Kabanata 24

NAPAILING na lang si Jules. Hindi na siya dapat masorpresa kung matuling lilipas ang oras dahil sa kababalaghang nasaksihan na niya. Naniniwala na siya ngayon ukol sa mahika, sa mga demonyo, at sa kung anu-ano pang mga elemento at nilalang.

Bumaba na siya at nakita niyang kumakain ang tatlo sa may kusina. Akala niya kung ano na ang nangyari sa mga ito nang hindi niya agad natagpuan sa sala kung saan niya iniwan ang mga ito.

Napangiti ang kanyang ina nang matamlay. “Nagutom na kasi kami kaya kumain na kami kahit konte,” ang anito. Binigyan siya ng isang plato ng pagkain.

Umubo na naman ang kanyang ina at nag-aalala siyang nakatingin dito. “Nakainom na kayo ng gamot, Mommy?”

“Oo, kani-kanina lang bago kayo dumating.”

Hindi alam ni Jules kung sobrang tagal na nga iyon dahil pansin niyang bumilis ang oras. Subalit baka nagkakamali lang din siya. Hindi na niya talaga alam dahil sa kalituhan.

“Mabuti pa ngang kumain ka na lang muna bago natin harapin ang anumang demonyo mamaya, Jules,” ang pabirong mungkahi ng kanyang Uncle Mike.

Hindi niya gusto ang tono nito pero umupo siya sa kanyang puwesto sa may hapag at kumain nang hindi inilapag ang bag sa tabi. Gayunpaman ay hindi na siya nakipag-away sa tiyuhin kahit na pa hindi nila kailangang kumain ngayon dahil nagmamadali sana silang umalis mula sa bahay. Iyon nga lang ay pinipigilan sila ng masamang elementong makaalis at nakakulong sila ngayon.

“I think I found something. Pero hindi pa ako sigurado. Titingnan ko na lang mamaya,” wika niya bago sumubo ng bistik at kanin. Siguro ay ang ama niya ang nagluto para sa kanila kanina. Wala kasi ang kanilang kasambahay dahil pinagbakasyon muna ng kanyang ina.

“Bakit, ano’ng nakita mo?” ang kuryusong tanong ng kanyang ama.

Napatingin siya sa tatlong naghihintay sa kanyang sagot, ngunit dapat ba niyang sabihin iyon sa loob ng bahay na ito? Ligtas ba? Napaisip tuloy siya nang malalim.

Ngayon niya lang ito napagdili-dili. Bakit sa tuwing nangyayari iyon ay siya lang ang tila hindi nakatulog at nakalutang sa ere? Bakit ang Uncle Mike niya ay ayos lang din? Bakit ang iba lang?

Hindi niya alam kung ano ang sagot nito.

‘Baka hindi pa oras namin,’ konklusyon na lang niya.

Napakurap-kurap siya at napailing. “Maybe it’s just nothing.” Nasabi pa niya at napatitig sa kanya nang husto ang tiyuhin.

“You’re not telling us, Jules?” ang marahang anitong tila tinatantiya siya.

Umiling naman siya. “Hindi ko alam kung dapat ba itong pagtutuunan ng pansin o hindi, Uncle Mike. Pero malakas ang kutob kong may kinalaman iyong nakita ko sa kuwarto ni Joanna sa mga nangyayari…” pasakalye pa niya.

Biglang may kumalabog sa itaas bago pa siya makatapos sa pagsasalita at napatayo kaagad ang binata. Napakapit ang ina niya sa braso ng ama niya.

Napatayo si Mike malapit sa pintuan ng dining room. Sinilip nito ang itaas na bahagi ng kabahayan.

Napasulyap naman ang binata sa kanyang relong pambisig. Napasimangot siya. Alas tres na ng madaling-araw!

Pag-angat pa niya ng kanyang paningin ay nakita niyang lumitaw bigla ang itim na anino na siyang kumuha sa katawan ng kanyang kapatid noon. Napailing siya at saka napalingon sa mga magulang. At huli na iyon, napagtanto niya.

Nakalutang na ang mga ito sa ere nang wala nang malay. Napamura siya. Galit na galit. Napakuyom siya ng kanyang mga palad. Sumulyap siya sa kanyang Uncle Mike na napatingin sa kanyang naiiling rin.

“Uncle Mike, ano’ng gagawin natin ngayon?” tanong pa niya ritong nag-aalala. Kinuha na niya ang krus at holy water sa bag.

Napasulyap doon ang kanyang tiyuhin. “Ah…” Ngunit hindi na ito makapagsalita dahil sa lumapit na rito ang anino at tila naninigas ang katawan nito. Titig na titig ito sa nakatalukbong na anino.

Winisikan naman ng binata ang anino. Lumayo ito mula sa kanyang tiyuhin at biglang naglaho.

“Salamat, Jules. H-hindi lang ako sanay na malapit na malapit na siya sa ‘kin,” ang anitong nininerbyos at saka napahugot ng malalim na hininga. Pagkatapos ay pinakawalan na ang malalim na hininga.

Alala naman siyang napasulyap muli sa mga magulang na nakalutang sa ere nang wala pa ring malay. Naisip niyang basain ng holy water ang katawan ng mga magulang at baka-sakali ay hindi aanhin ng masasamang elemento ang mga ito.

“Sa tingin mo ba’y gagana ‘yan?” ang tanong ng kanyang tiyuhin pagkatapos niyang ubusin ang holy water sa mga magulang.

“Sana, Uncle Mike,” ang tanging tugon niya. Sa loob-loob ay dalangin niya sa Maykapal na makakatulong ito.

Umalis na siya ng dining room na dala pa rin ang kanyang bag.

“Saan ka pupunta?” ang usisa ng tiyuhin.

“Titingnan ko lang kung ano’ng kumalabog sa itaas,” baling niya ritong hindi tumigil sa paglalakad at saka pumanhik na ng hagdan. “Baka rin naman kasi bumalik na si Joanna o kaya ay si Mariana nang hindi natin alam, ‘di ba?”

“Nababaliw ka na ba, Jules?” ang tila galit at nag-aalalang anang tiyuhin sa kanya na tumigil sa unang baitang ng hagdan at nakakapit naman sa banister ang isang kamay.

Napadungaw siya sa tiyuhin nang nasa kalagitnaan na siya ng hagdan. “Uncle Mike, kung wala sa kanila ang bumalik, siguro naman ay may paraan pa upang matigil na ito nang hindi napapahamak ang mga magulang ko!”