Chapter 6: Kabanata 6
BINAYBAY ni Finna ang daang patungo sa mini-forest. Iba’t ibang klase ng mga kahoy ang naroroon. May puno ng mangga, lanzones, gemilina, narra, at iba pang hindi niya nakikilala. She thought that she could do something like an assignment here. Kikilalanin niya ang ibang mga puno rito. Nakapagtapos siya ng Forestry ngunit hindi niya napa-practice ito dahil sa pinapasok siya sa isang publishing house na siyang mina-manage ng kanyang tiyahin noon hanggang sa mag-early retirement na ito. At heto na sila ngayon sa Barangay Santa Barbara.
Sa kalagitnaan ay may nakikita siyang puno ng balete. Napakalaki niyon. Napatigil siya sa paglalakad at napatitig dito. She found it odd. Parang ang balete ay pinapaligiran ng iba’t ibang mga puno na tila ba nagbabantay rito.
She chuckled a little. Parang ang lawak na ng imahinasyon niya dahil lang sa paglipat nila rito. She felt the strangest feelings she had never had. Katulad na lang ng may palaging nakamasid sa kanya. At ngayon, heto na nga ang malaking balete na tila binabantayan ng mga punong nakapalibot rito. She should try the world of writing dahil dumako na roon ang kanyang imahinasyon.
“Ano’ng ginagawa mo rito?”
Bigla siyang napalundag nang marinig ang baritonong boses na iyon. Ni hindi man lang kasi siya nakarinig ng kaluskos nang lumapit sa kanya ang may-ari niyon.
Napalingon siya sa pinagmulan ng boses, mula sa kanyang kaliwang bahagi at pumihit siya. Pamilyar ang suot nitong kulay asul na T-shirt at itim na pantalon na may punit-punit. Ito ang lalaking nakita niya kanina nang nasa rooftop siya.
Napasimangot siya rito. “I suppose we own this land,” ang tugon pa niya sa binata.
Natigilan muna ang lalaki at saka napatawa ito. Umiling ito. “Kung saan ka ngayon nakaapak ay pagmamay-ari ko na, Miss,” ang pagtatamang tugon nito. Halatang may pagkaaliw sa mga mata ng lalaki habang pinagmamasdan siya mula ulo hanggang paa.
Napalinga-linga siya. Wala siyang nakikitang palatandaan na nagsasabi sa kanyang hindi na nila pagmamay-ari ang kanyang kinatatayuan ngayon.
Napabaling siyang muli sa lalaki nang nakasimangot. “What are you? Our neighbor of sorts?” ang tanong pa niyang walang makikitang bahay sa malapitan. Wala rin siyang nakitang makapagsabi sa kanya na may daan patungo sa kung saan. Tantiya niya ay walang dumadaan doon dahil kung meron pa, nakikita na sana niya ang bakas ng daan.
“Oh, well. Our house is a kilometer away from here. Technically though, we own the mini-forest. Or most of it,” ang kumibit na anito at saka humakbang itong palapit sa kanya.
‘Hmm. Nag-i-English? Ganda pa ng accent niya, ah.’
“Huwag kang lalapit,” ang babala pa niya rito at umatras nang kaunti.
Huminto sa paghakbang ang lalaki at napatingin ito sa mukha niya. Nagkatitigan sila nang sandali. This time, she took notice of his face.
He was quite attractive. Medyo malamlam ang mga mata nito, medyo makapal ang mga kilay na maganda ang pagkakaporma, matangos ang ilong, at saka parang sensual ang mga labi. Halatang hindi ito naninigarilyo dahil hindi maitim ang mga iyon kundi medyo mapupula. Well, sa opinyon niya lang.
Napahugot siya ng hininga. She tried to stop herself from staring at his lips. Baka ma-misinterpret ng lalaking iyon ang pagkatitig niya roon. Ngunit ngumiti ito sa kanya nang tila nanggagagad at napakurap siya.
“I’m not some kind of a stalker or something,” ang wika pa nito sa kanya.
“Huh? I didn’t say that,” she said defensively.
He chuckled this time. “Baka kasi naisip mo ‘yon. Dahil nakita mo ako kani-kanina lang mula sa rooftop ng bahay ninyo.”
“Bakit ka nakatingin nang ganoon sa bahay namin?”
He sniggered. Umatras ito at sumandal sa isang malaking puno. Pagkatapos ay ikinuros nito ang mga braso sa dibdib na bumakat naman dahil sa medyo maskulado ito. She would bet her life that he possessed a six-pack abs! Klaro iyon.
“It was… owned by… let’s say, someone I knew,” ang tugon nito nang patalinghaga.
Tumaas ang kilay niya. “That’s it?” nakaismid na kumibit na aniya at kumumpas habang nakatingin dito.
Her logical mind was saying that she should not speak with this stranger. Pero para namang gustong makipag-usap niya rito nang mas matagal at nang makilala niya ito. So far, wala pa naman itong ginawa na maging sanhi para maging alerto siya.
“I was going to warn you.”
Napatitig na siya rito nang husto nang marinig iyon mula sa lalaki. Wala na ang mapanggagad na ekspresyon sa mukha nito. He looked serious.
“About what? Ano’ng ibig mong sabihin? May dapat ba akong malaman tungkol sa bahay na ‘yon?” Naalala niya pa ang kanyang hindi maipaliwanag na nadarama sa bahay na iyon mula nang dumating sila kahapon.
‘Still, I was able to sleep fine,’ kontra ng isip niya.
“May… masamang ispiritung nakatira doon,” ang paglalahad nito at bumuntong-hininga. Tila ba ay nabunutan ito ng tinik dahil nasabi rin nito iyon sa wakas.