Chapter Twenty-eight

Abducted

Nagsasalansan ng files sa drawer si Sandra nang bumukas ang pinto ng kanyang opisina.

“Maaga akong uuwi, Heiddie. Please cancel all my meetings at i-reschedule mo sa susunod na araw.”

Pinagpag niya ang kamay. Kumuha uli ng files na isasama sa mga naka-pile na dokumento sa desk.

“Doc…”

“Why?” she asked.

Natigilan si Sandra nang mag-angat ng tingin at makitang bukod sa nurse, isang lalaking ngayon lang nakita nang personal pero kilalang-kilala ang nakatayo sa bungad ng pinto.

Wala panglakas ng loob si Elaine na bumalik at humarap uli kay Tan pero natagpuan niya ang sariling ipina-park ang kotse sa tapat ng inuupahan nilang bahay sa Makati.

Wala siya sa sarili. Hindi mawala sa isip niya ang huling sinabi ni Janine kanina. Sigurado siyang may alam ito tungkol sa nakaraan niya. At hindi pa nito iyon sinasabi kay Tan.

Sa dami ng inililihim sa asawa, alin doon ang alam ng doktora?

Kung talagang gusto nitong makuha si Tan, matagal na dapat nitong sinabi sa lalaki ang lahat. That could have stopped him from marrying her again.

Huminga siya nang malalim pagkatapos ng ilang saglit na pag-aatubili. Akmang bubuhayin na niya ang makina nang may kumatok sa bintana ng kanyang kotse. Nag-angat siya ng mukha. Sumungaw ang nakangiting mukha ni Gigi. Kumaway ito sa kanya, sinenyasan siyang bumaba.

Elaine hesitated once again. But in the end, she rolled down her car window and prompted the teen to get in.

Sa pinakamalapit na convenience store sila napunta. It was three in the afternoon at hindi pa rin pala siya nagtatanghalian. Pumili ng chips si Gigi at ice cream. Habang siopao at mineral water ang sa kanya.

Pumuwesto sila sa pandalawahang upuan matapos magbayad sa cashier. Noong umpisa ay tahimik silang kumakain, hanggang sa magbuka ng bibig si Gigi.

“Ilang araw kitang hindi nakita dito sa ‘tin. Akala ko naghiwalay na kayo ng asawa mong doktor dahil sa pinsan kong pulis,” she said, licking her slowly melting chocolate ice cream.

“Magkaibigan lang kami ni Marco.”

Eyebrows furrowed, iniikot ni Gigi ang kinauupuang stool paharap sa kanya. “Hindi kaibigan lang ang tingin ng Kuya Marco sa ‘yo. At kung ako ang masusunod, kung hindi ka pa kasal, gusto kita para sa pinsan ko.”

Napailing si Elaine. She was a typical teen. Nagbubuka ng bibig nang hindi iniisip ang sinasabi. Ininom niya ang laman ng bottled water.

“Hayan o,” sabi nito. Iniabot sa kanya ang hawak na cell phone. Tumikwas ang kilay niya nang makitang picture iyon ni Marco, nakadapa sa kama, mukhang seryoso, hawak at nakatitig sa screen ng cell phone.

“Si Marco? Ano’ng tungkol sa picture?”

“Kung iba-browse mo ang phone niya, apat na picture lang ang laman, puro ikaw. Kapag nasa kuwarto siya, wala siyang ibang ginagawa kundi titigan iyang mga ‘yan.”

Matipid ang ngiti niya. Nao-awkward-an siya pero gayunman, natutuwa siya sa pagiging supportive ni Gigi sa pinsan.

“At saka alam mo ba…”

“Hep!” Itinaas niya ang hintuturo at idinikit sa nguso ni Gigi. “Magpapakasal na ang kuya mo at may asawa na ako. Hindi tamang nirereto mo pa kami sa isa’t isa. Hindi magandang tingnan at pakinggan.”

Iniiwas ni Gigi ang mukha sa kanya. Ayaw paawat. “Sino’ng ikakasal kanino? Hindi na naghanap ng ibang babae ang Kuya mula nang makita ka niya noon. Worried siya lagi na malungkot ka kaya—”

“Gigi…” saway niya uli. At the back of her mind, gusto niyang sakalin si Marco. Pinaniwala lang ba siya nito na ikakasal na? “Huling libre ko na ito sa ‘yo kung hindi ka titigil.”

Disappointed, bumuntong-hininga si Gigi. Itinaob ang cell phone sa mesa at idinikit ang likod sa sandalan ng silya.

“Laging too late ang pinsan ko. Nang una ka niyang makita, kasal ka na. Nang maghiwalay kayo ng asawa mo, hindi naman naging kayo sa dahilang hindi ko pa alam sa ngayon. Pagkatapos ng tatlong taon, hindi na naman puwede dahil kasal ka na uli sa dating asawa mo pa rin.”

Natigilan si Elaine. Kinakabahang napatitig siya kay Gigi. Nagkita na sila ni Marco noon? Saan at kailan? Bakit alam nito na naghiwalay sila noon ni Tan? Sa nakalipas na tatlong taon, nasa paligid lang ba niya ang lalaki?

“Hindi mo ba talaga maalala?” tanong ng dalagita nang makita ang pagkamangha sa ekspresyon niya. “‘Sabagay, ako din noong una. Mabuti na lang at narinig ko ang pag-uusap nila ng papa ko. 2017 yata. Sa ospital sa Parañaque. Doon kita unang nakita,” tuloy-tuloy na sabi nito, sa boses na tunog excited. Ni hindi napansin na unti-unting tinatakasan ng kulay ang kanyang mukha.

August 30, 2017

Nagbuga ng hangin si Elaine. Paroo’t parito siya sa loob ng kuwarto. Hindi siya mapakali.

Ilang linggo ang itinagal ng medical mission ng team ng asawa sa Mindanao. Kaninang madaling-araw lang ito dumating pero sa halip na sa bahay, dumeretso si Tan sa ospital. Malalim na uli ang gabi pero hindi pa rin ito umuuwi.

Disappointed si Elaine. She wanted to give him a call pero pinigilan niya ang sarili. Baka nasa gitna pa ito ng operasyon kaya hindi siya ma-update. Hanggang kanina, hindi niya mapagdesisyunan kung ano ang unang sasabihin dito.

Ang pag-amin tungkol sa existence ng nanay niya, ang tungkol sa muling paglitaw ng ama, ang tungkol sa malaking halagang na-withdraw niya sa savings account nila, o ang tungkol sa pagbubuntis.

She decided to tell him everything now. Mas makakabuti kung wala na siyang ililihim pa kagaya ng payo sa kanya ni Mang Chito. Ngayong lumitaw na uli ang tatay niya, gusto na niyang itama ang lahat. Matagal na rin siyang kinukutkot ng konsiyensiya sa ginawang pagtatwa sa sariling ina.

She hated Bettina then, nang yayain siya ni Tan ng kasal, ang mabilis na pagpayag niya partly, si Bettina ang dahilan. Gusto niyang makalaya agad sa anino ng ina. For seventeen years—physically, mentally, and emotionally ay inabuso siya nito. Kung hindi siya natutong lumaban at tumayo sa sariling mga paa, baka kahit sa edad niyang iyon ay patuloy pa rin ang pananakit nito sa kanya.

But since she left home and married Tan at nakita kung gaano nito pinapahalagahan ang mga magulang, unti-unti niyang binuksan ang puso. Gusto na lang niyang isipin na ang hirap na pinagdaanan noong kabataan ni Bettina ang dahilan kung bakit ito naging abusado.

Hanggang sa mabasa niya noong isang araw ang resulta ng general checkup nito. Bone cancer at nasa stage four na. At ilang taon na nito iyong itinatago. Bettina suffered alone habang siya, masarap ang buhay mula nang maging parte ng mga De Marco.

Hindi niya alam ang mararamdaman. Ang sama ng loob na inakala niyang naipon sa puso sa loob ng halos dalawang dekada, parang bula na nawala.

Huminto si Elaine sa pagparoo’t parito. Naupo siya sa couch, nasa mga mata pa rin ang pag-aalala. Kailangan niyang makausap si Tan. He was a good surgeon, walang duda. He might still save her mother kahit binigyan na ito ng taning ng doktor.

Nasa ganoon siyang ayos nang tumunog ang cell phone niya. Mabilis niya iyong dinampot sa center table sa pag-aakalang si Tan iyon. Pero kapitbahay nila sa Parañaque ang tumatawag.

Isinugod si Bettina sa ospital kanina at ayaw nito iyong ipaalam sa kanya. Worried, she rushed to the garage habang tinatawagan si Tan. Still, walang sumagot sa tawag niya.

Nanlalatang Bettina ang inabutan niya sa ospital sa Parañaque. Nakaupo ito pasandal sa headboard ng hospital bed. Mangiyak-ngiyak siya sa pinaghalong awa at pag-aalala pero pinilit niya iyong itago sa ina. Alam niyang ayaw na ayaw nito ng drama.

“Ililipat kita ng ospital, tatawagan ko si Tan. Mas maganda ang facilities sa AMM Hospital. Kung hihilingin ko sa kanyang dalhin ka sa Amerika, siguradong papayag siya.”

“Sinabi mo na ba sa kanya ang tungkol sa ‘kin?”

Hindi nakasagot si Elaine.

Huminga nang malalim si Bettina. “Maigi na rin ito, at least hindi ka na mahihirapang panindigan sa asawa mo na patay na ‘ko.”

Gumuhit ang guilt sa mga mata niyang ayaw paawat sa pagtutubig.“Nagdesisyon na ‘ko na sabihin ang totoo sa asawa ko, ‘Nay. Matutulungan ka niya.”

“Alam kong hindi ako naging mabuting ina sa ‘yo, Elaine. Alam ko ang mga naging pagkukulang ko at pagkakamali. Hindi ko hihilinging dalhin mo ‘ko sa mas magandang ospital o pagkagastahan n’yo pa akong mag-asawa nang malaki. Ang gusto ko lang, mamuhay ka nang tahimik. Mahalin mo ang asawa mo at ang mga magiging anak ninyo. Huwag mong sundan ang mga yapak ko. At higit sa lahat, si Silver, ang tatay mo… huwag mong hayaang sirain niya ang buhay n’yo. Layuan mo siya habang maaga. Pera pa lang ngayon ang hinihingi niya, bukas makalawa, may ideya ka ba kung ano na?”

“‘Nay…”

Umiling ito. Pinatatahimik siya.“Mamamatay lang akong tahimik at payapa, Elaine, kapag ginawa mo ang mga bilin ko.”

It was almost midnight nang makumbinsi siya ni Bettina na umuwi. Hindi raw maganda para sa kanya na nasa first trimester sa pagbubuntis ang amoy ng ospital. Nag-hire siya ng personal nurse na magbabantay sa ina at nangakong babalik kinabukasan. Hindi niya ito makumbinsing lumipat ng ibang ospital.

Madilim at wala nang katao-tao sa car park nang makalabas siya. Pasakay na siya sa kotse nang muling maalala na i-check ang cell phone. She checked many times pero hanggang kanina bago siya lumabas ng ospital, hindi niya iyon narinig na tumunog. Pero nagbaka-sakali siya, hoping na may text o chat man lang si Tan o missed call kaya.

But there was none. With a heavy heart, ibinalik niya ang cell phone sa handbag. Tinext niya si Tan kanina bago siya nag-drive para puntahan ang ina. She told him to call her as soon as he read the message. Limang oras na siyang nawala at wala pa ring paramdam ang asawa. Nasa operating room pa rin ba ito o nakauwi na?

Huminga siya nang malalim. Ayaw niyang pasingitin ang nabubuhay na sama ng loob at selos sa propesyon nito. He loved what he was doing at alam niyang nasa panggagamot sa mga may sakit ang puso nito. Pero habang lumilipas ang mga buwan, mas nababawasan ang oras nila para sa isa’t isa. Mas marami pang oras ang inilalagi nito sa ospital kaysa sa bahay.

Gusto niyang intindihin si Tan at kastiguhin naman ang sarili dahil sa kawalan ng suporta sa passion ng asawa. But all she was asking him was a very little bit of his time. Ilang linggo na itong nawala, ni dumaan sa bahay ay hindi na nito nagawa.

Bumuntong-hininga si Elaine. Akmang bubuksan niya ang pinto ng kotse at sasakay nang bumukas ang pinto ng nakaparadang itim na kotse sa tabi ng sasakyan niya.

Ni hindi niya nagawang sumigaw nang walang anumang bumaba mula roon ang dalawang matangkad na lalaki at sapilitan siyang isinakay sa kotse.