Chapter 13: Kabanata 13

Ilang sandali lamang ay nahanap ko ang aking sariling nakatayo sa kanyang tabi habang ninamnam ang sinag ng araw. Kulay asul na ang langit at bumalik na rin ang sigla ng bawat tao habang ang ilang bata'y naririnig nang nagsisigawan habang naghahabulan mula sa malayo. Ang dagat ay masigla nang umaagos habang ang mga mangigisda ay pabalik balik sa pampang upang iahon ang kanilang nakukuhang isda na makikita parin kahit ilang kilometro ang layo nito sa aking kinatatayuan.

Ang pamilihan ay dinadagsa na ng mga di mabilang na mamimili at ang mga karwaheng lulan ang mga iba't ibang produkto gaya ng tela, prutas, gulay , mga hayop, at iba't ibang mga kagamitan sa tahanan na mula pa sa ibang bansa. Ang mga sakahan ay mainam nang naararo pagkatapos ng malakas na ulan na tila isang biyaya sa mga magsasaka. Mula sa aking kinatatayuan ay makikita ang taglay na sigla ng Kaharian dahilan upang maraming kalapit bansa ang yumuyukod rito at rumerespeto.

Napahinga ako ng malalim kasabay ang malamig na simoy na hangin dahilan upang lumipad ang talukbong mula sa akin. Agad na tumayo si Prinsipe Aelino at tumungo sa tapat ng pintuan at saka pinulot ang aking pulang talukbong.

Lumapit siya sa akin at iniabot ang aking talukbong dahilan upang kumalabog ang aking puso, manghina ang aking mga tuhod, at manginig ang aking mga kamay nang tanggapin ko ito. Nagdikit ang aming mga daliri dahilan upang mas lalong manlamig ang aking katawan lalo na nang magkatinginan kami ng matagal kasabay ng pag-ihip muli ng hangin.

Agad siyang bumalik sa pagkakatayo sa tapat ng bintana at napahinga nang malalim.

"May isang kasabihan na sa tuwing makakatagpo ka ng isang tao at ang iyong puso ay kumalabog, ang iyong tuhod ay manghina, at ang iyong mga kamay ay manginig, ay hindi sila ang nakatadhana sa iyo. Sa oras na mahanap mo ang naitadhana sa iyo, lahat ay tahimik," wika ni Prinsipe Aelino habang tulalang nakatingin sa kalangitan.

Hindi ko batid ang mga nais niyang ipahiwatig ngunit nakikita ko sa kanyang tahimik at maaaliwalas na mukha ang masakit na nakaraan. Wala akong maisagot, kahit pagtango man lang ay hindi ko magawa, ang kanyang mga sinabi ay parang isang espadang nagpadugo sa aking puso.

"Anong pangalan mo, Binibini?" tanong ni Prinsipe Aelino habang nakatingin na sa mga namumukadkad na bulaklak sa ibaba. Hindi ako umimik dahilan upang mapatingin siya sa akin.

"E-elersa po, Kamahalan," nauutal kong sagot. Napahinga siya ng malalim at tumingala sa kalangitan kung saan nagtatago ang araw sa mga ulap.

"Elena... Elersa..." wika ni Prinsipe Aelino habang nakatitig sa kalangitan. Inilabas niya mula sa kanyang bulsa ang kanyang plawta at nagsimula nang tumugtog ng isang napakalungkot na musika na minsan ko na ring narinig.

Napakaganda.

Ramdam na ramdam niya ang bawat nota na kanyang ipinapakawala sa hangin kasabay ng pagpikit ng kanyang mga mata. Hindi ko mapagilang mapatitig sa kanya dahil sa angkin niyang talento at di maitatanggi ang kanyang taglay na kagwapuhan. Natauhan nalang ako nang mapahinto siya sa pagtugtog at magsalitang muli.

"Hindi ba't hindi lamang ako ang iyong paglilingkuran?" tanong ni Prinsipe Aelino sa akin. Tila nabuhusan ako ng isang timbang nyebe dahil sa kanyang sinabi, may punto naman siya dahil kailangan ko ring paglingkuran ang kanyang kapatid na si Prinsipe Jobel. Dali dali akong naybigay galang sa kanya.

"O-opo Kamahal---" di ko naipagpatuloy ang aking mga sasambitin. Agad nanaman siyang tumugtog at kumawala sa hangin ang mga magagandang huni ng ibon na nagmumula sa plawta na mukhang makatotohanan ang mga ito.

Ramdam na ramdam niyang muli ang pag-ihip mula sa kanyang mga mapupulang labi, pagkapikit ng kanyang mga mata, at minsa'y napapangiti. Sa bawat notang nagpapakalma sa paligid ay ang paglabas ng ilang ibon sa kanilang mga tahanan. Tila naistatwa nanaman ako sa pagtitig sa kanya at nabasag itong muli nang huminto siya.

"Makaririnig ka ng mga huni ng ibon sa oras na kinakailangan ko ang iyong tulong," saad ni Prinsipe Aelino. Napatango tango nalang ako sa kanya at mukha na akong batang masunurin."Maaari mo na akong iwan," dagdag nito, agad naman akong napatango at nagbigay galang sa kanya. Dahan dahan akong naglakad palabas ng silid at marahang isinara ang pinto kahit pa man gumagawa pa rin ito ng masingkit na ingay.

"Oo nga pala, tunay na masarap ang tinapay." dagdag pa niya na nagpangiti sa akin.

Napatigil ako sa labas ng silid at kinapa ang aking bulsa. Tila gumuho ang aking mundo nang,

Nawawala ko ang singsing!

Tila naging estatwa ako sa harap ng pintuan na hindi makagalaw habang pinagtitinginan ako ng nga ilang kababaihan na napadaan pansamantala, mukhang iniiisp nilang nawala ako sa matinong pag-iisip. Tila naglakbay ang aking isipan sa nakaraan, mula nang mapulot ko ang singsing hanggang ngayon. Pilit kong inaalala ang mga pangyayari sa loob lamang ng isang araw.

"Papasukin mo na siya." Rinig na rinig ko ang boses ni Prinsipe Jobel mula sa loob ng isang silid maging ang mga huni ng mga espada na akin ring naririnig. Bumukas ang pinto at nakayuko akong pumasok sa silid. Napatigil ako nang nasa tapat ko na ang isang lalake. Dahan dahan ko siyang tiningnan papataas at sabay kaming nagulat sa di alam na dahilan.

"I-Ikaw?!" gulat na sigaw ni Prinsipe Jobel na ikina-alerto ng mga guwardiya sibil na agad tumabi sa kanya. Maging ang ilang kalalakihan na nageensayo sa loob ng silid ay napatingin rin. Agad sinenyasan ni Prinsipe Jobel ang mga guwardiya sibil na palabasin muna ang lahat ng tao sa loob maging ang mga guwardiya sibil. Agad namang nagbigay galang ang mga ito at inutusan ang mga kalalakihan na lumabas ng silid na agad naman nilang sinunod.

Makapangyarihan nga talaga.

"A-anong ginagawa mo rito?" nauutal na tanong ni Prinsipe Jobel habang pinapasayaw sa ere ang isang espada. Diko naman maiwasang mapaatras dahil sa kapahamakan na maaari nitong gawin.

Ayaw ko pang mamatay!

Napaiwas ako ng tingin dahil ngayon ko lamang napagtanto na wala siyang damit pantaas dahilan upang makita ko ang namamawis niyang katawan.

"Bakit ayaw mong sumagot? Wala ka bang dila?" natauhan ako nang magsalita siyang muli. Inihinto na rin niya ang pagpapasayaw ng espada sa ere at agad akong linapitan. Laking gulat ko nang dahan dahang siyang lumapit sa akin at ako nama'y napapaatras sa kanyang ginagawa. Ramdam ko ang mabilis na pagkabog ng aking dibdib sa diko alam na dahilan. Napahinto nalang ako nang wala na akong maatrasan pa. Huminto siya sa aking harapan habang suot ang matatalim niyang tingin at pagkagat ng kanyang labi.

"Maari ba?" nagulat ako sa kanyang tanong dahilan upang takpan ko ang aking labi na ikinatawa niya. Patuloy pa rin ang pagkalabog ng aking dibdib.