Chapter 6

“Halika nga rito. Mag-usap muna tayo,” sabay hila ni Erin kay Estelle sa kanilang sala habang ang asawa nitong si Ken at ang mga magulang nila ay nasa kusina.

Kararating lang ng dalaga mula sa trabaho. Nagtataka siyang napatingin sa nakatatandang kapatid habang ibinaba ang kaniyang shoulder bag sa upuan.

“Sinabi sa ‘kin ni Leilani na ka-text mo raw palagi ang asawa niya?” May pag-aalala na gumuhit sa mukha ng kaniyang kapatid na hindi niya kamukha. Nagmana ito sa kanilang ama at siya naman ay nagmana sa kanilang ina.

“Ano?” Napatawa siya ritong bigla. Hindi siya makapaniwalang ito pala ang nais ng ate niya na pag-uusapan nilang dalawa ngayon. “Si Mark? Excuse me, Ate! What’s that supposed to mean?”

Napabuntong-hininga ito. “Ipinakiusap ni Leilani sa ‘kin na tigilan mo na raw ang asawa niya.”

Napamaang siya rito. Para siyang matilihan. “Ate Erin, nababaliw na ba ‘yang kaibigan mo, ha? Nagte-text nga sa ‘kin si Mark pero hindi ko pinapatulan ang mga texts niya! Ang kapal ng mukha niya, ah!”

“’Di ba kasi nanligaw siya sa ‘yo dati, bago pa man sila nag-asawa ni Leilani?”

“Oo nga, pero dahil hindi ko siya type, hindi ko nga siya sinagot o binigyan man lang ng pag-asa. Kaya lang, hanggang ngayon, mukhang obsessed pa rin siya sa ‘kin kahit may asawa na. Tsk! Grabe, ah. Ako pa talaga ang papatol sa may asawa, ah? Ano ako? Nauubusan ng lalaki?”

Halos umuusok na ang bumbunan niya sa inis. Kulang na lang yata ay bubuga siya ng apoy. Nanginginig siya sa inis sa Leilani na iyon. Kung makaparatang sa kaniya ay parang may ebidensiya talaga gayong wala naman. Ni hindi nga siya nagre-reply sa lalaking iyon dahil mahirap na’t baka mamaya iibahin nito ang kahulugan. Mas mabuti nang ini-ignore niya iyon para mas ligtas siya. Pero ano ito ngayon? Napatanong tuloy siya sa isip kung ano ang dahilan kung bakit inakusahan na lang siya ni Leilani ng ganoon.

‘May sinabi kaya si Mark kay Leilani? Ano naman kaya ‘yon para pagdududahan ako ng asawa niyang nakikipaglandian sa kaniya? Eww!”

Ngumiwi ang kaniyang kapatid. “Eh, paano ‘yan, Estelle?”

“Anong paano, Ate? Ako pa talaga ang tinatanong mo niyan? Wala akong pakialam sa kanilang mag-asawa, ah! Resolbahin nila ang problema nilang dalawa. ‘Wag nila akong idamay ‘kamo! Ang kapal naman ng mukha ng Leilani na ‘yan. Sinabi pa niya talaga sa ‘yo ang tungkol diyan? Puwes, sabihin mo sa kaniya na kaniyang-kaniya ang asawa niya dahil wala akong pagnanasa sa asawa niyang halos panot na!”

Classmate dati ng Ate Erin niya si Mark sa high school na dalawang taon ang agwat sa kaniya at classmate naman ng kapatid niya si Leilani noong college. Nagkatagpo raw ang mga ito sa Dubai at nagpakasal pag-uwi ng dalawa sa Pilipinas, mga dalawang taon na ang nakalipas.

Napatawa kahit papaano ang Ate Erin niya. “Oo nga naman. Basta sinabi ko na sa ‘yo, ha? Mag-iingat ka sa mga ‘yon, Estelle.” Pinakawalan nito ang isang buntong-hininga. “So, kumusta na kayo ni Francis?”

Kumibit siya at lumabi. “Hindi pa siya tumatawag sa ‘kin, eh. Hindi ko rin siya nakikitang nag-o-online for a week na.”

“Sa tingin mo ayos lang siya sa barko? Hindi ba ‘yon nalunod o ano?”

“Knock on wood, Ate, ah. Tinanong ko ‘yong kapatid niya, sabi okay lang naman daw,” tugon niya sa kausap.

Tumango ang kapatid niya. “Kung gano’n, ayos lang kayong dalawa.”

‘Sa totoo lang, hindi ko alam, Ate,’ piping aniya. Hindi niya maisalabas ito dahil hindi naman talaga siya sigurado. Sa katunayan, nabababagabag siya kung bakit madalang nang nakikipag-usap sa kaniya ang nobyo.

‘May iba na kaya siya? Totoo kaya ang ‘every port report’ na sinasabi nila?’

“O, hindi pa ba kayo kakain?” tawag ng ina nila. “Kanina pa handa ang mesa, ah!”

***

Napangiti si Leandro kay Kimberly habang nagdi-dinner sila. Elegante itong babae, matangkad at maganda. Siguro ideal type ito ng mga kalalakihan pero wala siyang makapa sa sarili nang makita ito. Hindi katulad noong pagtagpo nila ni Estelle. Ewan niya pero hindi niya maiwasang ikumpara ang mga ito.

Nag-uusap sila ng kahit na anu-ano na lang pero mas mahilig itong magsalita tungkol sa sarili. Gayunpaman, halos hindi niya naririnig ang mga sinasabi nito dahil si Estelle ang laman ng isip niya. Naaalala niya ang sinabi ni Mindy sa kaniya na may nobyo na ito pero baka may pag-asa pa siya.

‘Ano kaya ang ibig sabihin ni Mindy?’ Ito ang patuloy na nagpapabagabag sa kaniya.

“Hindi mo ba ako ihahatid sa place ko? Mag-isa lang akong nakatira doon,” makahulugang wika ni Kimberly, pagkatapos nilang mag-dinner.

Leandro was not a fool. Her words were suggestive enough.

“A-ah. I’m sorry, Kimberly. I’m a bit tired, so I can’t drive you home. I’ll just call a taxi for you, if you don’t mind.”

Nakita niya ang disappointment sa mukha ng babae. “No, don’t bother.” Iniwan na siya nito. “I’m driving my own car.”

Napaawang siya ng mga labi at napasingasing. Napabuga siya ng hangin saka napasunod na lang ng tingin sa babae. Napailing siya at lumabas na rin ng restoran. Diretso na siyang umuwi sa kaniyang condo unit at nag-shower muna bago humiga.

Hindi pa rin nawawaglit sa isipan niya si Estelle.

***

Habang lumilipas ang mga linggo ay nakuha ni Leandro na hanggang colleague lang ang pakikitungo ni Estelle sa kaniya. Pormal ito sa tuwing kaharap siya. Hindi ito kasing friendly kumpara sa iba kaya parang off ito sa kaniya.

Sa tingin niya may dapat siyang malaman kung bakit ganito ito. Kaya naman naisip niyang dapat niya itong kausapin once and for all. Hindi na kasi niya matitiis na ganito na lang sila palagi lalo na’t colleagues naman sila at laging nagkikita sa workplace nila. Para sa kaniya, hindi healthy ang ganitong toxicity sa pagitan nila.

“Can I talk to you for a minute?” Uwian na iyon nang kinausap niya ang babae. Nagkasabay silang mag-logout. Hinarangan niya ito sa hallway.

“Tungkol saan?” Mababanaag ang kalituhan sa mukha nito nang tumingin sa kaniya.

“Did I do something wrong?” usisa niya.

Lalo lang itong nalilito sa tanong niya. “Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy mo, sir.”

“Ever since I got here, iba na kasi ang pakikitungo mo sa ‘kin. It’s different when we first met at the MRT station,” paalala niya rito.

He caught her off guard, and her eyes wavered.

“T-that was before I knew who you are,” turan nito.

Siya naman ang napasimangot sa babae. “Huwag na nating banggitin ang nobyo mo, but isn’t being colleagues makes a difference or something after we met at the MRT station? At least, for me, I was so happy to see you again and that I came to know you and be with you at the same workplace.”

Napalunok ito. “A-ano?”