Chapter 19: Kabanata 19

LUMIPAS ang ilang oras na paghihintay ko kay Ina sa labas ng Kastilyo ay dumating na rin siya. Hindi umuulan ngayon kaya't makakauwi na ako. Nakakailang hakbang pa lamang kami papalayo ay narinig ko ang pamilyar na boses.

"Elersa!" sigaw nito ngunit patuloy lang kami ni Ina sa paglalakad.

"Elersa!" patuloy nito at laking gulat ko nang bumungad sa aking harapan si Prinsipe Aelino na hinihingalo sa pagod.

"B-bakit po Kamahalan? Anong maipaglilingkod ko?" tanong ko at sabay kami ni Ina na nagbigay galang. May dinukot siya sa kanyang bulsa at iniabot sa akin.

"Ano po iyan?" tanong ko kay Prinsipe Aelino. "K-kamahalan?"patuloy ko nang lakihan ako ng mata ni Ina.

Nawawalan na talag ako ng respeto.

"Pakibigay kay Nilo," sagot nito at napatitig nalang ako sa isang maliit na plawta na gawa sa buto sa kanyang kamay. Dali dali ko itong kinuha at isinilid sa aking bulsa na animo'y takot akong mahawakan ang kanyang kamay.

"Paalam na Elersa, at paalam na rin sa iyong Inay Bersa," Nagpaalam na siya at naglakad papalayp. Napatingin naman ako kay Ina abot tenga ang ngiti at animo'y naging isang estatwa dahil hindi na makagalaw.

"I-inay?" tanong ko at laking gulat ko nang agad siyang nagsisigaw dahilan upang umalingawngaw ito sa paligid.

"Ang gwapo ni Aelino!" kilig na kilig na saad ni Inay na mukhang nagbalik dalaga nang muli. Ako pa ang kinakabahan dahil baka marinig ito ni Prinsipe Aelino na hindi pa nakalalayo.

"Inay," saad ko at tinaasan siya ng kilay.

"Hindi ba't nakapagtataka na kilala niya ako at ang kapatid mo?!" siyang-siya na saad ni Ina. Oo nga naman, bakit niya kaya kilala ang aking nakababatang kapatid na si Nilo maging ang aking Ina?

Agad siyang naging seryoso na mukhang napagtanto niya na di kanais nais ang ipinakita niya sa akin.

"Napupusuan mo ba siya anak?" tanong ni Inay at bakas parin ang kilig sa kanyang mukha.

"Hindi ba't sinabi ni Itay na dapat lamang akong magpakasal sa lalakeng sumasamba sa ating Diyos?" paalala ko kay Inay at tumango tango nalang siya."Gaya ni Tan--" napatakip nalang ako sa aking bibig nang mapagtanto ko na hindi ko dapat banggitin ang isa sa aking napupusuan. At kahit anong mangyari ay hindi maaaring maging kami, kahit bali-baliktarin mo pa ang mundo.

"Sino ulit?" tanong ni Ina habang patuloy parin kami sa paglalakad sa walang katao taong hardin ng Kastilyo. "W-wala po!" sagot ko at ngumiti ngiti upang di ako mahalata.

Nakarinig kaming muli ni Inay ng papalapit na karwahe mula sa aming likuran at laking gulat namin ng tumambad sa aming harapan ang dalawang puting kabayo na nagpapakawala pa ng hangin sa kanilang ilong, dahilan upang mapasigaw at mapahawak sa dibdib si Ina.

"Kalma lang kaibigan," saad ng kutsero at agad hinawakan at hinimas ang ulo ng dalawang kabayo dahilan upang tumahimik ito.

"M-may problema po ba Mang Redjo?" tanong ni Ina at pilit na pinapakalma ang sarili. Agad namang bumaba si Mang Redjo sa karwahe at nagbigay galang sa amin, nagbigay rin kaming galang kay Mang Redjo.

"Ipinagutos po sa akin ni Prinsipe Jobel na ihatid ko na kayo pauwi," saad ni Mang Redjo habang hinihimas himas parin ang ulo ng kabayo.

"Kaya na po namin ito," sagot ko kay Mang Redjo at laking gulat ko nang makita ko ang isang lalake sa balkonahe ng Kastilyo na animo'y walang buhay na nakatayo habang natatamaan ng liwanag ng buwan ang kanyang katawan.

Nakakatakot...

Laking gulat ko nang agad na lumundag papasok sa karwahe si Ina na mukhang matagal tagal na ring di nakasakay rito. Kumaway kaway si Ina upang papasukin ako, ngunit sa huli ay ako'y pumasok na rin.

Mabato ang aming nadadaanan dahilan upang walang hintong yumuyugyog ang karwahe. Ang malamig na hangin ay aming nalalanghap dahil sa bilis na pagtakbo ng mga kabayo. Ilang minuto rin ang dumaan at huminto na rin ang karwahe. Agad kong ginising si Ina na nakatulog na rin dahil sa pagod.

Paglabas namin sa karwahe ay tila nabuhusan ako ng malamig na tubig nang mapagtanto ko na hindi kami huminto sa aming tahanan, bagkus ay sa isang madilim at tahimik na kagubatan.

Nakakita ako ng liwanag ng isang lampara na lumulutang papalapit sa kalayuan, dahilan upang mas tumindig ang aking balahibo dahik sa kaba. Ilang lampara rin ang sunod sunod na lumilitaw sa paligid at nagsimula ko nang marinig ang ilang padyak ng paang nakatatapak ng tuyong dahon. Napahawak ako sa braso ni Inay na ngayo'y di na rin makagalaw dahil sa kaba.

Di ako makasigaw, at walang lumalabas na boses sa aking lalamunan. Gustuhin ko mang magsisigaw at humingi ng tulong ngunit may pumipigil sa akin. Ilang sandali pa ay lumitaw ang isang babaeng magulo ang buhok, payat, at namamaga ang mga mata habang bitbit ang nagliliyab na lampara. Tahimik ang paligid, ilang hayop at ibon lamang ang naririnig.

Dahan dahang lumapit sa akin ang babae at pinagmamasdan ako mula ulo hanggang talampakan habang kami'y pinapaikutan ni Ina. Bumalik siya sa aking harap at laking gulat ko nang agad siyang lumuhod sa aking harapan at di niya alintana ang matitigas na bato sa kanyang tuhod.

Hindi ko siya maintindihan.

Laking gulat ko nang nagsimula na siyang humagulhol at nagpakawala ng napakaraming luha sa kanyang mga mata. Agad niyang hinawakan ang aking mga palad at inilapit sa kanyang mukha dahilan upang aking maramdaman ang mainit niyang luha.

"Pakiusap! Tulungan mo kami!" malungkot na saad ng babae at bakas sa kanyang mukha na hindi siya nakakakain ng maayos, walang ligtas na tahanan, at ang ilang gabing puyat at paghihinagpis. Nagsilapitan rin ang ilang mga bata sa kanyang likuran at di maitatanggi na pareho sila ng kondisyon sa kanilang Ina. Sa tingin ko ay anak niya ang mga ito.

Agad na bumaba ang kutsero mula sa karwahe at lumapit sa mga bata habang bitbit ang ilang basket. Ibinaba niya ito sa lupa at nagtatakbuhang lumapit ang mga bata. Inabutan ni Mang Redjo ng ilang tinapay, prutas, at iba't ibang klase ng pagkain ang mga bata na agad naman nilang kinain na animo'y mga lobo na di nakakain ng ilang taon.

"Pakiusap! Hanapin mo ang gumawa ng lahat ng ito! Pagbabayaran nila ito!" paghihinagpis ng babae ngunit di alintana ng kanyang mga anak ang kanyang lungkot na nadarama. Di ako makagalaw sa aking kinatatayuan, maging si Ina ay tila naestatwa na rin.

"A-ano po ang maitutulong ko?" tanong ko at ramdam ko ang paghigpit ng kanyang paghawak sa aking mga kamay. Huminga siya ng malalim at tinitigan ang aking mga mata ng matagal.

"Hanapin mo ang pumasl*ng sa aking asawa," deretsong sagot ng babae at kitang kita sa kanyang mukha ang sinseridad ng panghihingi ng tulong. Tila nabagsakan ang aking katawan ng sako sakong trigo dahil sa pangyayaring kanyang sinabi. Naalala ko ang babaeng naghihinagpis sa harap ng Kastilyo, magkawangis sila nito. Sa tingin ko'y iisa lamang sila.

"P-pakiusap..." Mas lalo niyang hinigpitan ang paghawak ng aking mga kamay.