Chapter 28: KABANATA 27
“Narinig ko itong Bellisimo mula kay Eli, manliligaw mo raw?” striktong tanong ni Kuya Jamile sa kabilang linya at kaagad akong napanguso.
Tinignan ko sina Nanay at Kuya Eli sa sala na nagmaang-maangan at nagbusy-busyhan sa mga ginagawa nila nang tumingin ako sa kanila mula rito sa sala. Kuya Eli was typing at his laptop nang tinignan ko habang si Nanay ay nagpatuloy sa pagpupunas niya sa mga bagong bili niyang furnitures. It was a peaceful Sunday afternoon at tumawag bigla si Kuya Jamile habang gumagawa ako ng report namin para bukas.
“Kuya…kaibigan ni Kuya Eli si Bellisimo,” malumanay kong pagpapaliwanag.
Narinig kong tumikhim si Kuya Eli kaya mabilis ko ulit siyang sinulyapan. There was a hint of smile on his lips kahit pa tutok pa rin sa ginagawa niya. Napairap ako.
“Oo nga, alam ko rin iyon. Pero ang tinatanong ko ay manliligaw mo nga ba?”
Umungot ako. “Oo.”
Bahagya siyang natahimik sa kabilang linya kaya kabado na pinaglaruan ko ang mga daliri ko. Madali akong nalusot kina Nanay at Kuya Eli tungkol sa panliligaw ni Bellisimo, pero si Kuya Jamile talaga ang kinatatakutan ko sa lahat. Mas strikto pa yata siya kaysa kay Tatay, eh.
“Jamila, narinig kong babaero raw iyan. Hindi naman ako tututol kung may nanliligaw sa iyo basta hindi mo pabayaan ang pag-aaral mo kagaya ng palagi kong sinasabi, pero ayaw ko kaagad sa mga narinig ko tungkol sa lalaking iyan.”
Si Kuya Eli talaga! Mukhang siniraan niya pa si Bellisimo kay Kuya Jamile! Laglagero! Kung naandito lang si Bellisimo at narinig na nilaglag siya ng kaibigan niya, baka nag-away na sila.
“Bakit, si Tatay rin naman noon sabi ni Nanay babaero, ah?” taas ang isang kilay kong sabi.
Narinig kong masamid si Nanay sa sarili niyang laway. Napatingin siya sa akin kaya tinignan ko rin siya. Umiling lang si Nanay sa akin.
“Jamila, iba naman ang kay Tatay at sa lalaking iyan. Mas mapusok ang henerasiyon natin ngayon,” aniya na kinainit kaagad ng mga pisngi.
“K-Kuya!” Sabay na napatingin sa akin sina Nanay at Kuya Eli nang makitang hiyang-hiya ako. “Ano ba ‘yang sinasabi mo. Hindi naman na ganoon si Bellisimo at… maayos naman siya sa akin. Pinapatunayan naman niya na sinsero siya.”
“Hm. Pinagtatanggol mo na, mukhang may pag-asa na yata?”
Sumimangot ako sa kabila ng pag-iinit ng mga pisngi ko. Narinig ko ang mababaw na tawa ni Kuya Eli. Sinamaan ko siya ng tingin at tinaasan niya lang ako ng dalawang kilay, inosente ang mukha na tila walang ginawang kasalanan.
“Kuya, magtiwala ka sa akin. Kilala mo naman ako, kapag ayaw ko sa tao, ayaw ko. Hindi naman ako basta-bastang nagpapalapit ng isang tao sa akin kung hindi ko lubusang binigyan ng tiwala.”
Naisip ko iyong mga panahon na hindi ko pinapansin ang mga pagpapapansin ni Bellisimo sa akin. Inis pa ako sa kaniya noon dahil sa reputasiyon niya at makita ko pa lamang siya ay ayaw ko na. Ngayon, malapit na siya sa akin at nanliligaw na. Hindi naman siya makaabot sa ganoon sa akin kung hindi ko nakita mismo ang mga effort at senseridad niya. Tsaka inamin na rin niya na matagal na niya akong gusto kaya… wala na rin siguro akong dapat pang ikaduda. Itong si Kuya Eli lang talaga kung ano-anong pinagsasabi yata kay Kuya Jamile. Mukhang pinapahirapan ang kaibigan niya.
“Oh, siya, sige.” Muntik na akong mangiti nang sinabi niya iyon, kaso may dinugtong pa siya. “Kapag magkasama na kayo ulit ng lalaki na iyon, tawagan mo ako. Gusto ko siyang makausap.”
“Kuya –”
“Nagkaiintindihan ba tayo, Jamila?”
Napabuntonghininga ako at tumango.
“Oo na po.”
Nagsabi pa ng mga habilin niya si Kuya sa akin bago niya pinapasa ang cellphone ko kay Nanay para siya naman ang kausapin niya. Nang makalaya na ako kay Kuya Jamile ay kaagad akong lumapit kay Kuya Eli at pabiro siyang sinakal. Natawa naman siya at pabiro rin na sinapok ang braso kong nakasakal sa leeg niya.
“Ang sama mo, Kuya! Kung ano-ano ang sinasabi mo kay Kuya Jamile,” maktol ko sabay pasalampak na naupo sa couch katabi niya.
Ginulo niya ang buhok ko habang natatawa pa rin.
“What’s wrong with that? Jamile was asking kaya sinabi ko lang ang mga alam ko.”
Nanliliit ang mga mata na tinignan ko siya. Pinakita ko ang pagdududa ko sa kaniya kaya ngumisi siya at umiling sabay baling ulit sa laptop niya.
“Hindi ko alam kung boto ka ba talaga kay Bellisimo para sa akin, eh,” pagpaparinig ko.
Hindi na niya ako nasagot nang bigla ay mag-ring ang cellphone niya sa lamesa. Nasulyapan ko pa na ang senyora ng mga Esperanza ang tumatawag, ina ni Kendall. Nagtaka ako pero hindi na nag-usisa pa. Kinuha ko na lang ang cellphone ko at nakipag-text kay Bellisimo na nakikipag-basketball ngayon sa plaza. Inaya nga ako no’n, kaso sabi ko ay may mga gawain ako kaya hindi na rin nagpumilit. Aniya ay daraan na lang daw siya rito mamaya pagkatapos ng laro nila.
“Hello?” dinig kong bati ni Kuya Eli. “Yes po, Tita. Narito po ako sa bahay, bakit po?”
Lihim akong nag-make-face. Ang bait at pormal basta sa mga magulang ng napupusuan niya. Naalala ko naman ulit tuloy si Bonita. Pero lately nagtataka ako sa isang iyon. Parang blooming, nagsimula nang mag-ayos-ayos sa sarili at parang ang saya-saya. Nagtatampo na nga ako dahil tila wala siyang sinasabi sa akin. Minsan pa’y nahuli ko na tumatawa habang may kadutdot sa cellphone niya. Nang magtanong ako ay buong puso naman niyang iniwasan. Siyempre ayaw ko naman mag-invade ng privacy niya, pero nakatatampo. Sinabi ko nga ang akin tungkol kay Bellisimo, tapos siya naman ngayon ang naglilihim. Nakikita ko talaga na tila inlove siya these days.
“Po?” Napatingin ako kay Kuya Eli nang magulat siya bigla at napatayo. “Wala po siya rito. Are you sure that she’s really not there?”
Naipatong ko ang cellphone ko sa lamesa at napatingala na sa kaniya. Kunot na kunot ang noo niya at tila nag-aalala sa kung ano. Napatayo na rin ako. Pinanuod at pinakinggan ko siya hanggang sa matapos ang tawag niya.
“Okay po. I’ll go out now and look for her. Babalitaan ko po kayo.”
“Anong nangyari, Kuya?” kaagad kong tanong nang maibaba na niya ang cellphone.
“Kendall’s missing.”
“Ano?” gulat kong ani nang marinig ang sinabi niya.