Chapter 5: Kabanata 5
NAPAMULAT ng mga mata si Finna. Siguro ay pagod na pagod talaga siya dahil sa mataas na ang araw nang magising siya. Nagbanyo muna siya bago bumaba.
Naratnan niyang kumakain na ng almusal ang dalawang kasama niya sa bahay.
“Hindi na kita pinagising kagabi para makapaghapunan dahil alam kong pagod ka,” ang bungad ng kanyang tiyahin nang makita siyang pumasok sa dining room.
“Tama ka, Tita. At maganda ang tulog ko kagabi. Ni hindi ako nagising sa kalagitnan ng tulog ko,” nakangiting sabi niya at pumuwesto na sa tapat nito. Si Saling naman ay binigyan siya ng isang basong tubig. Pinasalamatan niya ito at nagtanong, “Okay lang ba ang kuwarto mo, Saling?”
Napatingin ito sa tiyahin niya at sa kanya pagkatapos. Kumibit naman ito. “Okay lang naman. Mas malaki pa sa kuwarto ko sa lumang bahay n’yo sa Maynila,” ang tugon nitong humagikhik.
Napataas siya ng kilay at napangiti rito. “Choosy pala ‘to, Tita, eh. Ngayon ko lang nalaman,” pabirong aniya at napatawa silang magtiyahin. Kumuha na siya ng hotdog at fried rice para isalin sa sariling plato.
“Ayan, gusto ko ang dating Finna. Palatawa at walang inaalala sa mundo,” ang sumeryosong wika ni Rina sa kanya.
Napangiti siya ulit dito at saka sumubo ng pagkain at ngumuya. Sumagot siya pagkalulon ng pagkain. “I have to move on… eventually, ‘di ba, Tita?”
“Tama. Dapat nga ‘yan ang iisipin mo palagi. We have to leave everything behind us. Siya nga pala, baka susunod na palang darating dito si Lily. Tumawag siya sa ‘kin kagabi,” tukoy nito sa anak.
“Ah, nagbago ang sched niya, Tita?” ang tanong pa niyang uminom ng juice.
“Oo. Kaya free siya for a month or so. At siyempre, tuwang-tuwa naman ako doon. It’s been half a year since we last saw her, right?” ang tugon nito at saka uminom din ng apple juice.
Tumango siya at napangiti sa tiyahin. “Yes, Tita. Medyo matagal na rin. Oo nga pala. Hindi pa ako tapos sa tour ko kahapon. Maglibot-libot ako mamaya. I’ll be back before lunch,” ang pagpaalam niya at tumayo na.
“Tapos ka na agad sa pagkain? ‘Di ba isang hotdog lang iyon at kaunting rice?” ang tanong nitong tiningnan ang wala nang lamang plato niya.
“I’m not so hungry, Tita. Tama na ‘yong kinain ko.”
“Okay. Just be careful if you’re going to the mini-forest. Hindi mo pa kabisado ang lugar,” ang habilin pa nito sa kanya.
“Opo, Tita,” ang tugon niya nang nasa hagdanan na siya at nagsimulang pumanhik pabalik sa kanyang silid.
Nagbihis siya ng maong shorts at sleeveless top. Nagpabango, nagpulbo at nag-lipstick, gaya ng dati kapag umaalis ng bahay. Isinuot niya ang kanyang running shoes saka lumabas na siya ng kanyang kuwarto.
Naisipan niyang pumunta muna sa rooftop. Nasa kabilang dulo, malapit sa unang kuwartong binisita niya kahapon, ang pintuan at hagdanan niyon papunta sa itaas.
Napakaganda ng umagang iyon at amoy niya ang sariwang hangin nang nasa itaas na siya. Namangha pa siya nang may makitang jacuzzi roon. Malinis iyon. Napatingin din siya sa paligid mula sa rooftop.
Nakikita niya ang ilog mula roon at pati na ang kakahuyan. Sa harap ng bahay nila, mga ilang metro lang ay bigla siyang nakakita ng isang taong nakatayo at nakamasid sa malaking bahay. Marahan siyang lumapit sa safety rail at nagkatinginan sila ng lalaki.
‘Sino kaya siya?’ tanong niya sa isip.
Agad naman itong tumalikod pagkatapos niyon. Pero nakita na niya ang maganda ang tindig nito at katawan kahit sa distansiya pa lang. She wondered what he was doing, staring at their house like that. Ilang saglit lang ang lumipas ay narinig na lang niya ang pagharurot ng isang motorsiklo. She guessed it was his.
‘Huh. Ba’t kaya siya umakto ng gano’n? May kilala kaya siyang nakatira dito noon?’
Napailing na lang siya at saka bumaba na. She decided she would now check out the entire property. Medyo malaki-laki rin iyon. Bukas na lang siya mag-uumpisa sa pag-jo-jog. Gusto niya munang maging pamilyar sa lugar bago niya gagawin iyon.
Nang makababa siya ng hagdanan ay hindi niya makita kung nasaan ang tiyahin. Si Saling ang nakasalubong niya sa may bulwagan ng bahay.
“Nasaan si Tita?” ang tanong niya sa katulong na may bitbit na walis tingting. Siguro ay maglilinis ito sa labas. Binuksan naman niya ang pinto para sa kanilang dalawa dahil lalabas din naman siya agad.
“Sabi niya ay manonood lang ng TV sa kuwarto niya pero siguro DVD lang kasi wala namang cable dito,” ang kumibit na sagot ng kasambahay.
“Ah, okay. Sige, pasyal lang ako sa labas. Alam naman na niya na aalis ako, eh,” ang nasabi na lang niya sa katulong at tinalikuran na ito.
“Sige, ingat ka, Finna!” pahabol nito.
May nakita siyang isang maliit na daan pababa at naisip niyang papunta iyon sa malaking ilog. Napangiti siya nang makita ang dalisay na tubig. Yumuko siya at inilubog ang kamay sa malamig at malinis na tubig. Pagkatapos niyon ay tumayo siya nang tuwid at umakyat pabalik. Hindi niya napuna ang isang kamay na buto na biglang umusli mula sa kung saan niya inilubog ang kamay kani-kanina lang.