Chapter 5
“Mayroon na akong ipapa-blind date sa ‘yo, Lee. Libre siya mamayang gabi.”
Narinig ni Leandro ang sinabi ng pinsan. Bahagya siyang napasimangot dito. “Huh? Are you serious? You have already set me up without telling me?”
Napatingin sa kaniyang direksyon si Mindy. Napatingin din siya rito pero iniwas na niya ang mga mata pagkatapos ng isang saglit.
“Kaibigan ng girlfriend ko na isang doctor din. Ang—” umpisang paliwanag ng pinsan subalit pinutol niya ito.
“Teka lang. Hindi mo pa sinagot ang tanong ko, eh!” Bumahid ang inis sa kaniyang tono at sumalamin iyon sa kaniyang guwapong mukha.
“Well… sorta,” wika ni Jed.
Napamaang siya sa narinig. Napahigit siya ng hangin pagkatapos. Ibinuga niya rin iyon nang sobrang bigat.
“Jed… I don’t think that⸺”
“Pupunta si Kimberly. Sinabi na niya sa girlfriend ko. So, you only have to show up, cuz,” pagpatuloy ni Jed. Halatang ayaw nitong mapahiya sa kaibigan ng nobya.
Napasuklay sa kaniyang maikling buhok si Leandro. Nakita naman niyang pumasok sa office nila si Estelle na may dalang pagkain at maiinom. Hindi niya alam tuloy kung ano ang sasabihin sa kaniyang pinsan nang mga sandaling iyon.
“Oy, cuz! Huwag mong sasabihing hindi ka pupunta, ah?” untag sa kaniya ni Jed.
“Um… fine. I’ll meet her tonight para hindi naman siya ma-disappoint… or whatever!” nasabi na lang niyang nagsalubong ang mga kilay at hindi nakatingin kay Estelle.
Napatawa ang pinsan. Jed sounded satisfied to Leandro’s dismay.
“Buti naman! Hindi lang siya ang madi-disappoint kapag hindi mo siya sinipot. Pati na ako at ang girlfriend ko. Tandaan mong pinaghirapan ko talagang kausapin si Kimberly para naman hindi ka na mag-iisa at malulungkot,” makahulugang anito.
Napatawa siya kahit paano. “You stupid fuck. Sige na. Just text me the address later. I’ll be there. Don’t worry.”
Napasulyap siya kay Estelle na nakasuot ngayon ng pencil skirt at blazer na pinaresan ng high-heeled shoes. Bagay na bagay ito sa dalaga. Litaw na litaw ang magandang hubog ng katawan. Nakita niyang binigyan nito ng pagkain si Mindy saka pansin niyang nag-alinlangan itong harapin siya.
“Para sa atin lang ba ang pagkaing ‘to?” tanong ni Mindy kay Estelle.
“Uh… hindi ko kasi alam na—” Nagsimula itong magpaliwanag sa kaibigan.
“I’m fine. Don’t mind me. I’ll be right out,” mabilis niyang salo para hindi awkward para sa dalaga. Isa pa, naintindihan niya naman.
Nagbawi na ito nang magkabanggaan ang kanilang paningin na dalawa. Napaiwas ito ng mukha bago kinagat ang sandwich na hawak.
Ilang saglit pa siyang may tsinek sa computer bago siya nagpaalam sa mga itong lumabas para mag-break muna. Siguro nga mas mabuting umiwas na lang siya sa babae ngayon pa lang. He craved coffee and a clubhouse, anyway.
‘This is just right. Get away from her, as far away as possible, Lee. She already has a boyfriend,’ paalala niya sa sarili. ‘It’s not good to get close to her. Otherwise, it will be messy.’
***
“Talaga bang hindi mo alam na hindi pa siya nagbe-break?” usisa ni Mindy nang hindi na nila nakikita ang lalaki.
“So what? Ikaw lang naman talaga ang sadya ko sa tuwing breaktime, ‘di ba?” pagtataray niya.
Kinapa niya ang kaniyang kalooban. Kung alam nga ba niya ay bibilhan niya rin ng snacks ang lalaking umagaw sa posisyon niya? Napapilig siya ng kaniyang ulo. Bakit niya pag-aaksayahan ng pera ang lalaking iyon?
‘Eh, mas malaki nga ang suweldo niya kaysa sa ‘kin, ‘no? Isa pa, hindi siya mukhang dukha.’
Umismid si Mindy. “Alam mo bang crush ka niya?”
Bigla siyang pinamulahan ng pisngi. Muntik pa siyang mabulunan sa kinakain. Pinilit niyang lunukin ito dahil sa pagbara sa kaniyang lalamunan.
“A-ano? Anong crush ang pinagsasabi mo?” gulat na aniya sa kaibigan.
“Hmm… o baka naman na-LAFS ‘yon sa ‘yo.” Kunwa’y napaisip-isip ito. Napakiling pa ito ng ulo.
Lalo siyang napasimangot kay Mindy. “Anong LAFS?”
“Love at first sight! Hindi mo alam ‘yon?” taray nito bago kumagat sa sandwich na bigay niya.
Napaubo siya tuloy. Mabilis niyang ininom ang soft drink para itulak ang pagkain sa lalamunan niya.
“Oy, Mindy! First day pa lang niya rito, baka kung may makarinig sa ‘yo maniniwala, eh. Huwag mo ngang ipagkakalat ‘yan, nakakahiya!”
Napangisi ito sa kaniya nang malisyosa. “Sabihin mo nga sa ‘kin, Es. Hindi ka ba naa-attract sa kaniya? Single siya—”
Lalong nanlaki ang mga mata niya sa narinig. “Single?”
Tumango ito habang patuloy na kumakain ng sandwich.
“Paano ka naman nakakasiguro diyan, aber?” tanong niya pa.
“Sa tono ng boses niya kanina sa tawag na ‘yon, mukhang may blind date siya,” turan ng kaibigan.
Napanganga siya rito.
‘Teka, bakit parang may kirot banda sa dibdib ko? Tss. Imagination ko lang ‘to. Hindi ‘to totoo. Bakit naman kikirot ang dibdib ko? Wala akong sakit sa puso.’
“Wow! Ano ka? Psychic?” nasabi na lang niya sa kausap.
“Basta! Sa mga salita niya, sa tingin ko, isinet up siya ng sinumang kausap niya. At dahil sa sinabi kong may boyfriend ka na at off limits ka, kaya siguro pumayag na siya. Eksaktong pumasok ka naman kaya ‘ayun.” Lumabi pa si Mindy pagkasalita.
Nalaglag na naman ang panga niya. Marahan siyang napailing-iling sa kaibigan. Halos hindi siya makapaniwala sa isinalaysay nito sa kaniya.
“Hindi ako makapaniwalang may side ka pala na ganito, Mindy. Kulang pa ang walong taon na pagkakilala ko sa ‘yo.”
Napahalakhak ito sa ipinahayag niya. “Basta, Es, kapag nagkataong single ka, I’m sure may bago na akong career. Matchmaker.” Itinaas-baba nito ang mga kilay habang nakangisi sa kaniya.
Napatawa siya rito kahit papaano. “Siyanga pala, maiba tayo. Okay na ba ang babe mo?” tukoy niya sa nobyo nito.
“Sinemento ang binti niya. Buti na lang ‘yon lang ang injury niya.”
Nagkuwento pa ito sa kaniya ukol sa nobyo nito pero ang utak naman niya ay lumipat sa bagong showroom manager nila.