Chapter 16

Chandee's Pov

Nalaman ng Pinuno ang nangyari kahapon sa Sittio Bangkal kaya kinausap niya ako tungkol dito. Natutuwa daw ito dahil napangalanan na ang sakit at may mga doktor na lumapit na sa kanya at nakipag usap na kung maaari daw bang kausapin ako.

Masaya naman ako dahil interesado naman pala silang malaman kung ano ang lunas sa Bulutong Tubig. Ang problema nga lang wala din naman akong lubusang kaalaman tungkol sa gamot para doon. Oo alam ko kung ano ang dapat inumin na gamot pero yung sangkap ng gamot mismo para magawa ay hindi ko alam.

"Pinuno! Marami pong tao sa labas dala ang kanilang mga kaanak at hinahanap si Binibining Chandee" nagkukumahog na sabi ng sundalo

Sabay kaming napatayo ni Pinuno at nagkatinginan.

"Lalabas po ako at titignan sila" Sabi ko

"Huwag dito ka lang" pigil ng Pinuno sa'kin "ako na muna ang kakausap sa kanila" sabi nito

"Ngunit" Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko ng umiling ito sa akin

"Si Ewen?" Tanong ng Pinuno sa sundalo

"Pumunta po siya kay Matias para tignan kung ano na ang balita sa mga pulbura" sagot ng sundalo

Huminga muna ng malalim si Pinunong Oscar bago niya inaya ang sundalo na harapin ang mga tao.

Dahil may katigasan ang ulo ko ilang minuto lang pagkaalis ng Pinuno ay sumunod din ako. Hindi rin kasi ako mapakali dahil sa sinabi ng sundalo na ako ang hinahanap. Habang papalapit ako sa tarangkahan ay naririnig ko ang mga boses ng mga tao na nandoon pati na ang kay Pinuno. Kung dati ay dalawang sundalo lang ang naroon at nagbabantay ngayon ay nasa sampu.

"Pinuno" tawag ko ng makalapit ako.

"Hindi ba't ang sabi ko ay sa loob ka lamang?" Parang disappointed na sabi nito sa'kin

"Pasensiya na po hindi kasi ako mapakali at gusto ko ring malaman kung ano ang sadya nila" guilty na sagot ko. Gusto ko lang talagang malaman kung may nagawa ba akong mali kaya napalusob sila.

"Ikaw ba ang babaeng itinakda? Kung ganoon tulungan mo ang anak ko pagalingin mo siya!" Sigaw ng isang lalaki

Napatingin naman ako sa kanya habang karga nito ang kanyang anak. Inilibot ko ang paningin ko at nakitang napakarami nga ng mga taong nagkukumpulan.

"Binibini maawa ka sa'min tulungan mo kami"

Para akong matutumba sa dami ng mga taong nagsisigawan ngayon at humihingi ng tulong. Ano ba ang gagawin ko? Wala akong kakayahan magpagaling isa lamang akong ordinaryong estudyante na nag aaral pa lamang upang maging nurse.

"Pinuno ano po ang gagawin natin?" Nag aalalang tanong ko

"Hindi ko inaasahan na ganito sila karami mas mabuti pang doon ka na muna sa iyong silid" sagot nito

"Ngunit Pinuno kailangan na nila ng tulong, hindi po ba pwedeng magtawag kayo ng mga doktor na pwedeng tumingin sa mga may sakit?"

"Ginawa ko na at baka sa mga oras na ito ay papunta na sila dito" sagot nito. Kahit papaano ay gumaan naman ang pakiramdam ko

"May pagamutan po kayang tatanggap sa dami nila? Kung meron sanang bakanteng lote na pwedeng gawing silungan nila pansamantala" sambit ko

Tumingin naman sa'kin ang pinuno at ngumiti.

"Salamat sa ideyang nabanggit mo. Kanina ko pa iniisip kung anong magandang gawin. Sa dami nila siguradong mapupuno ang pagamutan at hindi rin ako sigurado kung tatanggapin sila" sabi nito

"Kung ganoon ano po ang gagawin natin?"

"Tulad ng nabanggit mo kailangan natin ng bakanteng lote na mapagsisilungan nila" sagot nito

"May alam po ba kayong lugar?" Tanong ko. Tumango naman ang Pinuno. "Mayroon ngunit may palagay akong hindi rin sila kakasya doon at siguradong dadagsain pa ito ng mga tao" sagot nito.

"Puntahan na po natin ang tinutukoy niyong lugar. Kung sakali po na hindi nga sila magkasya maghahanap nalang po tayo ng iba pang bakanteng lote para sa iba. Ang mahalaga ay may paglagyan tayo sa mga pasyente" mungkahi ko

Agad naman nag utos ang Pinuno sa mga sundalo at mga manggawa sa bahay na tumulong sa pagtayo ng mga dampa at maglinis sa bakanteng lote na hindi naman kalayuan dito sa bahay. Nag prisintang tumulong din ang mga tao ng malaman kung ano ang plano ng Pinuno. Mabuti nalang Kahit papaano'y nasosolusyonan ang problema.

*****

Sa sampung doktor na pinatawag ng Pinuno para pumunta at tumulong ay dalawa lamang ang pumunta. Lubos ang pasasalamat ko sa kanila sa pagpunta nila at natuwa ng sabihin ng mga ito na tungkulin nila ang sumagip ng buhay.

Habang tinitignan ng mga doktor ang mga pasyente at ginagawa ang mga dampa sa bakanteng lote ay nagprisinta naman ako na tumulong sa pagluluto. Lugaw na baboy ang naisipan kong iluto dahil bawal ang manok sa mga pasyente. Naisipan ko narin dagdagan para makakain din ang iba.

"Ay palaka!" Gulat na sabi ko ng magulat sa pagsulpot ni Kapitan.

"May palaka?" Pabirong sabi pa nito habang pigil ang pagtawa

"Bakit ka kasi nanggugulat!" Inis na sabi ko at muling hinalo ang niluluto ko

"Hindi naman kita gustong gulatin" sagot naman niya. Lumingon naman ako sa kanya para irapan siya. I know napaka childish e sa bet ko eh.

"Nakikita mong seryoso akong nagluluto dito tapos bigla kang susulpot? Tss" mahinang sabi ko pa pero alam kong narinig niya

"Patawad na binibini ano ba pwede kong maitulong sa'yo?" Tanong nito

"Sa ngayon wala pero mamaya pagkaluto nito meron na" masungit na sagot ko sa kanya

"Kung ganoon panonoorin nalang kitang magluto" Sabi nito na ikina angat ko ng mukha para tignan siya

"Alam mo mas may pakinabang ka kung tutulong ka doon sa bakanteng lote sa pagtayo ng mga dampa" Sabi ko

"Gusto ko rin sanang tumulong sa kanila ngunit kailangan ko din umalis, pumunta lang ako dito para makita ka at makapagpahinga saglit" Sabi naman nito

"Dapat doon ka sa kwarto mo kung magpapahinga ka tsaka saan ka na naman ba pupunta? Kadarating mo lang aalis ka na naman" kandahaba ang ngusong sabi ko. Natigilan naman ako dahil parang narinig ko na ang sinabi ko. Pagtingin ko kay kapitan ay nakangiti itong nakatingin din sa'kin. Tinaasan ko naman siya ng kilay at inirapan.

Hindi nga nagtagal si Kapitan at nagpaalam na itong umalis. Sinabi rin nito na ihahatid lang niya ang mga tao na galing sa Astor sa San Miguel upang magkaroon ng panibagong buhay.

Mabilis naman naluto ang lugaw kaya naman nagpatulong akong ipamahagi ito sa mga pasyente. Naabutan ko ang kaawa awang sitwasyon ng mga pasyente na wala man lang matinong mahigaan.

"Maraming salamat binibini" mga salitang naririnig ko habang inaabutan ko sila ng pagkain.

"Walang anuman po masaya akong makatulong sa inyo" Sagot ko naman sa kanila

"Doktor! Binibini!" Tawag samin ng isang Ina. Nagsusuka kasi ang anak nito. Mabilis naman kaming lumapit ni Doktor Gilberto sa kanya.

Agad naman pinulsuhan ng matandang doktor ang bata at hinipo ang noo nito at mukha.

"Painumin niyo po muna siya ng tubig at pakainin ulit para mainom nito ang gamot niya" Sabi ng doktor

"Ayaw po niyang kumain masakit daw po ang tiyan niya" Sabi ng nanay ng bata

"Walang laman ang tiyan niya kaya sumasakit, kailangan niyang kumain para malamnan ang sikmura niya at makainom ng gamot" sagot ng doktor

"Sige po Doktor" sagot nito kaya naman bumalik na ang doktor sa tinitignan nitong pasyente kanina at ako naman ay nanatili sa tabi ng mag ina.

"Ayos lang po ba kayo? Namumutla po kayo" tanong ko sa ginang

"Ayos lang ako binibini siguro dahil lang sa puyat at gutom" sagot nito

"Kailangan niyo rin pong magpahinga at kumain sa tamang oras, huwag niyo pong pabayaan ang sarili niyo lalo na may binabantayan kayong may sakit" Sabi ko

"Pinapagpahinga naman po ako ng asawa ko ngunit hindi rin ako makatulog dahil iniisip ko ang kalagayan ng anak ko" naiiyak na sabi niya

Naaawa ako ngunit wala naman akong magawa. Kakaunti nalang din ang gamot na meron ako at hindi talaga sasapat sa lahat.

Pagkatapos mabigyan lahat ng lugaw ang mga pasyente ay binigyan narin namin ang mga nagbabantay sa kanila. Inilipat narin ang ibang pasyente sa mga ginawang dampa at pumunta narin doon si Doktor Almundo para may tumingin sa kanila.

"Binibini" tawag sa akin ni Pinunong Oscar at lumapit.

"Pinuno" tawag ko din sa kanya na may ngiti sa labi. "Kumusta po ang ginawang pansamantalang pagamutan?" Tanong ko sa kanya

"Malinis na at may mga nakatayo ng tolda ngunit kulang pa tayo ng mga higaan" sagot ng Pinuno

"E kung manawagan po kaya tayo sa mga mamamayan ng Dalya ng donasyon na pwedeng mahigaan ng mga pasyente?" Mungkahi ko

"Natutuwa ako sa mga mungkahi mo binibini ngunit hindi na yata natin kakailanganing gawin iyon. May mga nakausap na akong karpintero at mga kalalakihan na nag prisinta na gumawa ng mga higaan. May mga magbibigay din ng mga kahoy at iba pang mayeryales na hihintayin nalang natin para masimulan na nila" sabi ng Pinuno

"Mabuti naman po pala kung ganoon" natutuwang sabi ko

"Kaya lang nais ng mga tao na gawin ng opisyal na pagamutan ang bakanteng lote na para sa mahihirap upang sa ganu'n ay may mapuntahan sila sakaling nagkasakit sila"

"Magkaka problema po ba tayo sa may ari ng lupa?" Tanong ko

"Walang problema sa lupa, pag aari ito ng magulang ng aking asawa na sumakabilang buhay na. Ang pinoproblema ko ay ang mga gamot at mga doktor, kinausap ko na si Doktor Almundo ngunit hindi raw ito maari. Malayo daw kasi ang kanyang tahanan at kailangan nitong kumuha ng mga halamang gamot na kanya ring ibinebenta"

"E kung si Doktor Gilberto po kaya?"

"Sana ay pumayag siya, siya nalang ang kilala kong natitirang Doktor na maaaring pumayag. Ang iba ay ganid na sa mga salapi at namimili ng gagamitin"

"Tutulungan ko po kayong kausapin siya"

"Mas mabuti kung ganoon baka sakaling makinig siya sayo binibini"

Ngumiti ako at tumango.

"Sisikapin ko po na mapa oo siya" Sabi ko

Magkasama kami ni Pinunong Oscar na kinausap si Doktor Gilberto noong una ay tumanggi ito sa alok namin ngunit sa huli ay pumayag siya sa kondisyon na salitan ang araw ng pagpunta niya upang maging Doktor. Humiling din ito ng matutuluyan sa bakanteng lote na kung saan pwede siyang makapag pahinga. Humiling din ito ng makakatulong niya dahil hindi daw nito makakaya lalo na kapag maraming pasyente.

Sumang ayon naman agad ang Pinuno sa mga gusto niya. Pinag usapan narin kung magkano ang sasahurin niya at hindi naman ito kumontra doon kahit alam naming tatlo na may kaliitan lamang.

Dahil sa bayanihan ng mga tao mabilis natapos ang mga tolda. May malalaking tolda at meron ding maliliit. May mga higaan narin na pinagtulong tulungan gawin ng mga karpintero kaya bago pa gumabi ay nailipat na namin lahat sila dito sa bakanteng lote.

"Uuwi na po muna ako para makaligo at babalik nalang ulit" paalam ko sa Pinuno

"Huwag ka ng bumalik magpahinga ka na malaki na ang nagawa at naitulong mo dito"

Umiling ako

"Babalik po ako" nakangiting sabi ko at nag paalam din sa dalawang doktor na nag uusap.

*****