Chapter 4

‘Bakit hindi mo sinabi ‘yon kanina while everybody was inside the GM’s office?’ Gusto sanang ipakli ni Estelle sa lalaki. Subalit pinigilan lang niya ang sarili. Kahit papaano ay boss niya ito.

“Will do that… sir,” ang matabang na tugon niya.

Agad siyang pumihit para iwanan ito. Mukhang may sasabihin pa ito pero tumunog ang kaniyang cell phone at hinayaan na lang siya nito.

Nagtungo na siya sa kaniyang mesa sa isang sulok ng showroom at doon sinagot ang kaniyang kapatid na tumatawag.

“O, Ate. Napatawag ka.”

“Puwede ba tayong mag-usap mamaya sa bahay? Doon na kami magdi-dinner ng Kuya Ken mo,” anang Ate Erin niya. “Tinawagan ko na si Mama para alam niyang pupunta kami sa bahay at maipagluto rin.”

Napabuntong-hininga siya. Sa tono nito ay napakaimportante ng pag-uusapan nila. Naisip niyang tungkol siguro ito sa pera. Baka may pagbabago sa kanilang current setup.

‘Kung tama ako, baka dagdag lang ‘to sa problema namin, eh,’ sa isip niya pa. Lalo siyang naging frustrated.

Humigit siya ng hangin bago iyon pinakawalan. “Sige, Ate. See you later na lang.”

Ipinatong niya ang cell phone sa ibabaw ng mesa pagkatapos ng tawag. Ginamit niya ang kanilang chat group ng mga tauhan upang ipagpaalam sa mga ito ang tungkol sa sinabi ng kanilang bagong showroom manager.

Nalaman niyang ang desk ng lalaki ay nasa mismong HR office, katulad ng dati nilang showroom manager na magtatapos ang serbisyo sa susunod na linggo. At least, hindi niya palaging makikita si Leandro⸺sa bawat minuto o oras. Hindi siya komportable kasi, napagtanto niya at ito ngang hindi niya nakikita ang binata ay iniistorbo na ang kaniyang isipan. Paano na kung malapit ito sa kaniya?

Napamura siya sa kaniyang sarili. Pinagalitan ito kung bakit nagpapaapekto siya sa lalaki.

‘Bakit siya pa kasi ang umagaw sa posisyong gusto ko? Grr! Ang malas ko talaga sa buhay!’

***

‘Thank my lucky stars!’ naisip ni Leandro nang makita si Estelle at ipinakilala ito sa kaniya ng kanilang general manager kanina. Hanggang ngayon, halos hindi siya makapaniwalang makikita itong muli at lalong hindi niya inasahan na pareho pa sila ng kumpanyang pinagtatrabahuhan.

Pero bakit parang iba ang pakikitungo nito sa kaniya?

‘Bakit ang lamig niya sa ‘kin? May nagawa ba akong hindi kanais-nais?’ napatanong siya sa sarili. Gumawa nga siya ng paraan para may rason siyang kausapin ito kanina at iyon ang meeting na sinasabi niya.

“Matagal na bang nagtatrabaho rito si Estelle?” tanong niya kay Mindy na nakapuwesto sa kaliwang bahagi ng opisina.

Nag-angat ito ng tingin mula sa computer nito. “Hmm… mula noong fresh graduate siya ng college at hanggang ngayon? Eight years something na. Maaga ‘yong naka-graduate, eh.”

Napa-ah siya. ‘So, this is her first and only job.’

Napabaling siya sa papalitan niyang empleyado nang may sinabi ito sa kaniya tungkol sa mga files at kung saang folder nakalagay ang mga ito. Tumango siya. Sinabi na rin sa kaniya ang lahat ng mga gawain niya ayon sa job description niya. Subalit batid niyang may iba ring dagdag sa mga iyon.

“Interesado ka ba kay Estelle?” biglang tanong ni Mindy sa kaniya nang naiwan silang dalawa sa opisina ng empleyadong magre-resign. Breaktime na rin naman kasi nang mga oras na iyon.

Natigilan si Leandro. Napatawa siya nang mahina.

“Unfortunately kasi, may boyfriend na siya. So, off limits na siya, ya know?” Kumibit si Mindy.

Napalis ang ngiti niya. “Ah, gano’n ba?”

Tumango ito. “Pero… baka may pag-asa ka naman,” bawi naman nito pagkatapos ng ilang saglit.

Napaangat ang mga kilay niya dahil dito. Nalilito siya. “Bakit mo nasabi ‘yan?”

Napatitig ito sa kaniya nang husto na tila ba tinatantiya siya nito nang husto. Kumibit lang ito nang hindi siya sinagot.

Tuloy ay lalo lang siyang naiintriga kay Estelle. “Why are you telling me this, Mindy?”

Ngumiti lang ito at kumibit na muli. Hindi pa rin nagsasalita. Ibinalik nito ang paningin sa computer na nasa harap nito.

“Wala ka bang girlfriend sa America? O kaya dito sa Pilipinas?” usisa nito pagkalipas ng ilang minuto.

Napatigil siya sa kaniyang ginagawa. “Gawa-gawa mo lang ba ang istoryang may boyfriend siya? Wala kang tiwala sa ‘kin, ano?”

Napatawa si Mindy sa sinabi niya. “Oy, wala akong sinabing gano’n, ah! ‘Tsaka, curious lang ako sa ‘yo. Napansin ko kasi kanina ang mga tingin mo sa kaniya. Kaibigan ko kasi ‘yon. Kaya… dapat na i-screen muna kita.”

Napatawa siya sa itinuran nito. “Talaga? Ini-screen mo rin ba ang boyfriend niya?”

Napaawang ito ng mga labi. “Well… ‘yong si Francis, hindi ko na-screen kasi seaman. Nagkakilala sila sa mall.”

Napakurap-kurap siya nang marinig ito. ‘Isang seaman ang boyfriend ni Estelle?’

“Hmm… nasorpresa ka, ano?” pagpatuloy nito. “Alam ko. Pareho tayo ng iniisip. Mukha kasing hindi gano’ng tipo si Estelle na papatol sa isang seaman. Besides, may stereotype belief tayo tungkol sa mga seaman pero iba si Estelle.”

Napalunok ang binata. Napababa na lang siya ng tingin sa ledger pero hindi talaga nakikita ang laman niyon.

Biglang tumunog ang kaniyang cell phone. Si Jed, ang pinsan niya sa maternal side.

“O, cuz. Bakit?” sagot niya.