Chapter 25: Kabanata 25

"Matuto kang kumatok, Elersa!" maalumanay na sigaw ni Prinsipe Aelino sa loob. Dahil sa kahihiyan ay diko mapigilang mapapadyak-padyak sa sahig at tila gusto nang lumabas ng aking puso dahil sa matinding pagkabigla. Napalakad lakad ako sa labas ng silid at ang ibang tagapagsilbi ay tila nagtataka sa aking mga kinikilos.

Nahagilap ng aking mata ang isang matandang lalake na mag-isa at tahimik na nakaupo sa balkonahe. Sa kanyang gilid ay ang maliit na lamesa na may tinapay, ubas, at gatas na hindi pa nagagalaw.

Dahan dahan akong naglakad papalapit sa kanya ngunit pinapanatili ang distansya sa aming pagitan. Nang tingnan ko siya ay tulala lang siyang nakatingin sa kawalan na animo'y may iniisip na malalim. Puti na ang kanyang buhok, kulubot na rin ang kanyang balat, at ang kanyang likuran ay hindi na kayang tumayo nang mag-isa.

Hindi ko lang akalain na makakatabi ko ang isa sa mga nagdaang Hari ng Kaharian!

"Kasing ganda mo si Adele," laking gulat ko nang magsalita si Haring Esmael gamit ang nanginginig at malalim nitong boses habang tulala parin sa kawalan.

Noong bata pa ako ay madalas ikwento sa akin ni Inay ang bali-balita na pagpanaw ni Reyna Adele na siyang ikinabigla ng buong Kaharian matagal na taon na ang nakalilipas. Bago pa lamang sina Inay dito sa Pinileo noon at nagsisimula palang magpalago ng kabuhayan.

Ngunit ang pinakamasaklap ay ang pagdadalamhati raw ni Haring Esmael dahil sa pagpanaw nito dahilan upang mawala ito sa matinong pag-iisip. Kaya't napag-isipan ng mga saserdote (pari) sa Kaharian na tanggalin na sa pwesto ang Hari at ipalit ang kanyang kaisa-isang anak na si Valenzo na nasa wasto nang edad.

Kinakailangan ng isang kaharian ng isang lider, lalo na't may mga nagaganap na tensyon sa mga kabilang nasyon na anumang araw ay maaaring sumiklab. Dito raw sa aking kinatatayuang balkonahe mismo nakoronahan si Haring Valenzo na anak ni Haring Esmael.

Ngunit upang mapanatili raw ng dalawang Kahariang Pinileo at Hirsea ang katahimikan ay naipagsundo ang kasalan ng kakaupong si Haring Valenzo at ang nag-iisang prinsesa ng Hirsea na si Emilya. Sa una ay hindi sang-ayon si Haring Valenzo ngunit sa pagkagusto ng mga saserdote na makamit na ang kapayapaan ay hindi na nakatanggi ang Hari kahit pa man may sinisinta na raw ito.

Sa pagdaan ng taon ay sumigla ang ekonomiya ng Kaharian dahil na rin sa angking galing ng Hari sa pagpapatakbo. Wala nang nakikitang mga pulubi sa daanan at ang lahat ay nabubuhay ng masaya at payapa. Pag hanggang sa ngayon ay nadadama parin ng Kaharian ang kapayapaan at kasaganahan ng buhay na ginawa ng isang pinagkasundong kasal.

Hindi man batid ng marami ang malaking bagay na isinakripisyo ni Haring Valenzo, kahit pa man mawala ang kanyang sinisinanta ay nanatili pa rin ito sa alaala ng kasaysayan ng Kaharian. Nananatili ang kwentong ito sa ala-ala ng mga matatanda na nakasaski sa kanyang kabayanihan.

Kaya't sa tuwing nakikita ko si Haring Valenzo ay palaging sumasagi sa aking isip ang malaking kabayanihan at pagmamahal niya sa kanyang bayan.

Hindi ko man batid kung may katotohanan ang lahat ng kwentong ito, ngunit ito'y nakaukit na sa utak ng mga tao.

Napatingin ako kay sa dating Haring Esmael na ngayo'y tulala parin sa kawalan. Nagsisimula nang bumalik ang kanyang pag-iisip pagkatapos ng ilang dekadang pagkalugmok dahil sa pag-ibig, sa tulong ng mga doktor. Tunay ngang makapangyarihan ang pag-ibig.

Ngunit diko maiwasang malungkot na sa mag-ama ay wala ninuman sa kanila ang nakakamit ng magandang wakas ng pag-ibig.

"Kumain ka na po, Kamahalan," saad ko at lumingon siya sa akin na para bang may saya sa kanyang mukha. Kaya't ako na mismo ang lumapit at iniabot ko sa kanya ang gatas. Dahan dahan naman nitong kinuha ang baso mula sa aking kamay at uminom ng kaunti.

Laking gulat ko nang mapagtanto ko na nasa isang sulok lang pala si Haring Valenzo habang pinapanood ang mga kaganapan. Ngumiti siya ng dahan dahan habang pinamamasdang uminom muli ng gatas ang kanyang Ama.

Dahil sa aking gulat ay agad akong tumayo ng tuwid at nagpaumanhin sa aking ginawa ngunit pilit niya akong pinapahinto.

"Wag kang mag-alala," saad ni Haring Valenzo dahilan upang makahinga ako ng maluwag.

"Sa dami ng mga tagapagsilbi sa Kastilyo ay wala ninuman ang may kakayahang magpakain sa kaniya ng maayos. Minsan siya'y nagwawala at nabibitaw rin ng mga mura sa mga tagapagsilbi," dagdag ni Haring Valenzo ngunit wala akong masabi. Hindi ko kayang makipag-usap sa pinakamataas na tao sa Kaharian.

"Kung iyong nanaisin, itatalaga nalang kita bilang tagapangalaga sa aking Ama. Lalakihan ko ang salaping aking ibabayad sa iyo at makakakuha ka ng malaking gantimpala sa araw ng kanyang paggaling," dagdag ni Haring Valenzo na tila nagpakaba sa akin. Malaking pera ang aking kikitain kung tatanggapin ko ang kanyang alok.

Ngunit diko maiwasang malungkot dahil malilimitahan na ang oras na aking makakasama ang dalawang prinsipe kung tatanggapin ko ang kanyang alok.

Ano naman kung 'di ko na makakausap ang mga Prinsipe?!

"Sige po, tatanggapin ko po, Kamahalan," sagot ko na nagpangiti ng lubusan sa Hari. Hindi ko alam na nakatayo lang rin pala si Prinsipe Aelino sa isang sulok at tila kanina pa kami pinapakinggan. Nakatitig lang siya sa akin at sa ngayo'y diko maintindihan ang aking nararamdaman.

Nagpatuloy siya sa paglalakad at pareho niya kaming 'di pinansin ni Haring Valenzo at t'saka dere-deretsong bumaba sa hagdanan. Sumunod naman si Prinsipe Jobel na kakalabas lang rin sa kanyang silid na katabi lang pala ng silid ni Prinsipe Aelino. Masayang nag-almusal ang pamilya kahit pa man kaunti lamang ang kanilang naging pag-uusap, tanging ang mga huni lamang ng mga kubyertos ang naririnig sa hapag.

Hindi parin ako mapakali sa aking naging desisyon ngunit batid kong tama ito. Kinakailangan ako ni Haring Esmael, kinakailangan niya ng kaagapay sa kanyang sakit. Hindi ko lang alam ang magiging reaksyon ng mga Prinsipe kung malalaman nilang hindi na ako ang kanilang tagapagsilbi.

Baka masiyahan pa si Prinsipe Jobel.