Chapter 32

Chandee's Pov

Nagising ako nasa kwarto ako ni Kapitan. Nakita ko naman si Glenda na kasalukuyan hinahanda ang almusal ko. Panaginip lang ba yung kagabi? Ang natatandaan ko kasi kasama ko si Kapitan kagabi sa kwarto ko at nakatulog sa sofa.

"Magandang umaga binibini bumangon ka na ng makakain kana" Sabi ni Glenda na malapad ang pagkakangiti

"Magandang umaga din" Sabi ko at nag unat. Lumapit si Glenda sa'kin na parang timang kung makangiti. "anong problema mo?" Natatawang tanong ko sa kanya

"Wala binibini masaya lang ako" sagot nito. Napataas tuloy ako ng isang kilay. Ang weird kasi niya.

"Inaayos na ba ang pintuan sa silid ko?" Tanong ko kay Glenda ng may marinig akong nagpupukpok

"Opo binibini bago umalis si kapitan ay nagpatawag siya ng karpintero" sagot nito

"Ahh.. umalis na pala siya" sambit ko

"Opo pero bago siya umalis pinagluto ka niya ng almusal mo. Ang bilin pa niya ay ipaubos ko sayo yung inihanda niyang almusal sa'yo" Sabi nito na parang nanunukso

"Ang mabuti pa magsisipilyo at maghihilamos muna ako" umiiling na sabi ko habang tinatago ang mununting ngiti sa mga labi ko

Pagkatapos kong gawin morning routine ko ay kinain ko na ang nakahandang almusal ko. Kanin, scrambled eggs at daing ang nasa hapag ko. May hinog na mangga din itong kasama at isang sulat.

Napatingin ako kay Glenda na hindi maitago ang pagngiti ng makita ko yung sulat.

"Ano ba ang nakasulat binibini?" Usisa ni Glenda. Oo nga pala hindi siya marunong magbasa. Dahil sa ayoko naman masira ang tuwa niya ay malakas kong binasa ito.

"Magandang umaga mahal ko, paumanhin kung hindi na ako nakapag paalam sa'yo kanina ang himbing kasi ng tulog mo. Kinailangan ko kasing umalis ng umaga para mag patrolya sa bayan. Ipinagluto pala kita ng almusal at inaasahan ko na uubusin mo ito. Huwag mong pabayaan ang sarili mo at kumain ka ng marami" basa ko ng malakas sa nilalaman ng sulat at tahimik na binasa ang nakalagay na Ewen sa ibabang bahagi ng sulat.

"Parang mas kinikilig pa yata ako kaysa sa'yo binibini" masiglang sabi ni Glenda na ikinangiti ko "mag kwento ka naman sa nangyari kagabi nagkausap na ba kayo ni kapitan?" Pag uusisa pa nito

Napaisip naman ako kung nag usap nga ba kami. Parang hindi naman.

"Hindi na mahalaga kung nagkausap kami hayaan nalang natin ang tadhana ang magpasya sa kung anong mangyayari" sagot ko at sinimulan ng kainin ang mga pagkain na nasa harapan ko

"Ngunit!" Reklamo nito pero hindi na niya itinuloy dahil pinaningkitan ko siya ng mga mata. Ngumuso nalang siya at tahimik na pinanood ako sa pagkain

Kung totoong nangyari at hindi lang panaginip ang nangyari kagabi ibig sabihin ay malinaw na ang relasyon naming dalawa. Wala akong naaalalang binanggit ko na mahal ko rin siya pero sapat naman yung ikinilos ko para sabihin kung ano ang nararamdaman ko para sa kanya. Sa binasa kong liham niya parang pinatotoo na nito ang pagdududa ko na totoo nga ang lahat.

*****

"Ang daming mga balita na dinudukot ngayon, hindi ka ba natatakot binibini?" Tanong ni Glenda na minamasdan ako habang sinusuklay ang aking mahabang buhok.

"Natatakot" sagot ko

"Eh bakit pupunta ka pa sa pagamutan? Paano kung paglabas mo may naka abang na pala na kukuha sa'yo?" Pananakot nito

"Natatakot nga ako sa kung anong pwedeng mangyari pero mas gusto ko parin kumilos at gamitin ang kakayahan ko sa labas kaysa magtago sa silid na ito.". Sagot ko sa kanya

"Ako yung natatakot para sa'yo binibini. Wala pa naman si Kapitan para ma protektahan ka. Hindi ba pwedeng pagbalik nalang niya ikaw pumunta sa pagamutan?" Nag aalalang sabi nito

Nginitian ko nalang siya.

"Kaya kong protektahan ang sarili ko isa pa'y hindi naman kalayuan ang pagamutan, maaari akong magpahatid sa isa sa mga sundalo na nagbabantay sa tarangkahan para sa ikakapanatag ng kalooban mo" Sabi ko

"Mukhang hindi na magbabago ang pasya kaya ihahanda ko na mga dadalhin natin na pagkain" Sabi nito

"Maraming salamat" pasasalamat ko dahil sa pag intindi niya sa'kin.

Paglabas ng silid ko ni Glenda ay kinuha ko narin ang doughnut bag ko kung saan naroon ang medical at medicine kit ko. Lagi ko itong daladala kapag pumupunta ako sa pagamutan. Kahit simpleng check lang ng blood pressure ng mga pasyente ay nagagawa ko.

Pagbalik ni Glenda ay may dala na ito na basket. Pumunta ako sa kusina kanina at naabutan ko sina Ate Mildred na naghahanda na ng uulamin namin. Maaga silang nagluto ngayon dahil ngayon uuwi si Pinuno hindi nila alam kung anong oras ito makakauwi kaya inagahan na nila. Medyo nagiguilty din ako dahil dinagdagan ko pa ang trabaho nila, nagpaluto din kasi ako ng ginataang gabi at saging para may meryenda kami sa pagamutan.

*****

Nang paalis na kami ay siya namang dating ni Kapitan. Nagulat pa nga ako ng makasalubong namin siya. Medyo nahihiya din ako pero nagawa ko pa rin naman ngitian siya.

"Saan ang punta niyo?" Tanong nito tsaka napatingin sa dala ni Glenda na basket.

"Diyan lang sa pagamutan titignan ko kung may maitutulong ako kina Ate Salve" sagot ko "buti maaga kang nakauwi ngayon, kumusta ang pagpapatrolya niyo?" Tanong ko naman sa kanya

"Sa ngayon may nahuli kaming dalawang tao na pinaghihinalaan na kasabwat sa nangyayaring pangunguha sa mga kabataan. Dinala na namin sila sa kampo para tanungin at paaminin, umuwi lang ako dito para makita ka" sagot nito na nagpa init sa mga pisngi ko.

"Ahh ganoon ba, hmm kumain ka muna bago bumalik sa kampo" nahihiya pang sabi ko

"Busog pa naman ako ikaw lang talaga ang sadya ko dito" Sabi naman nito

"Haha" pilit akong tumawa "nakita mo naman na ako aalis na kami" Sabi ko sabay hila kay Glenda sa tabi ko

"Gusto mo bang sumama sa'min Kapitan? May dala akong pagkain pwedeng doon ka nalang kumain para masabayan mo ang binibini" Alok naman ni Glenda kay Kapitan kaya naman nakurot ko siya.

"Ano ka ba pagod si Kapitan hayaan muna natin siyang magpahinga" Sabi ko kay Glenda na pinanlakihan siya ng mata

"Ayos lang ako gusto ko din samahan ka, mamaya pa naman ako babalik sa kampo" Sabi naman ni Kapitan. Medyo nagulat pa ako ng hawakan nito ang isang kamay ko.

"Wala naman palang problema kung ganoon, salamat Kapitan at sasamahan mo kami. Ito kasing si Binibining Chandee kapag may naisipan gawin ginagawa agad. Hindi ko tuloy maiwasang mag alala sa kanya. Kapag gusto niya gusto niya." Reklamo ni Glenda kay Kapitan. Hinampas ko naman siya kaya napaurong siya. Humarang naman si Kapitan samin.

"Huwag na nag aalala lang naman siya sa'yo, Tama din naman ang sinabi niya na ginagawa mo agad ang pumapasok sa isip mo" Sabi nito

"Ahh.. talaga ba? Ano ang pinupunto niyo? Na hindi ko muna pinag iisipan ang ginagawa ko?" Taas kilay na tanong ko habang nakahalukipkip.

"Hindi sa ganoon hayan nagagalit ka agad, mabuti pa pumunta na tayo sa pagamutan" Sagot ni Kapitan na inakbayan pa ako at sinabayan sa paglalakad.

"Anong gusto mo matuwa ako sa sinabi niyo? Parang sinabi niyo narin hindi ko pinag iisipan mga desisyon ko ah" pagtataray ko parin sa kanya. Tinanggal ko ang kamay niya sa balikat ko ngunit nilipat naman niya ito sa isa kong kamay.

"Pasensiya na patawarin mo na kami nag aalala lang talaga kami sa'yo" bulong nito sa tenga ko Tumahimik nalang ako at sinulyapan si Glenda na nasa likuran lang namin. Ang lapad ng ngiti nito na parang nakakaloko.

Pagdating namin sa pagamutan ay wala naman gaanong tao. Dalawa lang na matanda ang naabutan namin na pasyente at natuwa pa ang mga ito ng makita ako.

"Kumusta? Mabuti napasyal kayo Binibini, Kapitan" nakangiting salubong samin ni Doktor Gilberto

"Naisipan ko po kasing tumulong sa inyo ngunit parang wala naman akong maitutulong" nakangiting sagot ko

"Sinamahan ko lang po sila dito at baka may maitulong din sa inyo" Sabi naman ni Kapitan. Tumingala pa ako para makita ang nakangiting mukha niya.

"Maraming salamat sa suporta niyo lagi sa'min dito" Sabi naman ni Doktor Gilberto "halikayo maupo muna, tikman niyo ang kape ni Len len" Sabi pa nito

Hindi pa man kami nakakaupo ng may mga kabayong mabilis ang takbo papasok sa pagamutan. Agad akong inilagay ni Kapitan sa likuran niya.

"Anong nangyari?!" Tanong ni Kapitan sa mga sundalong bagong dating.

"Kapitan nakita lang namin sila sa gubat at walang malay habang nag papatrolya" Sagot ng Isang sundalo

Ibinaba naman ng mga ibang sundalo ang tatlong lalaking sugatan. Agad akong lumapit sa mga ito para tignan ang kalagayan nila.

"Dalhin niyo sila sa loob" malakas na sabi naman ni Doktor Gilberto. Tumalima naman ang mga sundalo at tulong tulong na hiniga ang mga kapwa sundalo sa mga higaan doon.

Umiling ang doktor ng kuhanan nito ng pulso ang isang sundalo. "Wala na siya" sambit pa nito. Nalungkot naman ako sa nalaman kaya nilapitan ang sundalong pumanaw. Tama nga ang doktor wala na talaga ito.

Maliliit na ubo naman ang narinig namin lahat na kumuha ng atensyon namin. Humihinga pa ang isa at nakita kong gumagalaw ang kamay nito. Agad namin siyang nilapitan ng makitang may malay ito.

Agad kumilos si Doktor Gilberto at tinignan ang mga sugat nito. Tumulong naman ako sa pagpapatigil ng pagdurugo ng sugat niya.

"K-kapitan" mahina at nauutal na sambit nito. Lumapit naman si kapitan at hinawakan ang kamay niya.

"Nandito ako sabihin mo kung anong nangyari sa inyo" Sabi naman ni kapitan sa kanya

Natataranta na sina Ate Salve at Lenlen sa paghahanda sa mga gamot at kailangan ng Doktor para maibsan ang pagdurugo ng sugat ng sundalo.

"Masyadong malalim ang sugat niya baka maubusan siya ng dugo" Sabi ni Doktor Gilberto na pilit pinipigilan ang pagdurugo

Mga munting luha ang tumulo sa mata ng sundalo. "H-huwag niyo na akong gamutin alam ko na katapusan ko na" sabi nito habang nakatingin sa Doktor

"Gagamutin ka namin at mabubuhay ka, kailangan lang namin pahintuin ang pagdurugo" Sagot sa kanya ni Doktor Gilberto "binibini hawakan mo itong tela para mapigilan ang pagdurugo ng sugat niya, tutulungan ko lang si Salve para mapabilis ang gamot" Sabi naman niya sa'kin. Tumango ako at hinawakan nga ang puting tela kanina na ngayon ay kulay pula na dahil sa dugo.

"Huwag kang mag alala gagaling ka tutulungan ka namin" pagpapalakas ko ng loob niya

Umiling ito kasabay ang pagtulo ng mga luha sa magkabilang mata niya.

"Makakabuti sa'yo kung huwag ka munang magsalita itira mo ang lakas mo para magpagaling" Sabi ko

"Makinig ka sa doktor at binibini" Sabi naman ni Kapitan

Pagbalik ni Doktor Gilberto ay pinalitan niya ako sa pwesto ko. Tuluyan na niyang sinira ang damit ng sundalo at doon ko nakita kung gaano karaming hiwa sa katawan niya. Agad nilagyan ng gamot ang mga sugat ng sundalo. Tsaka ito tumayo. Napatingin naman ako kay Doktor Gilberto na umiiling.

"Marami ng dugo ang nawala sa kanya at hindi parin tumitigil ang pagdurugo. Hanggang diyan lang ang kaya kong gawin para sa kanya" nalulungkot na sabi nito

"Hindi po ba natin siya pwedeng salinan ng dugo? Huwag niyo po muna siyang sukuan doktor" Sabi ko

Nakita ko ang malungkot na pag iling nito.

"Wala pa akong kilalang Doktor na nagsalin ng dugo sa pasyente niya. Wala rin akong kaalaman tungkol doon, ayoko rin siyang sukuan ngunit kung hindi titigil ang pagdurugo ng mga sugat niya wala na akong magagawa" Sabi nito

Napatingin naman ako sa sundalong nakahiga at nag aagaw buhay. Siguro nga wala na akong choice kundi kumilos at subukan ang kaunting nalalaman ko.

"May pampamanhid po ba kayo?" Tanong ko sa doktor

"Wala akong gamot pampamanhid binibini, napaka mahal kasi nito at inaangkat pa sa ibang bayan" sagot niya

"Kung ganoon ay wala ng ibang paraan" Sabi ko at tumingin sa sugatang sundalo "Kuya magpakatatag ka tiisin mo lang ang sakit" Sabi ko sa kanya at kinuha ang bag ko kung nasaan ang mga gamit ko

Nilagyan ko siya ng busal sa bibig nito tama lang para makagat niya. Nakita kong namilipit ito sa hapdi ng buhusan ko ng alcohol ang sugat nito. Gusto kong maiyak sa awa pero kailangan ko din magpakatatag para sa kanya. Binuhos ko rin ang betadine wound solution sa sugat niya at muling tinignan siya.

"Kuya tiis lang po" Sabi ko pa dito bago ko sinimulan tahiin ang sugat niya. Ito ang unang pagkakataon na mananahi ako ng sugat. Maging ang mga professor ko hindi pa kami tinuruan at umabot sa lesson na'to. Ang tanging guide ko lang ay yung mga napapanood ko sa mga medical drama sa Korea. Mabuti nalang din at nadala ko ang mga medical tools ko dito sa Dalya.

Halos hindi ako huminga habang tinatahi ang sugat ng sundalo. Hindi ko alam kung tama ang ang ginagawa ko pero nakikita ko naman na nasasara naman ito.

Nang matahi ko ang sugat at makita na maayos naman ang ginawa ko ay doon palang ako nakahinga. Nilinisan ko ang sugat niya at kinuhanan din siya ng blood pressure. Tinanggal ko narin ang tela sa bibig niya at nagtama ang aming mga mata.

"Huwag kang susuko magpagaling ka" Sabi ko. Nakatingin lang ito sa'kin at hindi makapag salita, siguro dahil nanghihina ito.

Nanginginig ako at muntik ng matumba ng subukan kong tumayo. Mabuti nalang ay naaalayan ako ni Kapitan.

"Ayos ka lang ba?" Tanong nito sa'kin

"Ayos lang" pilit akong ngumiti. Inupo niya ako sa isang silya at doon ay mahigpit na niyakap ako. "Hindi ako makahinga" Sabi ko at niluwagan nito pagkakayakap sa'kin.

"Ang galing ng ginawa mo binibini huminto nga ang pagdurugo ng sugat niya" natutuwang sabi ng doktor

Muli akong tumayo at tinignan ang sundalo. "Ang mabuti pa ay uminom ka muna ng gamot" Sabi ko at kumuha ng amoxicillin capsule at mefenamic acid sa lagayan ko. "Pilitin mong inumin makakatulong sa'yo to para maibsan ang sakit na nararamdaman mo" Sabi ko.

Tinulungan naman ako ni Kapitan iangat ang ulo nito para mainom ang mga gamot niya. Nang mainom na nito ang mga gamot ay sinabi kong matulog muna siya.

Inisplika ko kay Doktor Gilberto ang ginawa ko kanina. Sinabi ko sa kanya ang totoo na hindi ko alam kung tama ang ginawa ko na isara lang ang sugat nito. Hindi ko kasi alam kung may napinsala ba sa loob ng tiyan nito. Binigay ko rin yung mga gamot na kailangan nito at sinabing painumin ito kada apat na oras.

Ang balak ko sana ay ako mismo ang mag alaga sa sundalo na ang pangalan pala ay Aries. Ngunit ayaw ni Kapitan dahil malaki na raw ang naitulong ko, ngayon ay naglalakad kami pabalik sa tahanan nila.

*****