Chapter 11: Kabanata 11
HATING gabi na ngunit di parin ako dinadalaw ng tulog. Tumigil na kanina ang malakas na bugso ng ulan upang muling masilayan ang buwan at ilang mga bituin sa langit, basa pa rin ang lupa sa labas at kinakailangan ng maghapong init bukas upang tuluyan itong matuyo. Nakahiga ako ngayon sa isang kama, hindi maliit at hindi malaki, sakto lamang ito sa aking laki.
Nasa tabi ko ang tatlong ibang kababaihan na mahimbing nang natutulog at tila dinalaw na rin ng malalim na panaginip dahil ang iba'y gumagawa ng ingay sa kanilang mga ilong. Kung tutuusin ay mas mahirap nga ang kanilang gawain sa Kastilyo, bagama't ako nama'y sinusunod lamang ang bawat utos ng dalawang Prinsipe na hindi naman ganoon kahirap.
Bumangon ako mula sa pagkakahiga at naglakad papalapit sa bintana nang walang pangyapak. Inilapit ko ang isang silya sa tabi ng bintana at umupo ako doon at tumingala sa kalangitan. Mga nagkikislapang bituin na iba't iba ang kulay na binibigay nito, ngunit iilan na lamang bagama't natatakpan ng makakapal na ulap. Nakasilip rin sa ulap ang hindi pa nabubuong buwan sa kalangitan kasabay ang ilang ibon na lumilipad. Napatigil ako sa pagtingala nang humuni ang isang kuwago sa isang sanga ng puno ng Oak. Akmang isasara ko na ang bintana ng laking gulat ko nang may humawak sa aking kamay.
"Hindi ka pa ba matutulog?" wika ni Jaime na isa sa mga lingkod ng Kastilyo. Bumitaw siya sa aking kamay at napakusot-kusot sa kanyang dalawang mata kasabay ang malakas nitong paghikab. Halos kasing edad niya lamang si Kuya Jabar ngunit mas matangkad ako ng kaunti. Mahaba ang kanyang buhok at mapupungay na mga mata. Sa madaling salita, siya'y may taglay ring kagandahan.
"Hindi pa," sagot ko kay Jaime at napatango tango ulit siya kasabay ang mas malakas nanaman nitong paghikab dahilan upang mapagalaw ang ilan naming kasama sa kanilang higaan.
"Napakaswerte mo Elersa dahil pinagsisilbihan mo ang dalawang Prinsipe, magagaan lamang ang iyong tungkulin," saad ni Jaime at tumabi siya sa akin upang panoorin ang langit kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin.
"Bakit hindi ka umuwi sa inyong bahay gaya ng iyong Ina?" dagdag nito habang nakatingala rin sa taas.
"Di ko naabutan si Ina , at..." napatigil ako dahil tila nakakahiya kung sasabihin ko ang dahilan sa kanya. Napakunot naman siya ng noo habang hinihintay ang aking sunod na sasabihin, kita ko parin ang kanyang mukha kahit nakatingala parin sa langit.
"At..?"tanong muli ni Jaime
"At... T-takot ako sa ulan?" wika ko. Napatingin naman siya sa akin sabay halakhak ng tahimik na tila ba pinipigilan niya ang kanyang tawa upang di marinig ng iba kasabay ang pagtapik tapik niya sa braso ko.
"Takot sa ulan?! Ikaw pa lamang ang nakilala kong takot na mabasa ng ulan!" malakas na halaklak ni Jaime na ikagalaw ng ilang natutulog dahil sa ingay nito. Napahinga siya nang malalim at pilit na pinapakalma ang sarili kasabay ang pagpaypay niya gamit ang kanyang kamay sa kanyang mukha kahit malakas naman ang hangin na binibigay ng ulan sa labas. Napansin niya akong di umiimik kaya napatigil siya sa pagtawa at tumingala ulit sa mga bituin
"B-bakit ka naman natatakot sa ulan?" tanong niyang muli sa akin kahit nauutal siya dahil sa pagpigil niya ng kanyang pagtawa.
"Ikaw palang ang nakilala kong napakababaw ng kaligayahan," sagot ko kay Jaime habang pinapanood naming dalawa ang kalangitan. Napailing iling naman siya dahil sa aking sinabi. Napatitig ako sa langit nang makakita ako ng isang bulalakaw na mabilis na dumaan malapit sa buwan. Agad namang napatayo si Jaime sa gulat at itinuro ang bulalakaw na kanina pa nawala sa aming paningin.
"Nakita mo ba iyon?!" gulat na tanong ni Jaime na tila isang batang kauna-unahang nakakita ng isang bulalakaw sa kanyang buhay.
"Oo nakita ko ang isang bulalakaw. Anong mayroon doon?" seryoso kong tanong. Napahinga siya ng malalim at pumikit kasabay ang pagbulong niya sa kanyang sarili. Ilang segundo ang lumipas ay iminulat niya ang kanyang mga mata at ngumiti. Napatingin nanaman siyang muli sa akin.
"Hindi ka gagawa ng isang kahilingan?" tanong ni Jaime sa akin. Marami akong nakikitang bulalakaw sa kalangitan sa tuwing nanonood ako mula sa bintana ng aminng tahanan ngunit hindi ako naniniwala sa kasabihang nakakatupad ng hiling ang isang bulalakaw. Napailing naman ako. Nakakagulat talaga si Jaime dahil kahit kagigising niya lang, ka'y gana gana niyang tumawa. Ngayon ko lang siya nakilala at talagang malalapitin siya sa ibang tao.
"Ano ang hiniling mo?" pabalik kong tanong kay Jaime. Agad naman siyang bumalik sa pagkaka-upo at tumingala muli sa langit.
"Hiniling ko nawa'y mabuhay muli ang aking buong pamilya," seryosong tugon ni Jaime. Ang masiyahin niyang mukha ay napalitan ng lungkot at pamumuo ng luha sa kanyang magkabilang mga mata. Ang pinakamasiyahing taong nakilala ko ay may tinatago rin palang napakalungkot na ala-ala.
"Napaka-swerte mo dahil may pamilya ka, mahalin mo ang iyong pamilya hanggang nabubuhay pa sila. Hindi natin batid kung kailan sila mawawala," malungkot na tugon ni Jaime at bumuhos nang tuluyan ang kanyang mga luha na matagal na niyang ikinukubli. Agad naman akong tumabi sa kanya at tinapik tapik ang kanyang likod upang patahanin siya.
"M-maaari ko bang malaman ang nangyari sa iyong pamilya?" tanong ko kay Jaime. Agad naman niyang pinunasan ang kanyang luha gamit ang kanyang kamay at tumingala muli sa langit na tila inaalala muli ang mga nakaraan.
"Nagmula ako sa Kaharian ng Badoc habang namumuhay ng payapa't masaya kasama ang aking pamilya. May dalawa akong nakababatang kapatid at ako ang panganay. Hindi ko lubos maalala ang mga pangyayari dahil isa pa akong musmos na bata noon ngunit sa mapayapa naming pamumuhay ay sumiklab ang malaking gulo sa Kaharian. Naaalala ko pa ang mga kabahayang linalamon ng apoy at ang ilang mga katawan ng tao na nakahandusay saan saan habang ako'y nakasilip sa maliit na butas sa aming bahay,
"Nagulat nalang ako nang sumigaw si Ina mula sa silid-lutuan at nang lumabas ako nang silid ay laking gulat ko nang makita si Ina na nakahandusay sa sahig habang nakabaon sa kanyang likuran ang matulis at mahabang espada na hinuhugot ng isang sundalo kasabay ang pagluwa nito ng dugo sa kanyang bibig. Sa katabing silid naman ay nakita ko ang dalawa kong nakababatang kapatid na wala nang buhay at tila kinitil habang natutulog,
"Natulala nalang ako nang sumigaw si Ina na tumakbo na ako, di ako makagalaw sa mga oras na iyon ngunit agad akong hinila ni Ama papalayo sa aming tahanan. Sa aming pagtakbo sa nagkakaguluhang tao ay napatumba si Ama nang bumaon sa kanyang likuran amg isang espada at tumagos sa kanyang dibdib. Pilit na lumalaban si Ama sa lalaking iyon habang ako'y patuloy na tumatakbo papalayo,
"Nakarating ako sa isang tahimik na kagubatan at nakilala ko ang isang di ko kilalang matandang babae at idinala ako rito sa Kaharian ng Pinileo. Mula pagkabata ay naglingkod na ako dito sa Kastilyo at pagkaraan mg ilang taon ay pumanaw na ang babaeng tumulong sa akin." napatulala ako sa mahabang kwento ni Jaime habang nakatingala parin sa kalangitan kasabay ang pagbuhos muli ng malakas na ulan. Ngumiti siya sa akin at tumayo ng marahan.
"T-tulog na tayo?" tanong ni Jaime sa akin habang nakakubli sa kanyang mukha ang malaking ngiti. Ang ngiting may itinatagong nakalulungkot na nakaraan.