Chapter 17: Kabanata 17
"Bilis, kaibigan!" sigaw ni Prinsipe Aelino na mas lalong nagpabilis sa takbo ng kabayo. Napapasigaw ako sa tuwing tumatalon ito upang iwasan ang mga natumbang puno sa kagubatan. Ang aking buhok ay pinapasayaw ng hangin na animo'y isang alon sa dagat. Ang matirik na araw ay hindi nakakapaso sa balat dahil sa lamig ng hangin na binibigay ng kagubatan. "Kumapit ka, Elersa!"
"Saan po tayo pupunta, Kamahalan!?" tanong ko at napasigaw ulit nang may mabilis na mapadaang ugsa sa aming tinatahak na daan. Kaliwa't kanan ang mga naglalakihang puno ng mansanas, at ang mga nagtatayugang bulaklak.
"Bilisan mo pa, Kaibigan!" Mas lalong bumilis ang takbo ng kabayo, ang huni ng mga yapak nito ay siyang nangingibabaw sa tahimik na kagubatan. Naaamoy ko ang kanyang halimuyak na tinatangay ng hangin.
Nagulat ako nang makita ko ang isang batis na papalapit na sa amin. "Kumapit ka, Elersa!" sigaw ni Prinsipe Aelino. 'Di ako nag-atubiling kumapit sa kanya kasabay ang malakas at matayog na pagtalon ng kabayo sa rumaragasang batis.
"Halos mamatay na ako sa kaba." Napatawa siya sa aking sinabi.
"Ikaw ba'y nagugutom?" Mabilis niyang naabot ang mansanas na aming nadaanan at ibinigay sa akin ngunit agad rin itong tinangay ng hangin. Nagpagulong-gulong ito sa lupa at napira-piraso. Napailing iling pa siya dahil tila napansin niyang nahulog ko ito.
Kahihiyan.
Napansin ko na tabingi ang kanyang korona at anumang oras ay maaari itong tangayin ng hangin. Dali-dali ko itong inayos sa kanyang buhok at napansin kong siya'y napangiti.
Mula sa malayo ay nakikita ko na ang asul na dagat. Ang mga puno ng mansanas ay napalitan na ng mga puno ng buko. Ang hangin sa paligid ay mas lalong lumalamig, at ang bawat hampas ng alon sa dagat ay akin na ring naririnig. Lumalambot na rin ang lupang aming dinaraanan at napapalitan ng mga puting buhangin.
Nakarating kami sa dalampasigan at mas lalong lumalakas ang simoy ng hangin. Ang mga alon ay dumadampi sa paa ng kabayo na patuloy na tinatahak ang dalampasigan. Napahinto ito ng dahan dahan.
Dali-daling bumaba si Prinsipe Aelino at inihayag ang kanyang mga kamay. Kumakalabog na ang aking dibdib, hindi ko na maintindihan ang aking nararamdaman. Tila bumagal ang oras kasabay ang malamig na simoy ng hangin. Ang ngiti ni Prinsipe Aelino, ang kumikislap niyang mga mata habang natatamaan ng araw, ang busilak niyang puso, at ang halimuyak niyang kahali-halina. Nagsimula nang bumaba ang araw, nagiging kahel na ang kalangitan.
Iba na ang aking nararamdaman.
***
DUMIDILIM na ang paligid, kakarating lang namin mula sa Dagat Gora. Ang mga bituin sa langit ay nag-uunahan nang umusbong at ang buwan ay sumisilip sa kumpol kumpol at makakapal na ulap. Ang mga kabahayan ay nagsisimula nang magpasindi ng mga lampara ngunit nanatili paring maingay at puno ng mga tao ang parke at ilang tindahan sa kalsada.
Ang ilang magsasaka ay walang humpay na nagaararo na animo'y linulubos lubos na ang biyaya ng ulan. Ang mga ibon sa paligid ay nagsisiliparan parin sa madilim na kalangitan na animo'y walang iniindang problema sa buhay.
Ang mga kusinera ay abala sa paghahain ng maraming klase ng pagkain mula sa naglalakihang karne hanggang sa maliliit na bunga ng ubas. Amoy na amoy rin sa paligid ang halimuyak ng naglalasahang mga tuba (wine) na sa tingin ko'y ibinyahe pa mula sa Judea.
Mula sa aking kinatatayuan sa gilid ng bintana ay aking namataan ang pagbukas ng lagusan ng Kastilyo kasabay ang pagbuhos ng napakalakas na ulan at sunod sunod na kidlat at kulog sa paligid. Nag-uunahang sumilong ang mga tao sa kani-kanilang mga tahanan at agad na isinara ang mga bintana at pintuan.
Malakas ang ihip ng hangin na nagpapasayaw sa mga puno sa paligid at ang mga ibon ay agad nang nagsiuwian sa kani-kanilang pugad. Ang malalakas na hampas ng alon sa kalapit na dagat ay rinig na rinig mula sa aking kinatatayuan.
Bumaba ang isang magandang babae sa isang karwahe sa tapat lagusan. Siya'y nakasuot ng itim na kasuotan na punong puno ng mga mamahaling bato, ang kanyang panyapak ay kasing kintab ng porselana na tila hiyang hiyang makatapak sa lupa, may ilang mga alahas na nakasabit sa kanyang katawan, at mga palamuti't (makeup) kolorete (cosmetics) na mas lalong nagpapataas ng kanyang kagandahan.
Ngunit bubukod tangi ang kumukinang na korona sa kanyang mahaba at malusog na buhok na tila kasing itim ng gabi, kasabay ang pagkawala muli ng langit ng sunod sunod na kidlat sa paligid. Nagtama ang aming paningin na siyang nagpabagal sa akin mundo. Agad siyang sinalubong ng ilang tauhan at ginabayan ang bawat hakbang sa lupa.
"Sino po siya Kamah--" diko na naipagpatuloy ang aking sasabihin nang agad siyang sumingit sa aking tanong.
Palagi nalang siyang sumisingit.
"Siya si Reyna Emilya, ang aking Ina," saad ni Prinsipe Aelino at agad na tumayo upang isara ang bintana dahil sa malakas na bugso ng ulan na pumapasok sa loob. Akmang tutulungan ko sana siya ngunit mula sa ilang butas ng bintana ay aking naaninag ang pagpasok rin ni Reyna Emilya sa Kastilyo. Bumukas ang pinto ng Kastilyo dahilan upang gumawa ito ng malakas na ingay sa paligid.
Agad siyang sinalubong ni Haring Valenzo at pinaupo sa isang malambot na upuan na gawa sa balahibo ng tupa. Dali dali namang naghain ang ilang kababaihan ng mainit na tsaa sa mesa na pinagsaluhan ng magkasintahan. Dumaan ang ilang minutong pag-uusap ng dalawa na minsa'y nagtatawanan pa na aking naririnig mula sa loob.
"Tayo'y maghapunan na!" magiliw na sigaw ng isang matandang lalake sa hapag kainan kasabay ang mga huni ng mga kagamitan sa kusina na animo'y hindi ito tumitigil dahil sa mga kusinera.
"Opo, Ama!" sigaw ni Haring Valenzo mula sa sala at inakay si Reyna Emilya papunta sa hapag kainan.
"Nasaan na ang aking mga gwapong kambal?!" sigaw ni Reyna Emilya na umalingawngaw sa paligid at ikinatingin rin ng ilang tagapagsilbi. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig na kambal ang magkapatid, maging ang mga ibang tao sa loob ng Kastilyo ay tila nahulog rin ang panga dahil sa kanilang nalaman.
Dali dali namang bumaba si Prinsipe Jobel sa hagdan at akmang hahagkan ang kanyang Ina na ilang araw na niyang hindi nakikita, ngunit animo'y isa siyang hangin na itinuring ni Reyna Emilya. Hindi man lang niya ito pinansin, tila ako ang nasaktan para kay Prinsipe Jobel.
"Kambal po pala kayo Kamahalan?" diko na naiwasang tanungin si Prinsipe Aelino na tumango tango na lamang habang nakaharap sa malaking salamin. Inaayos nito ang kanyang kasuotan. Nakakaabala na 'ata ako, nakakatawa dahil nagiging palatanong ako sa Prinsipe na animo'y malapit na kami sa isa't isa.