Chapter 25

Chandee's Pov

Ala una palang ng madaling araw ay nasa kusina na ako para maghanda ng iluluto kong lumpiang shanghai na dadalhin ng pinuno sa bayan ng Liwayway. Hindi ko suka't akalain na marami palang tutulong sa'kin kaya naman napabilis ang gawain namin. Dinagdagan ko narin ang niluto naming shanghai at nagluto narin ako ng lumpiang togue dahil kumpleto narin kami ng sangkap. Nawala na rin kasi ang antok ko at para narin may makain kaming almusal.

Tulad ng inaasahan ko nagustuhan nila ang lumpiang togue, andami ko ba naman nilagay na hipon paanong hindi magiging masarap. Pinatikman ko rin ang pinuno ng lumpiang togue at nagustuhan rin niya ito. Imbes na isang bilaong lumpiang shanghai lang ang dadalhin niya ay nadagdagan pa ito ng isang bilao pa na lumpiang togue. Buti nalang talaga dinagdagan namin ang niluto namin. Sulit ang puyat at pagod ko sa nakitang reaksyon nila sa mga lumpiang niluto ko. Sa susunod lumpiang ubod o lumpiang sariwa naman ang ipapatikim ko sa kanila.

Bitbit ang isang basket na may laman na mga lumpia ay nagtungo ako sa pagamutan sa may bakanteng lote. Gusto kong ipatikim kay Doktor Gilberto at kina Ate Salve at Ate Lenlen ang mga dala ko para may meryenda sila.

Sa bukana palang nakita ko na ang mga tao. Mukhang marami silang pasyente ngayon.

"Magandang umaga binibini mabuti't napasyal ka?" Bati sa'kin ni Ate Salve anak siya ni Doktor Gilberto at nagtatrabaho bilang nars nito

"Dinalhan ko lang kayo ng meryenda sana magustuhan niyo, niluto namin yan kanina" Sabi ko at tinignan ang mga tao sa paligid "ang daming tao ngayon, pasyente ba lahat sila?" Tanong ko

"Oo nga e kahapon pa maraming pumupunta at humihingi ng gamot, nagtataka nga si Ama kung bakit sabay sabay ang pagtatae nila samantalang hindi naman nakakahawa ang sakit na iyon" sagot nito

"Hindi kaya na food poisoning sila?" Tanong ko kay Ate Salve

"Anong food poisoning binibini?" Naguguluhang tanong naman nito

"Baka may nakain sila na panis na o hindi na dapat kainin. Hindi niyo ba sila tinanong kung ano ang huling kinain nila bago sumakit ang mga tiyan nila?" Tanong ko

"Tinanong namin sila ngunit hindi naman sila parepareho ng kinain. Sa katunayan nga kanin at kamote lang ang kinain ng pamilyang iyon" turo nito sa apat na tao na magkakasama. "lagi naman daw iyon ang kinakain nila pero ngayon sobrang sakit ng tiyan nila at nagtatae sila" sagot nito

Napatingin ako kay Doktor Gilberto na palapit sa akin ngayon.

"Magandang umaga binibini" bati nito sa akin

"Magandang umaga din po Doktor, ano po ba ang nangyari sa kanila at mukhang parepareho ang mga sakit nila?" Walang ligoy na tanong ko

Nagpakawala siya ng malalim na hininga bago niya sinagot ang tanong ko.

"Ang totoo'y misteryo din sa'kin ang nangyari sa kanila. Ang suspetya ko noong una ay baka may nabilhan sila ng pagkain sa pamilihan na kontaminado't hindi na dapat kainin. Ngunit sa pagtatanong ko sa kanila wala naman silang binili at hindi rin sila kumain sa labas. Ang mga niluto daw nila ay kanilang laging niluluto at kinuha sa kanilang sariling tanim at imbakan nila ng pagkain" sagot nito

"Kung ganoon po ano kaya ang posibleng dahilan ng sakit nila?" Tanong ko

Tinignan ako ng Doktor tuwid sa aking mga mata.

"Hindi ko rin alam binibini, wala akong ideya kung paano nila ito nakuha ng sabay sabay dahil hindi naman nakakahawa ang pagsakit ng tiyan at pagtatae. Binigyan ko na sila ng mga gamot na pwede nilang inumin para mapigilan ang pagsakit ng tiyan nila at magpabalik balik sa banyo" sagot nito.

"Kawawa naman sila" sambit ko at tinignan sila. Walang pinipiling edad ang mga nandoon may mga bata at matatanda na namimilipit sa sakit ng tiyan. "Ano po kaya ang pwede kong maitulong?" Tanong ko

"Kaya naman namin ito binibini, may sapat na gamot naman kami dito at madali lang naman hanapin ang mga halamang gamot sa sakit ng tiyan" sagot ni Doktor Gilberto

Panatag na ngumiti naman ako dahil sa nalaman.

"Doktor! Tulungan niyo po kami! Hindi na kaya ng mag iina ko ang sakit ng tiyan nila. Nanlalambot na sila hindi na nila kayang maglakad pa sa sobrang panghihina" Sigaw ng isang lalaking kadarating lang na nagpapanic na

Agad naman akong tumakbo kung saan naroon ang pamilya niya at nakitang namimilipit sa sakit sa tiyan ang mga ito. Agad kong pinulsuhan sila. Nagpatulong akong dalhin sila sa mga higaan para maging komportable ang mga ito.

"Kukunin ko lang po ang mga gamit ko at babalik ako" paalam ko kay Doktor Gilberto

Tumango naman ito. "Mag ingat ka binibini" hahol na sabi nito

Nagmadali naman akong umuwi at kinuha ang bag ko. Sinama ko rin si Glenda na noon ay naglilinis ng silid ko.

"Ano bang nangyare binibini bakit ka nagmamadali?" Tanong ni Glenda

"Maraming pasyente sa pagamutan kailangan nating tumulong" sagot ko

"Lagi naman maraming pasyente sa pagamutan lalo na libre lang naman doon" sagot nito

"Hindi kasi normal ang sakit ng mga pasyente ngayon" Sabi ko naman

"Naku binibini baka nakakahawa ayokong pumunta" Sabi nito na biglang huminto sa paglalakad

Huminga ako ng malalim at tinitigan siya. Hindi nakakahawa ang sakit ng tiyan at pagtatae ngunit hindi ko alam kung ano ang pinagmulan ng sakit na iyon. Hindi ko masasabi na hindi nga nakakahawa ito hanggat hindi ko nalalaman ang pinagmulan nito. Naiintindihan ko rin naman si Glenda kung natatakot ito na baka mahawaan siya.

"Sige huwag ka nalang sumama ayoko din naman mapahamak ka, hindi kasi ako sigurado kung hindi nakakahawa ang sakit nila. Paki sabi nalang kina Ate Mildred na magluto ng mga nilagang saging at kamote at mag utos na dalhin sa pagamutan" Sabi ko. Tumango naman siya. Nginitian ko siya at umalis na.

Pagbalik ko sa pagamutan ay kinuhanan ko agad sila ng blood pressure. May isang banig ako ng diatabs at binigyan sila ng tig iisa. Mabuti nalang nakakaintindi ang iba na hindi lahat mabibigyan ng gamot na dala ko. Pumayag sila na unahin kong bigyan ang mga bata.

*****

"Iba talaga ang epekto ng mga gamot na dala mo binibini, tignan mo yung mga batang nakainom na ng gamot mo masigla na ulit sila" Sabi ni Doktor Gilberto habang nakatingin kami sa mga pasyente

"Sayang lang at 20 piraso lang ang meron ako. Ang pinagtataka ko lang ay kung bakit sabay sabay silang nagsakitan ng tiyan gayong hindi naman ito nakakahawa" sabi ko

"Malaking palaisipan din sa'kin yan" Sabi naman ng doktor

Napilitan umuwi ang iba dahil sa iisa lang ang palikuran dito sa pagamutan. Yung iba naman ay umuwi na talaga dahil nabigyan na ng gamot at nagsabing sa bahay nalang nila sila magpapagaling.

Nilapitan ko si Ate Lenlen na nag iisplika sa mga uuwing pasyente kung gaano katagal pakuluan ang mga halamang gamot at kung anong antas ng apoy para sa mga ito. Ako nalang din ang nagsulat ng mga pangalan at inpormasyon ng mga pasyente para mapabilis ang trabaho niya.

Kung may mga umuuwi na sa kanilang bahay ay may pumapalit naman sa kanila. Nakakakaba dahil puro pananakit ang tiyan ang mga pasyenteng dumarating. Dalawa nga lang yung ibang may sakit na nandito yun ay ang isang lalaking napilayan at yung isa naman ay batang may mataas na lagnat.

Binasa ko ang talaan ng mga sinulat kong inpormasyon ng mga pasyente at may napansin ako.

"Doktor!" Tawag ko habang hawak ko ang talaan at nagmadaling lumapit na sa kanya "tignan mo ito" nagmamadaling sabi ko

Tinignan ni Doktor Gilberto ang talaan ngunit parang wala itong napansin na kakaiba.

"Anong problema?" Tanong pa niya sa'kin

"Basahin niyo po kung saan nakatira ang mga pasyente. Sa iisang lugar lamang sila ang naiba lang ay ang dalawang pasyente na hindi sakit ang tiyan ang pinapagamot" Sabi ko

"Hindi ko maintindihan binibini ano ang pinupunto mo?" Naguguluhang tanong nito

"May palagay ako na sa Sittio Batuan nagmula ang sakit nila. Dapat nating puntahan ang lugar para malaman natin kung ano ang dahilan at pinagmulan ng pananakit ng tiyan ng mga residente nila doon" Sabi ko

"Ngunit binibini hindi natin trabaho ang pumunta doon upang alamin ang sanhi ng sakit ng mamamayan naninirahan doon" sabi ni Doktor Gilberto

"Kung hindi tayo ang kikilos sino ang kikilos? Kailangan natin mapigilan ang pagkalat ng sakit dahil baka madamay ang ibang barangay at lumala ang kumakalat na sakit sa kanila" Sabi ko

"Gusto kong tumulong ngunit hindi maaaring tayo lamang dalawa ang pupunta doon. Kailangan din natin ng pahintulot sa pinuno"

"Wala po ang pinuno maaga siyang umalis at nagtungo sa Bayan ng Liwayway. Ang alam ko ay sa makalawa pa ito makakauwi" Sabi ko

"Baka maaaring magpaalam na lamang sa mga ministro at humingi tayo ng gabay sa kanila para may makasama tayo. Mas maganda kung may eksperto tayong makakasama at iba pang mga doktor"

Naisip ko naman si Ministro Romulo at ang anak niyang si Agustin. Siguro kung lalapit ako sa kanila ay tutulungan naman nila ako. Isa pa'y kinagigiliwan ako ng kanyang may bahay na si Ginang Milagros.

"Uuwi lang muna ako saglit at pupuntahan si Ministro Romula upang makahingi ng suporta sa kanya" paalam ko kay Doktor Gilberto

"Mag ingat ka binibini sana'y mapapayag mo siya" sabi nito. Tumango ako

*****

Hindi ako nagpaligoy ligoy kay Ministro Romulo at binanggit ko sa kanya agad ang sadya ko. Hindi naman siya nagdalawang isip at pinayagan ako nito. Nagsabi din ito na magsama kami ng sampung sundalo. Magpapapunta rin daw agad ito ng mga maaaring tumulong sa amin sa Sittio Batuan upang may makasama kami.

Nagpasalamat naman ako sa kabutihan niya maging sa kanyang asawa na gusto pa akong magtagal sa kanila.

Kasama ang sampung sundalo ay pinuntahan na namin si Doktor Gilberto. Nagbilin ito sa mga anak niya na alagaan ang mga pasyente na naroon. Sakto naman dumating yung mga pinalaga kong saging at kamote. Medyo marami ang mga iyon kaya't kumuha rin ako ng iilang piraso.

Pagdating namin sa Sittio Batuan ay naglabasan ang mga tao. Yung iba nakilala ako at tuwang tuwang makita ako. Nagsimula narin akong magtanong kung may napansin silang kakaiba ngayon sa Sittio nila. Maraming nagsabi na marami ang sumasakit ang tiyan sa mga kapitbahay nila. Nagtanong din ako kung ano ang pwedeng posibleng maging dahilan ng pagsakit ng mga tiyan nila ngunit wala din silang mga ideya.

Naging pahirapan ang pagtukoy ng sanhi ng kumakalat na sakit sa Sittio Batuan. Walang ideya ang mga tao kung saan galing at kung paano nakuha ang sakit na iyon. Habang nagtatanong ako sa mga residente ay siya namang pagtatayo ng tent ng mga sundalong kasama namin. Masyado kasing mainit ang panahon kailangan namin ng masisilungan.

*****