Ang C.R nila Kuya Beng

Written by: Zvredd

Ako si Hellen, dalawampu’t limang taong gulang. May asawa na at isang anak. Gusto ko lang po sana e- kwento ang mga nararamdaman at nararanasan ko sa C. R nila Kuya Beng, kapatid ng asawa ko. At, humingi rin sana ng advise o payo kung ano ang dapat kong gawin, dahil ang babaeng multo na nasa C. R nila Kuya Beng, ay humihingi ng tulong sakin. Hindi ko po alam ang gagawin ko.

Nagsimula ito nang lumipat kami ng bahay nang asawa ko sa tapat nang bahay nila Kuya Beng. Bago palang ang bahay namin at hindi pa masyadong maayos, kaya wala pang C. R. Kaya, kila Kuya Beng kami nagpupunta kapag gusto namin mag C. R.

Noong unang pasok ko palang sa C. R nila, nakaramdam ako bigla ng bigat sa likod at balikat ko. Nahihirapan din ako makahinga at nahihilo rin ako.

Hindi na ko nagulat nang maramdaman ko ang mga ‘yon dahil sinabihan na ko ni Kuya Beng na mag-ingat at manalangin muna ako bago pumasok sa loob ng C. R. Dahil, kahit sila mismo, ginagawa iyon dahil sa mga nararamdaman nila na kakaiba sa loob.

Nagsimula raw ang lahat nang magpakamatay sa loob ng C. R ang dating asawa niya, si Ate Margaret, dahil sa depression. Kaya, matagal na rin nila na gustong ipasira ang C. R at gumawa ng bago, pero hindi nila magawa dahil kapag may nagtatangkang sirain ang C. R, nagkaka-sakit ito nang tatlong linggo at sumusuka ng dugo ng tatlong oras.

Walang magawa sila Kuya Beng kundi ang magtiis at patuloy na humanap nang murang lupa na bibilhin para doon nalang manirahan.

No choice din ako pati ang asawa ko na mag C. R sa bahay nila Kuya Beng dahil nagsisimula palang kami magpagawa ng C. R. Pero para sa anak ko, Arinola lang muna ang sa kanya dahil masyadong mabigat at baka hindi niya kayanin ang mga nararamdaman namin sa loob ng C. R nila Kuya Beng.

Mabigat kasi talaga ang mararamdamn mo sa loob, pero kapag makalabas ka na nang C. R, parang wala lang ang mga nararamdaman mo dahil biglang magiging magaan at normal na ang pakiramdam mo.

Makakaya ko pa naman talaga tiisin ang mga nararamdaman ko sa C. R nila, kasi nga no choice ako kung hindi gawin iyon dahil wala pa kaming C. R, pero simula nang may bumubulong na saakin nang tulong habang dumudumi ako at umiihi sa C. R nila, nagsimula na kong gumamit muna ng Arinola. Huminto ako sa pagpunta kila Kuya Beng pero kahit ganun, nagparamdam parin sa akin ang babae sa pamamagitan ng panaginip.

Humihing siya ng tulong saakin. Duguan siya at halatang nahihirapan na. Hindi ko ma-aninag ang mukha niya dahil sa dilim, pero nang tumagal, nakompirma ko na ito si Ate Margaret, ang dating asawa ni Kuya Beng. Ang akala ko, hindi si Ate Margaret ang nagpaparamdam sa C. R kahit na nagpakamatay siya doon. Pero siya pala iyon. Nagkamali ako.

Gusto’hin ko man na kausapin at tanungin si Ate Margaret kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanya, at kung ano ba ang maitutulong ko sa kanya, pero hindi siya sumasagot.

Palagi lang siya umiiyak at humihingi ng tulong sakin.

Hanggang sa isang Gabi, napanaginipan ko siya na sumisigaw habang hinihila ni Kuya Beng ang buhok niya. Napa-takip ako sa bibig ko dahil hindi ako makapaniwala na magagawa iyon ni Kuya Beng, dahil ang Kuya Beng na kilala ko ay mabait, matulungin, at hindi nanakit o nang bubugbog. At isa pa, sinabi nang asawa ko na mahal na mahal ni Kuya Beng si Ate Margaret, kaya sobrang nalungkot ito nang magpakamatay si Ate Margaret sa C. R.

Pero, kaagad akong nagising nang makita ko sa panaginip ko na inihampas ni Kuya Beng ang ulo ni Ate Margaret sa pader. Bigla akong napabangon sa kama at naghabol ng hininga.

Kinausap ko si Kuya Beng at tinanong patungkol kay Ate Margaret. Pero ang mga masasayang alaala lang ang sinabi niya saakin. At nang tanungin ko siya kung sinasaktan niya si Ate Margaret nang nabubuhay pa ito, hindi niya ko sinagot ng ‘Oo’ . Tiningnan niya lang ako bago ngumiti. “Hindi ko magagawang saktan si Margaret, mahal na mahal ko ‘yon.”

Gusto ko sana maniwala pero nang makita ko si Ate Margaret na galit na nakatitig at parang gustong patayin na si Kuya Beng sa likod nito ay napa-yakap nalang ako sa sarili dahil sa takot at lamig na nararamdaman.