Chapter 15

Chandee's Pov

Tinakpan ng lalaki ang asawa nito ng kumot at muling umiyak. Nilapitan ko naman ang dalawang bata at niyakap ang mga ito.

"May maitutulong po ba ako sa inyo?" Tanong ko sa lalaki

Umiling ito.

"Inaasahan naman namin na mangyayari ito ngunit hindi ganito kabilis. Nagawa ko na ang paglalagyan sa kanya ang pambayad na lamang sa suporturero at sementeryo ang iisipin ko nito" Sabi nito

"Magbibigay po ako ng abuloy para kahit papaano'y makatulong sa inyo" Sabi ko

"Maraming salamat" pigil ang pag iyak ng lalaki

"Aalis na po muna ako" paalam ko

Paglabas ko sa bahay ay nagsilayuan ang mga tao sa'kin.

"Huwag po kayong mag alala hindi po ako nahawa at hindi kayo mahahawaan" Sabi ko dahil parang diring diri ang mga ito sa'kin

"Paanong hindi kami mag aalala galing ka sa loob ng bahay ni Tess at Roberto!" Sabi ng isang ginang

"Tama po kayo galing nga ako doon pero isipin niyo bakit hindi nahawa ang pamilya ng namatay sa kanya? Totoo po na nakakahawa ang bulutong ngunit mahahawa lang po kayo kapag natalamsikan kayo ng laway ng may sakit. Maaari ring mahawa dahil sa hangin kaya dapat siguraduhing malakas ang pangangatawan ninyo" Sabi ko

"Bulutong? Yun ba ang pangalan ng sakit na yon?" Usapan ng mga tao

"Sino ka ba? Doktor ka ba?" Tanong nila

"Ang pangalan ko po ay Chandee hindi po ako isang doktor, ngunit napag aralan na po namin ang ganitong sakit" sagot ko

"Napakabata mo pa para lokohin kami! Kahit ang mga doktor ay hindi pa alam ang sakit na ito ngunit ikaw ay napag aralan mo na? Sinungalung!" Sigaw ng isang lalaki

"Umalis kana dito!" Sigaw pa ng iba

Para matapos na ang usapan ay naglakad nalang ako palayo sa kanila. Nagulat naman ako ng hawakan ako ni Karlo.

"May alam ka bang gamot para sa kapatid ko? Ilang araw na siyang may sakit at katulad ng sintomas ni Aling Tess ang sa kapatid ko" Sabi nito

"Dalhin mo muna ako sa kanya para matignan ko" Sabi ko. Pinasunod naman niya ako sa bahay nila at nakita ko ang kapatid nito sa isang silid habang inaalagaan ng kanyang Ina.

"Sino ang kasama mo?" Tanong ng Ina ni Karlo sa kanya habang palipat lipat ang tingin sa amin

"Ina pinag aralan na daw niya ang sakit ni Klara maaari po siyang makatulong sa'tin para bumuti ang lagay ng kapatid ko" sagot ni Karlo

"Hindi ko po alam kung may magagawa ako pero kung mararapatin niyo gusto ko po sanang tignan ang anak niyo" Sabi ko

"Sige po" Sabi ng babae at tumayo

Lumapit ako sa bata na nakabalot ng kumot at tinanggal iyon. Puno ng butlig ang buong katawan nito at ang taas ng temperatura niya. Pinulsuhan ko rin siya at napansing normal naman ang tibok ng puso niya.

"Ano po ang gamot na pinapainom niyo sa kanya?" Tanong ko

"May nabili akong gamot na inilalaga ko para sa lagnat niya" sagot nito at may pinakitang tuyong mga dahon na hindi ko alam kung ano.

"Pinatingin niyo na po ba siya sa doktor?" Tanong ko pa

"Ilang doktor at pagamutan na ang nilapitan ko ngunit tinatanggihan nilang gamutin ang anak ko dahil wala naman daw lunas ang sakit nito. Ang sabi pa nila ay tanging ang anak ko lang ang makakapag pagaling sa sarili niya" sagot nito

"Hindi po ba nila kayo binigyan ng payo na dapat nitong kainin at inumin?" Umiling naman ito sa tanong ko

"Klara kaya mo bang tumayo?" Tanong ko sa bata

"Opo pero nahihilo po ako" sagot nito

"Ano po pala ang pangalan niyo?" Tanong ko sa Ina ng mga bata

"Cora" sagot nito

"Aling Cora may mauutusan po kaya kayo para kumuha ng dahon ng balimbing? Kailangan po kasi natin liguan si Klara para bumaba ang lagnat niya. Makakatulong po ang dahon ng balimbing para maiwasan ang pangangati. Nagsisilbing gamot din po ito para maiwasan ang inpeksyon" Sabi ko

"Ako nalang po ang kukuha may tanim na balimbing sina Alfred" sabi ni Karlo at nagmadaling umalis

"May panggupit po ba kayo ng kuko? Kailangan kasing magupitan si Klara ng kuko para hindi masugat ang mga kinakamot niya"

"Meron teka't kukunin ko"

Pagkatapos magupitan ng kuko ni Klara ay pinaupo ko siya. Kailangan niyang umupo para hindi ito mabigla mamaya kapag tumayo. Limang araw na palang may lagnat nito at nakahiga lang.

"Uminom ka muna ng tubig kailangan mong uminom lagi ng tubig para hindi ka matuyuan" Sabi ko kay Klara. Sumunod naman ito at inubos ang isang basong tubig

Pagdating ni Karlo ay inilaga na ni Aling Cora ang dahon ng balimbing. May isang kapitbahay din na pumunta sa bahay para tignan ang kalagayan ng bata at kung ano ang ginagawa namin.

"Kaya mo bang pagalingin si Klara ineng?" Tanong sa'kin ng babae

"Hindi ko po alam kung gagaling siya pero makakatulong po sa kanya ang gagawin ko" sagot ko

"Kada taon nalang may namamatay dahil sa misteryosong sakit na iyan. Namatayan ako ng dalawang apo noong isang taon lang ng dapuan din sila ng ganyang sakit" naluluhang kwento ng matanda

"Ano po ang sabi ng pinuno tungkol dito? May ginawa po ba silang aksyon para magkaroon ng lunas ang sakit na'to?" Tanong ko

"Humingi ng tulong ang Pinuno sa mga mangagamot na alamin kung saan nanggaling ang kumakalat na sakit. Pinakiusapan din niya ang mga pagamutan na tanggapin ang sino mang may sintomas ngunit tumanggi sila dahil nakakahawa daw ito" sagot nito

"Totoo pong nakakahawa talaga ito at mas mabuti po na sa bahay nalang magpagaling pero hindi parin tama na tanggihan sila ng mga pagamutan. Maaari naman po kasi nilang ihiwalay ang mga may sintomas ng bulutong" sagot ko

"Narinig ko kanina sa labas na pinangalanan mo ng Bulutong ang sakit na ito. Kung alam mo ang sakit na ito naniniwala ako na alam mo rin ang gamot dito"

"Nakahanda na ang pagligo niya ano ang susunod na gagawin?" Tanong naman ni Aling Cora na bagong dating

"Tulungan niyo nalang po ako na itayo siya at paliguan" sagot ko at tumingin sa matanda para sagutin naman ang sinabi niya "Ang tawag po sa sakit na'to ay Bulutong Tubig pangkaraniwang sakit na lamang po ito sa'amin at maging ako ay nagkaroon na nito" sagot ko sa kanya

Hindi naman kami nahirapan dalhin si Klara sa paliguan dahil nakakalakad naman ito. Nung hubarin nito ang kanyang damit ay mas lalo kong nakita ang mga butlig sa katawan niya.

Mabilis at ordinaryong tubig muna ang pinagawa kong pagligo kay Klara bago ang maligamgam na tubig na may nilagang dahon ng balimbing. Pinatuyo na din namin si Karla at pinasuot ng maluwang na damit.

"Huwag niyo po siyang pasusuotin ng masikip na damit. Kapag nangangati po siya ay banlawan niyo lang ng nilagang dahon ng balimbing ang mga butlig niya. Kailangan din po niyang kumain para magkalakas siya at iwasan ang malalansang pagkain para hindi siya mangati" Sabi ko kay Aling Cora

"Maraming salamat gagawin ko ang sinabi mo" Sabi nito

"Lagi niyo po siyang punasan ng malamig para bumaba ang lagnat niya. Aalis po muna ako para kumuha ng gamot sa bahay at babalik din agad para matignan siya" paalam ko

"Maraming maraming salamat sa tulong mo pagpalain ka sana ng May Kapal" naiiyak na tugon nito

Ngumiti ako at hinatid nila sa labas ng kanilang bahay. Tulad kanina marami paring umuusyoso pero takot lumapit.

"Ihahatid na po kita binibini sa pangunahing daan" Alok ni Karlo na ikinangiti

"Baka kung saan mo nanaman ako dalhin ah" pabirong sabi ko. Nagkamot naman ito ng ulo "maaari mo ba akong ihatid sa bahay ng Pinuno? Nag aalala kasi ako na baka maligaw ulit ako at hindi matandaan pabalik dito" sabi ko

"Sa bahay ng Pinuno ka po nakatira?" Gulat na tanong niya. Tumango naman ako at ngumiti

"Panauhin ako ng Pinuno sa tahanan niya ako ang tinatawag nilang babaeng itinakda" sagot ko sa kanya

Nagulat naman ang lahat sa narinig nila. Yung mga kaninang takot sa akin na baka mahawaan ko ay biglang nagsilapit. May mga nag alok na sila nalang maghahatid sa akin gamit ang kargo nila na pinaunlakan ko naman.

Kasama ko sa kargo si Karlo na hanggang ngayon ay humihingi ng tawad dahil sa nagawa kanina. Hindi naman daw talaga niya yun ginagawa nangangailangan lang daw talaga siya para may pambili ng gamot sa kapatid niya.

Pagdating namin sa tapat ng gate ay sinalubong kami ng dalawang sundalo. Natakot pa nga noong una si Mang Kanor at Karlo na baka huliin sila.

"Binibini saan po kayo nagpunta? Hinahanap ka po ni Kapitan" salubong nina Nelson at Jaime sa akin

"Nasa loob ba ang pinuno? Gusto ko sana siyang makausap" Sabi ko

"Umalis po siya binibini kasama ng ibang ministro" sagot ni Jaime

"Ganoon ba" Sabi ko at panandaliang nag isip "hintayin niyo nalang po ako dito at kukunin ko lang ang mga gamit ko" Sabi ko sa dalawang kasama ko

Tumango naman silang dalawa. Mabilis akong naglakad patungo sa kwarto ko at kinuha yung bag ko. Bago umalis ay pumunta muna ako sa kusina at nagtanong kung may tirang pagkain pa. Mabuti nalang at mayroon pang ilang piraso ng pinausukang baboy. Kumuha narin ako ng ilang pirasong gulay at karne para may makain si Karla.

"Binibini saan ka pa po pupunta?" Tanong ni Nelson na pinigilan ako sa pagsakay sa Kargo

"Saglit lang ako babalik din ako agad" sagot ko

"Ibinilin ni kapitan na kapag nakauwi ka ay huwag ng paalisin" Sabi naman ni Jaime

"Mahalaga ang pupuntahan ko pagalitan nalang niya ako pag-uwi ko" Sabi ko

"Pasensiya na binibini hindi kami papayag na umalis ka lalo"t hindi namin alam ang iyong pupuntahan" sabi pa ni Jaime

"Pakiusap nakikiusap ako kung gusto niyo samahan niyo ako kailangan lang ng bata makainom ng gamot"

Bago pa nakapag desisyon ang mga sundalo kung sasamahan ba ako ay siya namang dating ni Kapitan sakay sa kanyang kabayo. Pagkahinto nito sa kabayo ay mabilis itong bumaba at salubong ang mga kilay na lumapit sa'kin.

"Saan ka nanggaling binibini? Hindi ba't ibinilin ko na huwag kang aalis ng bahay na wala ako?" Sabi nito na 'di ko alam kung galit ba siya o nag aalala.

"Sakto ang dating mo may pupuntahan ako at ayaw akong paalisin nila Jaime at Nelson" turo ko sa mga sundalo

"Kadarating mo lang at aalis ka na naman? Alam mo ba kung saan saan kita hinanap?" Sagot nito

"Mamaya mo na ako pagalitan kailangan ko na talagang umalis kung gusto mo sumunod ka nalang samin" Sabi ko at nagtangkang sumakay sa kargo ngunit binuhat niya ako

"Hindi ka aalis" mariin na sabi nito. Hiinampas ko naman siya dibdib pero parang wala lang sa kanya

"Ibaba mo'ko! Kailangan kong umalis! Kailangan ng gamot ng bata!" Sabi ko habang patuloy siyang humahampas

"Anong gamot? Sinong bata?" Tanong naman niya

"Wala akong oras para magpaliwanag kung gusto mo sumama ka nalang sa'min" Sabi ko. Nakatingin lang ito sa'kin at tila ba sinusukat kung papayagan niya ako at kung sasama siya

"Sa akin ka sasakay" Sabi nito sa akin at tinulungan akong makaakyat sa kabayo. "Tara na susunod kami sa inyo" sabi naman niya kina Mang Kanor at Karlo

Tulad ng sabi ni Kapitan sumunod nga kami sa kargo ni Mang Kanor.

"Sabihin mo sino ang mga taong yan" Sabi ni Kapitan habang sakay kami ng kabayo niya

"Naligaw ako kanina at yung batang lalaki ang napagtanungan ko ng daan. Tapos may nakita akong kaguluhan kaya tinignan ko may namatay pala na ginang, Ina ng mga kaibigan ng batang napagtanungan ko. Nalaman ko rin may sakit ang kapatid niya na katulad ng sakit ng namatay na ginang kaya tinignan ko. At yun nga tumulong ako ng konti at pupunta ulit doon para mabigyan ng gamot yung kapatid niya" paliwanag ko

"May alam ka na gamot para sa bata?" Paniniguro niya

"Sasabihin ko ba na may gamot ako kung wala naman?" Pagtataray ko sa kanya

Hindi na ito kumibo at sinundan nalang yung kargo. Mas mabuti ngang hindi nalang siya magsalita.

Pagdating namin sa bahay ni Karlo ay nandoon parin ang mga tao. Sinalubong nila ako at todo protekta naman sa akin si kapitan.

Inilabas ko sa bag ko yung stethoscope at pinakinggan kung normal lang ba ang lahat. Sa kabutihang palad ay maayos naman ang lahat kaya't pinilit kong kumain muna si Klara ng dala ko bago siya pinainom ng Bioflu.

"Aling Cora painumin niyo po siya ng isa nito kada anim na oras. Siguraduhin niyo po na may laman ang tiyan niya at painumin siya lagi ng maraming tubig" Sabi ko at nag iwan ng limang pirasong bioflu sa kanya "may dala rin po akong gulay at karne kayo nalang po ang bahala kung anong luto ang mgagawa niyo" Sabi ko pa

"Napakabuti mo maraming salamat binibini" pigil ang pag iyak na pasasalamat nito

"Wala po iyon kapag po may kailangan kayo puntahan niyo lang po ako sa bahay ng Pinuno" Sabi ko pa

"Binibini kailangan ko rin po ng tulong ninyo ilang araw narin pong may sakit ang anak ko" sigaw ng isang babae sa labas ng bahay

Tumingin naman ako kay Kapitan at humingi ng permiso na payagan akong tignan din ang anak ng babae. Tumango naman siya kaya dali dali kaming pumunta para makita ang anak niya.

Katulad ng ginawa ko kay Klara kanina pinaliguan ko rin ang anak niya ng nilagang dahon ng balimbing. Sinabi ko rin sa kanya ang ibinilin ko Kay Aling Cora. Nag iwan rin ako ng limang bioflu para may mainom ang anak nito.

Bago umuwi ay dumaan muna kami sa bahay ni Mang Roberto na pinangakuhan ko na tutulong kahit papaano. Nilabas ko sa bag ko ang perang galing kay Pinuno na binigay niya noong isang araw.

Madilim na ng makauwi kami sa bahay ni kapitan. Sinabi rin nito na ipahahanda na niya yung mesa para makakain na kami ngunit tumanggi ako. Mas gusto ko kasing maligo muna kahit nagugutom na ako.

******