Chapter 24: Kabanata 24
"NABIHAG ng isang babae ang kanyang puso na papababa sa barkong kanyang sinakyan. Hindi alintana ng babae na nalaglag ang kanyang porselas sa buhangin at nakita ito ni Loni. Kaya agad itong pinulot ni Loni at hinabol ang babaeng totoong nagmamay-ari nito sa kabila ng kaliwa't kanang tao sa daungan. Nagpasalamat naman ang babae kay Loni at nagpaalam na," pagtatapos ko ng kwento at lumingon naman sa akin si Nilo.
"Ano pong susunod?" tanong nito at napabuntong-hininga nalang ako."Wakas na iyon Nilo. Ang aral doon ay dapat tayong magsauli ng hindi atin," sagot ko ngunit napawi ang kanyang kasiyahan dahil sa aking sinabi.
"Sige, itutuloy ko sa susunod na mga araw kung magpapakabait ka," tugon ko at nakita ko naman ang kanyang pagngiti.
Plano ko pang lunurin ang babae at si Lino ang magliligtas sa kanya!
"Pero bakit hindi nalang po bukas, Ate?" tanong ni Nilo sa akin na animo'y nalulungkot dahil sa susunod na mga araw ko pa maitutuloy ang aking pagkukwento.
"May tungkuling kailangang gampanin ang Ate Elersa mo sa Kastilyo," sagot ko sa kanyang tanong ngunit di na siya umimik.
"Upang matulungan kita na makapasok sa Kastilyo, hindi ba't iyon ang pangarap mo?" tanong ko at napatango tango na lamang siya.
"Damot mo naman." Natuwa ako sa reaksyon niya at sinipa ang tubig na kanyang nadadaanan. Hawak niya parin ang kabibeng napuloy niya kanina.
"Tayo na mga anak!" sigaw ni Itay mula sa aming karwahe na ilang metro ang layo sa amin. Naglakad naman kami pabalik ni Nilo sa karwahe, sumakay na roon at iniwan ang bakas ng aming mga paa sa dalampasigan. Habang kami'y nasa daan pabalik ay nagsimula nang magdilim ang paligid na sinabayan pa ng maiitim na ulap sa langit, ramdam ko na rin ang ihip ng hangin na nagpapanginig sa akin.
Nagbabadya nang umulan...
Nakatitig ako ngayon sa labas ng bintana habang pinapanood ang nga nadadaanan naming mga bagay-bagay kasabay ang paggewang gewang minsan ng karwahe. Mula sa malayo ay nakarinig ako ng huni ng kabayo at ang mga mabibilis nitong mga yapak na animo'y hinahabol ito ng ulan. Napatingin ako sa kalapit na gubat at laking gulat ko nang makita ko ang isang pamilyar na lalake na nakasakay sa isang puti at mabalahibong kabayo.
Ang buhok ng lalake ay umaagos sa hangin kasabay rin ng balahibo ng kabayo na tila maalumanay na lumalangoy sa hangin. Nakasuot siya ng pantakip sa kanyang mukha upang itago ang kanyang pagkakakilanlan ngunit sa kanyang pananamit ay di mapagkakaila na isa siya sa mga matataas na opisyal sa Kaharian.
Nagtama ang aming mga mata ngunit patuloy parin siya sa pagsigaw upang mas pabilisin ang pagtakbo ng kabayo hanggang sa mawala na ang kanyang presensya.
KINABUKASAN, maaga kaming gumising ni Inay kahit wala pang liwanag sa paligid. Marami pang bituin sa langit at ang buwan ay namamayagpag pa. Ang mga huni lamang ng mga mababangis na hayop sa kagubatan ang aming naririnig at ang ilang magsasaka na maaga ring gumising upang mag-araro't magtanim.
Nadatnan namin ang mga tulog na guwardiya sibil sa labas ng Kastilyo na animo'y pagod na pagod sa buong araw kasabay ang kanilang sunod sunod na paghilik. Hinila na lamang ni Ina ang aking kamay papasok sa lagusan ng Kastilyo at naglakad kami sa malawak na hardin. Sa aming paglalakad ay may pumasok na isag bagay sa aking isipan.
Sa araw na ito magsisimula ang aming misyon...
Sa paglabas ng dilaw na araw ay di pa rin natitinag ang ilang bituin sa langit. Maagang nagising sina Jaime at ang lahat ng mga serbidora upang magluto ng umagahan. Ako nama'y nakaharap lamang sa salamin habang suot ang aming uniporme na bagong laba ni Inay kahapon. Ginamit ko na rin ang aking biniling talukbong na ngayo'y bagay na bagay sa aking balat at maging sa aking buhok.
Napatingin ako sa maliit na aparador ni Jaime sa tabi ng kanyang higaan at sumagi sa isip ko ang sinabi niya kanina sa akin.
'Gumamit ka lang ng mga pampaganda kung kinakailangan mo. Kahit wag mo nang ipagpaalam sa akin.'
Dahil sa aking kuriyosidad ay hinila ko ang isang kahon (kabinet) at lumantad sa akin ang iba't ibang kolorete (make-up) at palamuti. Napahinga ako ng malalim at kinuha ang isang pulang likido na gawa sa mga dinurog na prutas na nasa isang bote. Linagyan ko ng pulang likido ang aking hintuturo at ipinahid ito sa aking labi habang nakatingin ako sa salamin, inayos ko ito upang mai-ayon sa hugis ng aking labi.
Ibinalik ko na ito sa kahon at isinuot ang aking puting talukbong.
Sa aking paglalakad sa pasilyo ay siya ring pagtitinginan ng iba sa akin. Dahan dahan akong naglakad sa hagdanan at pumunta sa silid ni Prinsipe Aelino, ngunit nang buksan ko ito ay katahimikan at wala na ang kanyang mga kagamitan roon.
"Wala na po si Prinsipe Aelino dito," laking gulat ko nang may magsalita sa aking likuran. Nang lingunin ko ito ay isang batang babae ang aking kinaharap. Tila kumirot ang aking dibdib dahil sa kanyang sinabi sa di malamang dahilan.
"B-bumalik na sila sa Hirsea?" tanong ko sa bata na ngayo'y nakatitig na sa akin.
"Lumipat na po siya sa ikalawang palapag," sagot ng batang babae na tila ikinaginhawa ng aking puso. Mas magiging madali na sa akin na pagsabayin ang dalawang Prinsipe ngayong nasa iisang palapag na sila at mas masisiyahan ako kung malalaman kong nasa iisang silid lang rin sila.
Pero imposibleng mangyari.
Napadaan ang matandang babae na Claire daw ang pangalan na sinabi ni Inay kahapon sa pamilihan. Napatingin siya sa akin at ipinikit nang kalahati ang kanyang mga mata dahilan upang magtama rin ang kanyang mga kilay. May nagawa nanaman ba akong masama?
Dali-dali akong nagbigay galang sa kanya. Siya ang pangulo ng mga tagapagsilbi sa Kastilyo. Nakalayo na siya kaya't hinarap ko na ang bata.
"Anong pangalan mo?" tanong ko sa batang babae at naglupasay (squat) ako dahilan upang pumantay ako sa kanyang laki. Marahan kong ginulo ang kanyang buhok at napangiti naman siya sa aking ginawa.
"Natalia po ang aking ngalan," sagot ng batang babae habang pinupunasan ang mga kagamitan sa gilid gilid at halos kaedad lamang niya si Nilo.
Nakakatuwa dahil sa napakabata niyang edad ay alam na niyang kumita ng salapi sa pamamaagitan ng pagtatrabaho, ngunit hindi ko rin na maiwasang isipin na ang mga batang tulad niya ay maagang nagtatrabaho at hindi niya nararanasan ang mga talagan gawain ng isang bata.
"Ako nga pala si Ate Elersa," sagot ko kay Nathalia at tumango tango naman siya.
"Bali-balita po na sa susunod na tatlong araw na babalik ang dalawang prinsipe sa Hirsea," sagot ni Nathalia. Hindi ko alam ngunit tila kumirot ang aking puso sa hindi malamang dahilan. Ang galing ng batang ito, tila malakas ang kanyang pandinig sa kanyang kapaligiran.
"Sige, paalam na Nathalia," dagdag ko at nagsimula na akong maglakad papalayo kahit pa man nasaktan ako sa aking nabalitaan. Tumungo ako sa ikalawang palapag at inilibot ang aking paningin sa paligid. Hindi ko batid kung nasaan ang silid ni Prinsipe Aelino, ngunit alam ko ang kay Prinsipe Jobel.
Saan naman kaya ang kanyang silid?
Nahagilap ng aking mata na lumabas ang isang kagiliw giliw na pusa mula sa isang silid kaya't sugurado akong naroroon lumipat si Prinsipe Aelino. Linapitan ko ang pusa ngunit agad rin itong nagkuripas ng takbo, kaya't pinili ko na lamang pumasok sa silid.
Ang sungit naman ng kanyang pusa.
Pagbukas ko ng pinto ay laking gulat ko nang makita si Prinsipe Aelino na walang pantaas at nagbibihis ng kanyang damit. Maging siya ay nagulat rin sa di namin inaasahang pagkakataon, maganda ang hubog ng kanyang pangangatawan ngunit naidlip rin ito dahil agad ko ring isinara ang pinto.
Matuto kang kumatok, Elersa!
"Matuto kang kumatok, Elersa!" maalumanay na sigaw ni Prinsipe Aelino sa loob. Dahil sa kahihiyan ay diko mapigilang mapapadyak-padyak sa sahig at tila gusto nang lumabas ng aking puso dahil sa matinding pagkabigla. Napalakad lakad ako sa labas ng silid at ang ibang tagapagsilbi ay tila nagtataka sa aking mga kinikilos.
Nahagilap ng aking mata ang isang matandang lalake na mag-isa at tahimik na nakaupo sa balkonahe. Sa kanyang gilid ay ang maliit na lamesa na may tinapay, ubas, at gatas na hindi pa nagagalaw.