Chapter 23: Kabanata 23
PAGSAPIT ng hapon, agad akong ginising ni Ama mula sa mahimbing na pagkakatulog at pikit-mata akong sumakay sa isang munting karwahe na pinatatakbo ng isang asno. Mabato ang daanan dahilan upang mas magising ako dahil sa paggewang-gewang ng karwahe. Masaya namang pinapanood ni Nilo ang bawat tanawing aming nadadaanan na sa kailalaliman ng katirik-tirikan ng araw mula sa bintana.
Habang tumatagal ay tila lumalambot ang aming dinaraanan at nagsimula nang lumitaw ang ilang nagtatayugang puno ng buko sa paligid. Ang simoy na hangin na dumadampi sa aking katawan ay mas lalong lumalamig at lumalakas na animo'y papalapit kami sa isang malakas na buhawi.
Tumigil sa pagtakbo ang asno dahilan upang huminto rin ang karwaheng aming sinasakyan. Dali-daling lumundag si Nilo papalabas ng karwahe at sa labas ay siya'y nagpakasaya sa hindi ko malamang dahilan. Rinig ko ang kanyang tawa at sigaw na animo'y lubos-lubos ang saya.
Sumunod akong lumabas ng karwahe at tila sumampal ang malamig na hangin sa akin dahilan upang manginig ako sa lamig. Aking rinig na rinig ang malalakas na hampas ng alon ilang metro lang ang layo mula sa aking kinatatayuan. Akin ring dama ang malambot, kahali-halina, at puting buhangin na dumampi sa aking paa kahit pa man may suot kong panyapak.
Nasa dagat ako...
Hindi ko alam na ito pala ang tinutukoy ni Itay kaninang tanghali sa bahay. 'Ikaw Anak?' na agad ko namang sinang-ayunan kahit pa man diko alam ito. Kitang kita ko ang ilang naglalakihang mga barkong pandigma mula sa malayo at ang ilang bangkang pangisda na ngayo'y umaahon na sa pangpang. May ilan ring nagsisilakaran habang kanila ring ninanamnam ang malamig na tubig-alat at ang hangin na tinataglay ng dalampasigan.
Bumaba na rin si Itay at agad na sinalubong ng isang ka-edad niyang lalake. Maitim ang kanyang balat, ang kanyang buhok ay kulot, at ang kanyang labi ay mangitim ngitim rin.
"Elersa, bantayan mo muna ang iyong kapatid," utos sa akin ni Itay at agad na sumunod sa lalake. Sa pagtalikod ni Itay ang siya ring mabilis na pagtakbo ni Nilo sa dalampasigan. Dali dali kong tinanggal ang aking panyapak at inilagay sa loob ng karwahe, iniwan rin ni Nilo ang kanyang panyapak kaya't iniligpit ko rin ito.
"Nilo!" sigaw ko na ulit ulit na umalingawngaw sa paligid ngunit patuloy parin siya sa pagtakbo. Agad ko siyang sinundan ngunit napahinto rin ako nang huminto siya sa pagitan ng tubig at buhangin. Dahan dahan siyang naglalakad at dinadama ang malamig na tubig sa ilalim ng matirik na araw.
Nang nakarating na ako sa kanya ay hinawakan ko ang kanyang pulsuhan at sabay naming linakad ang maputi at malambot na buhangin na aming natatapakan. Napatingin ako sa dagat na ngayo'y kumikinang na sa ganda dahil sa liwanag ng araw, kasabay ang paglitaw ng isang kulay rosas (pink) na kabibe sa aming harapan na inagos ng alon.
Agad namang napahinto si Nilo sa paglalakad at pinulot ang magandang kabibe sa buhangin. Nababasa na rin ang aking palda dahil sa sunod sunod na alon na dumadaloy sa dalampasigan.
"May ilalahad akong istorya sa iyo. Nais mo bang marinig, Nilo?" tanong ko sa kanya habang tinititigan parin niya ang kabibe na animo'y ngayon lamang siya nakakita nito.
"Opo Ate Elersa," sagot naman ni Nilo at mas lalo kong hinigpitan ang aking paghawak sa kanyang pulsuhan.
"Noong kauna-unahang panahon ay may isang pilyong bata na nangangalang... Lino," panimula ko dahilan para mapatingin siya sa akin. Sa totoo lang ay diko alam ang kwentong aking ilalahad, at hahayaan ko nalang dumaloy ang mga eksena at kaganapan mula sa aking isipan.
"Siya'y napakagwapo kaya't kinahuhumalingan siya ng ibang bata maging ng ilang matatanda. Ang pamumuhay ng kanilang pamilya ay payak lamang, ang kanilang pamilya ay namulat na sa pangingisda mula pagkabata dahil ito ang bumubuhay sa kanila,
"Lumipas ang ilang taon ay naging binatilyo na siya, mas maraming mga dalaga ang nagkakagusto sa kanya, gumanda rin ang hubog ng kanyang katawan at ang kanyang kutis ay naging kakaiba sa kanyang pamilya," pagkukuwento ko sa kanya at ngayo'y kitang kita ko sa kanyang mga mata ang interes sa aking kwento.
"Ano pong susunod ate?" tanong ni Nilo at napatingin sa akin dahilan upang tumingala siya dahil sa pagitan ng aming katangkaran.
"Habang naglalakad si Lino sa daungan ay nakita niya ang babaeng unang nagpatibok ng kanyang puso na papababa sa barkong kanyang sinak---" di ko na natuloy ang aking pagkukuwento dahil agad sumingit si Nilo sa akin.
"Ngunit tumitibok rin po ang aking puso, may sakit po ba si Loni?" Nagtaka ako sa tanong ni Nilo na ngayo'y gulong gulo rin sa aking sinasabi. Oo nga naman, wala pa siyang karanasan sa pag-ibig dahil siya'y bata pa, kaya't hindi niya pa maiintindihan ang aking kwento.
Napakamot ako sa ulo, baka kailangan ko nanamang palitan ang mga kaganapan sa kwento. Nagugustuhan ko pa naman ang mga pangyayari, kinakailangan ko na yatang palitan ng pambata.