Chapter 13
Ewen's Pov
"Kumusta ang pakiramdam mo?" Tanong ko sa binibini pagbalik ko sa kwarto niya
"Ayos na natakot lang ako kanina" sagot nito
"Mabuti kung ganoon" sambit ko. Uupo sana siya pero pinigilan ko. "magpahinga ka na dito lang ako babantayan kita" Sabi ko sa kanya
Umiling siya.
"Alam kong pagod ka magpahinga ka na rin sa silid mo may mga sundalo namang nagbabantay sa labas ng silid ko" Sabi nito
"Hindi ako pagod at nawala narin ang antok ko. Sige na matulog ka na, aalis ako kapag nakatulog ka na" sabi ko
"Sige" sagot nito habang nakatingin sa akin. Nginitian ko naman siya upang mapanatag siya sa pagtulog nito.
Ngumiti din ito at tumango bago ipinikit ang mga mata. Inayos ko naman ang kumot niya para matakpan lahat ng katawan niya.
Mabilis itong nakatulog at napapangiti ako sa likod nitong matulog. Naaalis ang kumot niya sa katawan maging ang unan nito ay napupunta kung saan saan. Halos ikutin din nito ang buong higaan habang tulog.
"Tigilan niyo ko baka marinig kayo ni Joseph nakakahiya" sabi ng binibini habang natutulog siya. Mukhang nananaginip ito.
Nakatingin lang ako sa kanya at hinintay na muling magsalita siya pero hindi na ulit naulit. Sino ba kasi si Joseph? Sigurado akong lalaki ang may ari ng pangalan na iyon pero wala naman akong kilalang Joseph.
Halos maliwanag na ng umalis ako sa kanyang silid. Nakipag kwentuhan pa ako sa dalawang sundalong gumagwardya sa labas ng silid nito bago ako pumunta sa aking silid upang makapag pahinga.
*****
Chandee's Pov
"Gising ka na pala binibini" ngumiting tumingin ako kay Glenda tsaka nag unat
"Magandang umaga" bati ko sa kanya at umupo sa higaan ko
"Magandang umaga rin po kumusta po ang tulog mo?" Tanong nito
Natigilan ako ng bigla kong naalala yung nangyari kagabi. Huminga ako ng malalim at ngumiti.
"Mabuti naman, binantayan ako ni Kapitan kagabi hanggang sa makatulog ako" sagot ko dito
"Inutusan po pala ako ni Pinuno na dalhan na lang kayo ng almusal dito sa silid mo. Gusto rin po niya pala kayong makita pagkatapos niyong kumain' nakangiting sabi nito "kumain na po kayo binibini"
"Sige maraming salamat"
Habang kumakain ay inisip ko ulit yung nangyari kagabi. Mabuti nalang dumating agad si Kapitan kung hindi ay hindi ko na alam kung anong nangyari sa'kin.
Pagkatapos kong kumain ay naghilamos muna ako upang maging presintable sa harapan ng Pinuno. Inaya ko si Glenda na tumungo na kung nasaan ang pinuno at sumunod naman sa'min ang dalawang sundalong magdamag na nagbantay sa labas ng silid ko. Nakita naman namin ang pinuno sa balkonahe na nagbabasa.
"Magandang umaga po Pinuno" magalang na bati ko sa kanya
"Ikaw pala binibini, kumusta ang tulog mo umupo ka?" Tanong at sabi nito
"Mabuti naman po Pinuno salamat sa pagtatanong" Sabi ko at umupo paharap sa kanya
"Nahuli nga pala kagabi ang nanloob sa silid mo. Nalaman ko rin na isa pala siya sa mga sundalo na nagbabantay dito sa atin tuwing gabi. Umamin na siya sa nagawa niya at kasalukuyang nakakulong ngayon"
"Maaari ko po ba siyang makita at makausap? Nais ko lang po siyang tanungin kung bakit niya nagawa ang bagay na iyon"
"Yan din ang gusto kong mangyari bago ko siya ipatapon sa hangganan at hindi na kailanman maaaring bumalik sa Dalya"
Hindi nalang ako kumibo at yumuko. Inutusan ng Pinuno ang isa sa mga sundalo upang kunin ang sundalong may pangalang Abner sa kulungan at dalhin sa bulwagan ng paglilitis.
Habang papalapit kami sa bulwagan ay lalo akong kinakabahan. Paano kung bigla akong sunggaban ni Abner at saktan? Siguro naman ay mapipigilan siya ng mga sundalong makalapit sakin.
Pagdating namin sa bulwagan ay naabutan na namin doon si kapitan. Nandoon narin sa gitna si Abner na halatang pinahirapan dahil sa mga mantsang dugo sa kasuotan.
"Kumusta na ang pakiramdam mo?" Salubong ni kapitan sa'kin
"Maayos naman salamat sayo" sagot ko sa kanya
"Walang anuman ginawa ko lang ang tungkulin ko binibini" pilit akong ngumiti sa kanya at tumingin kay Abner na nakatali ang dalawang kamay sa likuran at nakaluhod.
"Binibini siya ang nahuli kagabi na pumasok sa iyong silid. Kung may gusto kang itanong sa kanya ay maaari mo na siyang tanungin" Sabi ng pinuno
Nakita ko naman umangat ang mukha ni Abner at tinignan ako. Putok ang kilay at labi nito, may mga pasa at namamaga ang mukha. Hindi ko suka't akalain na ganito ang itsura niya.
"Binibini walang kapatawaran ang ginawa ko ngunit humihingi parin po ako ng tawad sa inyo" garalgal ang boses nito
"Bakit mo ba iyon ginawa?" Tanong na kagabi ko pa iniisip.
"Patawad binibini gusto ko lang kumuha ng isa sa mga kagamitan na nadala niyo upang ibenta. Nadala lang po ako sa kahirapan pero wala naman po akong balak saktan kayo binibini maniwala po sana kayo"
"Kung ganoon bakit hindi ka nalang humingi sa'kin? Hindi naman ako madamot" Sabi ko at naglakad palapit sa kanya.
Walang pumigil sa akin na lumapit sa kanya. Siguro dahil alam naman nila na wala itong magagawa dahil nakatali ito. Ganoon paman ay nakasunod sa tabi ko si Kapitan.
"Alam ko po ang kabutihan niyo binibini sadyang natukso lamang ako. Ilan sa mga kasamahan ko ang naibenta ang ibinigay ninyong tsokolate at nabili sa mahal na halaga. Nadala ko sa isipan na kung magkakaroon ako kahit isa lang sa mga tsokolate niyo hindi na magugutom ang pamilya ko sa loob ng Isang buwan" umiiyak na paliwanag nito
"Patawad kung hindi kita nabigyan. Masama din ang loob ko dahil hindi ko kayo nabigyan lahat. Iilang piraso lang kasi iyon at hindi talaga mabibigyan ang lahat. Alam kong mahirap ang buhay ngunit hindi parin tama ang magnakaw at ipakain sa pamilya na galing sa nakaw" Sabi ko dito
"Nagsisisi po ako sa nagawa ko. Kung hindi lang sana ako nainggit hindi mangyayari to. Kung ano man ang ibibigay niyong parusa ay tatanggapin ko" Sabi nito habang tumutulo ang mga luha
Pinigilan ako ni Kapitan ng itayo ko si Abner ngunit wala din naman itong nagawa. Niyakap ko si Abner at sinabing pinapatawad ko na siya. Lalo naman itong umiyak at nagpasalamat.
Nagkatinginan kami ni Kapitan bago ako muling naglakad papunta sa kung saan nakaupo ang pinuno. Naiwan nakatayo si Kapitan katabi si Abner.
"Ang sabi niyo po kanina ay ipapatapon niyo si Abner sa hangganan at hindi na pababalikin dito sa Dalya di po ba?" Pangungumpirma ko sa sinabi niya
"Maraming nagbigay ng saloobin patungkol dito at maraming nagsabi na kamatayan ang nararapat sa kanya. Ngunit naisip ko na ipatapon nalang siya sa hangganan kung saan makakapili siya ng landas kung gugustuhin pa ba nitong mabuhay o hindi na" sagot nito
"Ang narinig ko ay walang nabubuhay kapag ipinatapon sa hangganan. Wala daw pagkukuhanan ng tubig at pagkain at may mga mababangis na hayop pa ang nagkalat doon. Kahit gustuhin niyang mabuhay ay parang imposible para sa kanya lalo na sa kalagayan niya ngayon" Sabi ko
Nakipaglaban ako ng tingin sa Pinuno at hindi talaga hiniwalayan ang tingin sa kanya.
"Gusto kong marinig ang saloobin mo patungkol dito tutal ikaw naman ang biktima dito" Sabi ng pinuno
"Totoo pong pumasok si Abner sa aking silid ng walang pahintulot at umamin sa nagawa niya. Nagsisisi narin po siya at humingi ng kapatawaran. at pinatawad ko naman siya dahil nararamdaman ko na sinsero ang paghingi nito ng tawad. Ganoon pa man kailangan parin nitong pagbayaran ang ginawa niya" Sabi ko sa Pinuno habang tahimik na nakikinig ang lahat ng nandito sa bulwagan ng paglilitis.
"Kung gano'n ano ang hatol mo sa kanya?" Tanong ng Pinuno sa akin
"Dahil sa hindi naman po ako masaktan sa nangyari at narinig ang panig niya gusto ko po sanang palayain nalang siya" biglang umingay ang bulwagan sa bulungan ng mga nandoon. Tinignan ko si Abner na hindi makapaniwala sa sinabi ko at si Kapitan naman ay nanatiling nakatayo lang at walang reaksyon.
"Ngunit binibini hindi pwedeng palayain na lamang siya na tila ba walang nangyari" Sabi ng isang matandang opisyal ng Pinuno. Sumang ayon naman ang karamihan sa kanya at ang iba ay nanatiling tahimik sa usapin.
"Tama po kayo" sagot ko sa matandang opisyal "dapat parin po siyang patawan ng kaparusahan bilang kabayaran sa nagawa nito. Ang nais ko po sana ay ipagpatuloy nito ang paglilingkod sa Dalya ng walang tatanggapin na sahod sa loob ng tatlong buwan bilang kaparusahan" Sabi ko
"Kung ganyan kababaw ang parusang ibibigay sa mga kriminal ay maraming tutulad sa kanya" sagot naman ng matandang opisyal sa'kin
"Hindi po mababang parusa ang pagtatrabaho ng walang sahod sa loob ng tatlong buwan. Nakagawa siya ng masama dahil narin sa nais nitong mabuhay ang pamilya niya. Minsan po talaga sa buhay natin nakakagawa tayo ng bagay na pagsisisihan natin. Hindi rin naman po ibig sabihin na ganito lahat ang ibibigay na parusa sa lahat ng nagkasala. Nasa sa inyo parin na tagapayo at kay Pinuno kung ano ba talaga ang dapat na kaparusahan na dapat sa kanila" Sabi ko at tinignan siya at ang iba pa na naghihintay kung ano ang magiging katapusan ng lahat ng ito. "Ang parusang gusto ko lang naman ibigay sa sundalong si Abner ay sarili kong opinyon at minumungkahi sa Pinuno na sana'y tanggapin niya. Sapagkat nakikita ko naman po kay Abner ang pagsisisi at naniniwala na hindi na ito uulit. Isa pa ay hindi naman po siya kriminal. Hindi niya ako nasaktan at wala itong nakuhang anoman sa aking silid" sagot ko sa kanya
"Masyado kang padalos dalos sa desisyon mo binibini napaka lambot din ng puso mo. Napakadali mo palang linlangin kung gano'n" Sabi ng matanda
"Ministro Gener! Gusto kong ipaalala sa'yo kung sino ang kausap mo!" Sigaw ng Pinuno sa matandang opisyal. Yumuko naman ang matanda at humingi ng tawad.
"Patawad binibini" wika pa ng matanda
"Naiintindihan ko po kung bakit niyo nasabi iyon. Tama din naman po kasi kayo sa sinabi niyo. Natanim lang po kasi sa puso ko ang pangaral ng aking magulang na bigyan ko ng isa pang pagkakataon ang taong nagawan ako ng mali ngunit nagsisisi at humingi ng kapatawaran" sagot ko
"Walang duda kung bakit ikaw ang babaeng itinakda. Pinalaki ka ng magulang mo maging mabuting tao at ngayon ay binabahagi mo ang kabutihan ng puso mo sa Dalya" Sabi naman ng Pinuno
"Hindi sa pagiging mabuting tao o pagkakaroon ng mabuting puso kundi bilang pagiging makatao. Maraming kaparusahan na pwedeng ibigay sa mga nagkakasala ngunit hindi lahat ng kaparusahan ay kailangan marahas" Sabi ko at tumingin sa Pinuno. "Pinuno wala po akong balak baguhin ang nakaugalian o tradisyon ninyo dito sa Dalya, ngunit imumungkahi ko po sana na kung maari ay ibase sa kasalanan na nagawa ng tao ang kaparusahan niya" Sabi ko at lumuhod kay Pinunong Oscar.
"Hayaan mo't pag uusapan namin yan ng mga ministro" sagot nito habang inaalalayan akong makatayo "naiintindihan ko ang hangarin mo at kung makakabuti ito para sa lahat ay gagawin ko. Sa ngayon pagbibigyan ko ang nais mong ipataw na kaparusahan sa taong nagkamali sayo. Palalayain ko ito at ipagpapatuloy nito ang kanyang trabaho sa loob ng tatlong buwan sa ika-apat na hukbo na walang matatanggap na sahod. Ngunit kung sakaling may nagawa itong muli na labag sa batas na ipinapatupad dito sa Dalya buhay na nito ang magiging kapalit" Sabi ng pinuno. Mabilis akong tumango at hindi maitago ang tuwa ko sa naging pasya at hatol nito.
Tinignan ko si Abner na luhaan na tila hindi makapaniwala sa narinig. Sa kabilang dako naman ay may nakita akong isang babae na may kasamang tatlong bata na umiiyak din. Marahil sila ang pamilya ni Abner.
Sinabi na ng Pinuno ang hatol niya kay Abner at sinunod nga nito ang gusto ko. Kinalagan naman agad ni kapitan ang pagkakatali ni Abner at patakbong lumapit sa kanya ang pamilya niya.
May mga natuwa at hindi sang ayon sa nangyaring desisyon ng Pinuno. Hindi ko na napansin ang paglapit sa'kin ni Kapitan habang nakatingin sa pamilyang nagyayakapan at nagiiyakan. Parang pati nga ako'y gustong maiyak sa nakikita ko ngunit kailangan kong pigilan ang aking sarili.
"Gusto mo bang bumalik na sa silid mo o gusto mong maglakad lakad muna?" Tanong ni kapitan sa'kin
"Sasamahan mo ba akong maglalakad lakad? Baka kasi mag mukha akong tanga na naglalakad mag isa" pabirong sabi ko
"Sasamahan kita kahit saan ka pumunta" Sabi nito na nagpangiti sa'kin
"Uhm, may itatanong ako" Sabi ko habang naglalakad kami patungo sa hardin.
"Sabihin mo" sagot nito
"Nagalit ka ba sa desisyon ko na patawarin at palayain si Abner?" Tanong ko habang nakatingin sa kanya
"Nagulat ako pero hindi naman ako nagalit" sagot nito
"Eh anong masasabi mo sa naging pasya ko?" Tanong ko ulit sa kanya
"Hindi ko alam. Ang alam ko lang ay kahit anong mangyari asahan mo nandito lang ako sa tabi mo" sagot nito
Nag init naman ang mukha sa sinabi niya at pilit pinipigilan ang pagngiti. Sa huli ay inaya ko nalang siyang ihatid na lang ako sa aking silid.
*****