Chapter 20: Kabanata 20
"S-sige po," diko akalaing papayag ako nang walang pagsisisi. Nagpangiti ang babae at maging si Mang Redjo. Tumayo ang babae at agad akong hinagkan nang mahigpit.
"Ikaw ang aking pinili, dahil ikaw ang may kakayahang makakapagmasid sa loob ng Kastilyo. Malapit ka rin sa dalawang Prinsipe at alam kong makakahingi ka ng tulong mula sa kanila," saad ni Mang Redjo habang inililigpit ang ilang basket na mula sa Kastilyo, sa tingin ko'y maging ang mga pagkain ay nagmula rin doon.
"Ngunit delikado ang papasukin mo, Elersa!" pagsasalungat ni Ina at agad na hinawakan ang aking braso.
"Ngunit, Ina..." saad ko at laking gulat ko nang lumuhod rin sa kanyang harapan ang babae. Nagsimula nanamang umiyak ang babae at dahil malambot ang puso ni Inay ay agaran niya ring hinimas ang likod ng babae at pilit na pinapatigil.
"Pakiusap!" muling pag-iyak ng babae at hinawi naman ni Ina ang ilang buhok ng babae na sumasagi sa kanyang mukha.
"Di kita papabayaan Elersa, nandito lang ako," saad ni Ina at tumingin sa akin nang seryoso. Pilit na pinapatayo ni Ina ang babae mula sa pagkakaluhod sa batuhan at agad nitong yinakap si Ina. Ilang segundo ang lumipas ay kumawala rin sila sa pagkakayakap.
"Saan kayo tumutuloy ng iyong mga Anak?" pag-aalala ni Ina at lumingon lingon sa tatlong munting bata sa likuran. Hindi naman umimik ang babae at napahinga lang ng malalim.
"Anak niyo po ba sila?" tanong ko at tumingin ang babae sa mga bata. Agad naman silang nagyakapan nang may ngiti sa labi dahil sa di mawaring dahilan. Tumango tango na lamang ang babae at nakarinig kami ng ilang yapak sa di kalayuan. Rinig na rinig ko ang papalapit na mabigat na paglakad dahil sa mga natatapakang tuyong dahon.
Agad namang bumungad ang isang matipunong lalake na walang pantaas habang bitbit ang ilang kahoy sa kanyang balikat.
"Sino ho kayo?" tanong ng lalake at ibinaba ang ilang kahoy sa lupa.
"Anak! Dumating ka rin," maligayang saad ng babae. Lumapit ang lalake sa amin at tiningnan ako ng malalim.
"Sila nga pala, sina Ginang Bersa, at Elersa," sagot ni Mang Redjo na abala sa pag-aayos ng kagamitan sa loob ng karwahe.
"Sila ang tutulong sa atin anak," ani ng babae, napataas ng kilay ang lalake. Agad namang hinawakan ng lalake ang braso ng kanyang Ina at dinala sa isang sulok.
"Mapagkakatiwalaan ba natin sila?" bulong ng lalake ngunit naririnig parin namin.
"Oo, Anak. Magtiwala ka," sagot ng kanyang Ina at napatingin sa aking gawi ang lalake.
"Lumalalim na ang gabi, kailangan na nating bumalik sa Kaharian bago magsara ang lagusan," pag-aalala ni Mang Redjo at sumakay na sa kabayo.
Nagpaalam na kami sa mag-iina at sumunod rin sa karwahe.
"Mag-iingat kayo," paalam ng Ina.
Ilang minuto rin ang lumipas sa aming paglalakbay pabalik at tumigil kami sa lagusan ng Kaharian nang harangin kami ng mga guwardiya sibil.
"Mga tela mula sa Hirsea," saad ni Mang Redjo at may ipinakitang papel sa kanila. Tila nakumbinse rin agad ang mga guwardiya sibil. Pinatakbo naman ni Mang Redjo ang karwahe at nakarating na rin kami sa aming tahanan ilang minuto ang lumipas.
"Paalam na po," saad ng kutsero at agad na pinatakbo ang karwahe pabalik sa Kastilyo dahilan upang maabala ang mga kapitbahay dahil sa huni ng kabayo.
Agad kaming sibalubong nina Ate Jesa at Kuya Jabar sa tahanan habang masaya namang naglalaro ng mga bloke ng kahoy si Nilo. Kinapa ko ang aking bulsa at iniabot kay Nilo ang isang plawta dahilan upang mapatigil siya sa kanyang ginagawa.
"Ang aking plawta! Saan mo ito nakuha Ate?" tanong ni Nilo at agad na kinuha sa aking palad ang plawta at yinakap yakap ito.
"Ahh... Binigay sa akin ni Prinsipe Aelino," sagot ko at gulat na napatingin muli sa akin. Napatingin ako kay Ina na nakaupo habang nasa kanyang noo ang kanyang palad na animo'y di parin makapaniwala sa nangyari.
Ang daming nangyari ngayong araw.
"Si Kuya Aelino? Nasaan po siya Ate Elersa?" tanong ni Nilo na nagpakunot sa aking noo.
"K-kilala mo siya?" tanong ko. Tumango tango na lamang ito at napakamot sa ulo nang magbagsakan ang mga bloke ng kahoy na hindi niya mapatayo't mabalanse. Muli ko siyang tinanong pero hindi niya ako pinapansin, kaya't kinuha ko sa kanyang kamay ang malaking bloke ng kahoy at ako na ang bumuo nito upang makagawa ng isang magandang tore.
"Opo ate, nakita ko siya sa dagat," sagot ni Nilo na nagpakunot sa aking noo.
Pumunta na ba si Prinsipe Aelino sa dagat?
"Pumunta ka sa dagat nang mag-isa?!" hindi ko na mapigilang taasan ang aking boses dahil sa gulat.
"Ako ang nagdala sa kanya sa Dagat Gora, nagulat nga ako kanina nang mapagtanto kong nawawala na siya," singit ni Ama at napakamot kamot sa ulo. Pinalo pa ni Inay si Itay sa kanyang braso dahil sa kanyang nalaman.
"Saan niyo po siya nakita?" tanong ko at pinisil pisil ang kaliwang pisngi ni Nilo dahil sa inis.
"Natagpuan ko siya sa dalampasigan habang umiiyak," sagot ni Ama at napatawa tawa. Napatango ako.
"Talagang pilyo iyang si Nilo. Sa susunod ay hindi ko na siya isasama."
"Nasaan po pala si Taniel? Kamusta po siya?" tanong ko at napalingon naman ako sa labas kung saan tahimik na nakaupo si Taniel habang tinitingala ang kalangitan.
Agad akong lumabas ng bahay at dahan dahang tumabi sa kanya ngunit nananatili parin siyang tahimik na animo'y di niya naramdaman ang aking presensya.
"E-elersa? Ikaw ba 'yan?" tanong ni Taniel habang tulala paring nakatingin sa kalangitan.
"Oo, nakauwi na ako. 'Di ka ba masaya?" tanong ko at lumingon siya sa akin ngunit sa aking likuran siya nakatingin.
"K-kamusta ka, Taniel?" tanong ko ngunit di ko maintindihan kung bakit may kabang nararamdaman ang aking puso. Patuloy ito sa pagpintig nang napakabilis.
"N-nabulag ako," saad ni Taniel at tila gumuho ang aking mundo sa aking mga narinig. Ramdam ko ang pagkirot ng aking puso at ang mainit na luhang namumuo sa aking mga mata.