Chapter 03
Chandee's Pov
Pagbaba ko sa kabayo ay maraming taong sumalubong samin. Naguguluhan parin ako dahil wala akong alam kung ano ang nangyayari. May naririnig akong bulungan na nagsasabi na ako yung babaeng itinakda pagkatapos ay umiiyak ang mga ito.
"Ewen dalhin mo siya sa silid ng pagtanggap" Teka sino si Ewen? Ano yung silid ng pagtanggap na sinasabi ng matandang to? Wala naman akong tinatanggap wala akong naaalala na umoo ako sa kanila.
"Opo Ama" napatingin ako kay Kapitan ng sumagot ito. Siya ba si Ewen?. Nagsalubong muli ang mga mata namin. Gusto kong magtanong sa kanya pero walang boses na lumalabas sa bibig ko. "Dito tayo" sambit nito at kusang sumunod nalang ako sa kanya. Wala naman kasi akong mgagawa nasa teritoryo nila ako.
Nang makarating kami sa silid na sinasabi nila ay masasabi kong hindi naman mukhang dun sila nag aalay ng mga tao. Maayos kasi at malinis. May mahabang mesa at moderno rin ang disenyo ng mga kulay itim na sofa.
"Umupo ka" Sabi nung matanda sa'kin kaya naman umupo ako sa isa sa mga upuan doon. Si kapitan naman ay nasa likuran ko lang at nakatayo.
"Pasensiya na po pero sino po kayo?" Di mapigil ang kuryosidad ko kaya nagtanong na ako. Kanina kasi ay napansin kong mukhang ginagalang siya ng mga tao baka siya na yung taong makakatulong sa'kin.
"Ako ang pinuno sa bayan na'to ang tawag nila sa'kin ay Pinunong Oscar" sagot nito. So kung siya ang pinuno sa bayan na'to ibig sabihin siya yung Mayor. Wala sa sariling tumango tango ako "alam ko marami kang tanong sa isipan mo at katulad mo'y marami rin akong tanong sayo" Sabi pa niya
"Magtanong po kayo" magalang na sabi ko. Napangiti naman ito sa akin at tinitigan sa mga mata. Tulad ni kapitan may chokolateng mata rin ito. Iba nga lang yung kinang ng mata ni Kapitan.
"Ano ang pangalan mo at kung saan ka nakatira" tanong nito
"Ako po si Chandee Munoz at taga Taguig po ako. Maaari niyo po ba akong tulungan makauwi samin Pinuno?" Mabilis na sagot ko
Ilang segundo pa siyang natigilan habang nakatitig sa'kin. Tila inaarok nito kung totoo ang sinabi ko. Hindi naman ako kadamot para hindi sabihin ang pangalan ko at isa pa baka makatulong siya sa'kin kung paano ako makakauwi kung sasabihin ko ang address ko.
"Ang totoo ay hindi ko alam ang sinasabi mong lugar at ngayon ko lamang narinig. Maari ko bang malaman kung paano ka napunta sa bayan ng Dalya?" Tanong nito
Tumango ako.
"Palaisipan din po sa akin kung paano ako napunta dito. Ang natatandaan ko lang po ay nasa kwarto ko ako at may hawak na libro. Sa libro po ay may larawan na nahulog at ng basahin ko ang nakasulat doon na Dalya ay nilamon ako ng kulay dilaw na liwanag. Pag mulat po ng mga mata ko ay nandito na ako at nakita ni kapitan sa may kagubatan" kwento ko
Lumapit ang matanda sa akin at lumuhod sa harapan ko.
"Ikaw na nga. Umaasa ako na ikaw na nga ang babaeng itinakda na tutulong upang mapabuti ang bayan ng Dalya" wika nito na hinawakan ang dalawang kamay ko.
Gusto ko sanang bawiin ang mga kamay ko pero hinayaan ko na lang. Napatingin naman ako dun kay Kapitan na lumuhod din pa la.
"Nagkakamali po kayo, isa lang po akong ordinaryong estudyante sa'min. Pakiusap huwag po kayong lumuhod" Sabi ko na hinawakan din ang kamay niya at lumuhod din sa harapan ng matanda.
Magkahawak ang dalawang kamay namin ng matanda at sabay tumayo.
"Sumama ka sa'kin may gusto akong ipakita sa'yo" Sabi nito
Sunud sunuran naman ako at naglakad kasama niya. Tulad kanina nasa likuran lang namin si kapitan.
Binuksan ng matanda ang isang pintuan at agad tumambad sa akin ang maraming libro. Sa gitna nito ay may pabilog na malaking mesa at sa mesa ding iyon ay may librong nakabukas na patayo.
"Halika tignan mo ito. Ito ang aming silid aklatan dito nakasulat ang kasaysayan ng Bayan ng Dalya at mga kaganapan mula pa noong panahon ni Haring Ismal hanggang sa ngayong kasalukuyan" naglakad ako at pumasok sa aklatan nila. Hindi ko maiwasan mamangha dahil sa dami ng libro. Karamihan doon ay halatang matagal na dahil sa luma na ang mga takip ng mga libro. Ngunit may mga makabago din naman katulad ng ibang ordinaryong libro na alam ko.
"Dahil sa kalumaan na ng ibang mga libro ay mabusising kinopya nalamang ang mga balat titik at numero ng mga tagasalin ang nakasulat sa lumang aklat dito sa bagong papel. Upang kung sakali gustong mabasa ng mga mamamayan ng Dalya ang mga nangyaring kaganapan dito ay may mkukuhanan sila ng inpormasyon" Sabi ng matanda. Tumango tango lang ako sa pag sang ayon. Mukha naman moderno dito sa Dalya pero wala ba silang computer? Mas mapapabilis kasi mag research kung may computer at internet sana.
Lumapit naman ako sa malaking libro na nasa gitna ng mesa at nakabukas. Bigla kong naalala yung pwersa na humigop sakin kanina kaya napunta ako sa lugar na ito. Hindi kaya baka ito din ang maging daan ko para makabalik sa kwarto ko?
"Pwede ko po bang hawakan itong libro?" Hingi ko ng permiso sa matanda
"Iyan talaga ang gusto kong ipakita sa'yo" Sabi ng matanda at sinarado ang libro. "Sige hawakan mo" Sabi nito
Nanginginig ang kamay ko na ipinatong ang palad sa takip ng malaking libro. Tama, heto nga. Ganito yung pakiramdam ko kanina ng hawakan ko yung larawan. Parang mainit at may humihigop sa'kin. Ang pagkakaiba lang ay walang lumalabas na liwanag mula sa libro.
"Gusto kong ipakita ang nilalaman ng kwento sa loob ng librong ito" wika pa ng matanda. Tinanggal ko ang kamay ko sa libro at hinayaan siyang siya ang magbukas doon. Interesado rin kasi akong malaman kung ano ang kwento sa likod ng malaking libro.
Pagbukas ng matanda sa takip ay lumang sulat kamay ang tumambad sa akin. Malinaw parin ang mga letra na naroon kaya nababasa ko itong mabuti. Ang libro ay may pamagat na Dalya.
Hindi ako makapaniwala sa nababasa ko sa libro. May hinihintay na babaeng itinakda ang bayan ng Dalya na magpapabago daw sa pamumuhay nila. Ang babaeng itinakda ay manggagaling sa ibang mundo at may kasuotan na naiiba sa lahat. Sa guhit kamay na nasa larawan ng libro ay nakasuot ng blouse at short yung babae. Napatingin naman ako sa suot ko na blouse at short pati sa tsinelas ko fluffy rabbit. Kinikilabutan ako sa mga nababasa ko dahil parang natutugma ang lahat sa akin. Ako nga ba talaga ang babaeng itinakda ng Bayan ng Dalya? Bakit ako? Wala akong alam na pwede kong itulong sa kanila. Wala nga akong experience at never napili maging officer sa mga klase namin kahit maging leader lang ng group projects e.
Para akong naubusan ng lakas at nanlalambot ngayon pagkatapos kong mabasa ang libro. Nakasulat din nga pala sa libro na makakabalik lang ako sa mundo ko kapag natapos ko ang mission ko na mapabuti ang bayan ng Dalya. Kung alam ko lang na mapupunta ako sa ganitong sitwasyon pumayag na sana akong sumali sa eleksyon ng mga SK noong kinukuha ako nila Kap.
"Mukhang pagod ka sa paglalakbay ang mabuti pa ay magpahinga ka muna" Sabi ng matanda "Ewen ihatid mo siya sa magiging kwarto niya" utos nito sa kapitan
"Opo Ama" magalang na sagot ni kapitan
"Salamat po pinuno" Sabi ko sa matanda at sumunod na kay Kapitan
Wala kaming kibuan ni kapitan habang naglalakad sa mahabang pasilyo. Ang totoo ay nahihiya ako sa kanya. Sa nakasulat kasi sa libro na binasa ko ay magiging tagapagtanggol at tagapag alaga ko ang anak ng pinuno sa bayan ng Dalya. So ibig sabihin ay siya yon diba? Maliban nalang kung may ibang kapatid siya.
"Dito ang magiging kwarto mo" tigil nito sa katahimikan namayani sa aming dalawa. Binuksan nito ang kwarto at pumasok naman ako "kung may kailangan ka huwag kang mahihiyang magsabi" Sabi pa nito
"Sige, maraming salamat" Sabi ko tsaka tumingin sa malaking higaan na nandoon.
"Siyanga pala, ipagpatawad mo ang kapangahasan na nagawa ko kanina. Hindi ko alam na ikaw ang babaeng matagal na naming hinihintay. Wala sa hinagap ko na matatagpuan ka namin sa ganoong lugar" hinging paumanhin niya habang nakayuko
"Kalimutan mo na iyon wala kang dapat ipag alala" nakangiting sabi ko.
"Maraming salamat sa pag intindi, pakihintay na lamang ang iyong magiging tagapagsilbi" Sabi nito tsaka niya ibinaba sa mesa ang eco bag ko na dala dala pala niya. Pagkatapos ay lumabas narin siya at sinarado ang pintuan. Tatawagin ko pa sana siya para magtanong pero umalis na agad. Ang Akala ko siya yung magiging alalay ko pero hindi pala.
Tinignan ko kabuuan ng kwartong pinagdalhan sa akin. Parang hindi naman siya kwarto. Parang isa siyang bahay sa laki nito. Di naman siya sobrang laki pero limang beses ang laki sa kwarto ko. Kumpleto ito sa gamit, may mesa at mga upuan, may tokador at may malaking higaan. Pagkakita ko sa higaan ay parang bigla akong napagod. Napahiga nalang ako doon at pumikit.
*****
"Mabuti naman po at gising na kayo binibini" Sabi ng isang babae. Siguro magkasing edad lang kami. Nginitian ko siya.
"Hindi ko alam nakatulog pala ako, sino ka pala?" Tanong ko sa kanya pagkaupo ko sa higaan
"Ako po si Glenda ang hinirang na maging inyong tagapagsilbi" nakangiti at magalang na sabi nito
"Ako naman si Chandee huwag ka ng mag po sa'kin mukha naman kasing magka edad tayo. Ilang taon ka na Glenda?"
"Tama po pala ang nakasaad sa aklat na maganda at mabait ang babaeng itinakda. Ikinararangal ko po sampu ng aking pamilya na mapili na inyong maging tagasilbi. Ipinapangako ko po na iaalay ko ang buhay ko sa pagsilbi sa inyo" malayong sagot nito sa tanong ko
"Ehh? Hehe" pilit na tumawa ako "tinatanong ko lang naman kung ilang taon ka na bakit napunta tayo sa pag aalay sa buhay mo" pabirong sabi ko
"Pasensiya na po kayo masyado lang po akong naging masaya dahil nandito ako ngayon kasama kayo at kausap. Disi syete na po ako ngayong taon binibini" sagot nito
"Napaka bata mo pa pala, tawagin mo nalang akong Chandee hindi naman tayo nagkakalayo ng edad disi nuwebe lang ako. Tsaka huwag ka ng mag po naiilang ako" Sabi ko
"Pero baka magalit po si Pinuno at ibang tao sa'kin. Baka sabihan po akong walang galang" nakayukong sabi nito
Bumuntong hininga ako
"Sige ganito nalang, sasabihin ko kay pinuno na nagpapatawag ako sa pangalan ko. Naiilang kasi ako sa binibini at lalo na sa babaeng itinakda. Ang bata ko pa din para mag po ang mga tao sa'kin" Sabi ko
"Kayo po ang bahala pero sa ngayon ay binibini at mag po po parin po muna ako sa inyo hanggat walang pahintulot ng pinuno" sagot nito. Nginitian ko nalang siya at tumango "siyanga po pala, nagpahanda ang pinuno ng meryenda para sa inyo sana daw po ay magustuhan niyo" Sabi nito
Sumunod naman ako sa kanya dahil nakaramdam ako ng gutom ng sabihin nito ang salitang meryenda.
"Tikman niyo po masarap po iyan" Sabi ni Glenda at ibinida sakin ang hopia. Di ako sure kung hopia nga pero mukhang hopia kasi.
"Salamat" nakangiting sabi ko tsaka ako kumagat sa hopia. Hindi nga ako nagkamali hopia nga siya pero mas masarap ang hopia sa Taguig.
"Nagustuhan niyo po ba? Masarap po siya diba?! Yan po ang pinagmamalaking puto ng Dalya" malapad ang ngiting sabi nito
"Puto ang tawag niyo dito?" Naiilang na tanong ko hopia kasi ang alam kong tawag nito at ang puto na alam ko ay yung harina na inisteam at may keso sa itaas. "Oo masarap" Sabi ko at inubos ang hawak kong hopia. Okay naman yung lasa siguro nasanay lang ako na pino ang monggo na palaman sa loob ng hopia. Yung dito kasi buo buo pa yung mga monggo. Parang yung sa palaman sa butchi pero dry.
Tuwang tuwa si Glenda ng maubos ko yung limang puto. Hindi nga rin ako makapaniwala na naubos ko yung lima. Siguro dahil gutom lang ako. Ininom at inubos ko rin ang orange juice. Ang sarap ng juice napaka fresh kahit hindi gaanong malamig.
*****