Chapter 4: Kabanata 4
“FINNA! Nasaan ka ba?” Ang tinig iyon ng kanyang tiyahin na siyang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.
“Tita! Nandito ako,” ang tugon niya at napatitig sa kanyang sarili sa salamin.
Sa aksidenteng iyon niya nakuha ang peklat sa noo at dahilan ng pagpanaw ng kanyang mahal na nobyo.
Napasulyap siya sa kanyang suot na singsing na siyang engagement ring sanang bigay ni Bryan sa kanya na hindi niya tinanggap habang ito ay buhay pa.
‘Mali kaya ang ginawa kong pagtanggi sa kanya? Kung um-oo ba ako sa kanya ay iba ang nangyari?’
Napapilig siya ng ulo. Siguro nga ay hindi pa rin iyon magbabago dahil sa mga masamang lalaking iyon. Hanggang ngayon ay kumukulo pa rin ang dugo niya at sobra ang paghihinagpis niya.
‘Pero kailangan kong mag-move on kaya nandito ako sa bahay na ito,’ paalala niya sa sarili.
“O, kumusta ang pagtingin mo sa mga kuwarto?” ang usisa ng kanyang tiyahin nang lumabas siya. Malapit lang ito sa hagdan nakatayo.
“Ah… hindi ko pa po nakita ang lahat ng kuwarto, Tita.”
“Ang silid mo nga pala, doon sa kabilang dulo. Pinili ko ‘yon para sa ‘yo. Katabi noon ay ang sa akin para naman hindi tayo magkalayo,” ang nakangiting saad ng tiyahin. “Inayos na yata ‘yon ni Saling.”
Napangiti siya rito bilang pasasalamat. “Okay, Tita. I think that’s great. Titingnan ko na lang po ‘yon pagkatapos nating kumain ng snacks. At bukas ng umaga, parang gusto kong mag-jog. Maganda kasi ang paligid at mukhang mainam mag-exercise dito, sariwa ang hangin.”
Mula nang mamatay si Bryan ay nag-aaral na siya ng self-defense. Aikido ang napili niya at dahil sa hindi na siya makapag-practice sa gym ay gagawin lang niya iyon sa bahay at magpapakondisyon na lang siya sa kanyang sarili roon. Siguro ay sa rooftop na lang siya magpa-practice ‘pag nagkataon dahil mukhang malaki ang lugar doon at may bubong naman ang kalahati niyon.
“I think that’s a good idea, Finna,” anang butihing tiyahin.
Kumain silang tatlo ng snacks nang sabay.
“Inayos ko na po ang mga kuwarto ninyo, Ate Rina, Finna,” ang wika ng katulong nilang halos nasa trenta anyos na.
“Salamat, Saling” ang sagot niya rito nang may matipid na ngiti.
“Ikaw, pumili ka na lang kung saan mo gustong matulog, Saling,” ang anang Rina rito.
“Ay, talaga po, Ate?” excited namang anitong namilog ang itim na mga mata.
“Sige, mag-isip-isip ka na kung saan mo gustong matulog dahil iyong kuwartong may pink na pintura, kay Lily iyon,” pagpaalam ni Rina sa kasambahay.
“Ay, sige po, Ate. Ano, sa baba na lang ako para malapit rin sa kusina,” ang desisyon nito.
“Sige, ikaw ang bahala,” ang sang-ayon ni Rina rito.
Napangiti na lang si Finna kay Saling na umiinom ng juice nito.
Pagkatapos nilang mag-snacks sa medyo kalakihang kusina kung nasaan ang isang island table ay nagpaalam na ang kanyang tiyahing magpapahinga sa kuwarto nito at kung kaya’t sabay na silang pumanhik sa itaas habang naghuhugas ang katulong sa baba. Dumiretso na ang tiyahin sa kuwarto nito at isinara iyon. Si Finna naman ay dumiretso sa kanyang sariling silid upang tingnan yaon.
Kulay berde ang pintura sa loob at nagagandahan siya sa pagkaareglo ni Saling doon. It was like she had been there all this time. Sa kanang bahagi niya ay ang kama na may light green na bedsheet. May bintana naman sa duluhan ng kama na may puting kurtina. Sa kaliwa nitong bahagi ay isang pinto. Sa kanang bahagi naman niyon ay isang closet at sa kabila ay isang dresser na may salamin. Kulay yellow-green naman ang dresser na yaon. At ang ilang mga gamit niya ay nakaayos na roon. Napansin niya rin ang TV set na hindi malayo sa paanan ng kanyang kama kaya naisip niyang maayos ang pagkaka-arrange ng lahat doon. Wala siyang masabi kay Saling.
Binuksan ng dalaga ang pinto at saka nalamang may banyo pala sa pagitan ng kuwarto nilang magtiyahin. Moderno rin ang banyong iyon katulad ng nakita niya sa isa kanina. Parehong-pareho ang mga ito maliban na lang sa kulay nitong pula.
Napasimangot naman siya. Bakit kaya iyon ang kulay na napili ng unang may-ari ng bahay?
Medyo masakit sa mata niya ang pula. Nagpapaalala sa kanya ng dugo. Subalit ay binalewala na lang niya at napabuga ng hangin.
Napasipat-sipat siya sa kanyang sarili sa malaking salamin na malapit sa pinto. Lumapit siya rito upang tingnan ang kanyang mukha. Biglang may anino siyang nakita sa kanyang likuran. Ngunit nawala rin iyon, lalo nan ang lumingon siya. Naisip niyang baka sa ilaw lang iyon na parang namatay sandali at umilaw ulit.
Napabuntong-hininga na lang siya. Stressed lang yata siya at kung anu-ano na lang ang nakikita niya. Lumabas na siya ng banyo at tinungo ang closet. Mayamaya ay titingnan niya ang rooftop. O kaya ay ipagpapabukas na lang niya.
Medyo pagod siya sa halos anim oras na biyahe mula sa Manila, which was just south of this province. Nagpalitan kasi sila ng pagmaneho ng kanyang tita sa van.
Pumili siya ng kanyang maisusuot. Isang nightshirt ang kanyang napili at fresh underwear. Kinuha rin niya ang tuwalya at saka nagtungo na sa banyo. Kumpleto na ang gamit sa banyo nang tingnan niya ulit ito. Hindi niya kasi ito napansin kanina.
Hinubad na niya ang lahat ng kanyang suot sa katawan saka binuksan ang shower. Tinimpla niya ang tubig at saka nag-umpisa na siyang maligo. Nakapikit ang kanyang mga mata at may naramdaman siyang tila may nakamasid sa kanya.
Napasinghap siya nang magdilat ng mga mata. Abot-abot ang kanyang hininga at kaba sa dibdib na tila may malakas na martilyong pumukpok dito. Ngunit wala naman siyang nakita sa paligid. Humugot siya ng malalim na hininga at baka ay guni-guni niya lang iyon. Inabot na niya ang shampoo at shower gel. Hindi niya alintana ang dumaang anino sa kanyang likuran.
Nagbanlaw siya nang mabilis at saka nagpunas ng tuwalya. Parang nararamdaman pa rin niyang may nakamasid sa kanya. Subalit pinilit na lang niyang huwag pansinin iyon dahil imposibleng may naninilip sa kanya dahil sa wala namang bintana ang banyo maliban sa exhaust na nasa malapit sa kisame.
Nakasuot na siya ng kanyang underwear at nightshirt. Pinatuyo niya ito gamit ang hair dryer at saka makapagpahinga siya nang napakapresko ang pakiramdam. Lumabas na siya ng banyo at dumiretso na sa kama. Malambot iyon at napakasarap sa pakiramdam.
Humiga siya nang patagilid sa kanan. Nakapikit na siya ng kanyang mga mata at agad siyang nakatulog habang nakalutang sa ere ang isang anino na nasa mismong ibabaw niya nang wala siyang kamalay-malay. Nakatitig ito sa kanya nang maigi na tila ba may planong gawin.