Chapter 27: Kabanata 27

Ako nama'y nasa unahan ng kabilang helera at ang pinakamalapit sa bintana. Nasa harapan ko lamang lamang ang dalawang babaeng tila may hidwaan sa isa't isa.

"Sumikip lalo ang silid ngayong araw. Haysst," tugon ni Jaime at ipinagpag ang telang kanyang tinutupi dahilan upang magsiliiparan ang mga alikabok nito papunta kay Abela. Napatakip ng ilong si Abela at napa-paypay sa hangin gamit ang kanyang palad.

"Kamusta ang inyong mga araw?" tanong ko ngunit hindi sila umimik. Tinanggal ko ang akinh panyapak at itinago sa ilalim ng kama.

"Ako'y hihingi na lamang ng pakiusap sa Hari kung maaaring mailipat ako sa mas komportableng silid," singit ni Abela at napatakip sa kanyang bibig nang siya'y humikab.

"Kamusta kayong dalawa riyan?" Napatingin sila nang sabay sa akin.

"Walang problema," sabay na tugon ni Abela at Jaime, sabay silang nagtinginan sa isa't isa. Agad silang nag-iwasan ng tingin at ibinaling nalang ni Abela ang kanyang pansin sa kanyang mahabang buhok habang sinupayneta ito gamit ang kanyang mga daliri. Si Jaime naman ay ibinalik ang kanyang atensyon sa pagliligpit ng kanyang mga kasuotan.

"Kami'y nagmamabutihan lamang, Elersa. Hindi ba---" hindi na natuloy ni Jaime ang kanyang sasabihin dahil sa tingin ko'y hindi pa niya batid ang kanyang pangalan.

"Siya nga pala si Abela," pagpapatuloy ko sa kanyaat napatango tango na lamang si Jaime. Ano ba nanaman nakain ng mga ito? Talagang hindi sila magkakasundo.

"At Abela, siya si Jaime," dagdag ko at tumango na lang rin siya bilang sagot. Inilibot ni Abela ang kanyang paningin sa buong silid na ikinatitingin rin ng ilang tagapagsilbi.

"Makatulog na nga lang, nawa'y sila'y aking mapanaginipan," kinikilig na saad ni Abela at pinandilatan si Jaime. Tumayo si Abela sa kanyang higaan at hindi niya inaasahang masasagi ng kanyang palda ang mga gamit ni Jaime na nakapatong sa maliit na aparador.

Nahulog ang isang bote sa sahig dahilan upang mabasag ito at gumawa ng malakas na ingay na agarang ikinatingin ng marami. Kumalat ang pulang likido sa sahig na sa tingin ko'y gamit palamuti ni Jaime.

"Hayop ka!" sigaw ni Jaime at dali daling inilapag sa kanyang higaan ang kanyang mga tinutuping tela. Agad agad niyang sinunggaban ng malakas na sampal si Abela na mas lalong ikinatingin ng marami at palibutan sila nito.

Hindi maipinta ang mukha ni Abela dahil sa kahihiyan kaya't agad niyang ginantihan ng sampal si Jaime ngunit naiwasan ito ni Jaime nang harangan ito gamit ang kanyang kamay.

"Hindi ka nababagay rito," bulong ni Jaime kay Abela habang sila'y nagkakatitigan ng matalim.

"Bitawan mo ako!" sigaw ni Abela at pilit na kumakawala sa pagkakahawak ni Jaime. Tumalikod si Jaime ngunit agad na hinila ni Abela ang kanyang buhok at sinabunutan. Napatayo ako dahil sa nangyari, ang ilang tagapagsilbi sa loob ay nagbubulungan na rin dahil rito.

Nagpatuloy ang kanilang pagsasabunutan na animo'y dalawang tandang na naglalaban sa harap ng madla.

Talagang di nga magkakasundo ang mga ito.

Hindi na matukoy kung sino sa kanila ang nasasaktan o napupuruhan. Nagkalat na rin ang maraming kagamitan sa sahig. Napatakip ako sa bibig nang mauntog si Jaime sa sahig dahilan upang dumanak ang dugo sa kanyang noo. Dahan dahang lumapit si Abela kay Jaime na ngayo'y napapaatras sa sahig, umupo siya upang mapantayan si Jaime.

"Ikaw ang hindi nababagay rito, umalis ka na," bulong muli ni Abela at kumuha ng pulang pinta sa sahig gamit ang kanyang mga daliri at ipinahid ito sa kanyang leeg.

"Tulong! Pakiusap! Binalak akong saktan ni Jaime!" pagmamakaawa ni Abela at dahan dahang humiga sa sahig at animo'y siya ang napuruhan. Agad na bumukas ang pinto ng silid at ilinuwal ang pangulo ng mga tagapagsilbi.

"Magsitigil kayo!" sigaw ni Aling Claire na ikina-alerto ng marami. Agad siyang lumapit sa pinangyarihan dahilan upang tumabi ang ilang tagapagsilbi at magbigay daan sa pangulo. Ako naman ay nanatili paring nakatayo sa gilid na animo'y walang pakialam sa mga nangyayari.

"Abela! Anong nangyari sayo?!" nag-aalalang saad ni Aling Claire at agad na lumapit sa kinahihigaan ni Abela. Napatakip pa siya sa kanyang bibig.

"S-sinaktan ako ng babaeng iyan," pautal utal na saad ni Abela at itinuro si Jaime na ngayo'y nakahawak sa kanyang noo na pilit pinapahinto ang pagdurugo nito.

"Ikaw talagang hayop ka!" sigaw ni Aling Claire at tinadyak-tadyakan si Jaime na ngayo'y lumuluha na. Napatingin ako kay Abela na lihim na ngumingiti at pinapandilatan si Jaime na animo'y nang-iinis.

Ilang kababaihan ang umalalay kay Abela at sabay sabay na binuhat papalabas ng silid.

"Wala kang karapatan na gawin ang bagay na iyon! Sino ka ba sa tingin mo ha?!" sigaw ni Aling Claire at sinampal si Jaime dahilan upang mas maalarma ako. "Isa ka lamang hampaslupa!"

Dali dali akong pumagitna sa kanila at kitang kita ko ang nanlilisik at nagagalit na mukha ng matanda. Sa aking likuran naman ay si Jaime na nakaupo sa sahig habang iniinda ang kanyang sugat.

"Mawalang galang na po pero wala rin ho kayong karapatan na gawin iyan," tugon ko na ikinakunot ng noo ng matanda.

"At sino ka ha?! Ilang araw ka pa lamang dito ay kay lakas na ng loob mo!" Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa at tinitigan ako ng ilang segundo. Binigyan niya ako ng masamang tingin at tumalikod sa akin.

"At anong tini-tingin tingin niyo dyan?! Mga tsismosa!" sigaw niya na umalingawngaw sa loob ng silid. Agad agad na nagsibalikan ang lahat sa kani-kanilang lugar. Padabog na lumabas ang matanda at malakas na isinara ang pinto.

Agad kong inalalayan si Jaime upang tumayo at pinaupo sa isang silya, isang babae ang kusang lumapit sa amin.

"Kumuha ka ng tubig sa balon, ako na ang bahala sa kanya," saad ng babae at inalalayan si Jaime na humiga sa kama.

"S-sige," sagot ko. Kinuha ko ang lampara sa gilid ng pinto at isang timba, at kumaripas ng takbo papalabas ng Kastilyo. Maging ang ibang tagapagsilbi ay napapatingin rin sa akin habang tumatakbo. Ilang pasiko siko ang aking dinaraanan at sa isang sulok ay aking nakita ang makitid na lagusan palabas. Lumabas ako at bumungad sa akin ang hardin na aking nakikita mula sa durungawan( window) ng aming silid.

Madilim ang paligid, at tanging ang lampara lamang ang nagbibigay ng liwanag sa aking daraanan. Mabasa basa ang lupa na tinubuan na ng mayayabong na mga damo at ilang naggagandahang bulaklak sa paligid.

Nasaan kaya ang balon?

Inilibot ko ang lampara sa paligid at natanaw ko mula sa malayo ang balon na pinapalibutan ng matataas na damo at mga bato.

Habang ako'y naglalakad papalapit sa balon ay napansin ko ang ilang patak ng dugo sa damuhan. Napatigil ako sa paglalakad, dahil sa aking kuriyosidad ay hindi ko akalaing sinusundan ko na ang mga nahawing damo. Tumigil lamang ako sa paglalakad nang mahati sa dalawa ang mga nahawing damo, ang isa ay papunta sa isang maliit na silungan at ang isa nama'y patungo sa hagdanan ng matayog na pader.

May mga tao sa loob ng silungan at lampara na nagbibigay ng liwanag sa loob. Maririnig mo rin ang musikang gawa ng gitara mula sa loob na sinasabayan ng nagsasabayang kanta ng mga lalake. Sa hagdanan naman ay may nakita akong isang gintong payneta (payneta) na kumikislap sa tuwing natatamaan ng ilaw ng lampara. Agad akong lumapit rito at pinulot ang ginintuang payneta na sa alam ko'y pagmamay-ari ng isang babae.

Mataas ang pader na pumapalibot sa Kastilyo kaya't mataas rin ang hagdanan mula sa loob upang makapunta sa taas. May papalapit na isang guwardiya sibil mula sa taas ng bakod kaya't dali-dali akong bumalik sa balon. Kinuha ko ang timba na may mahabang tali at dahan dahan itong ibinaba sa balon. Napatingin ang guwardiya sibil sa akin ngunit hindi niya ako pinansin.

Nang matunugan ko na ang tubig sa loob ng balon ay laking gulat ko nang may marinig akong boses ng isang babae, dahilan upang mabitawan ko ang tali.

"Marumi ang tubig mula riyan," boses ng isang babae mula sa dilim. Nakahinga ako nang maluwag nang lumabas ito at natamaan ng liwanag ng buwan ang kanyang mukha.

"Ah. G-ganun ho ba," iyon nalang ang aking nasabi at bakas parin sa akin ang pagkabigla. Hihilain ko na sana pabalik ang timba ngunit napagtanto ko na nabitawan ko na pala ito kanina.

"Hindi mo pa ba nabalitaan ang isang hardinerong nagpakamat*y riyan?" tanong ng babae na nagpagulo sa aking isipan.

Nagpakamatay?

"Nagpakamatay po?" paninigurado ko sa aking mga narinig. Napahinga ng malalim ang babae at lumapit sa akin.

"Iyon ang bali-balita," sagot ng babae habang inililipat niya ang tubig sa aking timba mula sa kanyang bitbit na timba.

"Mukhang kinakailangan mo ng tubig,"

Nginitian niya ako.