Chapter 16: Kabanata 16
"Anong wala?! Bakit nga?" Pinipilit ko siya pero napabuntong hininga lang siya "Kamahalan?" dagdag ko, nalimutan ko nanamang gumalang.
"Ang mga nasa itaas, ang mga mayayaman, ang mga nasa kapangyarihan. Hindi sila napaparusahan sa kanilang mga krimen,"— napatigil siya at tumingin sa akin— " ngunit ang mga nasa ibaba, ang mga mahihirap, ang mga walang kaya. Sila ang sumasalo sa mga krimen ng mayayaman."
"Hindi ba kasalanan iyon ng mga hukuman at ng mga saserdote,?" tanong ko. Hindi ko maunawaan ang kanyang sinasabi, tumingin siya sa akin. Ramdam ko ang seryoso niyang titig sa akin.
"Walang nagbabago sa lipunan. Ang mga saserdoteng naglilingkod sa kanilang mga Diyos ay gutom rin sa pera at kapangyarihan. Ang mga templo ay ginawa lamang upang makapagkolekta ng pera at mga alay." Nagulat ako nang tanggalin niya ang kanyang korona mula sa kanyang ulo.
"Kamahalan?"
"Ang mga may matataas na posisyon sa lipunan ay siya ring makapagpabagsak sa mga may kapangyarihan. Laban ng mahihirap sa mahihirap, at laban ng mayayaman sa mayayaman." Napansin ko ang nanginginig niyang kamay hawak ang kanyang korona. "Ang mga mayayaman ay lalong yumayaman, ang mga mahihirap ay lalong naghihirap."
"Hindi nga patas ang buhay," pagsang-ayon ko sa kanyang paniniwala.
"May pupuntahan ako mamaya, nais mo bang sumama?" Nagulat ako sa sinabi niya, ngunit tila kinakain ako ng kuriyosidad sa kanyang sinabi. "Mamayang hapon."
"Masusunod po, Kamahalan." Akmang yuyukod na ako ngunit ako'y kanyang pinigilan.
"Aelino."
"M-masusunod po, Aelino," pagwawasto ko.
"Walang 'po'."
"M-masusunod, Aelino?" Nanginginig ako sa pagsasalita, pero napatawa lang siya. Napapatingin pa ang ilang mga guwardiya sibil sa amin na nagbabantay sa matataas na bakod ng Kastilyo.
"Ang sarap ng amoy," napapikit pa siya at linanghap ang hangin. May naaamoy rin akong iba't ibang putahe ng pagkain, mukhang napakasarap. "Ngunit mas masarap ang iyong tinapay."
"T-talaga?"
"Oo, walang halong biro. Ikaw ba ang nagluto?" Nanginginig na ulit ang mga kamay ko, hindi ko alam ang isasagot. Nais kong ibahin ang usapan, ngunit wala nang maipipiga pa ang aking utak.
"M-maaari ba tayong umupo, Kamahalan?"— pilit ko siyang nginitian—"halos isang oras na po tayong nakatayo rito."
Agad akong umupo sa bintana ng kanyang silid sa ikalawang palapag. Nagulat ako nang magbago ang paligid, lalo akong kinabahan.
Natagpuan ko ang aking sariling nakaupo sa bintana habang nasa aking itaas ang maliwanag na buwan, maraming kabahayan ang nasa paligid. May isang malawak na kalsada na mabilis na dinaraanan ng mga hindi ko matukoy na bagay. Nagsimulang magliwanag ang mga bilog sa mga poste kasabay ang malamig na simoy ng hangin.
Rinig ko rin ang ilang mga pamilyar na boses habang nagtatawanan at naguusap. Nagulat ako nang may humawak sa aking pulsuhan. Mahigpit ang kanyang pagkakahawak at tila may namumuong pwersa sa aming mga kamay.
"Rebecca, Anak," aniya. Lalong kumalabog ang aking dibdib, hindi ko alam ang mga nangyayari. Hindi ko kayang lumingon sa kanya, hindi ko makontrol ang aking sarili. Narinig ko ang boses ni Prinsipe Aelino na sumisigaw.
Biglang nagbago ang paligid at bumalik sa dati nitong anyo.
"Kumapit ka, Elersa!" Nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto kong hawak
ni Prinsipe Aelino ang aking pulsuhan habang pilit akong hinihila pataas at pabalik sa kanyang silid. Ramdam ko ang init ng kanyang palad, ang namamawis niyang mukha, at ang pagkabahala.
Paano ako nahulog sa bintana?! Nakakahiya naman!
"Wag kang bumitaw," dagdag niya at napakapit ako sa bintana. Sabay kaming napasigaw nang mabilis niya akong nahila at sabay na napahiga sa sahig. "M-mabuti ka lang ba, E-elersa?" aniya at ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng kanyang dibdib.
***
NATAPOS na ang pananghalian ng pamilya. Pagkatapos, ay sabay-sabay kaming kumain nina Inay sa isang silid kasama ang mga kusinera at iba pang mga tagapagsilbi sa Kastilyo. Hindi ko parin malimutan ang mga nangyari kanina na para bang ramdam ko parin ang presensya ni Prinsipe Aelino sa aking tabi.
"Hoy, Elersa! Tinatanong ka ng iyong Ina! Agad akong naalerto ng tapikin ng isang tagapagsilbi ang aking balikat. Para akong nananaginip ng gising.
"A-ano po iyon, Inay?" Nginitian ko siya at lumapit siya sa akin.
"Kamusta ang iyong araw? Nahirapan ka ba? Mabuti ba ang pagtrato sa iyo ng mga Prinsipe?" Napapatingin rin ang ilang tagapagsilbi sa amin na animo'y nagulat nang marinig ang salitang 'prinsipe'.
"Mabuti naman sila,"— napatigil ako nang maalala ko si Prinsipe Jobel at ang nangyari kaninang umaga— 'walang problema, Inay." Nginitian ko siya na nagpakalma sa kaniyang mukha sabay himas sa aking buhok. Naalerto ang lahat nang pumasok ang pangulo ng mga tagapagsilbi sa silid. Dali-dali silang tumayo na akin ring ginawa. Bumukas ang pinto at tumahimik ang paligid.
"Magsibalikan na kayo sa inyong mga tungkulin!" sigaw niya na dali-daling nagpagalaw sa lahat. Ramdam ko ang kaba nilang lahat na nagpakaba rin sa akin. Lumabas na ang ilang mga tagapagsilbi at itinuloy na nila ang kanilang mga tungkulin, maging ang pangulo ng mga tagapagsilbi ay lumabas na rin.
"Mag-iingat ka, Anak. Pagbutihin mo ang iyong tungkulin." Nginitian ako ni Ina. Lumabas na ako ng silid at naglakad lakad sa paligid. Hindi ko alam kung sinong Prinsipe ang aking pupuntahan ngayon, tila ba nilalamon na ako ng kahihiyan sa nangyari. Nagtama ang paningin namin ni Prinsipe Jobel ngunit agad rin akong umiwas ng tingin. Binilisan ko ang aking paglalakad nang mapansin kong lalapit siya sa akin.
Dapat ko ba siyang iwasan?
May nadaanan akong isang silid at nang mapansin kong walang tao sa loob ay dali-dali akong pumasok at isinara ang pinto. Napahawak pa ako sa aking dibdib dahil sa kaba. Rinig ko ang mga sunod-sunod na yapak sa labas na anumang oras ay maaaring pumasok sa silid.
Nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto ko ang aking pinaroonan. Maraming aklat sa loob, at may ilang lampara sa sulok na nagbibigay ng sapat na liwanang. Nang tumahimik sa labas ay agad agad akong lumabas at pinagpatuloy ang paglalakad. Ginamit ko ang makitid na hagdan sa isang sulok upang makapunta sa ikalawang palapag. Ayokong maulit ang nangyari noong nakaraang araw.
Kahihiyan!
Maraming tagapagsilbi ang aking nadaraanan at napahinto ako sa malawak na balkonahe na agad ring itinungo ng aking mga paa. Napapikit ako at ninamnam ang sariwang hangin sa balkonahe.
Masigla ang pamilihan, ang mga parke, at ang mga kalsada na walang sawang dinaraanan ng mga karwahe. Maaliwalas ang kalangitan, at walang senyales ng pag-ulan. Ang mga halaman sa hardin ng Kastilyo ay malayang binabaybay ng mga paro-paro't mga insekto. Nakarinig ako ng tunog ng isang plawta, inilibot ko ang aking pandinig at hinahanap ang pinanggagalingan ng tunog.
Kailangan niya ako.
Kailangan ako ni Prinsipe Aelino.