Chapter 3: Kabanata 3
PAGLABAS ng magkatipang Finna at Bryan ng restoran patungong parking lot ay magkahawak-kamay sila. Bigla na lang na harangan sila ng isang grupo ng mga kalalakihan. Apat ang mga ito. Napatingin ang mga ito sa kanila nang may tila ngising asong ulol.
Napahigpit ang paghawak ng dalaga sa kamay ng nobyo. Napatingin ito sa kanya at saka bumaling sa apat na kalalakihan na pinalibutan sila.
“Ang ganda ng chick mo, pare, ah!” sabi ng isa na tila pangulo ng apat. Siguro ay nasa kanilang twenties ang mga ito. Naamoy pa niya ang kakaibang amoy ng mga ito at hindi niya nagustuhan iyon. Duda niya ay nag-MJ ang mga ito. Minsan kasi ay may naikuwento sa kanya si Bryan na hindi talaga kanais-nais ang amoy ng marijuana.
Lumapit ang isa sa kanya at akmang hipuin ang pisngi ng dalaga. Umilag siya at saka nakita niyang nahawakan ng nobyo ang kamay no’ng lalaki. Malaki ang tiwala niya sa kanyang nobyo dahil sa marunong naman ito ng self-defense. Pero apat ang mga ito at isa pa siyang liability. Common sense ang nagsasabi sa kanyang walang laban ang kanyang nobyo kapag ganito dahil hindi naman siya marunong ng self-defense.
Napalunok si Finna. “Bryan…” mahinang usal niya.
Ngunit inignora siya ng nobyong nakatingin pa rin sa mga lalaki at binitiwan ang kamay ng isa. “Hindi kami naghahanap ng gulo. Pauwi na kami,” ang sabi pa nito nang mahinahon.
Napatawa ang apat. “Alam mo, kami? Hindi pa kami uuwi, eh,” saad ng tila pangulo ng grupo saka maangas na nilapitan ang nobyo niya. “At… naghahanap kami ng gulo.”
“Kasama ko ang girlfriend ko at ayokong madamay siya kung gusto n’yo talaga ng gulo,” mahinahong tugon ni Bryan na nakatiim-bagang.
Napahugot ng malalim na hininga si Finna. Halos sasabog na ang dibdib niya sa kaba. Baka kung ano’ng mangyari sa kanilang dalawa ni Bryan.
“Bryan, let’s just go.” Hinawakan niyang muli ang kamay nito at saka akmang hilahin nang harangan sila ng dalawa pa sa mga kasamahan ng mga ito na nasa likod nila kanina.
“Oops! Hindi pa kami tapos sa inyo,” ang sabi ng pangatlo. Nakangisi itong parang asong ulol.
“Wala pang uuwi sa atin,” ang dagdag naman ng pang-apat na nakangisi rin sa kanya.
She was really feeling threatened. At wala siyang magawa. Napalunok tuloy siya. Napaisip siyang tama nga ang nobyo niya noon pa man. Dapat na matuto siya ng self-defense. Marami na kasing mga may sira sa ulo ngayon at kung sinu-sino na lang ang pinagti-trip-an. At babae pa siya. Kalimitang target ang mga babae sa mga krimen katulad ng rape.
And certainly, she did not want to be raped! Ngayon pa lang ay tila nanlalamig at nangangatog na ang katawan niya sa posibleng mangyari sa kanya. And she only had herself to blame for that. Dapat nga ay mag-umpisa na siyang matuto ng self-defense. But could it be too late now? Napalunok siyang muli at napahigpit ng hawak sa kamay ng nobyo.
Hinila siya nito at pinatago sa likuran ng lalaki. Ibinigay nito nang sekreto sa kanya ang susi ng kotse. Napatingin siya sa paligid ngunit di man lang niya makita ang gwardiya ng restoran na nag-umpisa nang magsara dahil pasado alas dos na iyon ng madaling-araw.
Ang isa sa apat ay akmang hawakan ang dalaga sa kamay ngunit nanlaban siya kung kaya’t nabitiwan siya.
“Takbo, Finna!” sigaw pa sa kanya ng nobyo at iyon ang umpisa ng bugbugan ng apat.
Tumakbo na nga siya papuntang kotse ngunit naabutan siya ng isa na siyang humawak sa kanya kani-kanina lang. Nahawakan siya nito sa mahabang buhok niyang nakatali. Napasigaw siya sa sakit nang maramdaman ang pag-init ng kanyang anit.
Tumawa naman ang lalaki at napasulyap siya sa kinaroroonan ng kanyang nobyo na pinagtutulungan ng tatlong lalaki. Nabugbog na nito ang dalawang nakaluhod at nakahiga sa bangketa nang walang malay.
“Bryan!”
Napalingon sa kanya ang lalaki.
“Finna!” Dahil sa pagka-distract nito, tuloy ito ang nabugbog ng pangulo ng apat.
Napasigaw siyang muli dahil doon at saka hinila na siya ng lalaki pabalik doon. Nasaksihan niyang kumuha ng Batangas knife ang isa, iyong nakaluhod at saka sinaksak si Bryan sa tagiliran.
“Huwag!” ang sigaw pa niya at umiiyak habang napaungol si Bryan sa sakit.
Nanlaban si Finna sa humahawak sa kanyang buhok at tinusok ang isang mata nito gamit ang susing nasa kamay niya. Sumigaw ito sa sakit at saka sinipa niya ang ari ng lalaking siyang sumaksak sa nobyo niya. Nahawakan siya sa leeg no’ng pangulo ng grupo.
“Huwag mo siyang saktan!” pilit na pakiusap ni Bryan habang sapo pa nito ang tagilirang dumurugo. Pilit nitong ilayo ang dalaga sa lalaki.
Hinugot ni Bryan ang nakabaong kusilyo sa tagiliran nito at sinaksak ang lalaki sa tagiliran patungo sa kidney nito. Kaya naman ay nabitiwan ng lalaki si Finna.
Inakay niya ang duguang nobyo at kahit nahihirapan ito ay pilit itong tumatakbo patungo sa kotse nito para makatakas na sila.
Nakasakay na sila ng kotse at siya ang nasa driver seat. Ngunit nang magkamalay na ang isa ay sinundan sila nito at ng lalaking sinipa niya kanina sa ari.
“Paandarin mo na ang kotse, Finna!” ang instruksyon ng nobyo niyang namimilipit sa sakit.
Nang sulyapan niya ang binata ay pansin niya ang pag-agos ng dugo nito sa tagiliran. Basang-basa na ang suot nito.
Nanginginig ang dalaga dahil sa nakita at umaagos ang luha sa mga mata. “P-pupunta na tayong ospital, Bryan. Hang on!” ang sabi pa niya sa nangangatal na boses habang pilit pinapaandar ang kotse. Tatlong beses pa niya iyon sinubukan bago umandar. Kung minamalas nga naman sila.
“Hindi. Sa pulisya tayo pupunta. Ayokong maabutan ka nila,” ang di-sang-ayong wika ng nobyo.
Namilog ang mga mata niya dahil alam niyang tagilid ang sitwasyon ng katipan. “P-pero…” umpisang protesta niya.
“Gawin mo na ang sinasabi ko, Finna!” ang tila galit na anito sa kanya.
Hindi na lang siya nakipag-away rito at baka lalala pa ang kalagayan ng nobyong napasandal nang maayos sa upuan nito ngunit namimilipit pa rin ito sa sakit. Pansin niya ang paglukot ng guwapo nitong mukha.
Pinasibad na niya ang kotse at hindi sila naabutan ng dalawang lalaki. Ngunit nakita niya sa salamin na lumulan din ang mga ito sa isang pick-up truck at hinabol sila ng mga ito. Napamaang siya dahil doon.
“Bryan, ano’ng gagawin natin? Sumusunod sila sa ‘tin!” ang alalang tanong niya at napasulyap sa kanyang nobyo ngunit nakapikit ang mga mata nito. Tinawag niyang muli ang pangalan nito at hindi niya napuna ang parating na truck sa isang crossing, mula sa kanan nila.
Kinabig niya ang manibela nang pilit nang mapatingin siya sa kalsada at naisipan niyang mas maigi pang ibangga iyon sa isang poste kaysa tuluyan silang mabangga nito.
Nawalan siya ng ulirat pagkasalpok ng kotse sa poste.
Nang magising siya ay nasa ospital na siya. Nang tinanong niya ang tiyahin tungkol sa nobyo ay umiling lang ito sa kanya nang malungkot at napahugulgol siya.
Alam niyang wala na si Bryan.
Ibinigay ng tiyahin niya ang singsing na galing kay Bryan. Tinanggap niya iyon at tumutulo pa rin ang mga luhang isinuot ang singsing na iyon na tanging alaala niya sa katipang yumao.