Chapter 12: Kabanata 12

MAAGA akong nagising dahil sa sunod-sunod na tilaok ng mga tandang sa paligid, hindi pa umuusbong ang araw at ang mga bituin ay tila nagku-kompitensya parin sa pagningning. Ang nagiisang lampara sa loob ng silid ay tumigil na sa pagliyab at ang mga kasamahan ko sa loob ay tila isang langis na hindi na magigising.

Dahan dahan kong ibinaba ang hinabing kumot mula sa aking katawan at dahan dahan rin akong tumayo upang di makagawa ng ingay. Ramdam ko ang lamig ng sahig na mas lalong nagpaginaw sa aking katawan dahilan upang yakapin ko ang aking sarili. Lakad susò akong tumungo sa pintuan at dahan dahan itong binuksan ngunit gumagawa parin ng mahinang ingay.

Pagkabukas ko ng pinto ay binitbit ko ang isang lamparang nakasabit sa labas ng silid at naglakad sa malamig na sahig upang hanapin ang palikuran habang namimilipit sa sakit ang aking puson na anumang oras ay malagay ako sa kahihiyan. Habang tumatagal ay bumibilis ang aking paglakad na tila ba hinahabol ako ng mamamatay tao. Maraming pasiko sikong daan na ang aking tinahak at napabuntong hininga ako nang makita sa aking harapan ang palikuran sa Kastilyo na may pilak na bukasan, agad ko itong binuksan at ginamit.

Paglabas ko ng palikuran ay laking gulat ko nang bumungad agad sa aking harapan ang nag-aalburotong ilong at nanlilisik na mata ng isang lalake, iniharap ko ang hawak kong lampara sa pagitan ng aming mga mukha , laking gulat ko nang makilala ko siya, si Prinsipe Jobel!

Hindi ko alam ngunit agad na nagbago ang kanyang mukha, mula sa mukhang mala-demonyo ay nagbago ito sa isang maamong tupa nang makita ako.

Pumagilid ako sa pinto at dahan dahang naman siyang pumasok na tila ba pinipilit ang kanyang ngiti sa akin. Tila padabog niyang isinara ang pinto ng palikuran dahilan upang gumawa ito ng malakas na ingay sa tahimik na paligid. Aalis na sana ako nang magsalita siya mula sa loob.

"K-kay rami rami ng palikuran sa Kastilyo, dito ka pa t-tlaga sa palikuran ng aming pamilya, hindi ba't may palikuran kayo sa inyong silid?" saad ni Prinsipe Jobel na paputol putol. Tila nastatwa ako sa aking kinatatayuan nang malaman kong palikuran lamang ito para sa mag-aama na pinaka-matataas na tao sa Kaharian, at hindi ko rin batid na mayroong palikuran ang aming silid.

Kahihiyan na ito!

Wala nang maibugang mga salita ang aking bibig kaya't napag-isipan kong umalis na papalayo.

Nakakailang hakbang pa lamang ako nang bumukas ang palikuran at iniluwal ang Prinsipe.

"S-sandali," wika ni Prinsipe Jobel habang ako'y nakatalikod parin sa kanya.

"P-patawad po, Prinsipe Jobel, maiiwan na po kita," mahina kong tugon at akmang lalakad na ako papalayo ngunit laking gulat ko nang hawakan niya ang aking balikat dahilan upang manlamig ang aking katawan.

Agad kong inilayo ang aking sarili at diko akalaing masasampal ko siya dahil sa kanyang mapangahas na ginawa. Kahit madilim ang paligid ay nasilayan ko ang pamumula ng kanyang pisngi at ang mukha niyang tulala habang nakatingin parin sa akin. Diko alam ang aking gagawin kaya't nagbigay galang na ako at siya'y tinalikuran.

"A-aalis na po ako. Patawad po Kamahalan," saad ko at sinimulan ko nang maglakad papalayo habang ramdam ko ang pagbigat ng aking puso. Nakayuko si Prinsipe Jobel habang tinitingnan ang bawat paghakbang ko papalayo sa kanya. Sa aking paglalakad ay ang siyang paghakbang niya rin papalayo sa aming unang pagtatagpo. Napahinga ako ng malalim at pinagpatuloy ang aking paglalakad kasabay ang pagbuhos muli ng ulan dahilan upang mas manlamig ang aking katawan. Napalingon ako sa aking likuran ngunit wala na ang Prinsipe kaya't agad na akong bumalik sa aming silid.

***

"AYUSIN mo rin ang iyong sarili, kanina ka pa tulala sa kawalan," wika ni Jaime sabay buntong hininga habang nakaharap sa malaking salamin sa aming silid. Kanina pa ako tulala sa bintana habang pinagmamasdan ang papataas na araw sa kalangitan. Nagsimula na ring tumubo ang mga berdeng damo at ang mga halaman ay nabuhay muli pagkatapos ng matagal na pagka-uhaw noong taglagas (fall). Tumayo ako at hinarap si Jaime.

"Anong mangyayari kapag sinampal mo ang isang Prinsipe?" tanong ko na ipinagtaka naman ni Jaime, kanina pa siya paikot ikot sa salamin ngunit di naman nagbabago ang kanyang kasuotan. Inilagay niya sa kanyang harap ang kanyang buhok at ako naman ang kanyang hinarap.

"Una, sa oras na masampal mo ang isang Prinsipe, magagalit siya," seryosong sagot ni Jaime habang nakapatong ang kanyang mga braso sa isa't isa. "Pangalawa, maaari ka niyang parusahan... o matanggal sa tungkulin," dagdag ni Jaime at tila mas diniinan at binigyan niya ng linaw ang mga salitang huli niyang binanggit. Parang naiintindihan niya na ang kalagayan ko. Napalunok naman ako dahil sa aking narinig na ikinatawa naman ni Jaime.

"O sya, magsisimula na kaming magtrabaho," wika ni Jaime sabay ngiti at tapik sa aking balikat. Napahawak naman ako sa aking balikat kung saan rin hinawakan ni Prinsipe Jobel. Nagpaalam na si Jaime at lumabas na ng silid dahilan upang ako lang ang matira sa silid. Nataranta ako nang maalala kong may sarili rin pala akong tungkulin sa Kastilyo kaya't lumabas na rin ako ng silid at naabutan ko naman si Jaime na naglalakad.

Naiwan siya sa kusina ng Kastilyo at ako ay nagpatuloy parin sa paglalakad upang tumungo sa ikatlong palapag kung saan naroroon ang silid ni Prinsipe Aelino. Nasa palapag na ako at napahinto ako nang bumukas ang isang silid sa aking likuran at iniluwal si Prinsipe Jobel na nag-uunat ng kanyang mga buto habang humihikab.

Nataranta ako kaya't agad akong nagtago sa mga kumpol kumpol na halaman sa gilid.

"Kay gandang umaga!" humihikab na ani niya at pinakapaikot pa ang kanyang ulo. Nakasuot pang-tulog siya at magulo-gulo pa ang buhok. Laking gulat ko nang may huminto sa aking harapan na hindi ko matukoy, ngunit wala sa kanyang ideya na ako'y nagtatago. Napag-alaman kong isa itong pusa dahil sa patuloy na paghuni nito na tila ba may nakitang isang makakain na daga sa isang sulok.

Mas lalong kumabog ang aking puso nang lumapit si Prinsipe Jobel sa pusa at nagtatakang tiningnan ito. Napatingin siya sa aking kinaroroonan ngunit dahil sa kapal ng mga halaman ay hindi niya ako nakita. Binuhat niya ang pusa at napag-alaman kong iyon ang pusa ni Prinsipe Aelino. Tumalikod siya at nagpatuloy sa paglalakad habang nasa kanyang bisig ang puting pusa.

Nang mawala ang kanyang presensya ay lumabas na ako sa aking pinagtataguan at pinagpagan ang aking kasuotan upang matanggal ang mga sumabit na dahon dahilan upang malaglag ito sa sahig. Napatingin naman ako sa isang babaeng nakangisi na may hawak na walis habang nakatingin sa akin na tila ba isang batang nagkakalat sa bahay.

Ngumiti nalang ako at nagpatuloy sa paglalakad na tila walang nangyari habang sinusundan niya ako ng tingin. Narating ko na ang silid ni Prinsipe Aelino at akmang kakatok na ako nang agad itong bumukas at bumungad sa akin si Haring Valenzo kaya't agad akong nagbigay daan at galang sa kanya. Bakas sa kanyang mukha ang galit, nagpatuloy ito sa paglalakad at padabog nitong isinara ang pinto dahilan upang gumawa ng malakas na ingay. Sinundan ko naman siya ng tingin papalayo habang siya'y napapailing iling at napapakamot sa ulo.

Kumatok ako sa pinto ng tatlong beses na magkakasunod ngunit walang sumasagot. Muli akong kumatok ngunit wala parin kaya't ako nalang ang mismong nagpapasok sa aking sarili. Naabutan kong tulala si Prinsipe Aelino sa kawalan habang pinagmamasdan ang maaliwalas na kalangitan sa bintana.