Chapter 14: Kabanata 14

Hindi kaya ako'y nag-iilusyon muli?

"Sabi ko, maaari ko bang pumagilid bagama't kukunin ko ang tuwalya sa iyong likuran?" dagdag nito na tila ikahulog ng aking panga sa sahig dahil sa malaking kahihiyan.

Pumagilid ako agad-agad habang nakayuko at agad niyang hinila ang tuwalya mula sa pagkakasampay nito. Lumayo na si Prinsipe Jobel at humarap sa isang malaking salamin sa loob ng silid.

Diko maiwasang mapatingin sa kanya habang pinupunasan ang maraming pawis na tumatagaktak sa kanyang katawan. Maganda ang kanyang pangangatawan at halatang may kutis ng isang maharlika. Kitang kita ko siya mula sa salamin habang pinupunasan ang kanyang dibdib at tiyan. Nagulat ako nang tumingin siya sa akin mula sa salamin. Agad akong umiwas ng tingin na ikina-iling iling at ikinangisi niya. Agad siyang nanamit at dinumog akong muli ng sunod sunod na tanong habang lumalapit sa akin.

"Uulitin ko... Anong pakay mo dito? A-at ano ang iyong ngalan?" tanong ni Prinsipe Jobel habang seryoso ang kanyang mukha na nakatingin sa akin. Hindi ko magawang salita, tila may pwersang pumipilit sa aking dila. Hindi rin ako makagalaw habang nakatitig sa kanyang mga mata.

"Isa ka ba sa mga espiya ng kabilang nasyon? Bakit ka nagpapalakad-lakad sa kalagitnaan ng gabi sa loob ng Kaharian?!" malakas na sigaw ni Prinsipe Jobel sa akin at nanlilisik na ang kanyang mga mata. Napaatras ako at mapasandal ang aking mga siko sa lamesa.

Hindi niya kaya batid na ako'y nagtungo lamang sa palikuran?

Hindi bat nakita niya naman ako? Hindi niya ba batid na ako ang kaniyang tagapaglingkod? Tila naging isang bato ako habang nasa ganoon kaming posisisyon. Ramdam na ramdam ko ang init ng kanyang hininga at ang init ng kanyang katawan na kakatapos lamang pagpawisan.

Agad akong tumayo at inayos nang marahan ang aking palda at talukbong, tiningnan ko siya ng malalim sa kanyang mga mata.

"Ako si Elersa, ang iyong tagapaglingkod," deretso kong tugon sa kanya na ikinangisi niya. Agad siyang naglakad papalayo sa akin at napatawa tawa. Di ko alam ngunit tila iba ang dating ng prinsipeng ito sa akin, di tulad ng kanyang kapatid na ako'y nauutal pa sa pagsasalita sa tuwing siya'y aking kausap. Ngunit sa lalakeng ito ay mukhang di kami magkakaintindihan, tila may sakit siya sa utak bagama't palagi siyang ngisi ng ngisi.

Ano bang problema nito?

Agad siyang napahinga ng malalim at napatahimik habang hinahawakan ang ilang armas pandigma sa loob ng silid.

"Elersa... Elena..." halos pabulong na saad ni Prinsipe Jobel at hinugot ang isang palaso (arrow) mula sa kinatatayuan ng ilang pana at pinagmasdan iyon ng mabuti. Hinawakan niya ang ulo ng palaso na matalim talim kung titingnan dahil sa liwanag na binibigay nito sa tuwing natatamaan ng liwanag. Nagulat ako nang seryoso siyang napatingin sa akin habang hawak ang palaso.

"Nagwakas ang kanyang huling hininga sa bagay na ito," seryoso niyang tugon sa akin habang nakatingin sa aking mga mata, hawak niya ang palaso sa kanyang kanang kamay na tila ba may ipinapahiwatig. Agad niyang ibinalik ang palaso sa kinatatayuan nito at tila bumalik sa normal amg hangin.

"Kung tutuusin ay hindi mo siya kilala, kalimutan na natin iyon," dagdag ni Prinsipe Jobel. Napatango naman ako at inayos ang aking talukbong. Agad naman siyang lumapit sa helera ng mga matatalim na kampilan (uri ng espada) at humugot ng dalawa.

"Nais mo bang matuto?" tanong ni Prinsipe Jobel sa akin sabay abot sa akin ng isang kampilan. Di ako makasagot na para bang may pumipigil sa akin kasabay ang tila pagbulong ng tinig ni Itay sa akin.

'Ang hahawak ng kampilan, ay mamamatay sa kampilan'

Napatingin ako kay Prinsipe Jobel na ngayo'y nakatingin rin ng deretso sa akin na mukang hinihintay niyang kunin ko ang kampilan. Mas lalo ko siyang tiningnan sa kanyang mga mata upang ipahiwatig ang aking sagot.

'Haysst... Oo nga pala," sagot ni Prinsipe Jobel at napapalo sa kanyang noo sabay umiling iling. Agad naman niyang binawi ang kampilan at ibinalik ito sa helera ng mga kauri nito. Agad siyang tumungo sa helera ng mga pana at palaso, at kumuha ng dalawang pares. Ipinakita niya ito sa akin at ngumiti.

"O eto?" tanong ni Prinsipe Jobel sa akin at kinabitan ng palaso (arrow) ang pana. Inayos niya ang kanyang tindig at ipinikit ang kanyang kaliwang mata. Inilibot niya ito sa loob ng silid at pinakawalan ito sa hangin. Mabilis itong tumama sa isang berdeng mansanas dahilan upang mawasak ito at kumalat sa sahig ang mga pira-piraso nito. Akmang pupulutin ko na sana ang mga nagkalat na mansanas sa sahig nang magsalita siya.

"Pabayaan mo na," deretsong tugon ni Prinsipe Jobel. Napatango tango naman ako at agad na bumalik sa aking kinatatayuan. Tiningnan ko naman si Prinsipe jobel at agad akong umiling upang sabihin na di ko susubukan ang pana.

Agad naman siyang napahinga ng malalim at nagpalibot libot sa loob ng silid. Nagulat nalang ako nang may isang malalakas na kalabog ng tambol ang sunod sunod na kumawala sa loob ng silid.

"Ito nalang kaya?" tanong ni Prinsipe Jobel sa akin na tila ba nasasawa nang magtanong sa akin. Itinaas niya ang dalawang panambol (drumstick) at sabay ngiti na tila abot langit ang saya nito. Agad siyang lumapit sa akin at iniabot ang isang panambol na tila ba isang bata na inaaya akong maglaro ng isang piraso ng kahoy.

"Mas ligtas ito... Elersa," malalim na wika ni Prinsipe Jobel at mas binigyang linaw ang pagbigkas ng aking pangalan. Napatingin ako sa kanya at napakurap siya ng dalawang beses sa akin.

Isip bata yata itong si Prinsipe jobel. Naku! Mabilis pa sa kidlat kong kinuha sa kanyang kamay ang panambol at pinalo palo ito sa aking kabilang palad.

"Una, dapat alam mo ang tamang paghawak nito," pangaral ni Prinsipe Jobel sa akin. Itinaas niya sa ere ang kanyang panambol at ipinakita sa akin ang tamang paghawak nito. Agad ko naman itong sinunod ngunit nang lumingon ako kay Prinsipe Jobel ay napailing iling at napahilamos na lamang siya sa kanyag mukha.

Agad siyang lumapit sa akin at sa lapit niya ay nagkakadikit na ang aming mga braso. Mas matangkad siya sa akin at sa pagkakaalam ko ay magkasingtangkad lamang sila ng kanyang kapatid.

"Ganito ang wastong paghawak," pangaral nito at laking gulat ko nang dinakma niya ang aking kamay at inayos ito sa pagkakahawak. Hindi naman maiwasang manginig ng aking mga kamay dahil sa mapahangas niyang paghawak sa akin. Di naman ako makatatanggi dahil tila ako lamang ang gumagawa ng malisya. Tiningnan ko ang kanyang mukha na mukhang abala sa pag-aayos ng aking kamay.

Maputi at makinis ang kanyang kutis, matangos ang kanyang ilong, mapula at manipis ang kanyang mga labi, at ang kanyang makapal na kilay na natatamaan ng ilang hibla ng kanyang buhok, di maitatanggi na siya'y kinahuhumalingan ng napakaraming kababaihan. Nagtama ang aming mga mata at agad agad siyang bumalik sa kanyang pwesto sa aking harapan.

Napatingin ako sa aking kamay na maayos nang nakahawak sa panambol.

"Gayahin mo ako," pangaral ni Prinsipe Jobel. Inihakbang niya ang kanyang kanang paa nang isang beses at hiniwa niya ang hangin gamit ang panambol na agad ko namang sinunod. Inihakbang niya ang kanyang kaliwang paa at hiniwa niyang muli ang hangin na agad ko namang sinunod. Paulit ulit ang aming ginagawa na mukhang nakakabisado ko na.

"Kung ako'y lalapit sa iyo, humakbang ka naman patalikod. Depensahan mong mabuti ang aking mga atake," saad ni Prinsipe Jobel na mabilis na lumapit sa akin at pinakawalan ako nang sunod sunod na agad ko namang nadepensahan. Napapangiti siya sa tuwing nagagawa kong madepensahan ang kanyang mga pinapakawalan.

Tila bumagal ang takbo ng oras nang matapakan ko ang mga piraso ng mansanas sa sahig dahilan upang madulas ang aking sandalyas na gumawa pa ng masingkit na huni sa loob ng silid.

Hindi ko na mabalanse ang aking katawan ngunit agad na naabot ni Prinsipe Jobel ang aking kaliwang kamay at hinila ako dahilan upang mapayakap ako sa kanya. Napabagsak kami nang sabay sa sahig na puno ng pira-piraso ng mansanas.

Napadilat ako at laking gulat ko nang mapagtanto ko na nasa ibabaw ako ng katawan ni Prinsipe Jobel na nakapikit na ngayon. Dahan dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata at nagtama ang aming paningin dahilan upang magkatinginan kami nang matagal.

Kahihiyan nanaman ito!

Nabasag ang katahimikan nang marinig ko ang huni ng mga naggagandahang mga ibon na magandang ipinapakawala ng isang plawta. Agad kong naintindihan ang sitwasyon at agad akong tumayo mula sa pagkakahiga sa katawan ni Prinsipe Jobel. Inayos ko ang aking palda maging ang aking talukbong. Agad akong nagkuripas ng takbo papalabas ng silid dahil sa kahihiyan at sa hudyat ni Prinsipe Aelino na nangangailan ng tulong. Huminto na ang instrumento at nakarating na ako sa kanyang silid.

Naabutan ko siyang nagkakalkal sa kanyang mga aparador na tila may importanteng hinahanap. Magulo na sa kanyang silid at ang kanyang mukha ay namumula na sa paghahanap. Agad niyang naramdaman ang aking presensya.

"Binibining Elersa!" gulat na saad ni Prinsipe Aelino sa akin, ang kanyang mga mata ay puno ng pag-aalala.

"B-bakit po, Kamahalan?" nauutal kong sagot sa kanya na abala pa rin sa paghahanap sa kanyang mga kagamitan.

"Pakiusap, tulungan mo akong mahanap ang aking singsing!" tila nagmamakaawang saad ni Prinsipe Aelino. Bakas sa kanyang mukha ang pagkatakot at pangamba na tila ba may mahalagang papel ang singsing na iyon sa kanyang buhay.

"S-sige po Kamahalan," sagot ko at nagsimula narin akong maghanap sa silid kahit na may nalalaman naman ako tungkol rito.

Ilang minuto kaming naghahanap sa isang bagay na wala naman, at napatigil nalang ako nang mapahinga siya ng malalim. "Ipapahanap ko na lamang kay Ina, ihinto na natin ito," walang ganang saad ng Prinsipe na tila nawalan na ng gana at pag-asa sa buhay. Ako naman itong patango tango na kahit may nalalaman naman na ako tungkol rito, nakokonsensya ako.

"Mawalang galang na po Kamahalan, ngunit maaari ba akong magtanong?" deretso kong tanong kay Prinsipe Aelino.

"Sige," mabilis nitong sagot sa akin at tumango tango.

"Hmm... Ano po ba ang singsing na iyon para sa iyo?" napalunok ako sa tanong ko dahil tila nanghihimasok na ako sa personal niyang buhay. Akmang pupulutin ko na ang topikong iyon ngunit agad rin siyang sumagot.

'Hindi sa akin ang singsing na iyon, ang singsing na iyon ay pagmamay-ari ng aking sinisinta," deretso nitong sagot at napatingala sa langit na animo'y may inaalalang pangyayari na matagal na panahon na ang nakalilipas.

Napatango tango naman ako sa kanya kahit diko pa lubos maintindihan ang mga nais niyang ipahiwatig. Ngunit batid ko na sa pagdaan ng mga araw na makakasama ko siya ay makikilala ko rin siya ng lubusan.

Agad siyang tumayo at may kinuhang lumang aklat sa isang sulok. Inilapag niya ito sa lamesa dahilan upang kumawala ang mga alikabok sa paligid na ikinabahing ni Prinsipe Aelino.

"A-ano po iyan Kamahalan?" nagtataka kong tanong sa kanya na ngayo'y namumula na ang ilong.

"Nais kong gumawa ng bagong kwento, " saad nito at napatingin sa akin. Napatitig kami sa isa't isa sa di malamang dahilan kasabay ang tila paghinto ng oras at dahan dahang pagbugso muli ng ulan.