Chapter 31
Ewen's Pov
"Tulungan mo kami Kapitan kinuha nila ang anak ko" umiiyak at nagmamakaawang sabi ni Ate Sonya ng lumapit ito sa'kin.
Dati naming tauhan si Ate Sonya at tumigil lang ito sa pagtatrabaho ng mag asawa ito. Isa siya sa mga tagapagsilbi dati sa bahay at naging mabait ito samin. Kung hindi ako nagkakamali ay matanda lang ng dalawang taon si Anna kay Lea na anak niya.
"Ano ba ang nangyari paano nila nakuha si Lea?" Tanong ko na may pag aalala. Pangatlo na si Ate Sonya ang lumapit sa'min na nagsasabing kinuha ang mga anak nila.
"Pumunta kami sa palayan kanina para mag pulot ng mga palay tapos may apat na lalaki ang lumapit sa'min, akala ko noong una ay magtatanong lamang sila. Hinila ng malaking lalaki ang anak ko at sinabing sila na magpapalaki dito tapos tumawa sila. Nanlaban kaming dalawa ng anak ko ngunit isang suntok lang nila sa'kin ay hindi na ako nakatayo. Tulungan mo'ko Kapitan baka anong gawin nila sa anak ko" umiiyak na kwento nito
Wala naman akong magawa kundi tapikin ang likuran nito upang tumahan.
"Mailalarawan mo ba ang mga mukha nila?" Tanong ko
Mabilis siyang tumango. "Hinding hindi ko makakalimutan ang mga mukha nila" sagot pa nito
"Sonya! Sonya!" Napatingin kami sa lalaking tumatakbo palapit sa amin at tinatawag si Ate Sonya. "Nasaan si Lea? Nasaan ang anak ko?!" Yugyog nito sa balikat ng umiiyak na si Ate Sonya. Pumasok ang lalaki sa bahay at sinigaw ang pangalan ng anak. Nang hindi niya ito nakita ay muli itong bumalik sa amin at muling tinanong ang asawa.
"Kuya Dan" hawak ko sa balikat niya at pinipigilan ito sa pagyugyog sa balikat ni Ate Sonya. Hindi ko agad siya nakilala kanina dahil ang layo ng itsura niya noon at ngayon. "Anong nangyari?!" Sigaw nito kay Ate Sonya
"Hindi ko gusto ang nangyari kung pwede nga lang ako nalang ang kinuha nila!" Malakas na sagot ni Ate Sonya sa asawa tsaka niya ito itinulak.
Pumagitna na ako sa dalawa upang hindi sila umabot pa na magkasakitan.
"Bakit ba kasi kailangan niyo pang mamulot ng palay?! Ilang beses na kitang pinagbawalan. Oo mahirap lang tayo pero hindi tayo pulubi!" Sigaw ni Kuya Dan kay Ate Sonya
"Sino ba ang may gustong mamulot ng palay?! Hindi nga tayo pulubi pero aminin mo na hindi sapat ang kinikita mo!" Sagot naman ni Ate Sonya sa asawa
"Hindi sapat sayo dahil hindi ka kuntento! Dahil sa katigasan ng ulo mo nalagay mo sa panganib ang anak ko!" Sigaw ni Kuya Dan. Alam kong mas titindi pa ang sagutan nila kung hindi ko sila pipigilan
Inilayo ko si Kuya Dan na ngayon ay umiiyak at sinisisi ang sarili.
"Kuya gagawin namin ang lahat para maibalik si Lea ng ligtas" Sabi ko. Tinignan naman niya ako diretyo sa aking mga mata at mariin na hinawakan sa magkabilang balikat
"Aasahan ko 'yang sinabi mo kapitan. Ibalik mo siya sa'min ng ligtas. Nagmamakaawa ako sayo" umiiyak na lumuhod ito. Agad ko din naman siyang itinayo at niyakap.
"Pangako hindi ako titigil sa paghahanap sa kanya" sambit ko. "Sa ngayon kumalma ka muna at alalayan si Ate Sonya, hindi rin niya gusto ang nangyari" Sabi ko pa at humiwalay na sa pagkakayakap sa kanya
Tumango ito at pinunasan ang mukha niya. Tinignan ko siya habang papalapit kay Ate Sonya at ang pagyakap din nito sa umiiyak niyang asawa.
*******
Kung saan saan na kami nag ikot at hinati ko rin sa apat na grupo ang mga hukbong nag papatrolya sa bayan. Nagpa pinta na kami ng mga mukha ng mga salarin at ikinakalat iyon sa buong bayan. Magbibigay rin ako ng pabuya kung sino ang makakaturo sa'min ang kinaroroonan ng mga ito. Ang mahalaga ngayon ay mahuli na ang mga ito.
Lumipas ang mga oras at wala parin kaming nakukuhang tamang inpormasyon kung nasaan ang mga ito. May mga pumupunta sa'min upang ituro ang mga inaakala nilang mga salarin ngunit hindi naman ang mga ito. May pagkakahawig pero ng ipakita namin sa mga saksi sa nangyareng pandukot sa mga anak nila ay pare pareho silang umiling.
Gabi na ng bumalik kami sa may kampo. Nag pulong kami at nagbigay ng suhestiyon at opinyon ang mga gustong magsalita upang paano mapadali ang paghahanap namin sa mga salarin. Malalim na ang gabi ng magpasya kaming maghiwa hiwalay, maaga pa kaming lalarga bukas para mag patrolya at sundin ang mga nabuo naming plano.
Hapung-hapo ang katawan ko ng makauwi ako. Ilang araw na rin pala akong puyat kaya siguro mabilis akong tinamaan ng pagod.
Hindi ko namalayan dinala na pala ako ng aking mga paa sa tapat ng silid ni Binibining Chandee. Napangiti at napailing nalang ako sa aking sarili. Tila maging ang katawan ko ay alam na hinahanap hanap ko siya. Nais ko talaga siyang makita at makausap, sigurado matutunaw ang aking pagod masilayan ko lang siya. Subalit naka patay na ang ilaw niya, marahil nagpapahinga na ito at mahimbing ng natutulog. Sabagay, malalim na ang gabi.
Umupo nalang ako at sumandal sa dingding ng silid niya upang magpahinga. Kahit papaano naibsan naman ang pagod at pangungulila ko dahil alam ko sa likod ng dingding na ito ay naroon ang binibini at nagpapahinga. Pumikit ako sandali para namnamin ang malamig na hangin na dumadampi sa aking balat. Pagmulat ko ng mata para bumalik na sana sa aking silid at doon ituloy ang pagpapahinga ay nakita kong lumiwanag sa loob ng silid ng binibini. Tumayo ako at akmang kakatok ng bigla nalang itong sumigaw. Agad kong sinipa ang pintuan para mabuksan at tinignan ang kalagayan niya.
"Binibini!" Malakas na tawag ko sa kanya tsaka siya niyakap. Pakiramdam ko naman ay kumalma na ito ng marinig ang boses ko.
Napatingin naman kami sa labas ng kwarto. Mukhang nagambala namin ang mga tao kaya heto sila ngayon nagmamadaling puntahan kamu para iligtas ang binibini.
"I'm sorry akala ko kung sino ang nasa labas kaya napasigaw ako" Sabi ng binibini habang yakap ko siya. Sa tagal na nitong binabanggit ang salitang I'm sorry nalaman ko na rin ang kahulugan nito.
"Wala iyon tama lang ang ginawa mo, paumanhin kung natakot kita" Sabi ko
Unti unting lumuwang ang pagkakayakap ko sa kanya hanggang sa matanggal ang pagkakadikit ng aming katawan. Tinitigan ko siya at hinawi ang buhok niyang tumatakip sa isang pisngi niya.
Dumating ang mga sundalo at nilapitan kami. Tinanong kung ano ang problema at nangyari, kung bakit narinig nilang sumigaw ang binibini.
"May ibang silid bang pwedeng tulugan ang binibini? Wasak na wasak ang pintuan hindi ito maaayos ngayong gabi" Sabi ni Chukoy na isa sa mga pang gabing sundalo na nagbabantay sa bahay
"Wala ng silid na pwedeng tuluyan ng binibini, maari kayang makiusap kay Binibining Anna na doon muna siya?" Sabi ng isang tagapagsilbi
"Huwag na dito nalang ako maaayos naman bukas ang pintuan. Ayoko rin gambalahin sa pagtulog si Anna" Sabi naman ng binibini
"Hindi ka maaaring matulog ngayon dito, mas lalong hindi rin ligtas sa labas. Ang mabuti pa doon ka nalang sa silid ko" Sabi ko.
Mahinang naitulak ako ng binibini at hindi makapaniwalang tinignan ako. "Bakit?" Tanong ko pa sa kanya. Tumingin siya sa paligid namin at tinignan ko rin ang mga tao sa paligid namin na pilit tinatago ang mga ngiti. Yung ibang tagasilbi ay hindi maiwasan ang mapahagikgik.
"Dito lang ako. Wala naman mangyayaring masama sa'kin dito. May mga nagpapatrolya namang mga sundalo" Sagot nito
"Kahit na iba pa rin ang nag iingat. Huwag kang mag alala dito ako sa silid mo matutulog habang ikaw naman ay doon sa silid ko" paglilinaw ko na nilakasan ng kaunti ang boses para marinig ng lahat.
"Kung ganoon Kapitan aalis na kami para makabalik sa mga pwesto namin" Sabi ni Teo, isa siya sa mga sundalo.
Tumango ako.
"May maitutulong pa po ba kami Kapitan?" Tanong ni Ate Helen
"Wala na po ako na ang bahala sa binibini matulog na po kayo" sagot ko sa kanya
"Kung ganoon ay aalis narin po kami" Sabi pa niya
"Sige po pasensiya na sa abala" sabi ko pa
"Maraming salamat sa pag aalala at paumanhin naabala ko pa pagtulog ninyo" sambit naman ng binibini kay Ate Helen at iba pang tagapaglingkod
"Wala po iyon binibini ang kaligtasan mo ang mahalaga sa'min" sagot naman ni Ate Helen sa kanya "mauna na po kami ng makapag pahinga narin po kayo" pag papaalam pa nito Ngumiti at tumango ang binibini at muli pa siyang magpasalamat sa mga ito.
Nang mawala na sa paningin namin ang mga tagapaglingkod ay siya ko naman hinarap ang binibini. Nakita ko siyang nakatingin sa'kin ngunit ng tumingin na ako sa kanya at yumuko ito at iniwas ang tingin sa akin.
"Ihahatid na kita sa silid ko ng maituloy mo na ang pagtulog mo" Sabi ko
"Hmm" rinig kong sagot niya na hindi man lang magawang tumingin sa akin.
Humakbang ako palapit sa kanya at hinawakan ang baba niya at iniangat ito para makita ang mukha niya.
"Ano ba" Sabi nito sabay hampas sa kamay kong may hawak ng baba niya.
"Tignan mo muna ako" nakangiting sabi ko at muling hinawakan ang baba nito para tignan ako
"Bwisit ka!" Hampas nito ulit sa kamay ko habang masamang nakatingin sa akin. Hindi ko naman maiwasang matawa at kinabig ko ang baywang niya para mayakap.
Pilit naman siyang kumakawala sa pagkakayakap ko ngunit lalo ko naman itong hinihigpitan. Hanggang sa nagsawa na yata siya sa kakahampas sa likod ko at naiwan nalang ang mga kamay niya doon.
"Kumusta ang araw mo?" Tanong ko sa kanya habang yakap siya
"Ayos naman" sagot niya at inilayo niya ako sa kanya.
Niluwagan ko na ang pagkakayakap sa kanya at muling tinignan siya. Kung kanina ay umiiwas ito ng tingin sa'kin ngayon naman ay sinasalubong na nito ang mga mata ko. Ilang segundo rin kaming nagtitigan bago ulit ako nagsalita.
"Ihahatid na kita sa silid ko ng makapag pahinga ka na" sabi ko at tipid na nginitian siya
"Ayos ka lang ba dito?" Tanong nito bago kami lumabas ng silid niya
"Oo naman. Naranasan ko ng matulog sa itaas ng puno, sa ilalim ng puno at sa kung saan saan. Marangya na sa'kin magkaroon ng masisilungan na may bubong" nakangiting sagot ko tsaka lakas loob na hinawakan ang kamay niya habang naglalakad kami.
Akala ko aalisin niya ang pagkakahawak ko sa kamay niya ngunit hindi niya iyon ginawa, bagkus ay ginantihan din niya ito sa paghawak. Hindi tuloy maalis ang ngiti sa mga labi ko habang naglalakad kami.
Nang nasa tapat na kami ng silid ko ay binuksan ko iyon at pinapasok siya. Tinuro ko kung saan ang higaan at sinabing ituring na kanya iyon at maging komportable.
"Sige salamat" sagot lang niya. Tinitigan ko pa siya at nginitian bago nag paalam.
Pagkabalik ko sa silid ng binibini ay umupo muna ako sa mahabang sofa. Sinandal ko ang aking likuran at pumikit. Kung kanina ay pagod na pagod ako ngayon ay gumaan ang pakiramdam ko. Sabi ko na nga ba makita ko lang ang binibini ay mawawala ang pagod ko. Ilang minuto rin akong nasa ganoong lagay ng may marinig akong naglalakad. Nakakunot ang noo ko habang hinihintay malaman kung sino ang taong iyon.
"Tulog ka na ba?" Napatayo pa ako ng makita ang binibini sa bukana ng silid. Tuloy tuloy na pumasok siya at lumapit sa akin.
"Bakit hindi ka pa natutulog?" Tanong ko sa kanya
"Hindi ako makatulog e" Sabi nito tsaka umupo sa sofa. Tumabi ako ng pagkakaupo sa kanya. "May problema ba? Hindi ka sanay sa higaan ko?" Tanong ko
Umiling siya.
"Hindi ako makatulog kasi naaamoy kita pero hindi kita nakikita" sagot niya na nagpakunot ng kilay ko "anong ibig mong sabihin?" Tanong ko sa kanya
Bumuntong hininga muna ito pagkatapos ay tinignan ako.
"Naaamoy nga kasi kita. Naiwan yung amoy mo sa mga gamit mo" sagot nito
"Paumanhin binibini nakalimutan kong palitan mga sapin, papalitan ko na ngayon" nahihiyang sabi ko at mabilis na tumayo pero hinila niya ulit ako paupo
"Huwag na" Sabi nito na lumingkis sa braso ko at hinilig ang ulo sa balikat ko "ang sarap mahiga sa higaan mo naaamoy kita, pakiramdam ko ligtas ako" Sabi nito habang nakapikit. "Ang kaso hindi kita makita maramdaman hindi kita makita kahit naaamoy kita" hinigpitan nito ang pagkapit sa braso ko. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa sinabi niya. Tinitigan ko siya habang nakahilig ito sa balikat ko at nakapikit.
Hindi ko maiwasang hindi mapangiti sa mga sinabi niya. Hinalikan ko ang ulo niya at hinawakan naman ang isang kamay nito. "Mahal na mahal kita" bulong ko sa kanya. Nakita ko ang pagngiti nito at ang paghigpit ng hawak niya sa braso ko.
Hindi ako nakatiis at tinanggal ang kamay niya na nakapalupot sa braso ko na nagpamulat sa kanya. Ipiinasok ko ang isang kamay niya sa likuran ko upang mayakap ako at idinikit ang ulo nito sa may dibdib ko. Inakbayan ko rin siya at inilagay naman niya ang isang kamay niya kung nasaan ang isa pa. Siniksik rin nito ang ulo niya sa may leegan ko at muli kong hinalikan ang ulo niya.
Ang pakiramdam ko ay para akong nakalutang sa ulap. Ganito pala ang pakiramdam ng kayakap ang taong gusto mong makasama habang buhay. Kung maari lang sana hindi na matapos ang gabing ito.
*****