Chapter 15: Kabanata 15
"MAHAHANAP natin iyon, Anak," malungkot na saad ni Haring Valenzo kay Prinsipe Aelino, at hinimas nito ng marahan ang kanyang buhok. Nagpaalam na ang Hari sa kanyang anak at isang ngiting may sinseridad ang aking natanggap mula sa kanya bago ito lumabas ng silid. Napatingin ako kay Prinsipe Aelino na nakahawak ng isang patay at tuyong mirasol (sunflower), at kitang kita sa kanya ang wala man lang emosyon na mukha habang nakatapat sa bintana.
Ano nga ba ang papel ng singsing na iyon sa kanya? Bakit ganito na lamang siya kalungkot nang mawala ito? Paano ko sasabihin na ako ang may hawak—Hindi!
Wala na sa akin ang singsing at di ko batid kung saan o kanino ito napunta. Kanino? Posible kayang nasa kamay na ito ng ibang tao? Kung totoo man ang iniisip ko ay nasa loob lang rin siya ng Kastilyo. Ngunit sino?
Napahinga ako ng malalim at napatingin ako kay Prinsipe Aelino na binitawan na ang tuyong mirasol sa lupa. Hindi ko namalayan na dahan dahan na pala akong lumapit kay Prinsipe Aelino ngunit ilang metro lang rin ang layo namin dahil nasa magkabilang dulo kami ng bintana. Napagtanto ko na ganito ang sitwasyon kung paano ko siya pinag-ilusyonan kaya't akmang babalik na sana ako sa dati kong kinatatayuan nang magsalita siya.
"Sandali binibini," saad nito at napatingin sa kaliwa at kanan na tila sinisigurado na walang tao sa paligid. Sumenyas siya sa akin na manahimik gamit ang kanyang hintuturo na itinapat niya sa kanyang labi habang seryosong nakatingin sa akin.
"Ahh... Sige po Kamaha—" di ko na naituloy ang aking sasabihin nang agad siyang tumayo at mabilisan niyang tinakpan ang aking bibig. Ramdam ko ang lambot ng kanyang kamay at ang amoy nito na mistulang hindi nakakasawa. Pagkatapos ay itinulak niya ako sa loob ng malaking aparador na gumawa ng malakas na ingay sa loob ng silid. Agad rin siyang pumasok sa loob at dahan dahang isinara ang pinto nito.
Nagkasya kaming dalawa sa loob habang nakatayo, dahil wala na ang mga kagamitan sa loob ng aparador pagkatapos naming ilabas ang mga ito kanina nang hinanap namin ang kanyang singsing.
Kahit alam ko na kung nasaan ito. Nakakakonsensya naman!
Iilan lang ang mga nakasabit na damit na nasa pagitan namin dahilan upang di namin nakita ang isa't isa. Tahimik rin sa loob at nakukulob ang aming mga boses. Maging ang bawat paghinga namin ay aking naririnig.
"A-ano pong ginagawa natin dito Kamaha---" halos pabulong na saad ko ngunit agad rin itong naudlot nang hawiin ni Prinsipe Aelino ang ilang damit at agad akong hinarap nang may seryosong mukha. Magkalapit na ang aming mga mukha na sa anumang oras ay maaaring magkadikit ang mga ito. Ramdam ko ang init ng kanyang hininga na humahalo sa init ng hangin sa loob na akin ring nalalanghap.
Mainit sa loob ng aparador!
"Kamahalan, nananaginip lang ba akong muli ng gising?" tanong ko na ikinakunot ng kanyang noo. Ilang sandali ay nakarinig ako ng sunod sunod na yapak ng paa na papalapit sa silid. Agad itong bumukas at kitang kita ko sa maliit na butas ng aparador ang dalawang lalakeng pumasok sa loob. Si Prinsipe Jobel at isang lalakeng ngayon ko lamang nakita. Nakasuot ang lalake ng pormal at nagmumukha siyang kapitan ng barko sa kanyang tindig.
"N-nandito lamang siya kanina," inis na saad ni Prinsipe Jobel at napakamot sa kanyang ulo. Napatingin sila sa mga kagamitang nakakalat sa sahig na animo'y iniwan ito ng isang lasinggerong lalake.
"Saan nanaman yata siya tumungo? Hindi niya ba alam na bibisitahin ko siya ngayong umaga?" tanong ng kasama niyang lalake.
"Bumalik na lang tayo mamaya. Sa tingin ko'y may pinuntahan lamang siya saglit," saad ni Prinsipe Jobel at isinara nila ang pinto nang marahan at umalis na sila papalayo. Napatingin naman ako kay Prinsipe Aelino na napahinga nang malalim na animo'y pinagtaguan ang nagkautangan niya. Dahan dahan siyang lumabas sa aparador at inilahad niya ang palad niya sa akin upang tulungan niya akong lumabas ngunit agad kong tinanggihan ito at tumalon papalabas na kanyang ikinagulat.
Pinagpagan ko ang aking palda at inayos ang aking talukbong na ngayo'y gusot gusot na.
"Sino po iyon, Aelino?" tanong ko kay Prinsipe Aelino na ngayo'y napatitig na sa akin at napakurap ng dalawang beses. Napagtanto ko na dapat wag ko siyang tawagin sa mismo niyang pangalan lamang dahil isa iyong kapahangasan lalo na sa tulad kong mababa lamang ang antas ng buhay. Agad akong nagpaumanhin sa kanya ngunit umiling iling lamang siya habang sumisenyas na itigil ko ang paghingi ng paumahin.
"W-walang problema. Tawagin mo nalang akong 'Aelino'," pangaral ni Prinsipe Aelino habang napapakamot sa kanyang ulo. Agad akong bumalik sa aking pagkakatayo.
"Ngunit isa po iyong kapahangasan, Kamaha---" di ko naituloy ang aking sasabihin ng agad niya akong pinahinto.
"Walang problema sa akin iyon, Binibini," Nginitian niya ako ngunit nagulat kami ng marinig namin ang sigaw ng paghihinagpis ng isang babae sa labas. Agad kaming dumungaw sa bintana at laking gulat ko nang makita ang isang katawang wala nang buhay habang binubuhat ng dalawang guwardiya sibil.
Hindi makapasok sa Kastilyo ang naghihinagpis na babae kaya't hanggang sa pagitan na lamang ng malalaking bakal niya inihahayag ang kanyang mga kamay. Kasama nito ang kanyang dalawang maliliit na batang nangingiyak na rin. Papalapit na ang dalawang guwardiya sibil habang buhat buhat ang bangkay na nabalot ng isang tela kasabay ang pagbukas ng lagusan.
Akmang tatakbo na ang babae sa bangkay ngunit agad siyang hinarangan ng mga guwardiya sibil na nagbabantay sa lagusan. Nailabas na ang bangkay kasabay ang pagsara ng lagusan ng Kastilyo.
Ang kaninang naghihinagpis na babae ay napatahimik habang dahan dahang lumalapit sa katawang wala nang buhay. Marahan niyang iniangat ang telang bumabalot sa mukha ng bangkay dahilan upang mapatakip siya sa kanyang bibig at tila hindi na niya napigilan ang pagbuhos ng kanyang mga luha. Napaluhod siya sa lupa at pilit na ginigising ang bangkay na na hindi na maibabalik ang buhay.
Nasasaktan ako sa aking mga nakikita, tila sinasaksak ako ng espada. Hindi ko kayang nakakakita ng mga naghihirap.
Sa kanyang likuran ang kanyang dalawang munting anak na animo'y walang ka-alam alam sa sinapit ng kanilang mahal sa buhay. Tumigil sa tapat ng lagusan ang isang karitong pinapatakbo ng isang baka, agad na bumaba ang isang babae. Yinakap niya ng mahigpit ang babaeng nakaluhod mula sa kanyang likuran na patuloy parin sa pag-iyak. Bumaba rin ang dalawang lalake mula sa kariton at binitbit ang bangkay papasok rito.
Sumunod ang mga mag-anak na sumakay sa kariton at nagsimula na itong tumakbo papalayo.
"Ano po kaya ang nangyari, Kamahalan?" tanong ko kay Prinsipe Aelino na ngayo'y tahimik at patuloy paring pinagmamasdan ang karitong dahan dahan nang nawawala sa aming prensensya.
"Sa aking pagkakaalam ay isa siya sa mga hardinero ng Kastilyo at nabanggit rin sa akin ni Ina kanina na natagpuan nalang siyang sugatan at wala nang buhay sa loob ng balon sa hardin," sagot ni Prinsipe Aelino na ngayo'y tulala parin sa kawalan.
"Nalaman na ho ba kung sino ang pumasl*ng dito? Kamahalan...?" tanong kong muli ngunit umiling iling na lamang siya.
"Wala pa akong ideya, ngunit pakiramdam ko ay malaya siyang nakakapagmasid sa Kastilyo." Tumango ako bilang pagsang-ayon. Sumilong na ang mga hardinero sa isang sulok, tumitirik na rin kasi ang araw. "Hindi patas ang buhay."
"P-paano? B-bakit po ninyo nasabi?" Tumingin ako sa kanya at para bang gutom akong malaman ang kanyang pinupunto sa kanyang sinabi.
"Wala."