Chapter 28: Kabanata 28

"K-kailangan po kasi ng kaibigan kong dumudu---" hindi ko na natapos ang aking sasabihin nang mapagtanto ko na kailangang kailangan na pala ang tubig na aking maiigib.

"Paalam na ho," pagpapatuloy ko at nagbigay galang. Ngumiti naman siya pabalik sa akin na animo'y matagal na kaming magkakilala. Dahan dahan akong naglakad papalayo at pumasok sa Kastilyo. Naabutan ko si Jaime na ngayo'y dumurugo parin ang noo. Agad kong inilapag sa sahig ang timbang may lamang tubig na dali-dali namang kinuha ng di'ko kilalang babae.

"Bakit ang tagal mo, Elersa?" tanong ng babae na aking ikinagulat.

Kilala niya ako?

Ibinabad niya ang puting tela sa timba ng tubig at piniga ito, pagkatapos ay ipinahid ito sa noo ni Jaime dahilan upang lumipat ang ilang dugo sa tela. Nang tumigil na ang pagdurugo ay linapatan ito ng babae ng ilang halamang gamot at kumuha ng tuyong tela upang itali ito sa kanyang ulo.

"Kamusta ka, Jaime?" nagaalala kong tanong at tumabi sa kanya. bNapabuntong hininga nalang siya, hinawakan ang aking kamay at sabay ngiti.

Mabilis lumipas ang oras at naging normal rin ang lahat. Nagsitulugan na ang iba at ako nama'y nakaupo parin sa aking kama habang tinitingnan si Jaime, kinapa ko ang aking butsaka (pocket) at inilabas ang gintong payneta na aking napulot sa

hardin.

Kailangan ko kaya itong itago? Paano kung mawala ko nanaman ito gaya ng singsing? Napahinga ako ng malalim at inilagay nalang ito sa ilalim ng aking kama.

Akmang hihiga na ako nang makarinig ako ng isang pamilyar na boses.

"Elersa," isang bulong na diko batid kung saan ito nagmumula.

Baka guni-guni ko lamang ito.

Naestatwa nalang ako ng marinig kong muli ang boses, at ngayon ay naging mas malalim at nakakatakot ito.

"Elersa..." agad kong inilibot ang aking paningin sa madilim na silid at bigla na lang namatay ang mga lampara sanhi ng hangin.

"Elersa! Nandito ako. Pssst!" napahinga nalang ako nang maluwag nang makilala ko ang pamilyar na boses na iyon. Agad akong tumungo sa bintana at nakita ko si Taniel na nakaupo sa bangko (bench) sa labas, sa ilalim ng puno. Dali dali siyang lumapit sa akin at tiningnan ako nang matalim.

Elersa..." ulit niya na animo'y nang-iinis dahil napakilabot niya ako kanina. Kinunotan ko siya ng noo, at napatawa siya nang pilit sabay hawak sa kanyang balikat.

"Bakit ka naparito?" seryoso kong tanong sa kanya dahilan upang mapatigil siya sa kanyang pagtawa."Biro lang... Kamusta ka na? Sina Ate? Si Kuya? Si Itay at si Nilo?" sunod sunod kong tanong sabay tawa ng mahinhin.

"Tssssk," pagtataray niya at iniwasan ako ng tingin.

May problema ba?

"Hindi ka ba natatakot na pumapasok sa Kastilyo sa iyong sariling kagustuhan?" Hindi niya ako inimik.

"Bakit hindi ka sumipot?" seryoso niyang tanong niya na aking ipinagtaka.

Hindi ako sumipot, saan?

Napahawak ako sa aking baba at napaisip-isip. Wala akong maalala, napahawak pa ako sa baba habang pilit na inaalala ang kanyang tinutukoy. Para akong nabuhusan ng malamig na tubig nang mayroon akong maalala.

Hindi ko siya sinipot sa batis!

"Eh kasi..." pangangatwiran ko at pilit na ngungimiti habang napapakamot sa aking ulo.

"Dahil?" pagpapatuloy niya sa aking sasabihin. Napaisip ako ng ikakatwiran at may pumasok sa aking utak. "D-dahil nagbago nang biglaan ang aking tungkulin," pangangatwiran ko at ngumiti ngiti sabay taas ng kanang kilay. Tila hindi siya kumbinsido sa aking katwiran.

Napakunot siya ng ulo at nginisian ako.

"Sa totoo lang, hindi ko na pinagsisilbihan ang mga Prinsipe," dagdag ko. Laking gulat ko nang hawakan niya ang aking kamay at abot langit ang kanyang ngiti.

"T-Talaga?!" masaya niyang tanong. Tumango na lang ako na siyang nagpasaya nang lalo sa kanya.

"Wag ka ngang maingay, baka mayroong makarinig sa atin." Tumawa siya nang mahina.

"P-pero totoo?"

"Oo nga," sagot ko sabay tango at may halong ngiti sa labi.

"P-Pero ano bang nasa batis? Bakit tila napakaimportante nito?" tanong ko at tiningnan siya nang may pagtataka sa mukha. Lihim naman siyang napangiti dahilan upang lumitaw ang kanyang magkabilang biloy (dimples) sa pisngi.

Napahinga siya ng malalim at tumingin sa akin nang walang emosyon. Dahan dahan niyang inabot ang aking kamay mula sa bintana at hinawakan ito dahilan upang kumalabog ang aking dibdib. Napatingin ako sa kanya na ngayo'y di maipaliwanag ang mukha, ngumiti siyang muli na tila nagpainit sa aking puso.

"Elersa..." saad ni Taniel. Di'ko maipaliwanag ang aking damdamin, magkahalong kaba, saya, takot, at pag-aalinlangan ang naglalaro sa aking puso. Nagtitigan kami sa isa't isa na animo'y nag-uusap ang aming mga mata sa kanilang sariling paraan.

"Elersa... Alam kong mali. Alam kong kahit hindi maaari, at kahit baliktarin mo pa ang oras. Ngunit nais ko lang na malaman mo," - napatigil siya ng bahayga at napabuntong hininga- "na maha---" di niya na naituloy ang kanyang sasabihin nang agad na may sumigaw sa di malaman na direksyon.

"Hoy! Sino ka?!" Napatingin sa akin si Taniel at nginitian akong muli.

"Paalam," saad niya at binitawan na ang aking kamay. Sabay kaming napatingin sa guwardiya sibil na nasa mataas na pader habang may hawak na isang lampara. Agad niyang ginising ang kanyang mga kasamahan at pinagsasampal pa ang mga ito dahil tila langis na nakatulog dahil sa lamig. Agad na kumaripas ng takbo si Taniel na animo'y alam ang bawat daan sa Kastilyo.

"Habulin siya!" sigaw ng guwardiya sibil at sabay sabay silang bumaba sa hagdanan ng matayog na pader. Naalarma rin ang ilang mga guwardiya sibil sa mga kabilang destino ng pader dahilan upang sila'y sumugo. Hindi ko alam kung nasaan na si Taniel ngunit alam kong nasa mabuting kalagayan na siya, ngunit 'di ko maiwasang mangamba.

Dahil kagigising ng ilang guwardiya sibil ay di nila nabalanse ang kanilang pagtakbo pababa ng hagdanan dahilan upang mahulog sila at maisama ang ibang nasa kanilang unahan.

"Anong hinihintay niyo?! Hulihin niyo siya!" sigaw ng isa sa mga guwardiya sibil ngunit walang sinuman sa kanila ang sumunod dahil sa sakit na kanilang iniinda. Naabala rin ang ilang tao sa loob ng Kastilyo at nagsiilawan ang ilang lampara sa bawat silid.

Napasapo-sapo ako sa aking noo, nababahala ngayon sa sitwasyon ni Taniel. Paano kung mahuli siya? Maaari sjyang makulong dahil sa kanyang pinaggagagawa.

Napatingin ako sa labas, malalim na ang gabi. Tanging ang huni lamang ng mga uwak ang naririnig sa paligid. Isinuot ko ang aking sandalyas at talukbong, inilabas ko rin ang gintong payneta mula sa ilalim ng aking higaan at ito'y ginamit.

Pinaplano kong lumabas, bagama't hindi ako makatulog.

Malalakas ang huni ng mga kasama kong tagapagsilbi na mahimbing nang natutulog. Iisang lampara lang ang nagbibigay ng liwanag sa malawak na silid at ang maliwanag na buwan na nagmumula sa bintana. Dahan-dahan akong lumabas at pinakiramdaman ang paligid, wala nang katao-tao at ilang kubyertos nalang ang naririnig mula sa kusina.

Ramdam ko ang kabang nararamdaman ko sa hindi malamang dahilan, maging ang noo ko ay namamawis. Akmang lalakad na ako nang makarinig ako ng yapak sa hindi ko malamang lugar, mas lalo akong kinabahan sa aking mga narinig.

Tila mas bumibilis ang paglakad nito na siya ring pagbilis ng aking paglakad na gumagawa ng huni sa sahig. Dinig ko ang dumadagundong kong dibdib at nagsimula na akong tumakbo sa pasilyo. Patuloy parin itong sumusunod na animo'y batid nito ang aking kinikilos.

Hinahabol ko na ang aking paghinga habang patuloy na tumatakbo. Halos dumidilim na ang aking dinaraanan, kinakabahan sa bagay na sumusunod sa akin.

Ano ito?! Pusa nanaman ba?!

Napahinto ako sa pagtakbo nang mabunggo ko ang likuran ng isang matangkad na lalake. Agad-agad akong napaatras dahil sa takot na aking nararamdaman. Maging siya ay naestatwa rin kasabay ang sunod-sunod na yapak na papalapit sa amin. Laking gulat ko nang agad akong hatakin ng lalake sa isang napakadilim na sulok.

"Sino ka?" malalim ang kanyang boses. Tinatakpan niya ang aking bibig gamit ang kanyang palad , at ang katawan ko na kanyang yakap mula sa likuran. Ramdam ko rin ang mainit na kanyang hininga na dumadampi sa aking leeg na animo'y nagbibigay ng sensasyon sa aking katawan.

Natahimik kami nang mapadaan ang isang babae na animo'y nagmamadali. Halos ramdam ko ang kabang kanyang nararamdaman habang tumitingin sa paligid, sinisiguradong walang sinumang tao. Tinanggal nito ang kanyang sandalyas at binitbit ito upang hindi na gumawa ng ingay. Kumaripas siya ng takbo na animo'y may humahabol sa kanya.

"Oo nga pala." Tinanggal niya ang kanyang palad sa aking bibig. "Sino ka?"

"Ikaw?!" sabay kaming napasigaw nang mahina nang mapagtanto kong si Prinsipe Jobel lang pala ito.

"A-ano nanamang ginagawa mo? Bakit ka nagmamasid sa paligid?"- hinarap niya ako-"Isa ka ba talagang espiya?"

Kahit pa man nakapakadilim ng paligid ay ramdam ko ang nanlilisik niyang mga mata habang nakatingin sa akin.

"Ganyan parin ba talaga ang paningin mo sa akin? Isang espiya?" Akmang lalayo na ako sa Prinsipe nang muli niya akong hatakin pabalik dahilan upang mapalapit kami sa isa't isa. Sumenyas siya na ako'y tumahimik nang may guwardiya sibil ang kumaripas ng takbo sa pasilyo hawak ang isang lampara.

"Puma-paraan?" Agad akong lumayo sa kanya at di makapaniwala sa mga nangyari. Nakita ko siyang umiling-iling at inunahan akong maglakad sa pasilyo. Lumiliwanag na rin sa aming dinaraanan dahilan upang mapansin kong maganda ang kanyang kasuotan. Yumayakap ito sa kanyang braso't katawan na aking kitang-kita mula sa kanyang likuran.

"S-saan ka tutungo? Prinsipe Aelin---Jobel?"

"Bakit mo tinatanong? Nahihibang ka na ba sa akin?" Umaalingaw-ngaw ang aming boses sa madilim na pasilyo. Tila nag-init ang aking ulo sa kanyang sinabi.

"Nais ko lang malaman." Sumusunod parin ako sa kanya, walang kaalaman kung saan siya tutungo. Napahinto siya sa paglalakad na nagpahinto rin sa akin.

"Nais ko lang mamahinga, nakakapagod buong-araw." -napahinto siya saglit at humarap sa akin- "nais mo bang sumama?"

"Hindi ako interesado," deretso kong sagot. "Sayo."

Napangisi siya at mabilis na lumapit sa akin. Mas lalong kumalabog ang aking dibdib dahil sa lapit ng kanyang mukha sa akin. "Ako si Prinsipe Jobel, ang iyong pinaglilingkuran. Nais kong sumama ka, at ito ang aking utos."

Natakot ako sa kanyang mga sinabi sa 'di malamang dahilan. Parang paulit ulit na sumasagi sa isip ko ang kanyang mga sinabi, tila ngayon lang sumagi sa aking isipan na dapat ko rin siyang igalang. May kapangyarihan siya upang ako'y mapahamak. Isa siya sa mga pinakamatataas na persona sa Kaharian, at kailangang tratuhin ko rin siya nang may paggalang.

Nakatitig ako sa tila umaapoy na kanyang mga mata, napaatras ako sa hindi malamang dahilan.

"S-sige po, Kamahalan." Napansin niya rin ang nanginginig kong boses. Tila pinagsisisihan kong lumabas pa ako ng silid. "Masusunod po."

Tumango-tango siya sa akin at ginulo ang aking buhok na animo'y isang tupa. Ngumiti siya at tiningnan ako sa mga mata. "Huwag kang matakot sa akin, Elersa."