Chapter 23

“You were gone when I woke,” sabi ni Leandro sa cell phone. Tinawagan niya ang dalaga dahil nag-aalala siya.

“Um… sorry, Leandro. T-tumawag kasi si Tatay kaya umuwi ako kaninang madaling-araw.”

“What? Hindi mo man lang ako ginising? Paano kung may nangyari sa ‘yo? Madilim pa sa mga oras na ‘yon, ah.” Nakasimangot siya.

Hindi niya gusto ang ginawa ng dalaga na basta na lang umalis nang hindi niya namalayan. Gayunpaman, sinisi niya ang sarili kung bakit nakatulog siya habang katabi ang dalaga sa kaniyang kama. Dapat nilubos-lubos na niya ang pagtitig dito buong magdamag.

“Eh, okay lang naman ako. So, huwag ka nang mag-alala. Ipinaliwanag ko na lang kina Tatay na… nasiraan tayo kaya… gano’n.” Humina ang boses nito.

Napabuntong-hininga siya. Pinulot niya ang mga kasuotan na nagkalat sa baba. Sumaya ang damdamin niya nang maalala ang nangyari sa kanila kagabi ng dalaga.

“So, are you okay?” masuyong tanong niya rito.

“Oo naman. Eh… ikaw?”

“Sure. So… puwede ba kitang puntahan sa inyo mamaya?”

“Ahm… Actually, may… gagawin pa ako, eh.”

Kumunot ang noo niya. “Pero hindi ka aalis ng bahay? Okay lang. Magkukuwentuhan lang kami ng tatay mo.”

“Um… s-sige. Ikaw ang bahala,” tila alinlangang anito.

“I promise, I won’t bother you⸺that much,” pangako niya sa babae.

Napatawa ito nang mahina. “O, siya. Ikaw na nga ang bahala.”

Napangiti siya pagkatapos ng tawag niya. Nagtimpla lang siya ng kape at ininom iyon. Pagkatapos ay nag-order na siya ng pagkain sa isang restoran at panghimagas na rin. Pi-pick-up-in na lang niya ang mga ito kapag papunta na siya sa bahay ng dalaga.

Nakabihis na siya nang tumunog ang kaniyang cell phone. Hindi nakarehistro sa phonebook niya ang numerong iyon pero may ideya na siya kung sino ang tumatawag. Napilitan na lang siyang sagutin ito.

“Ano’ng kailangan mo?” malamig niyang sagot.

“Puwede bang mag-usap tayo?” ang anang kausap niya. Ang kaniyang ama.

“No. I’m busy.” Tinapos niya kaagad ang tawag.

Napabuntong-hininga siya. Ano na naman kaya ang kailangan ng ama? Kukulitin siya para magtrabaho na sa kumpanya nito? May deadline siya. Hindi pa sila umabot sa deadline na iyon at ayaw niyang ma-pressure.

Naisip niyang baka tumawag ito dahil gusto nitong makipag-bonding sa kaniya. Gusto niyang mapatawa nang mapakla sa naisip na ito. It was such a far-fetched idea. After all those years, his father wanted a bonding time with him?

‘No way.’

***

Kinagat-kagat ni Estelle ang kaniyang kuko. Napasapo siya sa dibdib pagkatapos ng kanilang usapan ni Leandro sa cell phone. Ang totoo kasi bukod sa sinabi niya rito ay ang hindi niya alam kung paano ito haharapin pagkatapos ng nangyari sa kanila noong nakaraang gabi. Nahihiya kasi siya. Pero nandoon pa rin ang pananabik na nadarama niya para sa binata. Kahit masakit pa ang pinakasentro niya ay gusto niya pang maulit iyon.

Bago siya umalis kaninang madaling-araw kahit na hindi naman tumawag ang ama ay pinagmasdan niya ang nakatulog na binata. Mahimbing itong natutulog. Banayad pa nga niyang hinaplos ang kilay, ilong, pisngi, at ang mga labi nito na para bang mini-memorize niya ang mga ito.

Napabuga siya ng hangin. Tinawag na siya ng ina para mananghalian na. Nagtungo na lang siya sa kanilang hapag-kainan. Magkasalo silang buong mag-anak ngayon.

Ilang minuto ang lumipas ay dumating si Leandro na may dalang mga pagkain at inumin.

Napangiti siya rito nang may pagkapahiya at kulay-kamatis ang mga pisngi. Sumabay itong kumain sa kanila. Pero dahil nauna na silang kumain ay natapos na sila at nanatili lang doon upang makipagkuwentuhan ang kapamilya niya sa binata at kumakain na rin ng panghimagas. Binigyan ni Raizel ng ice cream ang mga bata na ikinatuwa ng mga ito.

“Off limits si Tatay sa ice cream,” paalala niya.

“Hmm… kaunti lang. Isang kutsara lang, o,” anang ama niya.

Napailing-iling na lang siya. Nahuli niya ang nakatitig na si Leandro. Napangiti ito sa kaniya nang matamis pero may nakikita rin siya sa mga mata nito. Envy? Hindi niya ito maintindihan. Bakit naman? At naalala niya ang sarili nitong ama. Baka iyon ang dahilan. Binigyan niya ito ng matipid na ngiti na tila nag-a-assure dito na nandito lang siya.

Her heart went out to him.

Kapag ganito ay hindi niya alam kung ano ang gagawin sa binata.

Nagkuwentuhan sa may sala ang mga kalalakihan habang naghuhugas ng pinagkanan ang dalaga. Samantalang si Raizel ay kausap ang kaniyang Ate Erin habang binabantayan ang mga batang kumakain pa rin ng ice cream na tila walang kabusugan.

Ang ina naman niya ang tagapunas sa kaniyang hinugasang mga plato, kutsara, tinidor, at baso.

“So, siya na ang bago mong boyfriend at hindi na si Francis?” kuryusong tanong ni Ate Erin niya. “Narinig ko mula kay Leilani.”

Hindi siya umimik. Naiinis pa rin siya kay Leilani at sa pang-eeskandalo nito sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Buti na lang hindi siya ni-reprimand ng kanilang branch manager. Siguro ipinaliwanag na iyon nina Mindy at Leandro. Wala naman kasi siyang kasalanan. Buti na lang hindi na iyon naulit.

“Mabuti na lang at pinalampas mo ang pang-eeskandalo niya sa workplace mo. Kawawa naman kapag itinuloy mo,” dagdag ni Erin.

Tumaas ang kilay niya “Ano? Sinugod ka roon ni Leilani?” ang sabat na tanong ng ina nila. Noon pa nito narinig ang istoryang iyon. Wala kasi siyang pinagsabihan.

“Talaga, Ate Estelle? Ang kapal naman ng mukha ng babaeng ‘yon,” simpatya ni Raizel. “Ang eskandalosa niya, ah! Para siyang hindi nakapag-aral.”

“Hay, naku! May mga estupidang babae talaga kaya gano’n.” Saka inikot niya ang mga mata. “Matalino sa klase pero ang bobo pagdating sa pag-ibig. Napakabulag pa niya.”

“Buti na lang nandoon ang boyfriend mong si Leandro,” ang sansala ni Ate Erin niya.

“Anak, talaga bang kayo na ni Leandro?” usisa ng ina.

Sinulyapan niya ito at napalunok siya. Nabanaag niya ang pagkatuwa nito. Hindi kasi ito boto kay Francis. At lalo na ang ama niya. Ayaw kasi ng mga ito ng seaman dahil sa pag-ii-stereotype. Hindi niya ikinuwento ang nangyari sa kanila ng ex kung bakit nakipaghiwalay siya.

Tiningnan lang niya ang ina. Napangiti ito.

Dapat kayang sagutin na niya si Leandro? May nangyari naman na sa kanila kagabi kaya puwede na niyang gawing opisyal ang relasyon nilang dalawa. Pero… natatakot pa rin kasi siyang gawin iyon. Pakiramdam niya ay hindi dapat dahil sa ama nito.

‘Hay! Ewan!’ frustrated na anang isip niya.