Kabanata 23

“PAANO mo…?” Napailing si Jules. “Alam mong mamaya mangyayari ang…? Uncle Mike! Dapat na nating kumilos!” Nagpatuloy na siya sa pag-iimpake.

Pinigilan siya ng kanyang inang nakatayo na ngayon at hinawakan siya sa braso. “Jules. May koneksiyon ba ito tungkol sa nangyari kay Joanna at kay Mariana?” usisa nito sa kanyang may pag-aalala sa mukha.

Napatitig siya sa kanyang inang natatakot. Inilagay niya sa sahig ang nakasara nang bag. “Mommy, hindi ko hahayaang may mangyayari sa inyong dalawa ni Daddy, okay? Kaya dapat ay kumilos na tayo,” ang himok niya sa ina. Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat.

Napatitig sa kanya ang inang natatakot pa rin. Ramdam niya pa ang panginginig ng kamay nito.

Tumango si Jenny. Kumuha lang ito ng jacket at isinuot iyon. Ganoon na rin ang ginawa ng kanyang amang napabuntong-hininga at nakiayon na lang sa kanila.

“I can’t still believe this is happening,” ang usal nito nang mahina na tila talunan.

Kinuha niyang muli ang bag at napalingon sa closet, isinara na rin ito.

Pababa na sila ng hagdan. Si Jules pa rin ang may hawak sa isang overnight bag ng mga magulang. Nang papalabas na sila ay hindi mabuksan ng kanyang tiyuhin ang pinto.

“Hindi ito mangyayari!” ang matigas na sabi niyang ayaw sumuko.

Namilog naman ang mga mata ng kanyang mga magulang.

“Ba’t hindi mo mabuksan, Mike?”

“Ewan ko,” anitong inalog-alog ang seradura.

Nauna na si Jules na magtungo sa kusina at sumunod sa kanya ang tatlo. Nagbabakasakali siyang makakalabas sila roon. Subalit sa pagpihit niya ng seradura ay ayaw rin nitong mabuksan. Napatiim-bagang siya habang lumalakas ang pagkabog ng kanyang dibdib. Kailangan nilang makaalis bago pa man maging huli ang lahat. Ayaw niyang may masama ring mangyari sa kanyang mga mahal na magulang.

Napasulyap siya sa bintana ngunit may grills iyon kung kaya’t hindi magiging epektibo kung babasagin niya man ang salamin doon.

Ayaw niyang makulong sila roon at habang maaga pa ay kailangang makalabas na sila doon—habang hindi pa madaling-araw. Tama!

Napagtanto na niyang madaling-araw nangyayari ang kababalaghan mula noong nawala si Mariana at iyong pagkawala rin ni Joanna. Yes, he finally figured it out. Napagtagpi-tagpi niya rin iyon sa wakas.

Narinig na niya ang tungkol sa devil’s hour sa Amerika ngunit hindi siya naniwala noon. Sa pagkaakaalam niya ay nag-uumpisa iyon nang alas tres ng madaling-araw.

Napabaling siya kay Uncle Mike niyang lumiwanag ang mukha dahil sa kanyang nadiskubre. “Devil’s hour. That’s it, Uncle Mike! That’s it!”

Napatingin sa kanya ang tiyuhin at napakurap itong nakatingin sa kanya. “P-paano mo…?” ang nalilitong anito.

“Narinig ko ang tungkol dito no’ng nasa California pa ako. May mga kakilala akong nagsabing maraming namamatay tuwing madaling-araw dahil iyon ang oras ng Hari ng Kadiliman at ng mga alagad niya.”

“Tama. Totoo ‘yan,” ang tumangong kumpirma ng kanyang tiyuhin.

Napatingin lang sa kanila ang mga magulang niya. Hindi alam ng mga ito kung ano’ng sasabihin nang mga sandaling iyon.

“Kaya dapat ay makalabas na tayo ng bahay, Uncle Mike!” ang himok niya.

Nagpatiuna siyang magtungo sa itaas at sumunod na naman ang tatlo. Hindi niya napansin kung ano ang ekspresyon sa mukha ng bawat isa ng mga ito dahil nakapokus lang siya sa kung paano sila makalabas ng bahay nila.

“Jules, ano’ng gagawin natin?” Ang tanong ng kanyang ama.

“Kukunin ko lang ang kumot sa kuwarto ko at gagamitin natin para makababa mula sa hagdan sa labas.” Tinutukoy niya ang hagdang patungong rooftop.

Ngayon niya lang napagtantong baka hindi rin pala nila mabuksan ang pinto roon kaya tsinek niya iyon. Napamura siya. Ayaw rin iyong mabuksan.

‘Of course!’ Lalo lang siyang naging balisa. Paano kung hindi nga sila makalalabas ngayon?

Nag-aalala na ngayon ang kanyang mga magulang. Para silang preso sa sarili nilang bahay.

“Pupunta akong storeroom,” ang pagpaalam niya.

Nagmamadali siyang bumaba ng hagdan at saka napasunod na naman sa kanya ang tatlo. Plano niyang kunin ang palakol para wasakin ang pinto sa may bulwagan. Iniwan na niya ang bag malapit sa pintuan.

Kinuha niya ang palakol at lumabas. Inumpisahan niya kaagad ang paghampas doon. Ngunit namangha na lang silang lahat nang hindi tumama ang palakol sa pintuan na tila ba ay may hindi nakikitang nakaprotekta sa pinto.

Pero ayaw niyang mawalan ng pag-asa. Kailangan nilang makalabas agad! Kung kaya’t sinubukan niya ulit ngunit iyon pa rin ang nangyari. Sa pangatlo niyang subok ay may kung anong malakas na enerhiyang siyang nagpatilapon sa kanya papalayo sa pintuan.

Bumagsak siya sa sahig at napaungol samantalang napamangha ang tatlong napatingin sa kanya saka napabaling sa pintuan nang laglag ang kanilang panga.

“Jules, okay ka lang ba, anak?” ang alalang tanong ng ama na agad siyang tinulungang makatayo mula sa sahig.

Napaimpit pa siya ngunit ay tumango naman sa ama. “I’m fine, Dad. Thanks. Mukhang hindi pa tayo makakalabas dito sa bahay, Dad,” ang aniya sa ama nang malungkot at laylay ang mga balikat. Kahit anong pilit niya ay ayaw pa rin silang palabasin ng sinumang demonyong iyon.

Napabuntong-hininga at naiiling ang ama. “Siguro ay harapin na lang natin kung ano’ng mangyayari mamaya,” sumukong saad nito.

“Dad, makakalabas tayo at walang mangyayari sa atin, sa inyo ni Mommy. Hindi ko hahayaan ‘yon!” matigas na sabi niya sa ama.

“Ano na ang gagawin natin ngayon?” ang tanong ng nag-aalalang ina.

“Hintayin n’yo ako rito. May kukunin lang ako sa kuwarto ko.” Iniwan na niya ang tatlo sa sala.

Kinuha niya ang holy water na hiningi niya mula sa simbahan sa bayan, pati ang bibliya, crucifix, rosary, at flashlight. Bago pa man siya makalayo sa silid ay may naisip siyang hanapin sa kuwarto ng kanyang kapatid.

Hinalungkat niya ang cabinet at mga drawers ni Joanna. Hindi niya alam kung ano ang hinahanap niya basta’t malalaman niya kung may makikita siya. It was instinct. Dapat na sundin niya iyon sa mga oras na ito.

Sa isang drawer na nasa ilalim ng kung saan nakalagay ang iba’t ibang uri ng sapatos ng kapatid ay natagpuan niya ang isang makapal na aklat na itim ang hard cover. Binasa niya iyon: “Demons and Spirits: How to Conjure Them.”

Napasinghap siya.

‘After all this time, si Joanna pala ang obsessed sa mga demonyo at hindi ang pinsan naming si Mariana?’

Bumilis ang pagtahip sa kanyang dibdib dahil sa nadiskubreng ito.

Kinuha niya ang isang backpack ng kapatid at ipinasok iyon doon kasama ang mga gamit na kinuha niya mula sa kanyang kuwarto. Halos hindi siya makapaniwala sa kanyang nadiskubre ngayon. Bumalik sa kanyang balintataw ang nangyari noong gabing pinaibabawan ng demonyo ang kanyang kapatid.

‘Sumama na kaya siya roon at hindi lang siya basta-bastang nawala nang kunin ng anino?’

Napasulyap siya sa kanyang relo. Hindi niya namalayang mag-aalas nuwebe na pala. Gano’n na ba sila katagal na nakulong sa bahay nila?

‘No, no. This isn’t right…’