Ang Bisita ni Mama

Written by: Zvredd

Nakakita na ba kayo ng tao na walang ulo? Ako, Oo. Nangyari iyon nang mag celebrate kami ng birthday nila Kuya Jepoy at Jeppy. Maraming mga bisita ang dumalo, lalong lalo na ang mga kaibigan nila Kuya at Mama. At, isa sa mga kaibigan ni Mama ang tinutukoy ko na nakita ko na walang ulo. As in, wala talaga. Nakakatakot. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko nang oras na ‘yon kasi first time ko makakita nang ganun.

Nang una, hindi ko siya makilala at hindi ko rin alam kung ano ang pangalan niya dahil wala siyang ulo, pero nang mag tanong ako kay Mama kung sino iyon at ano ang pangalan niya, muntik pa ko makatanggap ng batok dahil si Ninong Piyo pala ‘yon, best friend ng Mama ko.

“Aba, Joshua! Hindi mo na ba natatandaan ang Ninong mo? Si Ninong Piyo mo ‘yan.”

“Sorry na, Ma. Nakalimutan ko lang.” Pag-sisinungaling ko.

“Okay, sige. Para hindi mo na makalimutan ang Ninong mo, puntahan mo siya doon at kausapin. Total, wala ka naman ginagawa at wala rin naman kausap ang Ninong mo ‘don, baka ma- out of place yan. Sige ka, hindi ka niyan bibigyan sa pasko.” Pag-babanta sakin ni Mama.

Napabuntong hininga nalang ako dahil alam ko ang totoong dahilan kung bakit gusto ni Mama na kausapin ko si Ninong. Busy kasi si Mama sa paghahanda nang pagkain kaya hindi nito ma- assess ang kadadating lang na si Ninong Piyo. Ganoon din si Papa at ang mga kapatid ko, busy sila sa paghahanda at sa sarili nilang mga bisita.

Tahimik at hindi pala-salita si Ninong Piyo kaya hanggang ngayon, wala pa rin itong kausap na kahit ni isa sa mga bisita. Pero kung kilala ka niya o ka- close, siya pa mismo ang makikipag-usap sayo.

Gusto ko makipag- usap kay Ninong dahil ilang buwan na rin ang nakakalipas nang mag-usap kami, pero hindi ko magawa kasi natatakot ako na lumapit sa kanya. Wala kasi siyang ulo.

Hindi ko rin alam kung pa-paano ko ba sasabihin sa kanya o kila Mama na walang ulo si Ninong Piyo. Natatakot ako dahil baka hindi nila ako paniwalaan o di kaya, magalit pa sila sakin dahil birthday ng mga Kuya kong kambal at nag-sasabi ako nang ganun. Parang mag mumukhang malas naman iyon.

“Joshua, sige na. Kausapin mo na doon ang Ninong Piyo mo.”

“Pero, Ma—”

Pinanlakihan niya ko nang mata. “Isa.” Pag-babanta ni Mama, kaya napakamot nalang ako sa ulo ko.

Dahan-dahan akong naglakad papunta sa direksyon ni Ninong Piyo, at base sa direksyon nang pagharap ng katawan niya, nakatingin siya sakin.

“Oh, Joshua! Kamusta?” Masayang sabi sakin ni Ninong nang makalapit na ko sa kanya.

Hanggang rinig lang ako sa boses niya at tingin sa kilos ng katawan niya dahil hindi ko makita ang mukha niya. Hindi ko alam kung nakangiti ba siya o ano. Pero base sa boses niya, nakangiti siya sakin at masaya siya na makita ako.

“Ayos lang naman po, Ninong. Ikaw po, kamusta?” Sabi ko bago umupo sa tabi niya.

Tinitigan ko pa ang invisible na ulo niya pero kaagad din akong napatingin sa mesa na kaharap namin dahil kinikilabutan talaga ako.

“Ito, ayos lang din. Medyo, masama lang ang pakiramdam.”

Mabilis na napatingin ako kay Ninong. “Po? Masama ang pakiramdam mo?”

Hala! Baka ito na talaga ang sign na sabihin ko sa kanya na wala siyang ulo!

“Oo. Mabigat ang pakiramdam ko ngayon at parang nahihilo rin ako. Pero, natitiis ko pa naman. Kaya, magpapa-alam sana ako kung pwedeng umuwi—”

“Ano?!” Kaagad na sigaw ko. “Umuwi?!” Gulat pa na sabi ko. Pero mabilis din akong napaupo nang mapansin na nakatingin na halos saakin ang mga bisita.

Hinawakan ko ang mga kanay ni Ninong at mahinang nagsalita. “Huwag ka munang umuwi, Ninong. Dito ka nalang muna sa amin matulog.”

“Huh? Bakit?”

“Kasi---” Napahinto ako sa pag-sasalita nang magsalita si Mama na kadadating lang.

“Joshua, anong nangyayari dito?” Tanong nito.

“Eh kasi, Ma—” Hindi ko ulit natapos ang sasabihin ko dahil tumayo si Ninong para kausapin si Mama.

“Nandito ka na pala, Eloisa. Magpapa-alam sana ako sayo kung ayos lang ba na umuwi ako.”

“Ay, bakit Piyo? May problema ba?”

“Masama ang pakiramdam ko ngayon eh.”

“Naku—”

Mabilis akong tumayo at pumagitna sa kanila. “Ma! Ninong! May sasabihin ako.”

“Aba, Joshua! Huwag kang bastos. Nakikita mo naman na nag-uusap pa kami ng Ninong Piyo mo.” Galit na sabi ni Mama sakin.

“Ma! Hindi dapat umuwi si Ninong ngayon, kasi... kasi wala siyang ulo!” Malakas na sabi ko.

Isang malakas na batok ang natanggap ko kay Mama.

“Joshua! Aba!”

“Ma! Totoo ang sinasabi ko.” Sabi ko saka tumingin kay Ninong Piyo. “Kaya Ninong, huwag ka munang umuwi sa inyo o di kaya, magpa-sama ka sa pag-uwi mo.”

Piningot ako ng malakas ni Mama. “Aray.”

“Pasensya ka na Piyo sa anak ko. Alam mo naman ito, kahit anu-ano nalang ang pinapanood.”

“Ma! Totoo talaga ang sinasabi ko—aray!”

“Ayos lang, ganyan talaga kapag bata pa. Sige, aalis na ko.” Pagpapa- alam ni Ninong kaya napasigaw ako nang malakas.

“Ninon! Mag-iingat ka!”

At dahil doon, isang malakas na palo sa pwet ang natanggap ko kay Mama.

HINDI nila ako pinaniwalaan nang araw na iyon, pero nang na aksidente si Ninong habang papauwi ito, naniniwala na sila sakin.

Nasagasaan si Ninong ng Van habang naglalakad kaya naging kritikal ang kalagayan nito sa Hospital.

Nag-sorry si Mama sakin habang umiiyak dahil hindi niya ko pinaniwalaan.

Ganoon din si Ninong nang maging ma-ayos na ito pagkatapos nang walong buwan na pananatili sa Hospital.