Chapter 9

Chandee's Pov

Mula kaninang umaga iniisip ko na kung ano ang gagawin ko ngayong naipakilala na ako sa bayan ng Dalya. Kanina rin pala naubos na lahat ng tiny toblerons ko dahil pinamahagi ko iyon sa mga tao dito sa bahay maliban lang kay Kapitan na sinadya kong hindi bigyan. Hindi ko rin kasi naisip na mauubos lahat dahil marami palang naninilbihan dito sa bahay. Kung iisipin 75 na piraso yon at naubos lahat sa mga naninilbihan dito sa loob ng bahay. Nakakahiya nga sa ibang mga sundalo dahil hindi ko sila nabigyan.

"Bakit hindi mo nalang ipatahi yan sa modista natin dito sa bahay o kaya kay Mona sa pamilihang?" Sabi ni Glenda habang pinapanood ako sa pananahi ng sarili kong damit.

"Marunong naman ako at wala naman akong ginagawa. Mahirap nga lang at matagal dahil walang sewing machine pero kakayanin ko naman makatapos ng isa hanggang sa susunod na araw" sagot ko

"Maaari ba akong magtanong binibini?" Napatingin ako sa kanya dahil biglang sumeryoso ang boses niya

"Sige magtanong ka" sagot ko

"Narinig ko kasi ang usapan kanina sa kusina kung ano ang una mong gagawin ngayong nandito ka na sa Dalya" binaba ko ang tinatahi ko at bumuntong hininga

"Ang totoo iyan din ang iniisip ko. Hindi ko kasi alam kung akong maitutulong ko dito sa inyo dahil wala naman akong nakikitang problema" nahihiyang sagot ko

"Maraming problema dito sa Dalya binibini. Wala ka lang sigurong nakikita sa ngayon dahil ilang araw palang naman ng dumating ka"

"Ano bang pangkaraniwan na problema niyo dito sa Dalya? Baka may maipayo ako at maisip na solusyon" tanong ko kay Glenda at hinawakan siya sa kamay

"Ang unang problema dito ay ang kahirapan. Karamihan sa mamamayan dito ay mahihirap kabilang na ang aking pamilya" sagot nito

"Pero wala akong kakayahan para hindi na sila maghirap" malungkot na sabi ko at tinignan siya sa mata "Hindi ko alam at wala akong ideya kung ano ang gagawin ko. Kung may maisip ka maaari bang sabihin mo sa'kin at ng mapag aralan ko kung ano ang dapat kong gawin" pakiusap ko sa kanya.

"Hindi ko rin alam binibini wala kasing kakayahan ang magulang ko na pag aralin ako kaya bata palang ako'y tumutulong na ako sa kanila sa pagtatrabaho. Ang alam ko lang at laging sinasabi ng magulang ko at ng mga kakilala ko ay napakahirap mabuhay kapag mahirap ka. Kayod ng kayod sila sa pagtatrabaho pero sa huli ay mahirap parin sila"

"Sa mundong pinanggalingan ko ay ganyan din naman. Ang kahirapan ang pangunahing problema. Tumataas ang mga bilihin pero mababa parin ang sahod"

"Ang mga mayayaman ay lalong yumayaman habang ang mahihirap ay lalong naghihirap" Sabi pa ni Glenda

"Ano ba ang sabi ng pinuno tungkol sa usaping kahirapan?"

"Ginagawan naman ng paraan ng pinuno upang matugunan ang hinahing ng mga tao ngunit dahil sa hindi pagkakasunduan ng Dalya at Astor maraming mangangalakal ang hindi na pumupunta dito upang ibenta ang mga produkto nila. Kung meron man ay kakaunti na lamang at ibinebenta sa malaking halaga. Kung magkasundo lang sana ang dalawang bayan hindi ganito kahirap ang buhay" kwento nito

"Ano ba ang nangyari bakit hindi magkasundo ang Dalya at Astor?" Usisa ko

"Panahon pa ng mga ninuno namin ang hidwaan sa pagitan ng Dalya at Astor. Ang sabi sa kwento dating magkaibigan ang mga Pinuno ng dalawang bayan. Ngunit nagmahal sila ng iisang babae na nagwasak sa pagkakaibigan nila. Ayon sa nakatala sa kasaysayan nagpatiwakal ang babae at nag iwan ng sulat sa bawat isa sa kanila. Isang misteryo parin hanggang ngayon kung ano ang nilalaman ng sulat na naging sanhi rin ng pagpapakatiwakal ng Pinuno ng Dalya at Astor"

"Dahil lang sa babae nasira ang pagkakaibigan nila at naging ugat pa ng digmaan? Napakaraming babae jusko!" Di mapigilang sabi ko

"Ang hinala ng mga tao ay parehong minahal ng babae ang dalawang Pinuno ng mga bayan. Nang malaman ng dalawang Pinuno ay hindi nila yon matanggap at nauwi sa pagkitil sa kanilang buhay. Hanggang ngayon malaking usapin ang pakikipag relasyon kaya maingat ang lahat tungkol dito. Kamatayan ang hatol sa mga may asawang nangaliwa at may parusang pagkakulong o pagtatrabaho ng walang sahod naman sa mga mag kasintahan na naghiwalay pero nagkahalikan na" paliwanag niti

"Paano kung hindi naman sila naghalikan pero aksidenteng nagamit ng isa ang kutsara nung isa? Wala naman parusa sa mga ganoon diba?" Interesadong tanong ko

Umiling naman siya na nagpaluwang sa dibdib ko.

"Walang parusa sa ganoon kung magkasintahan naman sila. Ang kailangan lang nilang gawin ay magpakasal. Magkakaroon lang ng kaparusahan sakaling naghiwalay sila" sagot nito na nagpabilog sa mga mata ko

"Paano kung hindi naman pala sila magkasintahan?" Kinakabahan na tanong ko

"Mas malaking kaparusahan ang ibibigay sa kanila kung hindi sila magkasintahan. Hindi pwedeng maging dahilan na aksidente lang ang nangyari dahil alam naman ng lahat ang tungkol sa batas. Mahigpit ang pinuno patungkol sa pagsunod sa mga batas dito sa Dalya kaya naman maingat ang lahat"

"Paano kung itago nalang nila ang nangyari tutal ay hindi naman talaga iyon sinasadya?"

"Hmm.. siguro pwede kung sila lang nakakaalam sa pangyayari. Magkaka problema sila kung sakaling may ibang nakakita at magsumbong. May natandaan akong ganyang kwento dati ang alam ko pinagbabato sila ng mga tao"

"Grabe para yun lang naman" Sabi ko habang hinahawakan ang mga labi

"Nakakalungkot ang nangyari pero iyon ang batas at ang batas dapat tuparin. Kung wala lang sanang kasintahan yung lalaki pwede niyang gawing kasintahan nalang yung babae at pakasalan nalang kalaunan para hindi sila naparusahan" Sabi pa ni Glenda

Natahimik naman ako at tulalang nakatingin sa tinatahi ko kanina. Kaya pala ganoon nalang magalit si Kapitan noon dahil big deal sa kanila yon. Sana lang huwag mag sumbong si Isabelle kung hindi baka hindi na ako makauwi ng buhay sa amin.

*****

"Gusto mo bang sumama pumasyal sa sentro binibini?" Kinusot ko ang mga mata ko at tinignan siya

"Baka hindi ako payagan" Sabi ko

"Papayagan po tayo basta kasama mo ako" sagot nito. Tinitigan ko naman siya sa mata pero umiwas siya ng tingin

"Ikaw nalang siguro" Sabi ko at nginisihan siya. Nakita ko naman ang pagsimangot nito

"Hindi nalang po pala ako aalis" may lungkot sa boses na sabi nito

"Ano bang gagawin mo sa sentro at gusto mo pang kasama ako?" Panghuhuli ko sa kanya

"Wala naman po binibini sa susunod na araw nalang po ako pupunta sa sentro" sagot nito

"Sigurado ka? Bakit pakiramdam ko may itinatago ka sa'kin?" Sabi ko

Bigla siyang lumuhod sa harapan ko

"Patawad binibini ibinigay na po kasi kanina ang sahod ko at nais ko sanang pumunta sa sentro upang ibigay ang sahod ko sa magulang ko" sagot nito

"Kaya pala" Sabi ko at pinatayo siya. Bawal kasing lumabas ang mga tagapagsilbi lalo na si Glenda. Ang utos kasi sa kanya ay manatili lagi sa tabi ko. "Sige sasamahan na kita naiinip narin kasi ako dito" Sabi ko. Nakita ko naman sumaya ang mukha niya.

Nagpaalam muna kami kay Pinuno dahil baka hanapin niya kami. Noong una ay gusto pa niya kaming pasamahan sa mga sundalo pero tumanggi ako.

"Iniisip ko lang ang kaligtasan mo" -Pinuno

"Gusto ko po kasi sana na makahalubilo sa mga tao baka sakali malaman ko kung ano ang maitutulong ko sa kanila. Kung magsasama ako ng mga sundalo baka matakot sila at iwasan ako" paliwanag ko kay Pinuno

"Kung iyan ang gusto mo ikaw ang masusunod basta mag ingat ka lang" Sabi nito sa akin at bumaling kay Glenda "huwag mong pababayaan ang binibini" bilin nito

"Masusunod po Pinuno" sagot naman ni Glenda

Sumakay kami ng kargo ni Glenda ito yung tawag nila sa ginagamit nilang transportasyon dito. Para itong karwahe pero wala lang bubong.

Pagdating namin sa sentro ay bumaba na kami. Si Glenda yung nagbayad since wala naman akong pera.

"Alam nila Ina at Ama na sa susunod na linggo palang ako dadalaw kaya magugulat sigurado sila" masayang sabi ni Glenda

"Malapit lang ba bahay niyo dito?" Tanong ko. Sabi kasi niya ay mahirap lang sila pero yung mga kabahayan dito ay malalaki. Karamihan ay dalawang palapag at ginagamit ang ibabang palapag bilang tindahan.

"Hindi po binibini sa Malvar po ang tahanan namin may kalayuan po dito sa sentro. Dito po kasi sa sentro nagtatrabaho ang mga magulang ko" sagot nito

"Ahh" tumatango tangong sabi ko

"Ayun po si Ina" turo niya sa Ale na abala sa pagluluto. "Ina!" Tawag ni Glenda sa Mama niya na mukhang nagulat ng makita siya

"Anak bakit nandito ka?" Nakangiting tanong nito kay tsaka tumingin sa akin

"Kumusta po?" Nakangiting sabi ko

"Mabuti naman halikayo umupo muna" Alok samin ng Mama niya

May dalawang bilog na mesa at mga upuan sa tindahan ng Mama niya. Hindi ko alam kung ano tinitinda niya pero parang soup.

"Nasaan pala si Ama at Arnel?" Tanong ni Glenda

"Nasa pamilihan ang iyong Ama inutusan ko siyang bumili ng repolyo ang kapatid mo naman ay umextra kina Maria magbuhat" sagot nito "oh heto kumain muna kayo, mabuti pinayagan kayo ng Pinunong umalis ng bahay" Sabi nito

"Oo nga po buti pinayagan kami, siyanga po pala Ina siya po pala si Binibining Chandee" pakilala sa'kin ni Glenda sa nanay niya

Napatakip naman ng bibig ang Mama ni Glenda at kita sa mukha niya ang sorpresa.

"S-siya ba ang babaeng itinakda?" Pagkumpirma nito habang nakatingin kay Glenda

"Siya nga po pero huwag maingay baka dagsain tayo ng mga tao kapag nalaman nila. Malalagot ako kay Pinuno kapag may nangyaring masama sa binibini" sagot ni Glenda sa Mama niya

"Naku ano bang gagawin ko hindi ako makapaniwala na nandito ka ngayon binibini" natatarantang sabi nito "pasensiya na maliit lang ang pwesto namin. Gusto mo ba ng malamig na tubig? Sandali at ikukuha kita" Sabi nito

"Hindi po huwag na po, ako nalang po mamaya" pigil ko sa kamay niya na nanginginig ngayon. Bigla naman nagtubig ang mga mata niya at hinigpitan ang pagkakahawak sa dalawang kamay ko.

"Hindi ako makapaniwala na nandito ngayon sa harapan ko at kausap ang babaeng itinakda. Hindi ko suka't akalain na nahahawakan at nakakausap ngayon" Sabi nito na tumulo na ang luha

"Huwag po kayong umiyak. Kung gusto niyo po akong makita at makausap maaari niyo pong sabihin kay Glenda o kaya puntahan niyo ako mismo sa bahay ng Pinuno. Matutuwa po ako kung madadalaw niyo ako at makakwentuhan kayo" Sabi ko

"Ang totoo binibini buong angkan ko ay masaya ng malaman nilang ako ang napili bilang inyong maging tagapagsilbi. Matagal na po namin pinagdarasal talaga ang pagdating niyo para sa bagong pag-asa ng buong Dalya" Sabi naman ni Glenda

"Naniniwala at naiintindihan ko naman kung bakit ganito kalaki ang pagmamahal at pagtanggap niyo sa'kin. Alam ko na marami kayong inaasahan sa pagdating ko pero nalulungkot ako dahil wala man lang akong maisip na pwedeng maitulong sa inyo" malungkot na sabi ko

"Hindi mo naman kailangan may gawin binibini, ang makita ka lang, makilala at mapatunayan na totoo ang nakasulat sa Alamat ay malaking pag asa na sa buong Dalya" Sabi ng Mama ni Glenda

"Maraming salamat po, hayaan niyo po gagawin ko ang makakaya ko upang kahit papaano ay makatulong sa Dalya" nakangiting sabi ko

Dumating naman ang isang lalaki at nakita ko pagkakahawig nito kay Glenda. Agad kong nahulaan na ito ang Ama niya. Nagulat ito ng makita ako at hindi tulad ng asawa niya alam agad nito kung sino ako. Nakita pala niya ako kahapon at hindi na nakalimutan ang mukha ko.

Masaya akong nakipag kwentuhan sa kanila habang salo salo kaming kumakain ng noodles na tinda nila. Medyo natagalan kami sa tindahan nila ng malaman ng ibang katabing tindahan na ako ang babaeng itinakda. Ang weird talaga kapag tinatawag akong babaeng itinakda pero kailangan ko lang sigurong masanay. Nakakatuwa lang dahil suportado nila ako kahit sinabi ko na hindi ko alam kung anong magagawa ko para makatulong sa kanila.

******