Chapter 9: Kabanata 9
“O, BAKIT parang inis na inis ka, Finna?” ang tanong ni Saling nang mapansin siyang nakabalik na at nasa porch na ito ngayon naglilinis.
“Ewan ko! May kapitbahay tayong ayaw tayong maging kapitbahay!” ang inis na tugon niya rito.
Napatigil sa pagwawalis ang katulong na napatingin sa kanya. “Bakit, dahil ba para libre silang makagamit sa jacuzzi sa itaas kapag wala tayo rito?” ngumising tanong nito. Kung paminsan-minsan nga kasi ay weirdo rin itong si Saling na walang preno kung makapagsalita.
“Saling, hindi ‘yon ang dahilan…” Muntik pa niyang masabi ang sinabi sa kanya no’ng lalaki na wala namang pruweba. O wala nga ba?
Bigla siyang natigilan saka napalunok. Pagkuwa’y napakurap-kurap din siya ng mga mata. Kabado tuloy siya pero pinilit niyang iwaksi ang mga kakaibang nararamdaman niya sa bahay na iyon.
“Eh, ano naman ang puwedeng maging dahilan?” usisa ng katulong.
Nakita niyang nakapamaywang pa ito.
Napatikom siya ng bibig at umiling dito. “Huwag mo nang isipin ang sinabi ko.” At saka tinalikuran na niya ito.
Pumanhik na lang siya sa rooftop para tumingin sa paligid. Nang walang makita roon kundi ang mga kahoy at narinig ang ilang pag-awit ng mga ibon ay bumaba na siyang muli sa kanyang kuwarto upang kunin ang kanyang yoga mat. Magyo-yoga na lang muna siya at nang ma-relax naman.
Pagkatapos ay inutusan niya si Saling na linisin ang jacuzzi at paaandarin ito pagkatapos dahil gusto niyang mas makapag-relax pa siya pagkatapos ng kanilang pananghalian.
“Hindi ba mas maigi kung gabi ka magja-jacuzzi?” ang mungkahi ng kanyang tiyahin niya nang malaman ang plano niya. “Di ba’t mainit ang panahon ngayon?”
“Okay lang, Tita. Feel ko lang magpapainit nang husto at nang lumabas ang toxins sa katawan ko,” ang tanging sagot niya.
Hindi sadya ay dumako kay Jules ang kanyang isipan at ang mga sinasabi nito sa kanya kanina. She did not want to think that she was bothered by him or by his words. Surely, he had some motive that was why he wanted them gone from this beautiful house!
Nagsuot na siya ng kanyang two-piece at saka nagdala ng tuwalya sa itaas ng rooftop. Pagkatapos niyon ay lumubog na siya sa maaligamgam na tubig ng jacuzzi. Umupo siya at sumandal sa makinis na tub. Mabango ang tubig na naaamoy niya dahil sa inilagay na lavender oil ni Saling. Gumagaan ang kanyang pakiramdam pagkatapos ng ilang minuto. Sumandal siya at pati ang ulo na parang nakahiga na siya nang komportable roon sa loob ng malaking tub.
Napatingin siya sa kanyang singsing. Noon lang niya naalala si Bryan. Siguro, halos buong umaga ay hindi niya ito naisip nang dahil sa Jules na iyon.
Tinitigan niyang maigi ang singsing. Kinuha niya iyon at saka tiningnan kung may nakaukit sa ilalim niyon. Tanging dalawang puso lang ang nakaukit doon na nasa unahan at dulo ng pangalan niya. Napabuntong-hininga siya at isinuot iyong muli. Napapikit siya ng mga mata nang isinandal niyang muli ang ulo at ginawang unan ang kanyang tuwalya. She just wanted to find peace before she could be back to being herself once again and before she could face the world again…
***
MADILIM na nang magmulat si Finna ng kanyang mga mata. May isang ilaw lang na malamlam ang nakabukas doon sa rooftop. At dahil sa may tila naramdaman siyang umaaligid sa kanyang kinalalagyan ay napasinghap siya. Napatili rin siya nang makita ang isang aninong nakalutang sa ere at nakadungaw sa kanya.
Mabilis siyang umahon mula sa jacuzzi ngunit hindi niya makita ang labasan o ang hagdanan pababa. Bakit biglang nawala iyon? Palinga-linga siyang nataranta nang palapit na palapit na sa kanya ang aninong hindi niya mapagsino dahil sa nakabalot ito ng itim na tela. Umakto itong aabutin siya ngunit tumakbo siya papalayo mula rito.
Humahangos siya at parang hindi makahinga sa takot. Bigla na lang na may lumitaw na isang babaeng umiiyak at humihingi ng tulong. Nagtaka man ay nilapitan niya ito.
“Halika, umalis na tayo rito!” ang mabilis na sabi niya rito. Subalit nang hawakan niya ang kamay nito ay napakalamig niyon. Pagtingin pa niya sa kamay ng babae ay nakita niyang naging buto na lang iyon na kamay. Napamaang siya at napatingin sa mukha nito at naging bungo na lang din iyon. Tumili pa siya habang binitiwan ang butong kamay ng babae. Halos itapon pa nga niya iyon.
“Finna! Gising!” ang narinig na lang niyang matigas na boses ni Rina.
Napabalikwas siyang humahangos at saka napatingin sa kanyang tiyahin. Nakaluhod na nakadungaw ito sa kanya at ginigising pala siya nito.
“Tita!” ang nasambit na lang niya.
“Nanaginip ka. At heto, madilim na. Ilang oras ka ring nakababad sa tubig dito, ah,” puna pa nito sa kanya. “Buti at hindi ka nalunod dahil sa pagtulog mo rito,” ang marahang sermon nito sa kanya na tumayo na.
Napalunok siya nang ilang beses at marahang umahon mula sa tubig. Naramdaman na niya ang malamig na simoy ng hangin. Bahagya siyang nanginginig na inabot ang tuwalya at ibinalot iyon sa kanyang halos hubad na katawan.
“H-hindi ko napansing nakatulog pala ako, Tita. Pasensiya ka na at nag-aalala ka.”
“Akala ko ay nandoon ka na sa kuwarto mo kanina pa. Nang sabihin sa ‘kin ni Saling na wala ka roon ay umakyat na ako rito para tawagin ka para maghapunan na tayo,” ang pagbubuod nitong nakatingin sa kanya. Pagkatapos ay napasulyap ito sa paligid at saka napahalukipkip. “I’ve just realized how eerie this place can be during nighttime.”
Napatingin din siya sa paligid. Nakikita niya ang kadilimang nakapalibot sa kanila maliban na lang sa malamlam na ilaw roon. Lalo na ang mini-forest, nakakatakot ito. Parang wala rin siyang narinig na kuliglig.
‘Weird.’
Kaya naman ay umusbong ang takot sa kanyang dibdib. Kahit na pa maliwanag naman sa rooftop ay hindi niya maiiwasang makadama ng ganito. Siguro ay nasa kanyang subconscious ito at ang sinabi ni Jules kaya nagkaroon siya ng isang panaginip na katulad niyon.
‘Buwisit na lalaking iyon. Gagawin pa yata akong duwag.’