Chapter 21: Kabanata 21

"SA akin na rin ibinigay ni Aling Claire ang kinita mo," saad ni Ina habang abala kaming namimili ng mga palanggana sa hile-hilera ng mga kauri nito. Tumango tango naman ako at nahagilap ng aking mata ang puting talukbong na natahian ng mga naggagandahang mirasol at ilang kumikinang na bagay. Di ko akalaing lalapit ako sa kinaroroonan nito at marahang sinagi ang malambot na tela nito.

"Bibilhin mo ba iyan?" nagulat ako nang may magsalita sa aking likuran. Lumabas ang isang lalakeng may katandaan na sa tingin ko ay nagmamay-ari ng puwesto. Kulubot na ang kanyang kutis, maputi na ang kanyang mahabang buhok, at ang kanyang mga tingin ay animo'y nakakamatay. Walang sinumang mamimiling lumalapit sa kanyang tindahan at hindi man lang nabibigyang pansin ang nga naggagandahan niyang mga paninda.

"Lumayo ka d'yan! May sumpa ang mga paninda ng matandang iyan!" sigaw ng isang babae at itinago niya ang kanyang anak sa kanyang likuran habang naglalakad, dahilan upang magsi-layuan ang mga tao sa pwesto. Napatingin ako sa matandang lalake na medyo kuba na habang may hawak na tungkod, lumapit siya sa aking gawi. Diko maiwasang mangamba, dahilan upang mapaatras ako sa aking kinatatayuan at masagi ang ilang paninda sa puwesto na ikahulog nito.

"Ikaw si Elersa," malalim na boses ng lalake at ginamit ang kanyang kahoy na tungkod upang itaas ang aking baba.

"P-paano niyo po nalaman?" tanong ko at sinagi ang kanyang tungkod upang ilayo ito ngunit laking gulat ko nang masugat ang aking daliri dahil sa kanyang tungkod.

"Sa iyong mga mata," saad ng matandang lalake dahilan upang mapakurap ako ng dalawang beses.

"Paumanhin po, ako'y magpapaalam na," saad ko at akmang lalakad na ako palayo nang mapagtanto ko na nasa isang walang hanggang kadiliman na pala ang aking kinatatayuan. Ang pamilihan ay naglaho na at ang kadiliman ang naghari.

Nababalot na ng ilang nagliliyab na lampara ang ilang sulok at nagsimula na akong makarinig ng ilang tinig sa paligid na pilit nagpapabasag sa aking tainga.

Diko maiwasang mangamba sa mga nangyayari. Rinig na rinig ang dumadagundong na tibok ng aking puso at nagsimula nang tumulo ang ilang pawis sa aking noo. Di'ko maintindihan ang mga nangyayari, parang isang panaginip.

Di'ko namalayang tumatakbo na ako sa di matapos tapos na dilim at sa aking pagtakbo ay ang paglitaw rin ng mga lampara sa aking paligid na animo'y sinusundan ako ng mga ito, kasabay ang mga nakakabinging mga iyak, pagdadalamhati, at pagtangis na pumasok sa aking tainga. Napatakip ako sa aking magkabilang tainga, napaupo, at yumuko na pilit pinipigilan ang mga tinig.

Anong nangyayari?!

Agad na tumahimik ang lahat kaya't agad kong pinagmasdan ang paligid. Naroroon parin ang ilang lampara at ang walang katapusang kadiliman. Narinig ko ang tinig ni Nilo kaya't agad akong lumingon sa aking likuran. Nakita ko siya na masayang naglalaro kasama si Ina sa damuhan na animo'y isang normal na araw lamang. Tila gumuho ang aking mundo nang pagsa-saksakin sila ng ilang guwardiya sibil at agad silang naglaho na parang abong itinaboy ng hangin.

Tumambad sa aking harapan ang wala nang buhay na katawan ni Ate Jesa na duguan, nakamulat parin ang kanyang mga mata habang nakatitig sa aking gawi. Isang lalake ang pinagpapawisang tumakbo sa bangkay ng aking kapatid at pilit itong ginigising. Ilang segundo ang lumipas ay unti unti rin silang naglaho at itinaboy ng hangin.

Napatitig ako sa aking harapan nang agad na tumambad sa aking harapan ang walang emosyon na mukha ni Taniel habang duguan, dahan dahan ring nagpakita ang ilang tao na mula sa sampu ay naging daan at libo-libo mula bata hanggang matatanda. Bakas sa kanilang mga mukha ang malagim na kanilang dinanas sa di malamang dahilan.

"Elersa..." tinig ni Taniel at inilahad niya ang kanyang duguang palad sa akin na nagpakilabot sa akin. Pagkatapos ay agad siyang lumuha ng dugo na dumaloy sa kanyang pisngi at tumulo sa lupa.

Nataranta ako sa aking mga nakikita kaya't agad akong tumakbo papalayo. Diko nabalanse ang aking mga hakbang dahilan upang mahulog ako sa hangin. Tila bumagal ang mga oras at laking gulat ko nang lumabas ako sa nagkukumpulang mga damit at mapadapa ako sa sahig.

Pagtingala ko ay bumalik sa dati ang paligid. Ang palengke ay buhay na buhay at ang mga mamimili ay maligayang namimili ng mga kagamitan at pagkain. Si Ina ay nakikipagusap sa ilang mga ale at ang nangutya sa matandang lalake kani-kanina pang ay di pa nakalalayo.

Tila huminto ang oras...

Agad akong tumayo at inilibot ang aking paningin sa paligid. Nasaan na kaya ang matandang lalake?

"Ano pong bibilhin niyo?" tanong ng isang ale. Ang puwesto at ang mga panindang produkto ay nagbago, maraming tao ang namimili sa pwesto at ang iba naman ay papalapit pa lamang.

Ang lahat ay pawang kagagawan ng salamangka.

"Oh, anak! Bibilhin mo ba iyan?" tanong ni Ina at tinapik ang aking braso. Tumango tango nalang ako at agad na iniabot ni Ina ang ilang salaping pilak sa tindera. Iniabot naman nito ang magandang talukbong kay Ina nang may ngiti.

"I-ina, may nakita po ba kayong matandang lalake kani-kanina lang?" tanong ko na nagpakunot at nagpataas ng kilay ni Ina.

"Hindi ba iyon ang tinutukoy mo?" tanong ni Ina at itinuro ng kanyang mata ang isang matandang lalake na namimili sa pwesto.

"Hindi, Ina..." saad ko at napakamot sa aking ulo. "Kalimutan na natin po iyon, halina't humayo na," wika ko at kinuha sa kamay ni Ina ang ilang pinamili namin.

Pagkarating namin ni Ina sa bahay ay agad na sumalubong si Nilo na may di maihahalintulad na ngiti sa labi. Kasabay naming dumating sina Tatay Lerid at Taniel na may bitbit na timba na puno ng samu't saring isda at lambat sa kanilang balikat habang walang damit pantaas. Sa tingin ko'y nagmula sila sa katabing dagat.

Sa Dagat Gora.

Nginitian ako ni Taniel ngunit pinandilatan ko lamang siy at hindi pinansin. Agad akong pumasok sa aming munting tahanan at agad na humarap sa malaking salamin. Kahit anong mangyari, hindi ako magpapahalata kay Ina!