Chapter 36: Jane

Tulalang nakaupo lang ako sa vanity table habang nakatitig sa salamin. Pinayagan na ako ni Rodrigo na pumunta sa sarili kong kwarto rito sa mansyon. Kanina pa siya umalis kaya pansamantalang natahimik ang buhay ko. Tsaka, binigyan na rin niya ako ng cellphone kaya nakakausap ko na rin si Mama palagi.

Huminga ako nang malalim at ibinaba ang suklay na hawak ko. Pumunta ako sa may terrace. Ilang araw na akong narito ngunit hindi pa rin ako nakaaalis. Kahit na may kaunting kalayaan na ako rito ay hindi pa rin ako makalabas. Hindi na rin kasi ako binigyan ni Rodrigo ng bodyguard dahil hindi na siya nagtiwala pa sa iba. Maigi na rin iyon para sa akin dahil hindi na kaya ng konsensya ko kung may mamamatay pa nang dahil sa akin.

Narinig kong bumukas ang pinto ng kwarto ko kaya napalingon ako sa loob. Natigilan ako noong makita ko si Sir Navarro na pumasok sa loob. Ang tiyuhin ni Rodrigo. Palagi ko siyang nakikita rito sa mansyon. Noong isang beses pa ay nakasabay namin siyang kumain ng hapunan. Pero hindi ko pa siya nakakausap dahil alam ko namang pare-parehas silang walang konsensya.

Agad na ngumiti sa akin si Sir Navarro at naglakad papalapit sa akin. “Jane,” tawag niya sa akin. Tumigil siya noong nasa bungad na siya ng terrace. “Ilang linggo na rin tayong magkasama sa bahay pero hindi pa natin nakakausap ang isa’t isa.”

Nangunot ang noo ko. Wala naman kaming dapat pag-usapan.

“B-Bakit po?”

Namulsa siya. “Wala naman. I just want to know more about my niece's wife.”

Napangiwi ako. “Sa lahat, sir. Alam mo naman siguro na hindi ko ginustong maging asawa ng pamangkin mo, hindi ba?”

“Well. I’m sorry about that. Alam mo, hindi ko nga rin alam kung bakit naging gano’n ang pamangkin ko. You know… Rodrigo is a fine man pero malupit sa mga babae. He likes to play. Hindi ko inakala na gugustuhin niyang lumagay sa tahimik.”

Napailing-iling na ako. “Si Rodrigo? Sigurado ako na isa lang ako sa mga pangpalipas ng oras niya. Kaya lang naman ako nandito dahil natatakot kayo na sa alam ko.”

Biglang tumawa si Sir Navarro. “Tama. Pero ako? Hindi ko gustong narito ka.”

Napaatras ako nang kaunti noong makita kong naging seryoso ang mukha ni sir Navarro. Kumapit ako sa railings.

“Miss Jane Acosta. I have a proposal for you. Gusto mo na bang makaalis dito?”

Hindi ko alam kung bakit bigla akong binundol ng kaba dahil sa tanong niya. Hindi kaya sinusubukan niya lang ako? Pakana ba ito ni Rodrigo?

“I will help you escape from this place. Just tell me if you want and I will. You know where to find me.”

Ngumiti sa akin si sir Navarro. Napalunok ako noong tiningnan niya ako mula ulo hanggang sa paa. Bigla akong kinilabutan dahil nag-iba ang tingin niya sa akin. Ano sa tingin niya ang ibig niyang sabihin?

“I know now why my niece is crazy for you,” aniya at ngumiti nang makahulugan. Pagkatapos ay tumalikod na at naglakad palabas ng kwarto ko.

Agad na nanginig ang kalamnan ko dahil sa kaniyang mga sinabi. Pare-parehas talaga silang mga baliw! Mga pamilya ng baliw!

Mula noong makausap ko si sir Navarro ay hindi na ako mapakali. Hindi ko alam kung bakit mayroong parte sa akin na gusto kong maniwala sa tulong na inaalok niya sa akin. Mula rin noong magkausap kami ay umakto rin siya na para bang walang nangyari. Mukhang walang alam si Rodrigo sa napag-usapan namin dalawa ng tiyuhin niya.

“Hija. Handa ka na ba?”

Napatingin ako sa may pinto noong marinig ko ang boses ni Nanay Lyn. Sa mga tauhan ni Rodrigo sa mansyon ay siya lang ang matinong nakakausap ko ngayon. Siya lang ang kaya kong makausap.

Tumango ako. “Opo.”

“Naghihintay na ang sasakyan sa ibaba. Sumunod ka na.”

“Sige po.”

Matipid akong ngumiti sa kaniya. Lumabas na rin si Nanay Lyn ng kwarto ko. Napahinga ako nang malalim at muling tiningnan ang sarili. Nakalugay ang mahaba kong buhok na hindi ko na inabala pang ayusin. Nag-apply lang din ako ng powder at hindi na naglagay ng make-up. May pinadalang bestida si Rodrigo sa akin na suot-suot ko ngayon. Pulang bestida iyon na hapit na hapit sa aking katawan. Litaw ang balikad ko at ang pisngi ng dibdib ko. Hindi ko alam kung saan kami pupunta pero sabi ni Rodrigo ay maghanda raw ako. Sinuot ko na ang stilleto na kumikintab ang pagkapula. Dala ang pouch ko ay lumabas na ako ng silid. Nakita ko agad ang isang sasakyan na naghihintay sa akin sa tapat ng mansyon. Bukas na ang pinto niyon kaya sumakay na ako agad.

Tahimik lang ako habang nagbabyahe kami. Iniisip kong maigi ang inaalok sa akin ni sir Navarro. Sabi niya ay ayaw niya sa akin. Paano kung patayin naman niya ako? Hindi ko siya dapat pagkatiwalaan. Isa pa rin siyang Navarro. Pero siya na lang ang makatutulong sa akin kung tutuusin. Hindi naman siguro papatayin ni Rodrigo ang sarili niyang kadugo? Huminga ako nang malalim at kinalma ang sarili. Kailangan kong pag-isipan nang maigi ito.

Hindi nagtagal ay tumigil kami sa isang resort. Bumukas ang pinto at lumabas ako roon.

“This way, ma’am.”

Tinanguan ko ang babaeng nakauniporme. Sinundan ko siya hanggang sa makarating kami sa may tabing dagat. Doon ay nakita ko agad si Rodrigo na nakapormal na damit kagaya nang palagi niyang suot. May pulang carpet sa buhangin papunta sa isang cabin. Maliwanag pa pero may mga kandilang nakasindi sa gilid ng carpet at may mga talulot pa ng bulaklak. Tumayo si Rodrigo at ngumiti sa akin. Huminga ako nang malalim saka naglakad papalapit sa kaniya. Marunong din pala siyang maging romantiko. Pero kahit ano naman ang gawin niya ay hindi ako nakakaramdam ng kilig sa mga ginagawa niya. Palagi akong binibigyan ng bulaklak ni Rodrigo. Hindi na rin siya nagagalit sa akin dahils inusunod ko na siya palagi. Kung sa ibang babae ay kikiligin sila. Pero ako? Hindi. Pakiramdam ko ay naging bato na ako dahil sa mga ginawa niya sa akin noon.

“My wife!” bati agad sa akin ni Rodrigo at hinalikan ako sa pisngi noong makalapit ako sa kaniya. “Mabuti naman at nakarating ka na. Maupo ka.”

Matipid ko siyang nginitian at umupo sa inayos niyang upuan. Winawagayway ng malamig na hangin ang buhok ko kaya panay ang ayos ko no’n. Sa ‘di kalayuan ay napansin ko ang ilang mga staff ng resort.

“Ano’ng ginagawa natin dito?” nagtatakang tanong ko.

Naupo si Rodrigo sa tapat ko. May kandila sa gitna ng pabilog naming lamesa at mayroon ng mga plato na maayos na nakalagay. Parang dinala rito ang isang mamahaling restaurant.

“We’re on a date. Nung isang linggo pa kasi ang huling labas natin. And medyo lumuwag na ang schedule ko today. Kaya ito. Baka kasi na bo-boring ka na sa bahay.”

“Oo. Kaya sana naman hinahayaan mo na akong lumabas.”

Nawala ang mga ngiti ni Rodrigo. “Why? Saan ka naman pupunta?”

“Gusto ko na ulit pumasok. Wala na akong balita sa mga kaibigan ko. Hayaan mo akong mamuhay kagaya ng buhay ko noon.”

Huminga nang malalim si Rodrigo at tiningnan ako nang mariin. “Hindi ka pwedeng umalis nang hindi ako kasama.”

“Edi h’wag ka nang magsasalita na para bang na aawa ka sa akin dahil ako nakakalabas sa mansyon mo, Rodrigo.”

Napakislot ako noong bigla niyang hinampas ang lamesa. “Pwede ba, Jane? I’m being nice to you. Ano ka ba?”

“Hindi ko kailangan ko ‘to, Rodrigo. Ikaw na nga nagsabi. Nakatali na ako sa ‘yo. Kahit saan ako pumunta ay hindi na ako–”

“Enough!” sigaw ni Rodrigo.

Napakapit ako sa laylayan ng bestida ko at tumingin sa gilid. Oo, nasunod na ako sa kaniya. Pero hindi ibig sabihin no’n ay hindi ko pa rin ipaglalaban ang kalayaan ko.

“You know what? Nawalan na ako ng gana.”

Tumayo si Rodrigo at bigla akong hinawakan sa braso. Pagkatapos ay hinila niya ako paalis sa cabin.

“Rodrigo! Ano ba? Bitawan mo ako!”