Chapter 2: Kabanata 2
“AH, okay lang ako, Tita. Titingnan ko na lang ang bago kong kuwarto,” ang tugon ni Finna sa tiyahing may pag-aalala sa mukha.
Pumanhik na siya sa malapad na hagdanan na gawa sa kongkreto at tiles katulad ng ibang parte ng sahig sa malaking bahay na iyon. Halos hindi na niya napansin ang mapusyaw na dilaw na pintura ng mga dingding. Medyo malinis naman at hindi amoy alikabok ang kabahayan.
Hinuha niya ay pinalinisan ito ng kanyang tiyahin bago sila lumipat dito alang-alang sa kanya. Alam niyang sakripisyo rin itong ginagawa ng kanyang tiyahin para sa kanya. Mahal na mahal talaga siya nito kahit paminsan-minsan lang ito nag-e-express ng damdamin. Lagi naman kasi niya yaong nakikita sa mga kilos at kung paano ito tumitingin at magsasalita sa kanya.
“Bumaba ka na lang para mag-snacks in thirty minutes, okay?” ang pahabol na ani Tita Rina niya.
“Yes, Tita!” tugon niya na tila umalingawngaw ang boses sa buong kabahayan. Bahagya pa siyang pumihit at nagpatuloy na sa pagpanhik ng hagdanan. Nakahawak siya sa brass at silver na banister. Nakadisenyong tirintas ang bawat bar ng barandilya.
Nang nasa itaas na si Finna ay huminto muna siya sandali at napatingin sa hallway. Medyo madilim doon. Ewan niya ba pero pakiramdam niya ay may mga matang namasid sa kanya. Subalit binalewala niya lang ito dahil alam niyang sila lang namang tatlo ang nandoon.
Napadungaw siya mula sa pinakaitaas na baiting ng hagdan. Wala na roon sa may paanan ng hagdanan kung saan nakatayo kanina ang kanyang tiyahin. Naisip na lang niyang baka pumunta na ito sa kusina. Pagkatapos ay napatingin siyang muli sa hallway.
‘Saan nga ba ang kwarto ko? Sa kaliwa o sa kanan?’ naitanong ng isipan niya.
Wala siyang marinig. Sobrang napakatahimik ng buong kabahayan na tila nakakabingi. Maliban na lang sa banayad niyang mga yabag, ito lang ang naririnig niya sa ngayon.
Pinili na lang niya ang kaliwang bahagi at napatingin siya sa itaas nang biglang nagpatay-sindi ang mga ilaw.
‘Sino kaya ang nagbukas ng ilaw? Si Saling? Okay lang kaya ang electrical wiring sa bahay na ‘to?’ Muli siyang napaisip.
Tumigil ang pagpatay-sindi ng mga ilaw. Malinaw na niya ngayong nakikita ang hallway at napuna niyang hindi niya na-check ang dalawang kuwartong nadaanan niya. Naisip niyang tingnan na lang ang huling kuwarto sa dulo.
“Saling?” Kinatok pa niya ang pinto bago ipinihit ang seradura nito. Walang sumagot sa kanya.
Madilim sa loob nang mabuksan niya kaya napakapa siya sa switch ng ilaw. Pinindot niya iyon at bumukas na ang ilaw. Bahagya pang tila kumurap ang ilaw ngunit baka ay nagmalik-mata lang siya dahil sa kumurap din naman siya.
Navy blue ang kulay ng pintura doon. Siguro ay lalaki ang may-ari sa kuwartong iyon noon. Malaki ang kamang binalutan ng puting tela. Napaikot muna siya ng tingin sa kabuuang silid at tiningnan ang built-in cabinet doon. Binuksan niya iyon nang marahan at lumangitngit ito. Ngunit nakita na lang niyang wala iyong laman na kahit na ano.
Samantalang…
Hindi niya napansin ang mga matang nakamasid sa kanya sa madilim na bahagi. Napalingon siya at may nakita siyang pintuan sa tapat niyon. Tinungo niya iyon upang busisihin kung ano ang naroroon.
Isang modernong banyo ang nakita niya na may magkahalong kulay ng light pink at purple. Malaki iyon at kumpleto sa kagamitan. Nakita niya ring may pinto naman sa tapat niyon na may salamin sa kanang bahagi nito. Binuksan niya ang pinto. Isang kuwarto na naman ang nakita niya. Naisip niyang adjoining room siguro ang lahat ng mga silid sa bahay na ito.
Lingid sa kanya, may tila mabilis na lumitaw at nawalang anino sa salamin.
Kulay pink naman ang pintura ng kuwartong iyon na pinasok niya. Malaki rin ang kamang tinabunan ng puting tela. Nahagip ng paningin niya ang isang dresser at salamin. Hindi iyon kinublian ng tela. Kulay lavender naman iyon.
Napaupo pa siya sa upuang katerno ng dresser at napatingin sa kanyang sarili. Kahit ayaw niyang tignan ang sarili dahil sa kanyang peklat ay nagawa pa rin niyang manalamin. Saka hinipo niya ang peklat sa noo niya.
Napabuntong-hininga siya at saka napakagat-labi. Bumalik sa isipan niya ang nangyari dalawang buwan na ang nakararaan. It was the worst time of her life ever since the death of her parents.
***
“FINNA, will you marry me?” ang biglang tanong ni Bryan sa kanya habang kumakain sila sa isang restoran. Hindi naglipat-saglit ay inilabas nito ang isang singsing mula sa maliit na kahong hinugot nito mula sa bulsa ng suot nitong slacks.
Bryan was five years older than her. He was sweet, loving and kind.
“Seriously, Bryan?” Hindi siya makapaniwala sa sinabi sa kanya ng kanyang nobyo nang dalawang taon. College boyfriend niya ito. “We’re still young! We have some more to do in our life besides being married!”
Nakita niya ang nalulungkot nitong mga mata.
Umiling naman siya. “I’m sorry. I should be happy that you are thinking of me and taking me seriously. Pero…”
“Finna, I don’t want to be apart from you anymore. Gusto kong parati kitang kasama. Gusto ko, paggising ko ay nandiyan ka na sa tabi ko,” seryosong anito.
Napabuntong-hininga naman siya. Kahit na dalawang taon na silang magnobyo ay iginagalang siya nito. He never tried to force her into anything. Maaalalahanin ito at mapagmahal sa kanya, bagay na hindi na niya siguro makikita pa o mararamdaman mula sa ibang lalaki.
It was the time when her parents met a traffic accident that she decided to start this kind of relationship with him. Parang ito na rin ang kanyang gabay upang maka-get over siya sa biglaang pagkawala ng mga magulang niya nang sabay. He was always there for her. For that, she was so grateful to him.
“Bryan… I do appreciate it very much. But… okay. Let me think about this over. Just give me some time, all right?” ang pakiusap na lang niya sa nobyo.
Alinlangang binawi na lang ng binata ang singsing at tumango sa kanya nang mahina. Ginagap niya ang kamay ng lalaki. “I do love you, Bryan. Just that…”
“I understand, Finna,” ang mahinahong anito at ngumiti ito sa kanya nang matipid. “You don’t have to explain, really.”
“Thank you, Bryan,” nakangiting aniya sa nobyo. “Ang suwerte ko talaga sa ‘yo.”