Chapter 22: Kabanata 22
"Taniel!" mahina at naiinis kong bulong, dahil sa aking inis ay di ko mapigilang mapa-padyak padyak sa sahig. Pumasok naman si Ina sa bahay dahilan upang ibalik ko ang aking sarili sa katinuan. Nagkunwari akong nagsupayneta ng buhok gamit ang aking mga darili at nagtataka namang nakatingin si Ina sa akin kaya't nginitian ko na lamang siya mula sa salamin.
Sunod namang pumasok si Tatay Lerid sa bahay habang bitbit ang ilang isda na agad namang kinuha ni Ate Jesa. Napaupo si Itay at pinaypayan ang sarili gamit ang kanyang palad.
"Mabuti't hindi umulan ngayon, tiyak na magiging mabangis nanaman ang dagat," saad ni Tatay at agad naman siyang inabutan ni Nanay Bersa ng inuming tubig.
Sunod namang pumasok si Taniel sa loob ng bahay habang wala paring suot pantaas dahilan upang dahan dahan akong naglakad at tumapat sa bintana.
"Bakit kaya ang init init ngayon?!" inis kong saad at hinugot ang pamaypay sa aking bulsa at pilit pinapalamig ang sarili kasabay ang paglakad ni Taniel sa aking likuran. Nang makalagpas na siya ay agad akong lumabas ng bahay at pinandilatan muli si Taniel, siya naman ay sinuklian lang ako ng isang ngiti.
Ngiting nakakainis! Pangiti ngiti pa siya, 'di niya ba alam na halos ikamatay ko ang sinabi niya kagabi?!
Napahinga ako ng malalim at napahalukipkip dahil sa inis. Napansin ko si Nilo sa damuhan habang nilalaro at tinutugtog ang plawta na wala sa tono, ngunit ang mga tunog na pinapakawalan nito sa hangin ay tila pamilyar sa aking tainga. Bumalik sa aking alaala ang mga nasaksihan ko kanina sa pamilihan, kung gaano kawalang awang pinatay ng mga guwardiya sibil sina Ina at Nilo dahilan upang sumikip ang aking dibdib.
Agad ko siyang linapitan at tumabi sa kanya sa damuhan at marahang ginulo ang kanyang buhok.
"Ate A-elersa... Maganda po ba sa loob ng Kastilyo?" tanong ni Nilo at binitawan niya ang plawta sabay gumulong gulong sa damuhan.
"Elersa, hindi Alersa. Nakuha mo? Ang ganda roon, balang araw ay makakapasok ka rin sa Kastilyo!" sagot ko naman at itinuro ang Kastilyo na kitang kita parin sa aming kinauupuan. Agad siyang bumangon mula sa pagkakahiga at tinitigan ang Kastilyo mula sa malayo.
"Talaga Ate?!" gulat niyang wika at napalundag lundag sa tuwa. Ganito rin ako kasaya noong sinabi ni Itay sa akin noong bata pa ako na makakapasok rin ako sa Kastilyo balang-araw. Tumango tango naman ako na nagpasaya sa kanya ng sobra.
"Pupunta si Nilo, pupunta si Nilo. Sa Kastilyo!" kanta ni Nilo at inulit ulit pa ito habang pareho kaming nakahiga sa damuhan, pinapanood ang Kastilyo mula sa malayo.
"Ngunit ang maaari lamang makapasok sa Kastilyo ay ang mga may layunin at trabaho," singit ko dahilan upang mapahinto siya sa pagkanta. Napatingin rin siya sa akin na animo'y nawalan ng pag-asa dahil sa aking sinabi. Naaalala ko na iba ang sinabi ni Itay sa akin noong bata ako, na magiging isang prinsesa raw ako balang araw at makakapasok sa Kastilyo. Tila sinira ko ang kabataan ng walang kamuwang muwang na Nilo.
"Basta papasok ako sa Kastilyo! Magpapasama ako kay Kuya Aelino!" sigaw nito at itinuro ang watawat sa Kastilyo na pinapasayaw ng hangin. Muli akong nagtaka sa kanyang sinabi kaya't agad ko siyang linapitan.
"Kilala mo si Aelino?" tanong ko at sumagot naman siya ng tango."Nakita mo siya sa dagat?" tanong kong muli at tumango siya ulit bilang sagot. Napahiga nalang ako sa damuhan at napahinga ng malalim.
Napatingin ako sa puno ng pili na aming sinisilungan na ngayo'y masayang sumasayaw sa agos ng hangin. Agad namang nagpakita at lumabas sa butas ang isang ardilya (squirrel) at napalingon lingon ito sa paligid na animo'y tinitiyak ang kanyang kaligtasan bago lumabas.
Mabilis itong gumapang sa mga sanga ng puno at pumitas ng isang saganang pili (almond) at mabilis din itong bumalik sa kanyang tahanan.
"Sinong gustong sumama sa dagat mamayang hapon?" sigaw ni Itay na kakalabas lang sa bahay. Napatingin ako kay Nilo na mahimbing nang natutulog sa aking braso, napapahilik pa ito ng mahina at animo'y dinalaw na ng panaginip.
Kitang kita ng aking mata na papalapit si Tatay Lerid sa aming kinahihigaan at napahinga ng malalim. Dali dali niyang binuhat si Nilo at ipinasok sa loob ng bahay, agad namang sumalubong si Ina at kinuha si Nilo sa kanya.
Tumayo na ako sa damuhan at laking gulat ko nang may magtakbuhan sa aking harapan na mga batang naghahabulan. Napakamot ako sa inis dahil sa pagkagulat, at nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang plawta ni Nilo sa damuhan na ngayo'y sirang sira na.
Kawawang Nilo.
Napaluhod ako sa damuhan at kinuha ang mga pira-piraso nito sa lupa. Bakit kasi iniwan nalang ni Nilo ito dito basta-basta? Tiyak na hahanapin niya ito pagkagising niya, tapos ako nanaman ang kanyang sisisihin. Ibinulsa ko nalang ang pira-piraso nito at tumayo na nang tuwid.
"Di ka na makakaligtas," tila mamatay ako sa gulat nang magsalita si Taniel sa di ko alam na lugar. Agad kong inilibot ang aking paningin at nasumpungan siya sa mataas na sanga ng kahoy habang ngumunguya.
Aba paano siya nakapunta diyan nang 'di ko napapansin?!
"A-anong ibig mong sabihin?" pag-iiba ko ng usapan at napailing-iling nalang siya habang nakahawak sa noo. "Nagkakamali ka ng iniiisip! Hindi ako ang sumi---" di ko na naituloy ang aking sasabihin nang sumingit siya sa akin.
"Wala naman akong sinabing ikaw ang may kagagawan niyan," wika ni Taniel na pumitas muli ng isang hinog na pili sa maliliit na sanga ng puno. Tinaasan ko siya ng kilay at nginitian siya nang abot tainga na nagpataka sa kanyang mukha na animo'y naintindihan niya ang nais kong ipahiwatig.
"Wag mong gagawin! Wag mong gagawin!" pag-aalala ni Taniel at nagsimula na siyang humawak ng mahigpit sa matitibay na sanga ng puno. Agad-agad ko namang yinugyog ang sangang kanyang kinatatayuan dahilan upang magsihulugan sa lupa ang ilang brown na dahon nito."I-itigil mo sabi!" pag-aalala ni Taniel na animo'y isang bata na nagmamakaawa sa akin.
Kulang pa yan sa pagbibiro mo sa akin kagabi!
"Ano ba kayo, mukha kayong mga bata. Itigil niyo nga iyan!" pagsuway ni Tatay Lerid at agad ko namang hininto ang pagyugyog na ikinangiti ni Taniel na mukhang nang-iinis.
"Nasaan po pala si Kuya Jabar?" pag-iiba ko ng usapan. Di naman sa iniiba ko ang usapan, pero nagtataka lang ako kung nasaan ang aking nakatatandandang kapatid.
"Nandoon," sagot ni Itay at itunuro ang isang malaking puno sa kalayuan. Nakita ko si Kuya Jabar na masayang nakikipagkwentuhan na may halong tawanan sa isang babaeng hindi ko kakilala.
"Siya nga pala, ikakasal na ang Kuya Jabar mo," saad ni Tatay dahilan upang manlaki ang aking mga mata dahil sa gulat. Oo nga naman, ilang araw na akong wala sa bahay kaya marami-rami na rin akong di nalalaman patungkol sa mga nangyayari dito.
"Kailan ho Itay?"
"Yan kasi, mas pinili mong manirahan sa Kastilyo," singit ni Taniel at napakamot kamot sa ulo na animo'y nang-iinis.
"Ikaw ha. Kanina ka pa!" inis kong saad at akmang pupulot ng bato nang magsalita si Itay.
"Sa Katapusan ng Heshvan," sagot ni Tatay. Sa madaling salita, ay sa katapusan ng susunod na buwan. Tumango tango naman ako bilang sagot, pinandilatan ko naman si Taniel na nakaupo na ngayon sa sanga ng puno. Agad rin siyang lumundag mula sa sanga ng puno at pinagpagan ang kanyang bras.
Ay nakakamangha! Takot na takot siyang mahulog kanina sa sanga, tapos siya rin pala ang tatalon? Oh binibiro lang niya ako kanina?
Pumasok si Tatay Lerid sa loob ng aming tahanan at agad kong naramdaman ang mainit na hininga ni Taniel sa aking leeg.
"Magkita tayo bukas sa batis," malalim niyang saad sa akin na animo'y nagpaliyab sa aking dibdib. Di ako umimik ng ilang segundo at muli siyang nagsalita.
"Makakaasa ba ako?" tanong ni Taniel at may isinuksok sa aking bulsa. Tumango naman ako at mabilis siyang nawala sa aking likuran na animo'y naglaho na parang isang hangin. Kinuha ko sa aking bulsa ang kanyang isinuksok at di ko naiwasang mapangiti. Dalawang pili.
"Ikaw anak?" tanong ni Itay sa akin na kanina pa pala nakatayo at nagtatanong sa akin.
"P-po?" nauutal kong sagot at nginitian si Itay na parang bang nagbabawas. Nagtaka naman siya dahilan upang kumunot ang kanyang noo at tumaas ang kanyang kanang kilay.
"W-wala naman pong problema," palusot ko kahit pa man di ko alam ang kanyang tinutukoy. Napatango tango naman si Itay na mukhang nakumbinsi ko naman at pumasok na rin sa aming bahay. Sumunod naman ako at nadatnan kong naghahain na ng makakain si Ate Jesa at si Inay sa kusina pang-tanghalian. Amoy na amoy ko ang mga nagsasarapang mga makakain mula sa kusina.
"Elersa! Tawagin mo na ang mga kapatid mo sapagkat magtatanghalian na tayo," sigaw ni Ina mula sa kusina kasabay ang mga huni ng mga materyales sa pagluluto na rinig na rinig sa buong bahay.
"Opo Ina!" sagot ko nang malakas dahilan upang mapatakip si Tatay Lerid sa kanyang kinauupuan. Nadatnan ko namang kagigising at bumabangon na si Nilo mula sa mahimbing na pagkakatulog sa silid.
"Sa ingay niyo, nakagising na ang aking Prinsipe," saad ni Itay nang makita si Nilo na kakalabas lang ng silid habang kinukusot ang kanyang magkabilang mata.
Agad naman akong lumabas ng bahay at tumingin sa malayong puno ng kahoy habang sinisilungan ang aking mga mata dahil sa tirik ng araw.
Ngunit wala na akong natanaw pa, wala na si Kuya Jabar at ang babaeng kanyang kasama. Agad akong bumalik sa aming bahay at sabay kaming pumasok ni Taniel ngunit pinauna ko nalang siya dahil di kami magkakasya sa makitid naming pintuan.
Sumunod rin ako papasok at sabay sabay kaming umupo sa may kahabaang lamesa sa loob. Aming pinagsalu-saluhan ang samu't saring mga putahe sa hapag tulad ng inihaw na isda, sinabawang ugsa, tinapay, at iba't ibang uri ng sariwang prutas na sinimulan sa pamamagitan ng panalangin.