Chapter 11 Kasabwat
Buong araw akong nanatili sa lido deck. Halos nakikilala ko na nga mga taong labas-masok sa lugar. Nakatulala lang ako buong magdamag.
“Drinks, ma’am?” saad ng waiter na huminto sa tabi ko.
Nilingon ko siya nang dahan-dahan at sandaling tiningnan. Hindi ko siya sinagot at binalik ang tingin nang dahan-dahan sa harapan, sa kawalan. Umalis na lamang siya sa tabi ko. Palubog na ang araw nang makabalik ang cruise sa daungan. Bago bumaba ay nagtipon-tipon na naman ang mga magkasintahan dito sa deck para panuorin ang paglubog ng araw. Paglubog ng araw, senyales na tapusin na ang ngayon at magpahinga dahil may susunod pang bukas. Nang tuluyang kinain ng kadiliman ang paligid ay naghiyawan silang muli bago gawaran ng matamis na halik ang kasama.
Napabuntong hininga ako habang pinapanuod sila. “Sana all,” mahinang sambit ko saka tumayo bitbit ang sapatos at bumaba ng barko.
Nakaabang naman sa ‘kin ang chauffeur na pinagbilinan ko ng kotse. Binigyan ko siya ng tip at dumiretso pauwi. Para akong zombieng naglalakad na walang ka sigla-sigla papasok ng bahay. Binati ako ng kasambahay at isang tango lamang ang naiganti ko.
“Why did you tolerate your daughter, Tremaine?” Lumaki ang boses ni Dad na mula sa itaas.
“Huwag mo akong ma your daughter your daughter, Huebert. Anak mo rin siya!” bulyaw ni Mom pabalik kay Dad.
“Manang, ano’ng meron?” usisa ko.
“Hindi ko rin alam, ma’am. Kakarating lang din ng Daddy niyo,” paliwanag ni Manang kaya tumango na lang ulit ako at tinungo ang hagdan.
“Nagawan ko na ng paraan na mapalapit si Ella sa mga Monteverde, Tremaine. Siya na ang mamamahala sa pagpapatayo ng isang branch ng Mont De Corp. Paano ngayon ‘yan? Paano siya mapapalapit kay Xeonne? Masisira ang plano ko dahil sa ginawa mo, ninyo.” Lalong tumaas ang boses ni Dad.
Si Ella na naman ang pinag-aawayan nila. Ano na naman kaya ang ginawa ng higad na ‘yon? Ramdam ko ang galit ni Dad. Paano na lang kung malaman niya ang ginawa ng pinakamamahal niyang anak sa ‘kin, sa ‘min ni Zander? Siguradong magwawala siya. He might even end up hurting Ella. Sasabihin ko pa ba?
“Edi tuloy ang plano!” tugon ni Mom. “It’s not a big deal, Huebert. Nagsiping lang naman sila ng isang gabi at tayo lang naman ang nakakaalam,” dagdag pa nito.
Kita mo nga naman. Basta ang higad nangati kahit kanino magpapakamot.
Napaismid ako. Hindi na nakakagulat ang mga narinig ko mula kay Mom dahil kahit ano’ng kasalanan ni Ella, kahit gaano pa ‘yon kalaki ay kukunsentihin niya. Basta talaga pag dating kay Ella lahat ng mali nagiging tama.
“I can’t believe you, Tremaine. Paano mo nasasabi ‘yan?” hindi makapaniwalang usal ni Dad.
“Oh come on, Huebert! It’s 2021! Besides, our daughter, your daughter, is an adult now. Karamihan nga sa mga kabataan ngayon ay hindi pa nasa tamang edad ay nakikipagtalik na,” depensa ni Mom. Baluktot na depensa.
Huminto ako sa harapan ng pintuan ng kuwarto nila. Tinaas ko ang kamay para kumatok sana.
“At nandito tayo para itama ‘yan! Oo, nasa tamang edad na nga si Ella pero balibaliktarin man ay ikakasal na ang kinakalantari niya!” singhal ni Dad.
Hindi ko inaasahan ang mga katagang ‘yon kay Dad. Siguro nga ay sa kanya ako nagmana. Hindi magkalayo ang prinsipyo namin. Ibinaba ko ang kamay. Kay Dad ko ibubunyag ang pagtataksil sa ‘kin ni Zander at Ella. Kung kay Mom ay walang mangyayari dahil hindi niya ako papanigan, hindi niya ako iintindihin, mga bagay na kailan man ay hindi niya ginawa at alam kong hindi niya gagawin.
“Ikakasal! Ikakasal pa lang. Hindi pa kasal,” pagpupunto ni Mom.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Siping? Ikakasal? Si Zander ba ang tinutukoy nila?
Umiling ako. Puro salita lang si Mom. Hindi niya magagawang kunsentihin si Ella na gawin ang iniisip ko dahil alam niyang masasaktan ako nang todo at anak niya rin ako.
“Tremaine, ikaw ba talaga ‘yan?” Mahina ngunit puno ng dismaya ang boses ni Dad.
Narinig ko ang yabag niya papalapit. Mabilis akong tumakbo papasok sa kuwarto ko bago pa ako mahuli ni Dad. Sinara ko ang pinto at sumandal dito.
Inalala ko ang lahat ng nakita sa barko. Inalala ko kung paano halikan ni Zander si Ella. Para siyang nauuhaw sa mga halik niya. Inalala ko ang bawat paghaplos niya. Ang bawat haplos niya ay binuo ng pagnanasa. Inalala ko kung paano niya tawagin si Ella, ang mga ungol niya. Para siyang na uulol.
Dumulas pababa ang likuran ko sa pinto. Napaupo ako sa sahig. Binalot na naman ng sakit ang puso ko. Ibinagsak ko ang sarili sa sahig. Niyakap ko ang sarili. Binaluktot ko ang tuhod at hinila ito papalapit sa dibdib ko.
Sa tagal naming pagsasama ay nagawa niya akong lokohin. Limang taon. Limang taon na nasira lang sa loob ng isang araw.
Hinayaan ko ang mga luha ko na ipahayag ang sakit na nararamdaman ko. Iiyak ako. Iiyak ako pero hindi susuko, hindi magpapatalo at lalong hindi ko hahayaang magiging masaya sila sa piling ng isa’t isa.
Nagising ako dahil sa alarm ng cellphone ko. Hindi ko namalayang nakatulog pala ako sa kakaiyak. Kinuha ko ang purse at tumayo. Inilabas ko ang phone saka itinapon sa kama ang purse. Mag-aalas singko na ng umaga. Bago ko i-charge ang phone ay in-email ko sa isa kong email ang mga larawan nila. Napangiti ako nang malamang na-on ko pala ang video recorder. Kurtina man ang makikita sa screen ay dinig na dinig naman ang mga ungol at boses nila. I also saved the pictures and videos in my Loogle Drive and three of my flashdrives. Ginawa ko ring wallpaper ng cellphone ko ang isa sa mga litrato nila.
Tinungo ko ang banyo at tiningnan ang sarili sa salamin. Namumugto ang mga mata ko. Magulo rin ang buhok ko. Naghilamos ako at tiningnan ulit ang sarili sa salamin. Bagong umaga, bagong opurtinidad, bagong simula.
“Simula ng araw na magsisisi sila,” bulong ko sa sarili bago lumusong sa walang laman na bathtub.
Pinaandar ko ang shower at hinayaang basain ako ng tubig kasama ang damit ko. Niyakap ko ang mga tuhod at ipinatong ang baba rito. Napakalamig man ng tubig ay wala nang maslalamig pa sa puso kong kasing lamig ng yelo at kasing tigas ng bato.
Narinig ko na naman ang alarm ng cellphone ko mula rito. Hudyat sa ‘kin na malapit nang mag-alas sais ng umaga. Pagkatapos ng halos isang oras kong pagmumukmok ay mabilis akong naligo at nagbihis. Inayos ko ang sarili na parang walang nangyari. Inihanda ko ang mga gamit na kakailanganin ko sa trabaho.
Dinampot ko ang cellphone at mabilis na ibinulsa ito. Binuhos ko rin ang laman ng purse para mabilis na mahanap ang wallet at susi ng kotse ko. Unang napansin ng mga mata ko ay ang nagpagulong-gulong na singsing sa kama. Lumapit ako sa dresser at kumuha ng isang kuwintas. Tinanggal ko ang pendant nito at itinabi. Kinuha ko ang singsing at ginawang bagong pendant ng kuwintas. Sinuot ko ito at tinago sa loob ng damit ko. Pinulot ko sa kama ang wallet at susi. Dali-dali kong pinatay ang ilaw at lumabas ng kuwarto.
Natigilan ako nang mapansing may munting linyang lumiliwanag sa sahig. Kulay neon green ang mga iyon. Muli kong binuksan ang pinto at bumalik sa loob. Binuksan ko ang ilaw at nawala ang mga linyang lumiliwanag at ang natira ay ang munting papel na ibinigay ng lalaking naka-itim sa barko. Paulit-ulit kong pinatay at binuksan ang ilaw at napatunayang sa papel na pinanggagalingan ng ilaw. Pinatay ko ang ilaw at dinampot ang papel.
Tinungo ko ang study table at binuksan ang desk lamp. Walang ano mang linya ang makikita sa nakabuklat na papel kapag tinatapat ito sa liwanag. Pinatong ko ang papel sa ibabaw ng mesa at saka pinatay ang ilaw. Nilabas ko ang cellphone at binuksan ang flashlight nito. Tinapat ko ito sa papel. Gamit ang isang kamay ay tinakpan ko ang ibabang bahagi ng flashlight ng cellphone ko para hindi mailawan ang ibabang parte ng nakasulat sa papel. Nagbangayan ang mga kilay ko. Ang mga linya ay may ipinapahiwatig. Nakatagong mensahe.
Sa nakasulat na ‘If you need help, call me.’ ay may nakatapat na mga linya sa piling mga letra. Isang linya ang nakaguhit sa letrang i sa f, isang linya naman sa o sa salitang you, e sa need, l at p sa help, tatlong linya sa letrang c at isa sa a sa salitang call at isa rin sa letrang m sa me.
Kumuha ako ng ballpen at papel saka sinulat ang mga letra. Binuksan ko ang desk lamp. Letrang ioelpcccam ang mga letrang naisulat ko. Jumbbled word. Sinimulan kong bumuo ng salita gamit ang mga letra. Mabilis ko itong nabuo. Napasandal ako sa swivel chair at napasabunot sa sarili. Ang salita ay walang iba kundi accomplice.
“Kasabwat,” bulong ko sa sarili.
Is it mom?
Kumabog nang mabilis ang puso. Napailing ako. Hindi maaari ‘to. Agad kong kinuha ang papel at sinuri itong mabuti. Tinapat ko ito sa ilaw pero wala na akong makitang kakaiba hanggang sa may maramdaman akong magaspang na bahagi ng papel sa ilalalim ng nakasulat na ‘You’ve been set up.’. Kumuha ako ng lapis. Hinawakan ko ito nang nakahilig pababa at kiniskis sa papel. Nabitawan ko ang hawak na lapis nang makabuo ng tatlong salita.
“Provestra, Spirytus Stawski,” basa ko.
Mabilis kong hinanap sa Loogle kung ano ang mga salitang ‘to. Napahilamos ako sa natuklasan. Provestra is a drug that enhances the sexual drive of women while Spirytus Stawski is the most strongest alcohol beverage with an alcohol content of 96%.
Ngayon naiintidihan ko na kung bakit gano’n na lamang ang init at hilo na naramdaman ko. Isang baso ng alak lang ang ininom ko nang gabing ‘yon. Alak na inihanda sa ‘kin ng matalik kong kaibigan.
“Drizelle Agoncillo,” banggit ko sa pangalan niya.