Chapter 22

Chandee's Pov

Lumipas ang mga araw at hindi na nga ako nilalapitan ni Kapitan. Ni tumingin sa akin ay hindi narin nito ginagawa. Papansinin lang niya ako kapag kasama niya ang pinuno o mga ministro. Babati lang siya yun lang. Kung dati ay lagi siyang nasa tabi ko at laging nakasunod kahit saan ako magpunta, ngayon ay may mga inuutusan nalang siya para bantayan at samahan ako.

"Ang dami naman binigay ni Karlo na turon hindi natin mauubos to binibini" Sabi ni Glenda pagkakuha namin sa turon na binigay ni Karlo. Tinuruan ko kasi ang nanay niya magluto ng turon saging pandagdag sa pangkabuhayan nila. Nalaman ko naman pumatok ito sa mga tao at ngayon ay pinadalhan nga kami.

"Hindi talaga natin mauubos na tayong dalawa lang ang mga iyan. Dalhan nalang natin sa kusina para matikman ng iba" suhestiyon ko

"Parang nakikita ko na si Aling Mildred na natutuwa kapag nakita itong turon. Ilang araw na kaya niya akong tinatanong paano gawin ito. Hindi ko naman masabi dahil hindi ko naman nakita paano mo tinuruan si Aling Cora paano gawin ang turon" Sabi nito

"Napaka simple lang naman gawin yan bakit hindi niya ako tinanong kung gusto niyang malaman? Sinabi ko lang naman kay Aling Cora na huwag munang ipagsabi sa iba kung paano lutuin ang turon dahil maraming gagaya sa kanya kung sakaling maging mabenta. Gusto ko lang naman kumita muna siya bago niya ipagsabi paano yun gawin. Tignan mo sina Nanay Fe at Tatay Jose, ang dami na nila ngayon nagtitinda ng banana cue at kamote cue ngayon" Sabi ko

"Oo nga po binibini kahit saan ako tumingin may nagtitinda na ng piniritong saging at kamote. Pero marami pa naman bumibili sa tindahan ng magulang ni Pablo kahit marami na ang gumaya sa kanila.. Kasi daw sila ang orihinal na tinuruan mo sa pagluluto ng piniritong saging" pagmamalaking sabi nito.

Ngumiti nalang ako sa kanya at umiling. Natutuwa naman ako na kahit sa simpleng bagay lang ay nakatulong ako kina Nanay Fe at Tatay Jose. Sana lang maging matagumpay din si Aling Cora sa pagtitinda ng turon at magkaroon ng sariling pwesto para hindi na siya naglalako ng paninda niya.

"Oo nga pala binibini pupunta ba talaga tayo sa pamilihan mamaya? Ayoko kasi talaga yung ugali ni Lilibeth na iyon" nakasimangot na sabi niya

"Mabuti nalang ipinaalala mo muntik ko ng makalimutan. Pagkatapos nating ibigay ang mga iyan sa kusina pupunta na tayo sa pamilihang bayan. Kailangan kong tumupad sa usapan namin ni Lilibeth" Sabi ko

"Nakakainis. Ang dami naman pwedeng tulungan bakit ang babaeng iyon pa kasi" bulong na maktol nito

Kahapon kasi ay pumunta kami sa pagamutan ni Glenda upang tumulong doon kahit lang sa pag check ng blood pressure ng mga may sakit. Dinala ni Lilibeth ang Ama niya doon na tatlong taon na daw na hindi nakakalakad dahil sa nangyaring aksidente dito. Pinatingin na daw nila ito sa ibang doktor at iisa ang mga sinabi ng mga ito na hindi na magagamit ng kanyang ama ang isang paa nito. Ngayon ang gusto niyang mangyari ay gamutin ko ang kanyang Ama upang makapag trabaho na ulit ito at hindi maging pabigat pa sa kanila.

Pinaunawa ko naman kay Lilibeth na hindi ako doktor at wala akong kakayahan na pagalingin ang kanyang ama ngunit hindi nito matanggap at tinawag akong peke. Nagbigay ako ng suhestiyon maging si Doktor Gilberto na bigyan nalang ng saklay ang ama niya upang makakilos parin ito at maging normal ang pamumuhay ngunit wala daw kwenta ang saklay. Wala daw tatanggap na trabaho sa kanyang Ama kung nakasaklay ito. Ang nais niya talaga ay maibalik sa dati ang paa ng kanyang Ama upang makapag trabaho ito at masuportahan sila.

Hindi ako doktor at lalong hindi ako magician. Dahil sa awa kay Mang Isko na tahimik na lumuluha ay nangako ako na tutulungan ko sila paano kumita ng pera. Nakita ko ang pag aliwalas ng mukha ni Mang Isko sa sinabi ko kahapon at nag taas kilay naman si Lilibeth. Sinabi ni Lilibeth na kung yung tulong na sinasabi ko ay makakapagbigay buhay sa kanila tatanggapin nito na ako nga ang babaeng itinakda na hinihintay ng lahat.

Wala naman akong pake kung hindi niya ako tanggapin o kilalanin na kanilang babaeng itinakda. Sadyang naaawa lang ako sa kanyang Ama at mukha talagang nangangailangan ng tulong ito. Mukhang si Lilibeth ang tumatayong breadwinner sa pamilya nila ngayon at hindi ko siya masisisi kung pagod na ito kaya gusto na niyang magtrabaho ang kanyang Ama.

"Binibini yan ba yung nabalitaan ko na tinatawag na turon?" Nagbalik naman ang isip ko sa kasalukuyan ng tanungin ako ni Aling Susan

Ngumiti ako at tumango. "Pinadala po ni Aling Cora para may meryenda tayo" sagot ko

"Binibini baka naman maaari mo rin kaming turuan paano gawin ito" Sabi naman ni Aling Mildred

"Hayaan niyo po tuturuan ko kayo ngunit sa ibang araw na may pupuntahan pa po kasi kami ni Glenda" Sabi ko at hinila na si Glenda

"Sandali lang binibini kukuha lang ako ng turon" Sabi naman ni Glenda kaya hinayaan ko nalang siya

"Mauubos mo lahat iyan?" Tanong ko sa kanya dahil kumuha ito ng limang piraso

"Oo naman pero hindi naman para sa'kin ang lahat ng ito. Siyempre tig isa tayo at yung natitirang tatlo ay ibibigay ko kina Kapitan. Nakita ko kasi siya kanina kasama si Leon at Pablo" Sabi nito at hinila na niya ako papunta kung saan niya nakita ang ito

"Mabuti pa mauna na ako sa tarangkahan at hihintayin nalang kita doon" Sabi ko

"Malapit lang naman sa tarangkahan pero sige ako nalang magbibigay sa kanila" kibit balikat na sabi nito

Bago pa kami mag iba ng daan ni Glenda ay nakita namin ang tatlong lalaking binanggit niya kanina na naglalakad palapit sa amin.

"Magandang hapon binibini" bati nilang tatlo sa akin. Tinignan ko sila at nginitian. "Magandang hapon din" Sabi ko. Naiwan ang mga mata ko kay Kapitan ngunit hindi niya ako magawang tignan.

"Sakto ang dating niyo pupuntahan talaga namin kayo para ibigay ito" masayang sabi ni Glenda sabay abot ng tig iisang turon sa mga sundalo. Nakita ko naman ang ngitian nilang dalawa ni Kapitan at kapansin pansin ang pamumula ng mga pisngi ni Glenda. Iniwas ko nalang ang paningin ko sa kanila.

"Ikaw ba ang nagluto nito binibini? Maraming salamat" sabi ni Leon na ikinatingin ko sa kanya

"Hindi, dala yan ni Karlo ibinigay niya para may meryenda tayo" sagot ko

"Ibig sabihin ito yung turon na itinuro mo kay Aling Cora? Ang tagal ko ng gustong matikman ito ngunit hindi ko natyetyempohan si Aling Cora kapag naglalako. Sigurado panalo din ang lasa nito tulad ng banana cue at kamote cue na itinuro mo sa mga magulang ko" masayang sabi ni Pablo at kinagatan ang turon "Sabi na nga ba panalo talaga maraming salamat binibini" dagdag pa nito

"Masarap nga" puri din ni Leon ng tikman nito ang hawak na turon "maraming salamat sa meryenda binibini" Sabi naman ni Leon

"Salamat" dinig kong sabi naman ni Kapitan na nakatingin kay Glenda.

"Walang anuman sige po Kapitan aalis pa kasi kami ng binibini magkita nalang ulit tayo mamaya" nakangiting sabi ni Glenda habang nagpapaalam

So magkikita pa la sila mamaya. Mapait na ngumiti ako at nagpatuloy na sa paglalakad.

"Iba ang saya mo ngayon ah" puna ko sa ikinikilos ni Glenda kahit alam ko naman kung ano ang dahilan.

Napahawak ito sa magkabilang pisngi niya. "Hindi naman ah" tanggi nito. Nginitian ko nalang siya at hindi na nag usisa pa.

"Ano nga pala ang gagawin mong tulong dun kay Lilibeth?" Nakasimangot na tanong niya

"Hindi ko parin alam kung ano pero may naiisip na ako" sagot ko sa kanya

"Ano naman naiisip mo binibini? Pagluluto at pagtitinda din ba?" Tumingin ako kay Glenda na naghihintay ng isasagot ko

"Wala kasi akong alam na iba na pwede kong ibahagi sa iba kundi ang pagluluto at pagtitinda na sikat sa pinanggalingan ko" nahihiyang sagot ko

Huminto sa paglalakad si Glenda at pumunta sa harapan ko. "talaga binibini? Ibig sabihin bagong pagkain na naman ang ipapakilala mo sa'min?" Nangingislap ang mga matang tanong nito

"Ikaw talaga basta pagkain sumasaya ka" Sabi ko nalang

****

Pagdating namin sa tahanan nila Mang Isko ay pinapasok kami ng bunsong anak nito na si Juancho. Nasa loob ng bahay ang pamilya ni Mang Isko tila inaasahan nila ang pagdating namin.

"Pagpasensiyahan mo na ang maliit naming tahanan binibini umupo kayo" Alok ni Mang Isko na pilit pang tumayo gamit ang kahoy na nagsisilbing saklay nito upang salubungin kami.

"Umupo na po kayo" sabi ko naman na inalalayan siyang umupo.

"Anong tulong pala ang gagawin mo? Bibigyan mo kami ng salapi? Kung ganoon akin na" Sabi ni Lilibeth

"Anak huwag kang bastos sa mga bisita natin" saway ni Mang Isko sa anak

"Tinanggap ko sila sa bahay, binastos ko ba sila? Nagtatanong lang naman ako sa kanila" sagot ni Lilibeth sa Ama

"Okay lang po Mang Isko nagpunta naman po talaga kami dito dahil sa sinabi kong tulong" Sabi ko sa matandang lalaki. "ang totoo niyan iniisip ko na bigyan na nga lang kayo ng salapi bilang tulong ngunit naisip ko na mabilis maubos ang salapi. Mas makakatulong ako kung tuturuan ko kayo maghanap buhay gamit ang salaping panimula na ibibigay ko sana sa inyo. Sana makatulong ang gagawin ko para magkaroon kayo ng pantawid sa araw araw" Sabi ko

"Huwag ka ng magpaligoy ligoy pa sabihin mo nalang kung anong klaseng tulong yan" Sabi ni Lilibeth

"Lilibeth!" Saway naman ni Mang Isko sa anak. Pinaikot lang ni Lilibeth eyeballs niya at hindi pinansin ang ama.

"Kung nagawi na kayo sa pamilihang bayan siguro narinig niyo na na may tinuruan akong magluto ng banana cue, banana cue at turon. Kung papayag kayo gusto kong turuan din kayo ng isang pagkain na pwede niyong ibenta sa pamilihan" Sabi ko. Dahil sa seryosong nakikinig ang mga ito sa'kin ay tinuloy ko na ang pagsasalita.

"Gusto kong turuan kayo paano gumawa ng donut" Sabi ko

"Donut? Ano iyon?" Tanong ni Lilibeth

"Maraming uri ng donuts gawa ito sa harina at ipiniprito. Ang donut na ituturo ko ay ang pinaka simple sa lahat. Kinakain ang donut sa kahit anong oras ngunit madalas gawing meryenda ito. Palagay ko ay papatok ito sa mga tao dito dahil mura lang ito at nakakabusog" sabi ko

"Sabihin mo kung paano gawin yang donut na sinasabi mo" Sabi ni Lilibeth

Ngumiti ako. Interesado siya sa mungkahi ko dahil kung hindi ay hindi ito magtatanong.

"Kung interesado ka tulungan mo akong pumunta sa pamilihan upang mabili ang mga gagamitin natin" Sabi ko

Umiwas siya ng tingin sa'kin.

"Sabihin mo nalang kung paano iyon gawin mag iipon muna ako para may pambili ng sinasabi mo" Sabi ni Lilibeth

"Huwag kang mag alala maliit na halaga lang naman ang kakailanganin natin ako na ang bahala para sa panimula niyo kayo nalang ang magtuloy" Sabi ko

Nagkatitigan kami ni Lilibeth. Parang sinusukat nito ang katotohanan sa sinabi ko. Sa huli ay nauna siyang nag alis ng tingin na ikinangiti ko.

"Tara na" Sabi nito at nauna ng naglalakad palabas ng bahay nila.

*****

Tahimik lang si Lilibeth habang namimili kami. Sinasabi ko lang sa kanya kung ano ang bibilhin namin at pinapakita iyon sa kanya. Madali lang naman hanapin ang mga sangkap sa paggawa ng donuts kaya mabilis kaming natapos. Bumili narin ako ng malaking kawali na gagamitin sa pagluluto ng mga donuts at iba pang kailangang gamitin.

Pagkabalik namin sa tahanan nila ay sinimulan ko ng pinaghiwa hiwalay ang mga sangkap na gagamitin namin. Dahil ipapakita ko lang naman kung paano ito gawin ay nagsimula kami sa kalahating kilong harina. Pinakita ko rin kung gaano karami ang dapat ilagay na ibang sangkap ayon sa dami ng harina na gagamitin nila.

Una kong nilagay ang gatas sa isang sisidlan. Sa sisidlan ay naglagay din ako ng asukal at asin. Pinakita ko at inisplika ng mabuti kung bakit importante na tama ang sukat ng bawat sangkap. Naglagay narin ako ng itlog at pati narin ang pampaalsa at hinalo ito. Sa Isang lalagyan ay naroon naman ang harina. Binuhos ko yung wet mixture na ginawa ko at hinalo ko itong mabuti.

Pagkalagay ko sa lahat ng mga sangkap ay sinimulan ko ng masahin ang dough. Sinabi ko rin kung bakit kailangan masahin ito. Nilagay ko ang huling sangkap at yun ay ang margarine. Minasa ko ulit ito hanggang maging elastic at smooth na siya. Pinakita ko at pinahawak sa kanila para makita at maramdaman nila mismo ang tamang texture ng dough.

Dahil tapos ko na itong masahin ay pinahinga ko muna ang minasa kong harina sa lalagyan nito at tinakpan. Habang naghihintay kaming umalsa ito ay muli ko munang itinuro sa kanila ang paggawa nito. Sinulat ko rin ito para hindi nila makalimutan at para makabisado rin nila. Dahil nag aalala sila na baka hindi nila magaya ang ginawa ko nangako ako na tutulungan ko sila hanggang mga perfect na nila ang paggawa ng donuts.

Pagkatapos ng mahabang minutong paghihintay ay kinuha ko na yung umalsang dough. Nilabas ko ito sa sisidlan niya at minasa ulit. Hinati ko ito sa apat at sa bawat parte ay ginamitan ng bote upang ma flatten pa yung dough ayon sa nais kong kapal ng mga ito. Wala kasi akong nakitang rolling pin kanina kaya bote nalang ang ginamit ko. Gamit ang pattern na bilog na binili ko sa pamilihan kanina yun ang ginawa kong panghulma sa mga dough. Muli kong pinahinga ang mga dough ng kalahating minuto bago ito ilubog sa mainit na mantika.

Nang mabalutan na ng asukal ang mga pinirito kong donuts at sabihin tapos na ay kanya kanya sila ng kuha sa mga ito. Natuwa sila sa kinalabasan at pinuri na masarap nga ito.

Hindi narin kami nagtagal ni Glenda sa bahay nila Mang Isko at nag paalam narin. Nangako ako na babalik kinabukasan para turuan ulit sila habang sila na mismo ang gumagawa. Madali lang naman ito kaya siguradong mabilis na matututunan nila ito.

******