Chapter 25
“Kailangan mo bang malaman kung sino talaga?” anang Estelle kay Leandro.
“Wait.” Leandro looked pensive while he said it. “Are you saying I shouldn’t ask because I don’t have the right? Kung naaalala mo, may label na ang dinner natin. At kung naaalala mo pa, may nangyari—”
Bigla niyang tinakpan ang bibig nito para hindi maituloy ang sasabihin. Baka kasi marinig ng pamilya niya. Kahit masasabi niyang open-minded ang mga ito ay awkward pa rin para sa kaniya na malaman iyon ng ibang tao na may nangyari na sa pagitan nila ni Leandro.
‘Diyos ko! Ang mokong na ‘to. Iaanunsyo niya bang may nangyari na sa ‘min?’
Ramdam ng palad niya ang bibig ng lalaki. Inalis nito ang kamay niya. Galit itong tumalikod. Nalaman na lang niyang nagpaalam na ang lalaki sa mga magulang at mga kapatid saka umalis na ito nang hindi man lang nagpaalam sa kaniya.
“Tss! Hindi man lang ako pinagbigyang magpaliwanag sa kaniya!” inis na usal niya sa sarili. “Nagtanong pa siya, ‘no?”
Subalit mabigat ang dibdib niya. Ganitong galit sa kaniya ang binata at nagseselos ay parang hindi siya makahinga nang mabuti. Ang utak niya ay nasa kay Leandro. Hindi naman niya alam kung papaano niya ito susuyuin. Hindi pa nangyari sa kaniya na suyuin ang isang lalaki para hindi na ito magtampo.
Siguro lahat ng first niya ay inangkin na ni Leandro⸺first intense kiss, first lovemaking, at first suyuin-mo-na-ako-please predicament.
Nauntag siya nang mag-text na sa kaniya si Francis kung saan sila magkikita kaya napilitan na lang siyang mag-ayos. Nag-jeep lang siya papuntang mall.
Hinanap niya ang ex sa kanilang tagpuan. Marami-rami rin ang mga tao sa mall. Weekend naman kasi.
Nakangiti si Francis nang makita siya. Hinawakan nito ang kamay niya at hinila na siya nito kaagad sa isang malapit na department store. Kahit papaano ay panandaliang nawaglit sa isip niya ang pag-walk out ni Leandro. Nasa mga items ang pansin niya.
“Mahilig siya sa polo na may butones. Ito kaya? Maganda ba, Estelle?” ang ani Francis na ipinakita sa kaniya ang isang checkered polo. May halo-halong kulay iyon ng berde at puti.
“Hmm… malinis siya. Okay ‘yong print. Ikaw. Wala ka na bang ibang nakikita? Or ‘yan ang favorite color niya?”
Napatingin ito sa rack para tingnan ang ibang kulay. “Ah… gusto niya ng light blue.” Kinuha na nito ang may asul na printa, ang variant ng una nitong napiling istilo.
Tumango na lang siyang napangiti sa ex.
Napatingin pa siya sa paligid habang binabayaran ni Francis at ipinabalot ang biniling polo para sa kasintahan. May nakita siyang isang magandang polo shirt. Naalala niyang binigyan noon ng welcome gift si Leandro ng kanilang branch at naisip niyang ni minsan ay wala siyang naibigay sa binata. Kaya naman ay kinuha niya ang isang polong may kulay na navy blue. Naisip niyang babagay iyon sa binata. Sabagay, kahit anuman ang isusuot nito ay bagay naman talaga sa binata.
Napangiti siyang nagtungo sa cashier para bayaran iyon. Siguro naman ay maalis na ang pagseselos nito kapag binigyan niya ng regalo. Naglalaro na sa isip niya ang guwapong mukha ng nakangiting lalaki.
Dumako na naman ang isip niya sa kanilang pag-iisa noong nakaraang gabi. Napakagat-labi siya at tinanggap ang naka-paper bag nang item galing sa cashier. Pinasalamatan niya ito nang may ngiti sa mga labi.
“O, may pupunta pa ba tayo?” tanong niya kay Francis.
***
Nagngingitngit si Leandro na nanonood lang sa may tapat ng boutique. Sinundan niya ang dalaga nang umalis ito mula sa bahay nito. Hindi niya talaga alam kung bakit niya ginagawa ito. Para siyang stalker.
Nagseselos lang kasi siyang masyado. ‘Tsaka gusto niyang malaman kung sino ang lalaking katatagpuin nito gayong may nangyari na sa kanila ng dalaga noong nakaraang gabi sa mismong kama niya. Ang akala pa naman niya ay magiging maayos na ang lahat sa pagitan nilang dalawa pagkatapos niyon. Hindi pala. How could he be so arrogant and presumptuous?
Tumunog ang kaniyang cell phone. Si Jed ang tumatawag.
“Huwag muna ngayon, cuz. May ginagawa pa akong importante,” aniyang agad na tinapos ang tawag nito.
Sinundan niya ang dalaga kasama ang lalaking hindi niya kilala. Kumain ang mga ito sa isang restoran at nagkuwentuhan. Nagtawanan pa ang mga ito.
Parang hindi na niya kaya ang nakikita kaya nagbayad na siya sa in-order niyang hindi man lang nagalaw at nilisan na ang lugar na iyon.
Umuulan pa naman pagkalabas niya pero wala siyang pakialam kahit nabasa siya bago nakalulan sa kaniyang kotse.
***
Wala siyang gana nang pumasok sa opisina kinabukasan. He did not feel well. Gayunpaman, pumasok pa rin siya dahil may gagawin siyang monthly report. Siguro kapag matapos na niya iyon ay saka na siya magpapaalam na uuwi nang maaga.
Katatapos lang niya sa kaniyang report nang pumasok sa HR office si Estelle. Nagkataon namang wala roon si Mindy. Sinulyapan niya lang ito bago napatakip sa kaniyang bibig bago umubo.
“May personal call si Mindy. Lumabas saglit,” patay-malisyang pahayag niya rito. Ibinalik niya kaagad ang pansin sa kaniyang laptop at ipinasa na ang report sa kanilang branch manager. Naka-CC roon sa email ang mga taga-main branch na admin.
“Ah, gano’n ba?” mahinang anito. Nakatayo pa rin ito roon. Hindi nagsalita. Pasulyap-sulyap ito sa kaniya, tila may gustong sabihin.
Napaubo siya ulit bago napaangat ng mukha. “May sasabihin ka ba o ano?” Tumayo na siya. Nanatiling nasa likod nito ang mga kamay na atubili siyang kaharap. Napailing-iling na lang siya at nilampasan ang dalaga.
“S-saan ka pupunta?” tanong nito.
Hindi siya sumagot. Napansin niyang sumunod ito sa kaniya kaya bigla siyang pumihit para harapin ito.
“It’s none of your business. We’re not keeping tabs on each other, are we?”
Nakita niyang napalunok ang babae na napababa ng tingin. Nang hindi ito makapagsalita ay umalis na siya. Tuluyan na niya itong iniwan doon sa HR office. Tinawagan na lang niya si Mr. Intog upang ipaalam ditong maaga siyang uuwi dahil may sakit siya.