat.

"Dalawa lang kayo, Kamahalan?" tanong ni Mng. Redjo habang inaayos ang kanyang sumbrero.

"Tatlo po kami," pagbibiro ni Prinsipe Jobel na ikinailing-iling ng kutsero. "Bilisan po natin, Mng Redjo."

Agad na sumakay ang kutsero sa kabayo at hinipo ang ulo nito. Nauna nang pumasok si Prinsipe Jobel sa kalesa at napatingin sa akin. "Hindi ka ba sasama?"

Inaasahan kong ilalahad niya ang kanyang palad sa akin, ngunit hindi ito nangyari. Itinaas ko ang aking palda at dahan-dahang umakyat sa kalesa. Umupo ako sa tabi ni Prinsipe Jobel. Malakas na sumigaw ang kabayo kasabay ang pag-takbo nito.

"Saan tayo tutungo, Kamahalan?" Inaayos nito ang kanyang kasuotan at seryoso ang kanyang mukha.

"Maghintay ka nalang." Tila nanuyo ang aking bibig dahil sa kanyang sagot. Mas nais ko nang tumahimik kaysa makatanggap nanaman ng mga salitang di kahali-halina. Nakarinig kami ng pagbukas ng lagusan at isang guwardiya sibil ang lumapit sa kutsero. May hinahanap si Prinsipe Jobel sa kanyang bulsa habang nakakagat pa sa kanyang labi.

"Ito." Iniabot niya ang salapi sa kutsero na iniabot rin nito sa guwardiya sibil. Nakita ko pang ngumiti ang guwardiya sibil pagkatapos ay isinuksok ito sa kanyang bulsa. Narinig ko pang nag-uusap ang dalawa at tumatango-tango lang ang guwardiya sibil na animo'y nasilaw sa pera.

"Nagugutom ka ba?" Hindi ako makatingin kay Prinsipe Jobel na nakatingin lang sa kanyang harapan. "Kakain tayo mamaya."

Ngumiti siya at bumaling sa akin.

"Walang problema, Kamahalan." Tumango-tango siya sa aking sagot. Laking gulat ko nang agad na huminto ang kalesa dahilan upang mapalapit kami sa isa't isa. Dali-dali rin niyang inayos ang kanyang sarili.

"Susundin mo ba lahat ng aking iuutos?"

"Oo."

"Paano kung iutos kong tumalon ka ngayon sa kalesa?" Gulat akong napatingin sa kanya habang nakakunot ang noo. "Susundin mo ba?"

"H-hind- Opo, Kamahalan." Parang natawa pa siya sa aking kasagutan.

Pinaglalaruan ba niya ako?!

"Paano kung iutos kong maging kasintahan kita?" Napaubo ako at napahawak pa sa dibdib dahil sa gulat. "Ayaw mo ba no'n? Titira ka na sa Kastilyo, magsusuot ng magarbong kasuotan, at magiging Reyna ng isang Kaharian."

Napalunok pa ako dahil sa kanyang winika.

Seryoso ba siya?!

"S-siguro." Napatakip ako bigla sa bibig na ikinagulat ni Prinsipe Jobel. Napatingin siya sa akin at pinalobo ang kanyang pisngi na animo'y pinipigilan ang pagtawa. Parang nais ko nang sundin ang utos niya na tumalon sa kalesa dahil sa kahihiyan.

"Nandito na tayo." Tumigil ang kalesa sa isang tahimik na lugar. Agad agad na bumaba si Prinsipe Jobel sa kalesa, at inilahad ang kanyang kamay sa akin.

"Ang unang babaeng taga-Pinileo na makakahawak ng kanyang palad," kinikilig na wika ni Mng. Redyo na animo'y naging batang binigyan ng minatamis. Napatingin ako sa Prinsipe na hinihintay ang aking pagbaba habang nakalahad ang palad nito.

"Hindi ako ang paglilingkuran, ikaw dapat ang aking pinaglilingkuran." Dali-dali akong tumalon sa kalesa na ikinagulat rin ni Mng. Redyo.

"Sayang..." Napailing-iling pa ang kutsero.

"Mng. Redyo, nais mo bang sumama sa loob?" tanong ni Prinsipe Jobel na agad na tinanggihan ng kutsero.

"Hindi na, hihintayin nalang namin kayo rito." Hinipo-hipo niya ang kanyang puting kabayo.

Napatingin ako sa isang mataas-taas na gusali, ngayon ko lang ito nakita sa tagal ko sa Kahariang ito. Sa tingin ko'y mas marami pang alam si Prinsipe Jobel sa lugar namin kahit pa man ilang araw pa lamang siya rito.

"K-kailangan mo pa bang tumungo rito upang mamahinga?"

Isinuot niya ang kanyang sumbrero at inayos ito. "Tayo'y pumasok na."

Pagkapasok palang namin ay naglalakasang musika na ang bumungad sa amin. Maraming lampara sa paligid dahilan upang maging maliwanag sa loob. Kaliwa't kanan rin ang mga nagsasayawang mga kababaihan at kalalakihan. Maraming nag-iinuman sa bawat sulok habang nagsisitawanan, ang iba ay nagsusugal at tanging ang kanilang sigaw ng kaligayahan ang naririnig.

Ang gulo.

Laking gulat ko nang may makita akong naghahalik*n sa isang gilid, agad akong umiwas ng tingin at napabuntong hininga.

"Aalis na ako." Akmang aalis na ako ng hawakan ni Prinsipe Jobel ang aking pulsuhan. "Ano?"

"Sabay tayong uuwi, at ito ang aking utos." Nginitian niya ako na nagbibigay ng inis sa akin. Napatakip ako sa aking bibig dahil sa gulat nang may matumbang lalake sa aking harapan habang hawak ang isang alak. Agad siyang hinatak ng kasamahan niya at pinaupo. Walang tigil ang ingay sa loob na animo'y punong-puno ng karahasan.

"Kay ganda mo, ano ang iyong pangalan ?" Agad akong hinila ni Prinsipe Jobel nang may lumapit sa akin. Pinaupo niya ako at naglakad papunta sa bilihan ng alak na animo'y walang nakakakilala sa kanyang pagkakakilanlan.

"Anong pangalan mo?" Napatingin ako sa lalakeng tumabi sa akin, maganda ang kanyang tindig at mukhang mayaman. Pamilyar ang kanyang mukha na animo'y nakita ko na noon. Nakita kong tumitingin-tingin si Prinsipe Jobel sa amin.

"Ako si Ele-" napatigil ako saglit at napaisip- "Elena. Ako si Elena."

Hindi ko nais malaman ng sinuman ang aking pagkakakilanlan, hindi ko mawari kung saan ko nakuha ko ang pangalang jyon.

'Elena'

Napatango ako nang marinig ang boses ni Prinsipe Jobel at Aelino sa aking isipan.

Umusog ako papalayo ng kaunti sa lalake ngunit lumapit rin siya.

"Ako si Heron." Inilahad niya ang kanyang palad sa akin na agad ko ring tinanggap at dali-daling binitawan. Nakita kong sumusulyap-sulyap si Prinsipe Jobel sa amin.

"Isa kang kapitan ng barko?" tanong ko dahil ito ang napansin ko sa kanyang kasuotan.

"Oo." Ngumiti pa siya at uminom sa alak na kanyang hawak. "May kasama ka ba?"

"Oo. Si Prinsipe-" napatigil ako saglit "-si... Si Prinsipe Jobel ba, nakita mo na?" pagbabago ko ng usapan. Nagtaka ako nang tumawa siya at umiiling-iling.

"Oo, magkaibigan kami." Lumapit si Prinsipe Jobel sa amin hawak ang tatlong bote ng alabastro. Inilapag niya ito sa lamesa at iniabot ang isa kay Heron.

"Ang binibining ito, sinasabing hindi ka niya kasama." Natatawa pa si Heron at tinapik ang balikat ni Prinsipe Jobel.

"At Elena daw ang kanyang ngalan?"

"Elersa," pagwawasto ni Prinsipe Jobel at uminom ng alak. Napatango si Heron habang nakatingin sa akin na animo'y dismayado sa aking pagsisinungaling.

"Sige, maiiwan ko na kayo." Tumayo si Heron at nagbigay galang kay Prinsipe Jobel habang natatawa. "Paalam, Kamahalan."

Lasing na.