Chapter 26: Kabanata 26

SA paglipas lamang ng ilang oras ay ang mabilis na pagkalat ng magandang balita na halos kinahumalingan ng maraming kababaihan sa buong Kaharian. Ang mga magulang ay agad nilang inihatid ang kanilang mga anak na dalaga sa Kastilyo at nagbabasakaling sila ang palarin.

Nawa'y may mapulot rin kayong singsing.

Mula sa balkonahe ay aking pinapanood ang pagbukas ng lagusan at ang pagpasok ng dose-dosenang kababaihan. Halos masuka ako sa gulat nang masumpungan ko si Ate Jesa na isa rin sa mga lalahok sa pagpili ng komandante.

Upang hindi maulit ang masaklap na nangyari sa kanila noong mga nakaraang araw ay sabay sabay na nagbigay galang ang ilang kababaihan, ngunit ang mga nanatiling nakatayo ay dali daling pinalabas ng komandante sa pamamagitan ng kanyang simpleng utos. Nakakatakot.

Tuwid na nakatayo sina Ate Jesa at ang iba pang natitirang dalawampu habang pinagmamasdan sila ng komandante na nagpapabalik balik sa paglalakad.

"Lahat ng may mga palamuti sa katawan ay maaari nang lumabas," saad ng komandante at ang ilan ay tila mamatay sa gulat dahil isa sila sa mga tinutukoy ng komandante. Wala na silang nagawa kaya't napaalis na ang kalahati ng mga kababaihan sa isang iglap lamang. Sampu nalang ang natitira at inayos nila ang kanilang pagkakalinya.

May ilan ring kadarating pa lamang ngunit hindi na pinapasok ng komandante dahilan upang madismaya ang ilan.

"Ang tagapagsilbi ay hindi pinaghihintay ang mga Prinsipe," saad pa niya.

Nahagilap ng aking mata si Ina mula sa hardin na ngayo'y nakatingin sa akin. Tiningnan ko siya at nginitian na para bang nagbabawas. Napasampal nalang siya sa kanyang noo at napailing-iling dahil sa pagkadismaya sa aking naging desisyon. Dahan dahan akong naglakad papalikod at nagtago sa balkonahe upang di ako makita ni Inay.

Talagang magagalit si Ina sa akin maya-maya. Hindi ko namalayang lumabas na rin pala sina Ate Jesa at ang ibang anim na kababaihan na nadismaya rin sa hindi ko malamang dahilan. Ang bilis naman natanggal ni Ate Jesa.

Tatlo na lamang ang natitira at nakaharap na sila sa komandante na para bang mga estatwa na hindi makagalaw dahil sa kaba.

Ang isang babae ay lahing itim at ang dalawang babae nama'y maputi at kaibig-ibig ring tunay. Isa sa kanilang tatlo ang susunod sa aking mga yapak.

Hindi ko maiwasang mapatawa dahil dalawang araw lang akong naging tagapagsilbi ng mga Prinsipe.

"Ano ang inyong mas nais gawin? Ang maghukay ng balon? o ang pumunta sa dagat?" tanong ng komandante na ipinagtaka ng tatlong babaeng nasa kanyang harapan. Ilang segundo rin silang nagkatinginan at ibinalik rin nila ang kanilang tingin sa komandante nang tumikhim ito.

"Mas nais ko pong pumunta sa dagat," sagot ng itim na babae at napangiti ngiti pa na animo'y sigurado na sa kanyang kasagutan.

"Mas ibig ko ring pumunta sa dagat," sagot naman ng isang babae at napatango tango lamang ang komandante. Napatingin siya sa natitirang babae na ngayo'y nakangiti lamang, tila naintindihan niya ang lohika sa mga tanong ng komandante.

"Mas nais ko hong maghukay ng balon," pagmamayabang na sagot ng babae at napatango tango naman ang komandante.

"Maaari na kayong umalis," tugon ni Heneral Adjiel at itinuro ang dalawang babaeng sumagot ng dagat. Tila gulat namang nagkatinginan ang dalawa at wala na silang magagawa sa desisyon ng komandante. Tila mabigat ang mga paa ng dalawang babae na naglakad papalabas ng Kastilyo at kitang kita sa kanilang mga magulang ang pagkadismaya.

"Bakit mas pinili mo iyon?" tanong ng komandante sa babae at napangiti-ngiti lang ang ito habang kinukulot ang ilang hibla ng kanyang buhok.

"U-upang hindi na po ako magpabalik-balik sa d-dagat," nauutal na sagot ng babae at kita sa kanyang mukha ang hindi kasiguraduhang sagot. Napatango tango na lamang ang komandate at kita rin sa kanyang emosyon na hindi ito ang hinahanap niyang kasagutan.

"Sige, maaari ka nang magsilbi sa Kastilyo," tugon ng komandante sa babae. Nagagalak naman ang ngiti ng babae na animo'y nakakuha ng kayamanan sa isang katago-tagong kweba.

Ngunit hindi ako makapaniwala na ang babaeng susunod sa aking mga yapak..

Ay si Abela... Ang aking kaibigan.

***

"MATULOG na ho kayo, Kamahalan," saad ko kay Haring Esmael at binalutan ko ng kumot ang kanyang katawan. Nasa iisang kwarto kami at ilang lampara ang nagbibigay sa amin ng liwanag. Nakabukas rin ang makitid na bintana sa taas dahilan upang pumasok ang liwanag ng buwan at ang malamig na simoy ng hangin mula sa labas.

May maliit na lamesa sa gilid ng higaan niya na kinalalagyan ng ilang prutas at sariwang gatas sa isang baso. Nakahiga siya ngayon sa malambot na bulak na inani pa mula sa Roma at komportableng tela na malayo sa aking kinasanayang buhay. Akmang aalis na ako nang magsalita siya habang nakapikit.

"W-wag niyong paslangin si Adele!" malalim at nanginginig na boses ni Haring Esmael na tila binabangungot.

"Marami rami na rin ang mga doktor na dumadalaw sa aking ama, ngunit ni isa sa kanila ay hindi matukoy ang kanyang tunay na kalagayan," saad ni Haring Valenzo na nakatayo sa pintuan, ako'y ngumiti lamang.

"May ilan ring nagsasabi na nasapian na ng demonyo ang aking ama, at halos isang beses sa isang linggo namin siyang idinadala sa templo upang ipagdasal," dagdag niya. Bakas sa kanyang tono ang lungkot ng kanyang dinadamdam. Napabuntong hininga siya at naglakad na papalayo. Rinig ko parin ang kanyang bawat hakbang kahit pa man malayo-layo na siya.

"H-huwag," bulong ni Haring Esmael. Napatingin ako sa kanya na, tumulo ang luha mula sa kanyang mga mata kahit nakapikit ito. Nakakalungkot mang isipin, ngunit nalulungkot rin ako sa kanyang kalagayan. Umupo ako sa malambot niyang higaan at hinawakan ang kanyang kaliwang kamay dahilan upang kumalma ng bahagya ang kanyang kalagayan.

"Paalam na ho, Kamahalan," Dahan dahan akong lumabas sa kanyang silid upang di lumikha ng anumang ingay.

"Mabuti't napag-isipan mong talikuran ang iyong tungkulin," pagbungad sa akin ni Abela sa labas ng silid. Kitang kita sa kanya ang ligaya at ang di maitatagong kilig na animo'y natutunaw na siya sa sahig. Tipid ko lang siyang nginitian at laking gulat ko nang hawakan niya ang aking kaliwang kamay.

"Alam mo, Elersa... Sa tingin ko, may gusto sa'kin si Prinsipe Aelino!" kinikilig na tugon ni Abela at yinuyugyog pa ang aking kaliwang kamay. Binigyan ko lang siya ng tipid na ngiti at pilit na kumakawala sa kanyang pagkakahawak.

"Maging ang kanyang kapatid na si Prinsipe Jobel, nakakakilig! Ako'y halos matunaw na ako sa sahig kanina!" dagdag ni Abela at napatalon talon pa sa tuwa.

"Teka, hindi ka ba natutuwa para sa akin?" tanong ni Abela na animo'y nagtataka dahil sa aking nagiging reaksyon.

"S-sinusuportahan kita Abela, kaya ko nga tinalikuran ang tungkulin para sa iyo," tugon ko at napatango tango naman siya na mukhang kumbinsido sa aking sinabi.

"Kung makukuha ko ang loob ng kahit isa sa mga Prinsipe, hinding hindi kita malilimutan Elersa. Utang na loob ko sayo ito," wika ni Abela habang nilalakad namin ang pasilyo at napatawa-tawa pa na umaalingawngaw sa buong paligid. Hindi ko alam ngunit tila may bagay na bumabagabag sa akin sa tuwing nagsasalita si Abela.

"Tahimik lamang, Abela," bulong ko sa kanya dahil anumang oras ay maaaring magising si Haring Esmael o sinumang tao sa loob ng Kastilyo. Nasa unang palapag lamang ang silid ni Haring Esmael kaya't mas magiging madali sa akin ang paglalakad papunta sa aming silid.

Nakarating na kami ni Abela sa aming silid at pagkabukas ko pa lamang ng pinto ay napatingin sa akin si Jaime, napatingin rin siya kay Abela na mukhang nagtataka. Marami na ring mga tagapagsilbi ang dumating sa aming silid at ang iba ay naghahanda nang matulog.

"Nasa iisa rin pala tayong silid?" tanong ni Abela na animo'y nasisikipan sa silid. Napailing iling pa siya habang nakahawak sa kanyang noo.

"Pare-pareho tayong tagapagsilbi rito, wala nang aarte-arte, " deretsong tugon ni Jaime habang liniligpit ang kanyang mga damit na animo'y may hidwaan silang hindi nakikita. Malaki-laki rin ang silid na ito at dito nanunuluyan ang mahigit labin-limang tagapagsilbi ng Kastilyo.

"Hindi ka ba uuwi, Elersa?" tanong ni Jaime. Napatingin siya sa bukas na bintana at tila naunawaan na niya ang aking sagot. Malakas ang bugso ng ulan at sunod-sunod ang malalakas na kulog sa paligid, may ilan ring kidlat na nagbibigay ng liwanag sa loob ng madilim na silid na aming kinatatayuan.

"Lubos lubos ang aking ligaya ngayon," wika ni Abela at umupo sa isang kama at pinakapakiramdaman ang malambot na tela nito. Tumango tango na lamang ako sa kanya at naglakad papunta sa aking higaan. Magkatabi lamang ang kama ni Abela't Jaime, at ang maliit na aparador lamang ni Jaime ang nasa kanilang pagitan.