Chapter 18: Kabanata 18

"Nasaan na ang aking mga gwapong kambal?!" sigaw ni Reyna Emilya na umalingawngaw sa paligid at ikinatingin rin ng ilang tagapagsilbi. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig na kambal ang magkapatid, maging ang mga ibang tao sa loob ng Kastilyo ay tila nahulog rin ang panga dahil sa kanilang nalaman.

Dali dali namang bumaba si Prinsipe Jobel sa hagdan at akmang hahagkan ang kanyang Ina na ilang araw na niyang hindi nakikita, ngunit animo'y isa siyang hangin na itinuring ni Reyna Emilya. Hindi man lang niya ito pinansin, tila ako ang nasaktan para kay Prinsipe Jobel.

"Kambal po pala kayo Kamahalan?" diko na naiwasang tanungin si Prinsipe Aelino na tumango tango na lamang habang nakaharap sa malaking salamin. Inaayos nito ang kanyang kasuotan. Nakakaabala na 'ata ako, nakakatawa dahil nagiging palatanong ako sa Prinsipe na animo'y malapit na kami sa isa't isa.

Lumabas na siya ng silid at agad naman akong sumunod. Huminto nalang ako nang sinyesan niya ako gamit ang kanyang darili sa kanyang likuran.

"Aelino! Anak ko!" sigaw ni Reyna Emilya at agad na inilahad ang kanyang dalawang kamay sa hangin. Nagyakapan silang mag-ina at kita sa kanilang mukha ang kaligayahan na tinatamasa.

Sunod sunod rin ang pagdating ng ibang matataas na tao sa Kaharian na agad namang binabati ang bagong dating na Reyna, pati na rin ang ilang musikero na nagsimula na ring tumugtog ng mahinahong musika na animo'y nakiki-ayon sa karangyaan ng mga bisita. Kaliwa't kanan rin ang mga naghahatid ng mga inuming tuba sa mga bisitang nagtsi-tsismisan sa paligid.

Nagsimula na ring magsalo salo ang pamilya habang nasa kabisera ng mahabang mesa si Reyna Emilya at Haring Valenzo. Sa kanan ni Haring Valenzo ay nakaupo si Prinsipe Jobel na nakasuot ng bughaw habang masayang kumakain ng di mabilang na putahe na mukhang isang batang linulubos ang mga minatamis sa mesa.

"Ang kalusugan mo anak," paalala ni Haring Valenzo kay Prinsipe Jobel na ikinatingin ng ilang bisita na nakikisalo rin sa hapag. Sabay sabay silang nagtawanan habang inayos ni Prinsipe Jobel ang kanyang pagkaka-upo upang mawala ang kahihiyan.

Sa kaliwa naman ni Reyna Emilya ay nakaupo si Prinsipe Aelino na nakasuot ng puti na umaayon sa kumikinang niyang korona habang hinay hinay na kumakain na animo'y wala siyang pakialam sa ligaya at ingay ng paligid.

Nakisalo rin ang ilang kilalang persona sa Kaharian tulad ng mga nagmamay-ari ng naglalakihang barko, daungan, bangko, sanglaan, at ilang magagaling na negosyante sa Kaharian. Nasa mesa rin ang ilang punong kapitan ng mga distrito sa Kaharian at ang mga kapitan ng mga lumalayag na barko papunta sa ibang nasyon.

Namukhaan ko ang isang lalake na nakaupo sa harapan ni Prinsipe Jobel, siya ang kasama niya kanina na biglaang pumasok sa silid ni Prinsipe Aelino kanina.

"Nasaan pala ang iyong Ama, Haring Valenzo?" tanong ng isang matindig na lalake.

"Hindi na siya nakapaghintay, kaya't nauna na siyang kumain at natulog," sagot ni Haring Valenzo sa lalake. Napatango tango na lamang ito at naglagay ng tuba (wine) sa kanyang baso.

Mula sa kamustahan hanggang sa usapang politika at pera umabot ang usapan ng karamihan. Nagtagal ang okasyon ng mahigit isang oras at ramdam ko na rin ang kumakalam kong tiyan. Dahan dahan na ring kumaunti ang bilang ng mga bisita sa loob. Nagpaalam na rin ang mga musikero na kanina lang ay nakikipagusap sa ilang lingkod sa Kastilyo.

Mukhang may nagaganap.

Nahagip ng aking paningin si Ina kasama ang ilang kusinera na masayang nagliligpit ng mga tirang pagkain na hindi naihain sa mga bisita. Nagtama ang aming mga mata at agad niya akong nginitian.

Napadaan si Prinsipe Jobel at agad niya akong hinagisan ng isang pulang mansanas na agad ko ring nasalo. Kinunotan ko siya ng noo at tiningnan na parang nagsasabing 'para saan ito?'. Agad naman siyang naglakad paatras at humarap sa akin. Humawak siya sa kanyang tuhod dahilan upang umayon ang kanyang tangkad sa akin.

"Kainin mo yan," bulong nito sa akin ngunit tinaasan ko lang siya ng kilay. Napahinga siya at nagpatuloy na sa paglalakad. Ilang hakbang palang ang kanyang nagagawa ay agad rin siyang huminto.

"Siya nga pala, walang lason iyan," habol nito at nagpatuloy na sa paglalakad. Sa bagay ay gutom na rin ako.

Pero kung magbibigay siya, ay sana damihan na niya upang mabusog ako!

Diko nalang namalayan na nginingitian ko na ang bigay niyang mansanas at kumagat ng isa dahilan upang malasahan ko ang matamis nitong dinadala.

"Oh, kakainin mo rin naman pala." Nagulat nalang ako ng sumulpot si Prinsipe Jobel sa di kalayuan na animo'y nagtago pa at naghintay na kainin ko ito. Pinandilatan ko siya ng mata at akmang ibabato ko sa kanya ang mansanas ng nahagip ng aking paningin si Reyna Emilya na papalapit sa akin ngayon. Agad kong itinago ang mansanas sa aking likuran at agad na yumuko nang nasa harapan ko na siya.

Nakahinga ako nang malalim nang makalayo na siya, tila tinatawanan pa ako ni Prinsipe Jobel dahil sa aking pagrespeto sa kanyang ina.

Nakakainis.

"Oo nga pala, Elersa." Dali-dali siyang lumapit sa akin habang inaayos ang kanyang magarbong damit. Mas lalo pa siyang lumapit sa akin upang tumingala ako dahil sa kanyang tangkad. Mas lalo ko pang nasilayan ang bughaw niyang mga mata na nabibigyang liwanang ng mga lampara. "Ikaw ba'y nagugutom?"

Kinuha niya ang mansanas na aking kamay na aking kinagatan na kanina. Laking gulat ko nang kinagatan niya rin ito, napatango-tango pa siya dahil sa sarap nito.

"Oo, bakit?" deretso kong sagot sa kanya. Wala ng oras upang ako'y magpakabinibini, ako ay tunay nang nagugutom. Napangisi pa sya dahil sa sagot ko, hinawakan niya ang aking baba at itinaas nito. Tinaasan ko siya ng kilay.

"Nais mo bang sumama sa akin ngayong gabi?" Halata ngang mayroon siyang pupuntahan ngayon dahil sa kanyang tindig. Tinanggal ko ang pakakahawak niya sa aking baba na ikinatawa niya nang mahina.

"Saan? Sasamahan kitang maghanap ng babae?" Tinaasan niya ako ng kilay sabay tawa. Lumayo siya ng kaunti sa akin at inayos ang kanyang pilak na korona.

" 'Hindi' ba ang iyong kasagutan? Sige, ako'y magpapaalam na, Elersa." Kinindatan pa niya ako at naglakad papalayo.

Prinsipe Jobel, babaero.